NAUDLOT ang pagmumuni ni Emerald nang mahagip ng sulok ng kaniyang mga mata ang bultong papadating buhat sa dulo ng hallway ng hospital ward.
Kaagad niyang dinala roon ang tingin. Napaangat ang kaniyang likod buhat sa pagkakasandal sa dingding nang makita ang papalapit na si Gobernador Gael kasunod ang mga bodyguards nito.
Hinintay niyang makalapit ang mga ito sa kaniyang kinatatayuan.
"Kumusta siya?" kaagad nitong tanong sa kaniya nang ganap na makalapit.
"Nagkaroon na siya ng malay pero sabi ng doktor hayaan na muna siyang makapagpahinga," tugon niya habang nakatitig sa mga mata nito.
Kahit pa nga ang totoo ay naroon siya sa labas dahil itinaboy siya ni Gray dahil nais daw nitong mapag-isa kahit na sandali lamang.
Hindi ito nagsalita pero tinitigan siya sa kaniyang mga mata habang kumikilos at hinuhubad sa harapan niya mismo ang suot nitong long-sleeved polo.
Naiiwas niya ang tingin dito dahil diyan.
"Isuot mo 'to," utos nito sa kaniya sabay abot ng hinubad.
Tiningnan niya iyon at napaisip pa sandali subalit nang maalala na wala nga pala siyang suot na bra ay kaagad niya iyong kinuha.
Nakadama siya ng hiya para sa sarili nang maalala ang tingin ng mga pulis at kahit na sinong makaharap niya rito sa ospital kanina.
Pasimple tuloy siyang napatingin sa pulis na naroon at nagbibigay ng police protection kay Gray.
Naiiwas niya kaagad ang tingin dito nang makitang nakatingin ito sa kanila.
Napabunot tuloy siya ng malalim na hininga.
Sa labis na pag-aalala niya kay Gray ay hindi na niya naalala ang kaniyang sarili tapos ay magiging malamig lamang pala ang pagtrato nito sa kaniya.
Hindi man niya nababasa ang nasa mga mata nito ay nadarama naman niya ang kakaiba nitong ikinikilos.
Napapaisip talaga siya. Bakit kaya bigla na lamang naging ganoon sa kaniya si Gray? Alam niyang hindi siya nito gusto ngunit may kakaiba talaga sa ikinikilos nito.
'Hindi kaya. . .natatandaan na niya ang nangyari!?' wala sa loob na naitanong niya sa kaniyang sarili sa pamamagitan ng kaniyang isip. 'Pero bakit ganoon? Kung natandaan niya ang nangyari, hindi dapat ganoon ang maging reaksiyon niya." Napailing siya na hindi niya namamlayan dahil sa naiisip niya.
Ano pa ba sa palagay niya ang dapat maging reaksiyon ni Gray kung natatandaan na nga nito ang nangyari kung totoo mang nakalimutan talaga nito iyon? Hindi ba't natural lang na maging ganoon ito gayong siya ay madrasta na nito ngayon?
"Emery?" untag sa kaniya ni Gobernador Gael na siyang pumukaw sa kaniyang atensiyon.
Napatikhim siya upang sa paraang iyan ay hawanin ang tila bumara sa kaniyang lalamunan.
"Salamat," maikling sabi niya at isinuot ang long-sleeved polo nito.
Napalinga pa siya matapos niya iyong isuot. Nag-aalala siya na baka may makakita sa kanila.
'Hay Emerald, masyado kang nababahala. P'wede namang isipin ng mga makakakita kung sakali, na nagpaka-maginoo lamang sa iyo si Gobernador Gael,' pangngampante niya sa sarili sa pamamagitan na naman ng kaniyang isip.
Sa totoo lamang, maliban sa mga taong nasa loob ng mansion nito na tiyak na mapagkakatiwalaan ng lihim ay wala ng ibang nakakaalam sa lalawigan nito na siya ay kasal dito.
Kasama iyan sa kasunduan na kanilang pinirmahan, hindi lalabas sa publiko ang tungkol diyan.
"Hindi ako nakarating kaagad, salamat sa malasakit na ibinigay mo sa aking anak. Habang namamahinga siya nais ko sanang makausap ang mga pulis na rumesponde sa pangyayari," sabi nito na noon ay sa pulis na naroon nakatuon ang tingin.
"Sir," wika ng pulis na ito, "sa kasalukuyan po ay nagka-conduct ng initial investigation sa area ang mga pulis na rumesponde sa nangyari, naka-detina na po sa aming himpilan dito sa Siniluan ang isa sa mga suspect habang hinahanap pa ang kasama niya. Inaasahan po namin na maghahabla ng pormal na reklamo si Sir Gray kapag nakalabas na siya dito sa ospital," napakahinahong sabi nito.
