“MABUTI NAMAN at naisipan mong dalawin kami. Wala ka bang trabaho ngayon?” tanong ng lolo ni Ella nang dumating siya sa mansyon.
“Nag-resign na po ako lolo. Hindi ko na tinanggap iyong alok nilang regular position,” tugon ni Ella saka siya kumapit sa braso ng lolo niya.
“Mabuti naman kung gano’n. Magtrabaho ka na lang sa kompanya ni lolo para hindi ka na mahirapan.”
Tumaas ang kilay ni Ella pero hindi siya umimik.
“Tama ang lolo mo. Dito ka na lang magtrabaho para hindi kami nag-aalala sa iyo na lagi kang nasa malayo,” sabad naman ng lola niya. “Doon na sa dining room natin pag-usapan ang lahat. Nakahanda na ang dinner natin.”
Napangiti nang malapad si Ella. “Thank you po, lolo, lola sa offer ninyo pero maghahanap na lang ako ng ibang trabaho. Nakakahiya naman sa mga pinsan ko kung papasok ako sa kompanya gayong wala naman akong kaalam-alam sa trabaho roon,” katuwiran niya.
“Kung ayaw mong magtrabaho sa kompanya, puwede ka namang magtayo na lang ng sarili mong negosyo tulad ng ginawa ng pinsan mong si PJ. Bibigyan ka namin ng lolo mo ng kapaital para makapagsimula ka,” suhestiyon ng lola niya.
Napakagat-labi si Ella. “Gusto ko po ang suhestiyon ninyo. Pero hindi na muna ngayon lola, Saka na lang. Maghahanap muna ako ng ibang trabaho. Iyong malapit sa pinag-aralan ko. Sayang naman iyong tatlong taon na pag-aaral ko sa New York School of Design kung hindi ko iyon magagamit.”
“Pero apo ̶ ˮ
“Lolo!” pinutol agad ni Ella ang anumang sasabihin ng lolo niya. “Gusto ko pong makakuha muna ng experience bago ako magtayo ng sarili kong negosyo. Kaya maghahanap ako ng ibang trabaho. Kapag alam ko na iyong pasikot-sikot sa negosyo saka ako magtatayo ng sarili kong boutique. Sayang naman iyong pera kung malulugi lang.”
Sabay na napabuntunghininga ang dalawang matanda.
“Oo, sige na, apo. Pumapayag na kami. Basta huwag ka nang magtatrbaho sa malayo, ha? Dito ka na lang sa Metro Manila. Huwag ka nang pupunta pa sa probinsiya para hindi kami nag-aalala sa iyo,” wika ng lolo niya.
“Okay po, lolo. Kain na po tayo. Nagugutom na ako.”
Nasa kalagitnaan sila ng kanilang hapunan nang biglang may dumating na hindi nila inaasahan.
“Lolo! Lola!”
“Hello! Good evening po!”
Magkakasabay na nilingon nina Ella at ng dalawang matanda ang pinanggalingan ng mgatinig. Napansin ni Ella na humahangos sina Pretzel at Elijah. Kasunod nila si Jenezel at nasa likod naman nito si Phoenix na karga ang bunso nilang anak na si JP.
Mabilis na lumapit ang dalawang bata at nagmano sa mga matatanda. Pagkatapos ay humalik sa pisngi niya. Lumapit din si Jenezel para magmano sa lolo at lola niya bago siya nito niyakap.
“Natutuwa akong makita kita rito ngayon,” nakangiting saad ni Jenezel.
“Masaya rin ako na makita kita, kayo nina Kuya Phoenix at ng mga bata,” wika niya.
“Hi, bunso!” malapad ang ngiting bati ni Phoenix bago siya nito niyakap.
Napaingos si Ella. Bunso talaga ang tawag sa kanya ng mga pinsan niya dahil siya ang pinakabata at nag-iisang babae sa kanilang anim.
“Maupo kayo at sabayan na ninyo kaming kumain,” anyaya ng lola nila.
