Chapter 13:

2741 Words
Gaya ng ipinangako niya, sinama niya ako sa practice nila. Nagtataka lang ako noong papunta na kami sa PETA o Philippine Educational Theater Association. Halos wala siyang kibo habang minamaneho ang kanyang sasakyan. Ako naman ang kasalukuyang nakasakay sa passenger's seat. Ngingitian niya ako kapag titingnan ko siya ngunit nakikita ko sa kanyang mga mata ang katotohanan, may malalim siyang iniisip. Kinuha ko na lamang ang aking camera sa loob ng bag at inayos ang lente nito. Tinutok iyon sa kanya, akmang kukuhanan siya ng litrato ngunit lumingon siya pakaliwa. Hindi ko alam kung sinadya niyang umiwas o may nakita lang siyang kung ano. Pinitik ko na lang ang shutter ng camera at kinuhanan siya. Saktong tumama ang sinag ng araw sa lente na lalo pang nakapagpadagdag sa ganda ng kulay nito. "So kumusta yung shoot niyo nung isang araw?" matamlay niyang tanong. "Ayos lang...nakakatawa nga, eh, ayun sila Greg at Marco. Lasing na lasing kinabukasan. Grabe ba naman kasi ang energy nung mga kliyente namin." Ngumiti siya ng matipid. Tumingin sa kaliwa at sa kanan. Tinitingnan kung may espasyo pa para sa kanyang sasakyan. "Eh, how about you?" "Ako? Ayon ayos lang...dahil nga lasing yung dalawa kinaumagahan, kami na lang ni boss yung tumira ng mga photo at video. Ang tindi nga, eh, biruin mo lasing na lasing din sila pero ang aga nila magising para dun sa palaro. Ang premyo ba naman eh flat screen TV," kwento ko. "Wow, that's good!" matipid niyang sambit. Pinatay niya agad ang makina ng sasakyan at lumingon sa akin. Sa pagkakataong iyon ay tila naging tahimik ang lahat. Nakatitig lang siya sa akin, ako naman ay nakaharap lamang sa kawalan. Maya-maya pa ay binuksan na niya ang pinto at akmang lalabas na ng sasakyan. "May problema ba tayo?" Ang tanong na iyon ang nakapagpatigil sa kanya. Yumuko lamang siya at dahan-dahang sinara nang kaunti ang pinto. Maaaninag na sa kanyang mukha ang kalungkutan ngunit pinilit niya pa ring ngumiti kahit papaano. "N-No, nothing. Tara na! Baka ma-late ako sa practice," paanyaya niya. Binuksan niya na nang tuluyan ang pinto at saka lumabas. Halos tatlong segundo rin akong napatulala bago ko buksan ang pinto. Naglakad kami papasok sa PETA Theater habang hawak ang aking camera. Napatingin sa bawat sulok ng gusali dahil sa ilang mga paintings ang litrato na nakapaskil sa bawat pader nito. "Hey! Charmaine!" sigaw ng ilang kababaihan malapit sa pinto ng main theater. "Huuuy! Kumusta?! Ano, okay na?!" sambit naman ni Charmaine. Agad siyang lumapit sa kanila, nkiyakap ang bawat isa at hinalikan sa pisngi. "Late daw si direk. Mga 5 minutes pa," sambit naman ng isa pa. Agad silang napatingin sa akin pagkatapos. Nginitian ko lamang sila habang papalapit. "Oh my gosh! Siya ba?" tanong naman ng isa kay Charmaine. Tumango lamang siya at saka ako hinatak palapit sa kanila. "Girls! This is Ian! Yung nameet ko sa Tagaytay..." pagpapakilala niya. Isang matipid na ngiti, matipid na kaway at muli akong tumingin kay Charmaine. "Boyfriend ko," dagdag niya. Agad naman silang naghiyawan at nanudyo. "Hoy 'wag nga kayong ganyan, ano ba?" maarteng sambit ni Charmaine habang hinahawi ang kanyang buhok sa likod ng kanyang tenga. Napailing na lamang ako. "Ian, this is Rica, si Mary...tawag namin sa kanya Mama Mary," pagpapakilala niya. Natawa naman sila dahil sa bansag nila sa isa nilang kasamahan. "Grabe ka, ah, sumbong kita kay Lord," wika naman ng may katabaang babae na si Mary. "...and here is my bestfriend, si Jenny. Kababata ko since fetus," dagdag niya. Agad namang yumakap ang babaeng iyon kay Charmaine habang tumatawa. _____________________________ "Haha...yeah. Naalala ko nga," sambit ni Jen habang napapangiti. "Kumaway ka nang matipid. Ngiti nang kaunti. Ako, ewan ko ba. Natatawa lang talaga ako sa inyo." "Mostly sa mga banat niya. Gano'n talaga." Muling umihip ang hangin. Tila naging tahimik ulit ang munting mundo na aking kinabibilangan. Humulas muli ang mga ngiti sa aking pisngi. "Gano'n ba talaga siya? Magaling magtago ng problema," tanong ko. Tumingin lamang sa akin si Jen habang inaayos ang kanyang buhok. "Noong panahon na 'yon may problema na talaga kayo. Pero hindi mo alam," wika niya. Ngumisi lamang ako at muling tumingin sa kawalan. "She told you?" tanong ko. Isang tango lamang ang kanyang naisagot. Muli akong nanahimik. Kumuha ng isang makinis na bato sa ilalim ng aking mga binti. Hinaplos iyon upang matanggal ang mga alikabok at buhangin saka ikiniskis sa aking hita. "You really have a nice talent by the way," basag niya sa katahimikan. "Alin do'n? 'Yung magpanggap na okay lang ako?" biro ko. "Bukod pa do'n," sagot niya habang natatawa. "Your photos...they tell different stories, deeper meanings. Sinilip ko pa yung mga litrato mo no'ng nagpa-practice kami. Habang kinukuhanan mo siya noon sa stage. The light, the shadow. Kahit na wala masyadong ilaw sa loob...nagawan mo ng paraan," sabi niya. "Yung ilaw, siya...yung anino, ang kalungkutan niya. Yung mga litrato ko kay Charmaine...laging ganoon. Mababakas mo ang saya at lungkot. Ganoon din ang nararamdaman ko. Sabi nga sa amin noon ng boss ko, yung pagkuha mo ng litrato, depende sa mood mo...depende rin sa kinukuhanan mo. Naisip ko na totoo nga. Kasi 'yung mga litrato ko sa kanya, laging may dilim. Hindi katulad ng liwanag ng ibang mga litrato na kinukunan ko," kwento ko. Tumango lamang si Charmaine, ako naman ay nagpatuloy sa paglalaro ng makinis na bato sa aking kamay. Muli kaming nanahimik, pinakinggan ang sipol ng hangin at dinama ang lamig nito. ______________________________ Noong natapos ang practice, inabutan ko ng tubig si Charmaine. Hindi niya ako nilingon. Kinuha niya lamang ang bote ng tubig at patuloy na nakipag-usap sa kanyang mga kasamahan. Tinawag din siya ng kanilang direktor upang kausapin. Ilang beso-beso mula sa mga kaibigang paalis, ilang mga kaway, halakhak at biruan. Lumayo siya na para bang hindi niya ako nakikita. Lumapit siya sa kanilang direktor at seryosong nakipag-usap. Wala akong nagawa kundi maghintay. Naghintay ako hanggang sa mabalot ng dilim ang buong entablado. "Huy!" isang boses ng babae ang aking narinig. Si Jen, ang bestfriend ni Charmaine. "Ah...hi," matipid kong sagot. "Hintay ka lang daw, kausapin lang siya ni direk. May mga binago kasi sa script," sambit niya. "Ah, oo walang problema! Salamat." "Una na ako, ah?" paalam niya. Tumango lamang ako at ngumiti, saka siya umalis at naiwan akong nag-iisa at tila nakaupo sa kawalan. Huminga na lamang ako nang malalim at naghintay. Saka siya bumaba sa entablado mula sa backstage. Dala ang ilang piraso ng papel na tila script. "Tara na?" sambit niya. "Ako na niyan," sabi ko habang kinukuha ko ang bag na nakasukbit sa kanyang balikat. Hindi siya nagsalita. Binigay niya lamang sa akin ang bag at binasa ang mga nakasulat sa papel na kanyang hawak. _______________________________ "Galing mo kanina ah. Flexible," biro ko. Sa pagkakataong iyon ay ako naman ang nagmamaneho ng kanyang sasakyan. Alam kong pagod na siya. Halata nga sa kanyang mga ikinikilos dahil halos humiga na siya sa kanyang kinauupuan. Alam ko rin na may bumabagabag sa kanya. Hindi niya pa rin ako kinibo. Hininaan niya ang radyo at pumikit. Napabuntong hininga na lamang ako ulit at nagmaneho na lamang. Pinilit na itago ang nagrereklamong puso ngunit hindi ko makaya ang pait. Kinabig ko ang manibela pakanan upang iparada sa isang posteng may ilaw. Binuksan niya ang kanyang mga mata at tumingin sa paligid. "Bakit?" tanong niya. Hindi ako kumibo. Huminga ako nang malalim habang nakatitig sa kawalan. "Wala pa tayo sa condo, ah?" "Driver mo lang ba ako?" sarkastiko kong tanong. Ngumiti nang pilit ngunit napailing. "Why? What's wrong?" Nakakunot ang kanyang noo habang nakatingin sa akin. "Bakit ganyan asta mo? Ano bang problema Charmaine?!" Hindi ko napigilan, napataas ang aking boses habang nakatingin sa kanya. Umiwas na lamang ako at bumuntong hininga. "Hindi kita driver! Pagod lang ako! Intindihin mo naman!" "Iniintindi kita! Sinusubukan kong makipag-usap nang maayos noong isang araw pa. Yung mga sagot mo sa akin...parang nakakagago, eh!" "Eh kung nakakagago umalis ka na! Huwag mo akong kausapin!" sigaw niya. Napatigil ako, napalunok ng kaunting laway. Huminga nang malalim at saka binuksan ang pinto. "Sige lumabas ka! Subukan mo lang!" sigaw niya. Hindi na ako nakipagtalo pa. Kung gagawin ko ako rin naman ang kawawa. Lalo na sa isang katulad niya. Bukod sa ugali niyang matigas, hindi ko magawang saktan ang isang tulad niya. Hindi ko lang talaga alam kung bakit nagbago siyang bigla. Lumabas ako ng kotse. Dahan-dahan, hindi padabog. Sinara ko nang maayos ang kotse at naglakad palayo. "Ian! Ian, ano ba?!" sigaw niya nang buksan niya ang pinto at lumabas ng sasakyan. "What's your problem?!" dagdag niya nang hablutin niya ang aking braso para lang mapaharap sa kanya. "Ikaw! Anong problema mo?!" bulyaw ko. Napatigil ako pagkatapos. Tila naalimpungatan sa isang bangungot. Nagising ang aking diwa, umiwas nang kaunti, pumikit at inalog ng kaunti ang nahihilong ulirat. Alam ko hindi ko siya dapat sinigawan. "S-Sorry..." mahinahon kong bawi. Muli akong tumalikod at nagsimulang maglakad palayo. "Ian...please." Nangangatal at may halong hinagpis ang kanyang boses. Humarap ako sa kanya at nakita siyang nakaupo, yakap ang kanyang tuhod at nakayuko. "Hey...sorry. Sorry na, sorry kung sumigaw ako," sambit ko habang umuupo rin sa kanyang harapan at hinihimas ang kanyang braso at likod. Ang ilaw ng headlight sa kanyang sasakyan sa kanyang likuran ay sumilaw sa akin nang yakapin ko siya. Patuloy siya sa paghikbi. Ilang segundo lang ay hinawakan niya na ang aking kamay na yumayapos sa kanyang braso. "Please, let me stay with you tonight," sabi niya. "H-ha? S-sigurado ka? Medyo magulo pa kasi doon. Yung kwarto ko sa 2nd floor, hindi pa tapos gawin yo'n. Mainit pa. Sigu-" "I don't care. Gusto kitang makasama," sabi niya. ______________________________ "Noong gabing 'yon, talagang sa bahay siya natulog. Matamlay kaming dalawa habang inaayos ko ang mga gamit na nakakalat sa paligid," kwento ko habang napapangisi. "Sabi niya pa nga, yung kwarto ko...parang yung condo niya lang noong unang punta ko. Ang daming kalat, parang nagwala. Pero sadyang makalat lang talaga. Sinubukan niya lang na amuhin ang pakiramdam naming dalawa. Nginitian ko na lang siya habang nagliligpit. Siya naman ay umupo sa aking kama habang pinapanood ako." ______________________________ "Nagyoyosi ka pala?" tanong niya. Nakita niya ang mga upos ng sigarilyo sa isang lata ng coke na ginawa ko nang ash tray. Kinuha ko ang isang kahon ng sigarilyo na dalawa na lang din ang laman. Kinuha ko ang isa, inilagay sa aking bibig sabay taas ng isang kilay habang inaabot sa kanya ang natitirang piraso ng kasalanan na nakapaloob sa kahon. Agad siyang tumayo at naglakad patungo sa akin upang kunin iyon. "Kailan pa?" tanong niyang muli. "Matagal na. Sa totoo lang matagal ko nang tinigilan, pero hindi kaya. Kaya unti-unti na lang. 'Yang kahon na 'yan, magdadalawang linggo na yata 'yan sa akin," sagot ko. Agad kong nakita ang piraso ng papel na ibinigay sa akin ni boss Ronald. Ang International Photo Contest na sa Singapore gaganapin. Nakapatong iyon sa tabi ng ash tray, hindi ko alam kung nakita nga ba niya. Kinuha ko na lamang iyon agad at inilagay nang palihim sa aking bag. "Eh ikaw, tinigil mo na, 'di ba?" tanong ko sa kanya. "Oo, pero okay lang. Kahit ngayon lang," matamlay niyang sambit. Inabot ko sa kanya ang aking lighter. Hindi ko sinindihan ang akin, nakasalpak lamang iyon sa aking bibig habang inililigpit ang ilan pang mga kalat. Siya naman ay muling umupo sa aking kama. "Masama sa kalusugan 'yan," biro ko nang sindihan niya ang yosi na nakaipit sa kanyang mga labi. "Eh bakit mo ginagawa?" tanong niya. Napakibit-balikat na lamang ako habang nakasandal sa aking bintana. Nasa aking likuran pa ang liwanag ng ilaw mula sa poste. Siya naman ay bumuga nang kaunting usok matapos magsalita. "Gano'n talaga. May mga bagay kasi na kahit burahin mo na sa sistema, hindi pa rin nawawala. Kaya ang ginagawa natin, inuunti-unti natin. Hinihiling na baka isang araw, magbago rin ang lahat. Na mawala na lang. Kasi kapag binigla mo, lalo mo lang hahanapin. Parang pagmo-move on," paliwanag ko. Ngumiti na lamang siya na para bang nang-aasar. Napatalikod naman ako habang napapangiti rin. "Humuhugot ka na naman ah," sabi niya. "Hindi 'yon hugot. Totoo 'yon." Naaamoy ko ang aroma ng yosi na mula sa kanyang labi. Hindi ko man sinindihan ang mumunting lason na nasa aking bibig ay para na rin naman akong humihithit. Napayuko na lamang ako at dinama ang hangin na umiihip sa labas ng bintana. Nagtagal ang katahimikan, muling nangibabaw ang mga tanong, ang hindi magandang pakiramdam. Alam kong nag-iisip din siya. Hindi naman siya yung tipo ng tao na tatahimik na lang kapag tahimik na masyado ang lugar. May gusto siyang sabihin, pero hindi niya masabi. Napailing na lamang ako nang kaunti at dahan-dahang humarap sa kanya. "Nagugutom ka b-" Napatigil ako nang makita ko siya. Humihithit ng yosi habang ang kanyang pang-itaas na polo ay nakatanggal at nakababa sa kanyang mga braso, tanging ang kanyang itim na bra lamang at pantalon ang natira. Ang kanyang sapatos ay nakababa na sa kama, ang kanyang mga paa ay malinis na nakapwesto sa kanyang gilid, ang usok sa kanyang mapupulang labi ay naglalaro, animo'y nababalutan ng kulay itim at puti ang lahat dahil sa ilaw at ang nakukulayan lamang sa pagkakataong iyon ay ang kanyang mga labing namumula dahil sa liwanag. Napanganga ako sa ganda ng aking nakita. Para bang isang napakagandang litrato ang iginuguhit sa aking isipan. Isang napakagandang obra maestra na nabuhay sa aking harapan. Napabuntong hininga na lamang ako habang napapasandal muli sa bintana. Hindi ako nakapagsalita. Pinagmasdan ko lamang siya habang dahan-dahang hinihithit ang kanyang yosi, habang ang dalawang butil ng pawis sa kanyang leeg ay unti-unting gumugulong patungo sa kanyang dibdib, habang ang usok ay mabagal na dumadaloy palabas sa kanyang mga labi. Dahan-dahan kong kinuha ang camera na nakapatong sa aking mesa. Agad iyong binuksan at kinuhanan siya ng litrato. Walang flash ngunit narinig niya ang tunog ng pagpitik ng camera. "Hoy! Burahin mo 'yan!" saway niya. "Sige na...isa lang naman eh. Ang ganda nga, oh!" Ihinarap ko sa kanya ang screen ng camera at ipinakita ang kanyang litrato. Hindi rin siya makapaniwala, nanlalaki ang kanyang mga mata habang nakatingin sa litrato na aking kinunan. "Isa lang, ah?!" sabi niya. "Puwede isa pa?" biro ko. "Gago! Ayusin mo! This is for your eyes only," wika niya na tila nang-aakit pa habang kinakagat ang kanyang mapupulang labi. Agad kong itinaas ang aking camera at muli siyang kinunan. "Hoy! Sabi ko sa'yo isa lang, eh!" saway niya ulit. "Haha, kaya nga. Last na 'yon promise. Pagbigyan mo na 'ko. Hindi pa kaya ako nakakakuha ng mga daring shots." "Sus, kunwari ka pa. Ang dami mong model na kilala tapos hindi ka pa nakakapag-daring o nude?" wika niya. "Seryoso, promise. Hindi pa talaga. Halungkatin mo pa ang sss ko, wala pa akong daring shot o nude. Sexy lang meron pero hanggang do'n lang 'yon," paliwanag ko. "Defensive ka pa. Eh, yung nakita nga kita sa Wildlife, eh may ka-Wildlife ka nga 'don. Sino nga ba 'yon?" tanong niya habang napapangisi. Muli siyang humithit at bumuga ng usok. "Haha. Gagi, si Monica?" "Oo! Sus, hindi mo nakunan ng nude o daring 'yon?" tanong niyang muli. Umiling lamang ako habang nakangiti. "Nako 'yang ngiti mong 'yan. Tigilan mo nga ako," inis niyang sambit. Muli naman niyang itinaas ang kanyang polo at ipinatong sa kanyang mga balikat. Hinayaan niya lamang na nakabukas ang butones ng kanyang damit. Hinayaan niyang makita ko ng malaya ang kanyang dibdib. Napakaganda pa rin ng kanyang imahe sa pagkakataong iyon. Tumahimik ako at hinayaan siyang ubusin ang usok mula sa kanyang yosi bago siya muling kunan ng litrato. Napatingin siya sa akin, tila naiinis ngunit napapangiti at nang-aakit. "You are so beautiful," mahina kong sambit habang nakatitig sa kanyang mga mata. Iniwas niya ang kanyang tingin sa akin habang napapangiti. "Ano ako siopao? Binobola-bola mo na naman ako," sagot niya. "Asadong-asado ka naman," biro ko. "Gago ka talaga!" bulyaw niya habang nakangiti. Hinithit niya ang huling usok ng kanyang yosi at akmang ibabato sa akin ang upos nito. Nakailag lamang ako kaya't ang upos ay lumabas mula sa bintana. "Hoy!" Agad kaming nakarinig ng malaking boses ng lalaki sa ibaba kaya ako napayuko habang napapangiti. Nanlaki naman ang kanyang mga mata habang nakatakip sa kanyang bibig. Matapos noon ay tahimik kaming tumawa. Parang mga baliw. Oo, mga baliw na nga yata kami. Malulungkot, magiging masaya, sa mga bagay na hindi namin alam kung bakit.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD