Case Number 6: Blood (Part 12)

1138 Words
Lumipas ang tatlong araw at nailibing na si Corazon. Maging ang mga bihag ng demonyong si Elizabeth at naisalba na rin at naibalik sa kanya-kanyang mga pamilya. Ganoon pa man ay nanatiling tuliro at nagluluksa pa rin si Pablo. Maging ang kadalasang ginagawa na pagmimisa ay naging isang mabigat na responsibilidad para sa kanya. "Mali ang gospel reading na nabasa ko kanina," patawa-tawang inamin din naman niya sa mga nagsisimba na nalilito na kung tama na ang nakuhang missalette. "Sorry na, may pinagdadaanan si Father. Lutang is real! Ulitin ko na lang, neh?" Dinaan na lang niya sa pagbibiro ang mga naging pagkakamali pero ang totoo ay nababagabag na siya sa kakatwang nga akto. Pagkatapos ng misa ay nagtungo na siya sa Katedral kung saan nananatili ang obispong si Mark. "Father," paninimula na niyang humingi ng permiso sa lalaking parang tunay na ama ang pagturing niya. "Magre-request po muna ako ng pahinga. Kahit mga ilang araw lang sana." "Bakit?" may pag-aalalang tinanong niya ang batang pari. "May problema ba?" "O-Opo," walang pagdadalawang-isip na inamin din naman niya. Ilang sandali lang ay napaluha na siya at yumakap pa kay Mark. "Ano bang nangyayari sa iyong bata ka?" Tinapik-tapik na niya ang likod ni Pablo upang patahanin. "Napapansin ko nga na medyo lumilipad ang isipan mo. May bumabagabag ba sa iyo?" "'Yun kaso po kasi ni Corazon, masakit pa rin sa akin 'yun nabigo ko siyang iligtas!" paglalahad na niya sa tunay na dahilan kung bakit nagiging balisa siya. "Ginawa ko naman ang lahat para maisalba siya pero sa huli, namatay pa rin siya!" "Anak, ganoon talaga. Tao lang tayo at kailangan natin na matanggap na hindi lahat ng gusto natin na maligtas, maililigtas," pagpapaliwanag ni Mark sa kanya upang hindi na masyadong dibdibin ang pagkabigo. "Kahit nga mga pinakamahusay na doktor, namamatayan pa rin. Ang pinakamagagaling na lawyers, may natatalo pa rin na kaso. Hindi sa lahat ng oras, ang gusto natin ang nangyayari. May dahilan ang lahat, basta magtiwala ka lang sa Panginoon." "Alam ko naman po, e," parang bata na pagmamaktol pa rin niya habang humihikbi. "Kaya lang hindi ako maka-get-over! Namamali-mali nga ako. Kanina, sa Holy Communion, nainom ko pa 'yun holy water imbis na yun wine. Nakakahiya, pero tawa-tawa na lang ako! Para akong t*nga, hahaha!" "Sige, ganito, ha," pagpapayo na ni Mark na kabisado na rin ang pag-uugali ni Pablo na matapang, palaban at may pagkapilyo man ay may pagkasensitibo at pusong-mamon pa rin. Teenager pa lang ay kakilala na niya ito kaya batid niya na seryoso na nga ang pinagdadaanan nito at kailangan na ng pag-alalay. "Dito ka muna sa akin. Kami muna ang bahala sa parish na hinahawakan mo para makapagpahinga ka muna." "Mas mainam nga po na ganoon," pagsang-ayon naman niya kaagad. "Malungkot sa rectory kapag ako lang mag-isa. Pagkatapos, may multo pa na kung makapag-demand sa akin e parang binabayaran ako ng milyones! Na-i-stress ako lalo nang dahil sa kanila! Dito, may makakausap ako na matino. Kahit papaano, naaaliw ako kasi maraming mga buhay na tao." "Naiintindihan kita," pagpapakalma na sa kanya ng obispo. "Ako rin e ma-i-stress kung nasa kalagayan mo. Tahan na, malalagpasan mo rin ang pagsubok na 'yan. Ikaw pa!" Lumipas ang mga araw at unti-unting bumalik ang sigla ni Pablo. Dahil sa pag-alalay ni Mark at ng mga kasamahang pari, naramdaman niyang handa na siyang gawin muli ang mga tungkulin ng Alagad ng Diyos. Hindi man niya maintindihan ang mga pangyayari na nakakapagdulot