“Hindi na po, lola. Aalis kami ni Jenezel. May pupuntahan kaming birthday party. Dumaan lang kami rito para iwan sa inyo ang mga bata. Wala kasi sina mama at papa. Lumipad sila papuntang Malaysia para dalawin ang kapatid ko. Nanganak na kasi si Kricel,” paliwanag ni Phoenix. Ibinigay nito si JP kay Ella na agad namang tinanggap ng dalaga.
Namimilog pa ang mga mata niya nang marinig ang sinabi ni Phoenix. Nanganak na pala ang asawa ni PJ. May bagong apo sa tuhod na naman pala ang lolo at lola niya.
“Bakit hindi man lang nagsabi ang papa mo na aalis pala sila? Sana nakapagpadala man lang kami ng regalo para sa apo ko!” himutok ng lola nila.
“Excited po silang umalis, lola. Hayaan ninyo kapag tumawag si mama, sabihin ko na mag-video call din sila sa inyo,” ani Phoenix.
“Huwag mong kalilimutan iyan. Magtatampo talaga kami ng lola mo,” sabad ng lolo nila.
Mabilis namang tumango si Phoenix. Pagkatapos ay nagpaalam na ang mag-asawa. Nang matapos silang kumain ay tinulungan ni Ella ang yaya ni JP na paliguan ang bata at bihisan.
“Puwede po bang kasama ko na lang po siyang matulog sa higaan ko,” pakiusap niya sa yaya.
Natutuwang kinarga ni Ella ang bata. Halos panggigilan niya ang bilog na bilog nitong pisngi. Wala pa itong isang taon nang magpunta siya sa New York. Pagbalik niya ay tumatakbo na ito at magaling ng magsalita. Kay bilis ng panahon!
Nang matutulog na sila ay binasahan po niya ng bedtime stories ang bata hanggang makatulog ito. Inaantok na rin siya kaya tinabihan na niya ito.
Naalimpungatan siya nang maramdaman niyang may tumatapik sa balikat niya. Nang magmulat siya ay ang nakangiting mukha ni Jenezel ang bumungad sa kanya.
“Pasensiya na kung naistorbo ko ang tulog mo, ha?”
“Okay lang, Jenezel. Kararating n’yo lang ba?”
“Kani-kanina lang. Nasa baba si Phoenix at nagkakape kasama si lolo.”
Ngumiti si Ella. “Uuwi na rin ba kayo ngayong gabi?”
“Correction, madaling araw na, Ella. Past one na, eh.”
“Ay!”
“Pero ewan ko kay Phoenix kung ano ang plano niya.”
“Bukas na kayo umuwi. Dito na lang kayo matulog. Marami namang guest room dito sa mansyon,” suhestiyon ni Ella.
“Para makasama ko pa si JP,” dagdag pa niya.
“Halika, kausapin natin ang pinsan mo. Baka sakaling pumayag siya,” wika ni Jenezel.
“Sige, tara sa baba. Pero paano ang anak mo. Baka magising at umiyak kapag nakita niyang wala siyang kasama.”
“Ang himbing ng tulog niya. Bukas na iyan magigising.”
Bago sila lumabas ng kuwarto ay muling sinulyapan ni Ella ang natutulog na bata. Biglang pumasok sa isip niya ang isang imahe, iyong batang nakita niya sa waiting shed kahapon. Hindi naglalayo ang edad nito kay PJ. Pareho pang cute at mestizo ang dalawang bata.
Nadatnan nila sina Phoenix at ang lolo nila na nasa dining room. Nagkakape nga ang dalawa.
“Gusto n’yo rin ng kape?” tanong ni Phoenix.
“Ako, guto ko,” sagot agad ni Jenezel.
“Huwag na sa akin. Baka hindi na ako makatulog,” wika naman ni Ella.
Umupo si Jenezel sa tabi ng asawa nito. Si Ella naman ay tumabi sa lolo nila.
“Uuwi pa ba kayo ngayon, Jenezel?” usisa ni Lolo Januario.
“Hindi ko po sigurado kay Phoenix, lolo.”
“Kung gusto mo ay dito na lang tayo matulog. Bukas na ng umaga tayo umuwi,” sabad ni Phoenix nang ibaba nito ang tasa ng kape sa harapan ng asawa nito.
“Yes!” Pumalakpak si Ella. Natatawa namang nilingon siya ni Jenezel.
“Bunso, ano iyong siansabi ni lolo na balak mo raw gamitin na sa trabaho iyong pinag-aralan mo? Saan mo balak mag-apply ng trabaho?” usisa ni Phoenix nang bumalik ito sa pagkakaupo.
“Gusto ko sanang maging designer para magamit ko iyong pinag-aralan ko. Pero ayoko na sa pabrika. Gusto ko sa mga boutique,” sagot ni Ella.
“Boutique? Teka lang may kakilala akong may-ari ng boutique. Si Lian, iyong kaibigan ko,” biglang sabad ni Jenezel.
“Puwede rin doon sa boutique ni Hershelle, iyong asawa ni Edmark,” wika naman ni Phoenix.
“That’s nice! Puwede kaya akong mag-apply diyan sa mga sinasabi ninyo?” excited niyang tanong.
“Sige, kausapin ko si Lian. Baka gusto niya ng kasama,” boluntaryo ni Jnezel.
“Kapag hindi ka natanggap sa boutique ni Lian, sabihin mo sa akin at kakausapin ko si Edmark. Baka kailangan ni Hershelle ng designer,” singit ni Phoenix.
“Okay, gusto ko iyan,” masayang sabi ni Ella.
Malapad naman ang ngiti ni Lolo Januario na tahimik lang at nakikinig sa kanila.
Paggising ni Ella kinabukasan ay wala na sa tabi niya si JP. Kaya nagmamadali siyang bumangon. Nadatnan niya ang mag-iina na kumakain ng agahan sa dining room kasama ang dalawang matanda.
“Ihanda mo na iyong resume mo at iba pang documents mo dahil pagbalik ni Phoenix ay uuwi na kami. Ako na ang bahalang magpasa ng application mo kay Lian,” wika ni Jenezel nang lumapit siya sa hapag-kainan.
Tumango lang si Ella. Pagkatapos niyang kumain ay inayos na niya ang kanyang mga pael kasama na ang kanyang portfolio. Gumawa siya ng dalawang kopya para tig-isa ang mag-asawa.
Nang araw din na iyon ay nakatanggap ng tawag si Ella.
“Hello! Can I talk talk to Miss Daniella Bautista?” bungad ng nasa kabilang linya.
“This is Daniella Bautista speaking,” tugon ni Ella.
“Okay. Miss Bautista, I’m Lian Noira Estabillo of Lira Creations. Puwede ka bang mag-report sa shop bukas ng umaga? Please be here at eight,” wika nito.
Napaawang ang labi ni Ella. “Thank you po, Miss Lian! Thank you so much!”
“You’re welcome, Miss Ella. Mag-report ka na bukas, ha?”
“Sige po, Miss Lian.”
“Okay, see you!”
“Okay po!”
Halos magtatalon sa tuwa si Ella pagkatapos ng pag-uusap nila ni Lian. Ibinalita niya agad ito sa kanyang lolo at lol ana tuwang-tuwa rin.
Nang sumundo na araw ay maaga siyang nagpahatid sa driver ng lolo niya papunta sa bago niyang trabaho. May kalakihan ang boutique na nasa seventh floor ng building na pagmamay-ari ng mga Estabillo.
Nadatnan na niya roon si Lian. Ipinakilala siya nito sa iba pang empleyado na naroon. May limang mananahi roon, isang cutter, at isang receptionist. May assistant designer daw ang boss niya pero naka-maternity leave ito simula pa kahapon kaya tamang-tama daw ang pag-apply niya.
Masaya naman si Ella na nagkaroon siya agad ng trabaho. Napakabait pa ng boss niya maging ang mga kasama niya sa trabaho. Madali niyang natutuhan ang pasikot-sikot sa kanyang bagong trabaho.
Eksaktong isang buwan na siya sa kanyang trabaho nang may dumating na bisita ang boss niya ng hapon na iyon.
“Ella, busy ka ba?”
Agad na nag-angat ng kanyang ulo si Ella nang marinig ang tinig ng kanyang boss.
“Medyo po. May kailangan po ba kayo?”
“Wala naman. Tumayo ka muna diyan. Mag-miryenda muna tayo. May dalang pagkain ang mister ko,” nakangiting saad ni Lian.
Napangiti rin si Ella. Agad naman siyang tumayo at sinundan ang kanyang boss. Tumuloy sila agad sa pantry. Naabutan nila roon ang iba pang empleyado sa shop na naghihintay sa kanila. Nakalatag naman sa mesa ang napakaraming pagkain.
“Anniversary kasi namin ng asawa ko kaya magpapakain siya,” matamis ang ngiting wika ni Lian. “Nasaan na nga pala iyon?”
“I’m here, Lira,” wika ng isang tinig.
Sinundan iyon ng tingin ni Ella. May guwapo at matangkad na lalaking lumapit sa kanila. Nginitian niya ito. Ngunit biglang naglaho ang ngiti niya nang mapansin na may kasunod itong isa pang lalaki.
Nandito rin pala ang may-ari ng pabrikang dati niyang pinasukan. Ano’ng ginagawa ng lalaking ito rito?
“Ella, ito pala ang mister ko, si MJ. Mr. President, si Ella, ang bago kong designer.”
Kinamayan siya ni MJ na agad naman niyang tinanggap saka niya ito nginitian.
“Ito namang kasama ng asawa ko na guwapo ay ang bestfriend niyang si Chris,” pagpapakilala ni Lian sa lalaking nakatayo sa tabi ng asawa nito.
“Nice to meet you, Miss Ella,” wika ni Chris nang iabot nito ang kamay sa kanya.
Hindi sana tatanggapin iyon ni Ella kung hindi lang naroon ang mag-asawa. Pero nahiya naman siya kaya napilitan siyang makipagkamay rito.
Habang kumakain sila ay ilang beses niyang nahuling nakatingin sa kanya si Chris. Nawalan tuloy siya ng gana kaya mabilis niyang tinapos ang kanyang kinakain.
Pagkatapos bumalik na siya sa trabaho niya. Nauna nang umuwi si Lian dahil may lakad pa raw sila ng asawa nito.
Alas-otso na nang lumabas si Ella ng shop. Tanging sila na lang ng receptionist ang nahuling lumabas. Pagkatapos niya itong tulungang magsara ng shop ay pinauna na niya itong umuwi. Samantalang siya ay nag-abang pa ng masasakyan niya pauwi.
Nagulat pa siya nang biglang may lumapit sa kanya.
“Hi! Miss Ella, uuwi ka na ba?”
Napalingon siya at nakita niya si Chris na nakatayo sa may likuran niya.
“Yes, sir. Uuwi na po ako.”
“Saan ka umuuwi? Ihatid na kita.”
“Huwag na, sir. Malayo pa ang uuwian ko, sa Magallanes Village pa.”
“Halika, ihatid na kita. May dala naman akong sasakyan.”
Ilang segundo siyang napaisip. Baka mapagalitan siya ng lolo niya kapag may kasama siyang ibang tao sa kanyang pag-uwi.
“Thank you na lang, sir. Magta-taxi na lang po ako.”
“Pero Miss ̶ “
Hindi na naituloy ni Chris ang sasabihin nito dahil may humintong sasakyan sa harapan nila. Bumukas agad ang pinto sa tabi ng driver seat at lumabas roon si Jed.
“Kuya Jed!” masayang bati ni Ella.
“Joseph Edrick Bautista!” bulalas naman ni Chris.
“Excuse us, pero iuuwi ko na ang pinsan ko, Chris,” walang kangiti-ngiting saad ni Jed.
“Magpinsan kayo?” usisa ni Chris.
“Of course!” mabilis na sagot ni Jed.
Bago pa makapagbuka ng bibig si Ella ay hinila na siya ng pinsan niya at pinapasok sa SUV nito.
Kumaway naman sa kanila si Chris
“Kilala mo iyon, kuya,” tanong ni Ella nang nasa loob na sila ng sasakyan.
“Oo pero ayoko na siyang pag-usapan pa.”
Natahimik na lang si Ella.