Nakita niya ang malalim na pagbuntong-hininga ni Gobernador Gael, wari ba'y malalim na napaisip.
"Salamat," pagkaraa'y maikling turan nito sa pulis bago tumingin sa kaniya. "Kung gayon, nais kong i-uwi na muna sa Quezon si Gray. May family doctor kami at sa tingin ko mas magiging komportable siya roon, makakatulong para sa kaniyang agarang paggaling." Sa kaniya ito nakatingin nang sabihin iyan.
Napatango na lamang siya bilang sang-ayon sa nais nito.
Muli itong napabuntong-hininga pero sa pagkakataong iyan ay sa marahas na paraan.
"Hindi na ako nasisiyahan. Dalawang beses nang nagdugo ang aking anak, kaya titiyakin ko na hindi na magkakaroon ng pangatlong beses pa. Mananagot ang mga hangal na may kagagawan nito sa kaniya," matigas ang anyo at tono nito nang sabihin iyan.
Napalunok siya. Mukhang hindi yata nito alam na ang nagpadugo sa ilong ni Gray noon ay isang babae, at siya iyon.
Nasa ganiyang ayos sila nang makita niya ang magandang nurse. Naglalakad ito palapit sa kanila habang nagha-humming, wari'y masaya ang buhay.
"Check ko lang po ang vital signs ng patient, lilinisin ko na rin po ang mga sugat niya," sabi nito sa kaniya nang ganap na makalapit.
Napatingin ito kay Gobernador Gael at kaagad na napangiti ng malawak. "Gob! Taga-Quezon po ako at crush na crush ko po ang iyong anak na lalaki!" walang gatol at masiglang sabi nito na nagpaawang sa kaniyang bibig.
Kakaiba ang lakas ng loob nito, parang siya ang nakadama ng nahiya para rito.
"Salamat nurse," napangiti ng malawak na sabi ni Gobernador Gael dito. "Pakisabihan ako pagkatapos, nais ko siyang makausap ganoon din ang kaniyang attending physician."
"Opo, Gob!" Masiglang sabi nito at maliksing kumilos papasok sa silid ni Gray.
Tumingin siya sa asawa na noon ay nakangiting sinusundan ng tingin ang seksing nurse. At ewan ba niya, parang hindi siya natutuwa.
"Ganoong tipo ba ng babae ang gusto mo para sa 'yong anak?" Hindi niya namalayan na may bakas ng inis sa kaniyang tono nang itanong iyan dito.
Nabahaw ang labi nito kasabay ang pagtingin sa kaniya.
Napalunok siya at napapahiyang iniiwas ang tingin dito. "P-Pasensiya ka na, para kaseng. . ." Hindi niya mahagilap ang sasabihin at gusto niyang mainis dahil nagiging obvious siya sa harapan nito.
Ano ba'ng pakialam niya kay Gray?
"Ako ang ama ni Gray," sabi nito sa kaniya kaya napatingin siya rito. "Pero hindi ibig sabihin noon ay panghihimasukan ko siya pagdating sa babaeng mapupusuan niyang makasama sa kaniyang pagtanda," seryoso ito habang sinusuri siya ng tingin.
Napigil niya ng ilang sandali ang kaniyang paghinga at hindi nagawang magsalita pa.
"Ang babaeng iyon, nobya ba siya ni Gray?"
Napakunot ang noo niya sa biglaan nitong pagtatanong.
"Yong babaeng iniuwi ni Gray sa pamamahay ko, kung natatandaan mo."
Napakurap siya. Oo naman, maaari ba niyang makalimutan samantalang hindi pa naman umeedad ang araw nang huli niyang makasama ang babaeng tinutukoy nito, si Dra Kayleigh.
"Sa totoo lang hindi ko alam," tugon niya. "Pero ang sabi niya sa akin, ang babaeng iyon ay Urologist niya."
"Urologist?" napakunot ang noong tanong nito, mukhang hindi inaasahan ang sinabi niya.
Napamata siya rito. Ibig sabihin ba ay hindi nito alam na kumu-kunsolta ang anak nito sa Urologist?
Kung gayon, hindi sinabi ni Gray rito ang tungkol sa pagkunsolta nito sa Urologist. Kung anumang dahilan ng binata, ay hindi niya alam. Pero sa tingin niya, wala na siya sa lugar para pagtakpan pa rito ang binata.
Akmang magsasalita na sana siya nang bigla ay marinig nila ang pagsigaw ng nurse sa loob ng silid ni Gray.
Nagkatinginan sila ni Gobernador Gael at nagtanungan pa ang mga tingin bago magkasabay na kumilos upang alamin kung ano'ng nangyari sa loob ng private ward ni Gray.