sa kanya ng kalungkutan, nagpapasalamat naman siya na may mga mabubuting tao pa rin na ginawang kasangkapan ng Panginoon upang damayan siya sa oras na pinanghihinaan siya ng loob. "OK ka na ba?" pagtatanong ni Mark habang pinagmamasdan siya na nag-aayos na ng mga damit sa loob ng bag. "Opo," nakangiting tugon niya sa pangungumusta ng butihing obispo. "Salamat po sa paggabay, umayos na ang pakiramdam ko. Pasensya na rin po pala sa abala." "Hindi na kayo iba sa akin," paniniguro naman nito sa kanya sapagkat bilang nakatatanda na pari sa bayan ng Tarlac, parang anak na ang turing nito sa kanila na mga nakababata. "Kapag may problema o naguguluhan man kayo, puntahan niyo lang ako. Huwag niyong sarilinin dahil napag-uusapan naman ang lahat." "God bless you po," pamamaalam na niya kay Mark. Binitbit na niya ang bag upang lisanin ang Katedral. "Kita-kita na lang po tayo sa weekly meeting natin." Bago nakahakbang palabas ay natigilan siya nang biglang may maalala. Panandalian niyang tinimbang kung nararapat ba na ipagtapat ang kasalanang nagawa niya, kasama ang demonyong si Elizabeth. Medyo nagi-guilty pa rin siya kaya nagpasya na siyang sabihin ang bagay na bumabagabag pa rin sa isipan. "Father Mark, may ikukumpisal po ako," paninimula na niya. Umupo siya sa tabi ng obispo at mataimtim na tinitigan pa ito sa mga mata. "Huwag kayong magagalit, neh?" "Kinakahaban ako kapag biglaan kang nangungumpisal. Anong meron?" "Ano po...emergency kasi," Napakamot pa siya ng ulo nang dahil sa kahiya-hiyang rebelasyon na aaminin niya sa senior priest. "Sorry po talaga in advance!" "Sige na, sabihin mo na," pang-eengganyo pa nito sa pag-aakalang simpleng kapilyuhan lang naman ang nagawa niya. "Nakipaglandian po kasi ako sa demonyo," namumula ang pisnging pagsisiwalat na niya. "'Yun nakuwento ko sa iyo na si Elizabeth, 'yun sumanib po kay Corazon. Hindi ko lang nabanggit na kaya nalaman ko ang pangalan niya dahil sa bitag ko ng pang-aakit." "A-Ano? L-Landian? P-Pang-aakit?" Halos himatayin ang obispo sa narinig na eskandalo mula sa nakababatang pari. "M-May nangyari ba sa inyo?" "Anong nangyari?" inosenteng pagtatanong pa ni Pablo. "May ginawa ba kayo na mag-asawa lang ang dapat gumawa?" pigil sa inis na pagkaklaro na nito sa kanya. "'Yun nakakagawa ng sanggol!" "A! Wala naman po." Nakahinga nang maluwag si Mark at nagpasalamat pa na hindi tuluyang natukso si Pablo. Akala niya ay maayos na ang lahat hanggang sa marinig ang susunod na confession. "Pero napatunayan ko na may asim pa rin pala ako!" tuwang-tuwa at may pagmamalaking deklarasyon pa ng kausap. "Nakita lang niya ang katawan ko, napaluhod na ang demonyita! Hahaha!" "L-Luhod?" Napahawak na lang sa dibdib ang obispo at kumurap-kurap habang ini-imagine ang naging mapangahas na eksena ni Pablo at si Elizabeth. Napa-sign of the cross pa siya sapagkat pakiramdam niya ay nagkasala rin siya sa pag-iisip kung ano ang ginawang milagro ng binata. "Opo! Mabuti na lang at nalaman ko ang ang pangalan niya kaagad kaya napadala ko sa impiyerno. Pero nang mga oras na naghahalikan kami at hinihimas niya ako, akala ko ay mapapalabas na ako sa pagkapari at magtatanim na lang ako ng kamote sa may sapa!" "Pablo!" hiyaw ni Mark, dahilan upang umalingawngaw ang tinig niya sa loob ng Katedral at kumaripas ng takbo palabas ang pilyong kura paroko ng San Nicolas. -WAKAS- Author's Note Maraming salamat sa pagbabasa. Kung nagustuhan ang istorya, REACT at COMMENT naman diyan! God bless and stay safe!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD