Naging busy buong araw sina Apple sa paghahanda para sa birthday ng papa niya. Sobrang saya ng ama niya nang makita ang maraming pagkain na nakahain sa mahabang mesa, isama mo pa ang malaking baboy na pina-lechon ni Aiden. May apple pa sa bibig nito.
Sa harap ng bahay nila sila naghanda dahil hindi naman kasi kalakihan ang bahay nila at hindi makakapasok ang ilang mga bisita nila. Magsisiksikan sila kapag nagkataon.
Madaming tao ang dumating na mas lalong ikinatuwa ng papa niya. Dumating din ang iilan nilang kamag-anak, kaibigan, lalo na ang mga kapitbahay nila.
“Naku! Ang swerte naman ng anak mo sa boyfriend niya, Delphin. Mabait na, mayaman pa,” narinig niyang sabi ng kapitbahay nila. “Talagang gumastos pa para lang sa birthday mo.”
“Oo nga, eh,” sagot naman ni Mang Delphin, ang ama ni Apple. “Ayoko nga sana kaso mapilit siya. Gusto niya daw na makapaghanda kami kasi ito ang unang beses na pumunta siya dito sa amin.”
Baka ito na din ang huli, sabi ni Apple sa isip niya. Bigla siyang nalungkot sa naisip pero hindi naman niya ipinakita sa mga taong kaharap,
“Mabuti na lang pala at nag-Maynila siya dahil nakahanap siya ng mayamang lalaki. Sus! Kung ako kay Apple ay hinding-hindi ko na pakakawalanan ang lalaking ‘yan at papakasalan ko na agad,” sabi ng isa pa nilang kapitbahay.
“Oo nga. Kahit hindi nakapagtapos ng pag-aaral si Apple ay maiaahon naman niya kayo sa kahirapan dahil sa mayaman niyang nobyo.” Napailing na lang siya. Kung alam lang ng mga ito na nagpapanggap lang sila ng binata.
Ngumiti ang ama niya sa mga ito. “Hindi naman kasi pera ang habol namin sa kanya. At kahit pa pakasalan ni Apple si Aiden ay hindi kami manghihingi sa kanila ng pera dahil hindi naman ‘yon sa amin. Isa pa, wala kaming pakialam kung sino ang papakasalan ng anak namin, mayaman man ‘yan o mahirap, basta ang mahalaga ay masaya siya at mahal nila ang isa’t-isa.” Napangiti siya sa sinabi ng ama.
Kahit kailan talaga ay hindi inisip ng ama niya na makahanap sila ng isang mayaman para lang may makapag-angat sa kanila sa kahirapan. Mas gusto pa nito na magsikap sila kaysa umasa sa iba.
Tumingin siya kay Aiden na busy na nakikipagkwentohan at maliit na tagayan sa iilang mga kalalakihan sa lugar nila. Mabuti na lang at hindi ito na out of place sa kanila. Mabuti na lang at nakahanap ito ng ilang mga makakausap at naging kaibigan. Palakaibigan din kasi ang binata kaya hindi na nakapagtataka kung marami itong naging kaibigan sa iilang araw lang nito sa lugar nila.
Lumipas ang ilang mga oras at napatingin siya sa sasakyan na kakatigil lang sa harap ng bahay nila. Kumabog ng mabilis ang puso niya nang makilala ang sasakyan nito. Bumaba mula sa sasakyan si Don Alberto, Noah, at Andy, kasama ang mga katulong at iilang mga bodyguards nito. Kahit saan magpunta si Don Alberto ay palagi itong may kasama na tagabantay.
“Anak,” sabi ng mama niya nang makalapit ito sa kanya. Hinawakan nito ang kanyang balikat. “Inimbetahan ko sila, Anak.”
Tumingin siya dito at nakikita niyang humihingi ito ng pasensya. “Ayos lang, Ma. Kung hindi niyo sila inimbetahan baka sumama ang loob nila. Isa pa po, dapat lang natin sila na imbetahan kasi sila ang tumulong sa atin.”
“Pero ikaw, Anak?”
Hinawakan niya ang kamay nito saka ngumiti. “Ayos lang po talaga ako, Ma.” Tumingin siya sa pamilya ni Noah na kakapasok lang sa bakuran nila. “Aasikasuhin ko po muna sila.” Hindi na ito nakapagsalita dahil lumapit na siya sa mga ito.
Habang naglalakad papalapit sa mga ito ay tumingin siya sa kung nasaan ang pwesto kanina ni Aiden pero wala ‘yon do’n. Nasaan naman kaya ‘yon? Ngumiti siya saka nagmano kay Don Alberto nang makalapit na siya sa mga ito.
“Magandang gabi, Don Alberto. Mabuti naman po at nakapunta kayo sa maliit na salo-salo para kay papa.”
Bahagya siyang nagulat nang guluhin nito ang buhok niya. “Kahit kailan Don Alberto pa rin talaga ang tawag mo sa akin. Sinabi ko naman sa ‘yo na pwede mo akong tawaging tito.” Napakamot naman siya sa pisngi. “Mas gumanda ka ngayon, Apple.”
“Maraming salamat po. Kayo din po, mas lalo kayong naging gwapo at bumata.”
Tumawa ito. “Bolera ka pa rin talaga hanggang ngayong bata ka.”
Mabait naman talaga ang ama ni Noah sa kanya at sa pamilya nila. Tuwing may handaan nga sa mansyon ng mga ito ay palagi silang iniimbetahan ni Don Alberto. Kaya nga hindi niya alam kung papaano tatanggihan ang inaalok nitong kasal nila ni Noah. Pero kahit nahihiya siya at kinakabahan ay hindi siya papayag na maikasal sa binata dahil hindi naman niya ito mahal.
“Doon po tayo sa loob. Marami po kasing mga tao dito.” Tumango ito saka naunang maglakad.
Napatingin naman siya kay Noah na nakatitig sa kanya saka umiwas nang tingin. Parang biglang sumikip ang dibdib niya sa ginawa nito. Hindi siya sanay na hindi siya pinapansin nito. Noon kapag nakita siya nito ay lalapit agad ito sa kanya at kung anu-ano na ang sasabihin. Madaldal ito pagdating sa kanya, hindi nauubusan ng kwento. Pero ngayon… Napabuntong-hininga na lang siya. Kasalanan naman niya, eh.
“Ate Apple!” Napatingin siya kay Nelson na yumakap sa kanya.
“Nelson.” Pumantay siya dito saka niyakap ito pabalik.
Magkaedad lang si Nelson at Clarissa. Close din ang mga ito. Kapag nakikita nga niya ang dalawa na magkasama ay nakikita niya ang batang siya at si Noah.
“Ang laki mo na at ang gwapo mo, ah.” Pinisil niya ang pisngi nito habang papasok sila ng bahay, Nakasunod naman sa kanila si Noah. “May girlfriend ka na ba?”
Biglang namula ang mukha nito. “W-wala pa no.” Napakamot ito sa pisngi at napaiwas nang tingin. “Masyado pa akong bata para diyan.” Napatigil ito nang makita si Clarissa na naglalagay ng pagkain sa lamesa.
Inakabyan niya si Nelson saka bumulong, “Crush mo si Clarissa, no?”
“Ha?” Mabilis itong napalayo sa kanya at nanlalaki ang mga mata na nakatingin sa kanya. Ibinuka nito ang bibig para magsalita na sana pero muli itong sasara dahilan para matawa siya. Napaghahalataan, eh.
“Huwag kang mag-alala. Hindi ko sasabihin sa kanya. Sekrito lang natin ‘yon.” Itinaas-baba pa niya ang dalawang kilay niya dahilan para mas mahiya ito.
Bahagya siyang natawa dahil ang cute talagang mahiya ni Nelson. Sana nga huwag lang magaya ang dalawa sa kanila ni Noah na tanging ang isa lang ang may gusto. Napabuntong-hininga siya sa naisip. Hindi alam ni Apple na nakatingin pala sa kanya si Noah at umiiwas nang tingin kapag napapatingin siya dito.
Umupo na siya sa kaharap nitong upuan habang kasama niya ang mga magulang. “Kumain na kayo, Kumpare,” sabi ng ama niya.
“Salamat, Kumpare.” Kumain naman ang mga ito.
Habang kumakain ang mga ito ay hindi niya maiwasan na panginigan ng mga kamay. Ang kinakabahan niyang paghaharap ay ito na ngayon. Gusto man niyang tumakbo o magtago ay hindi na siya pwedeng umatras pa. Mas mabuti pangharapin na niya ito habang maaga pa.
Nang matapos na itong kumain ay doon mas bumilis ang kabog ng dibdib niya. Uminom ng tubig si Don Alberto saka tumingin sa kanila.
“Maraming salamat sa pag-imbeta sa amin, Kumpare, Kumare.” Ngumiti saka bahagyang tumango ang mga magulang niya. “Siguro naman alam niyo na kung ano ang sasabihin ko ngayon?”
Nagkatinginan ang mga magulang niya saka napatingin sa kanya na nakatitig lang kay Don Alberto.
Tumingin ito sa kanya saka ngumiti. “Nasabi naman sa ‘yo ng mga magulang mo, Apple, na gusto kong ikasal kayo ni Noah, ‘di ba?” Tumango siya bilang sagot. “Kapag kinasal na kayo ay mababalik sa inyo ang titulo ng bahay at lupa niyo at wala na kayong babayaran sa akin kahit piso. Hindi ka na babalik sa Maynila para magtrabaho dahil si Noah na ang bahala sa ‘yo. Kaya ka naman niyang buhayin at bigyan ng magandang buhay kasama ng pamilya mo. Hindi naman na siguro kayo mahihirapan na mahalin ang isa’t-isa lalo na’t sabay naman kayong lumaki at mahal ka naman ng anak ko.”
Napatingin siya kay Noah na nakayuko at hindi makatingin sa kanya. Alam pala ni Don Alberto na may gusto sa kanya si Noah. Actually, alam ng lahat maliban sa kanya.
Muli siyang napatingin kay Don Alberto ng muli itong magsalita, “Gusto ko lang itanong sa ‘yo, Apple, kung kailan niyo balak magpakasal no Noah para mapaghandaan natin?”
Napatitig siya sa matanda. Alam niyang alam na nito ang bali-balita na may boyfriend siyang kasama na umuwi sa kanila pero sa tingin niya ay mas pinili nitong magbulag-bulagan at magbingi-bingihan.