Dumidilim na ang paligid sa loob ng gubat na dinadaanan ni Meg. Galing pa siya sa kabilang baryo, dahil bumili siya ng gamot para sa kaniyang ina.
Kailangan kong magmadali. Baka abutan ako ng gabi dito.
Delikado ako sa mga ligaw na hayup dito sa gubat.
Nasa ganoong isipin siya ng may maulinigan siyang mga boses.
"Hanapin ninyo! Hindi pa iyon nakakalayo! bulyaw ng isang lalaki sa mga kasamahan nito.
Ang mauunang makapagdala sa akin ng lalaking iyon ay mayroong malaking pabuya".
Nahihintakutang nagkubli siya dali-dali sa likod ng isang malaking puno.
Nang makaalis na ang grupo ng mga lalaki ay dahan-dahan siyang lumabas sa kaniyang pinagtataguan.
Sino kaya ang mga iyon? Bakit sila naririto sa gubat? Sino kaya iyong hinahanap nila?
Sunod-sunod na tanong niya sa kaniyang isip.
Nagpatuloy na siya sa kaniyang paglalakad.
Papalayo na sana siya ng mapansin ang isang lalaking nagkukubli sa mga malalagong damo.
Diyos ko po! Sino iyon?
Dahan-dahan siyang lumapit sa kinaroroonan nito.
Hindi tumalima sa pagkakakubli ang lalaki kahit na ramdam ang paglapit niya.
Patay na ba siya? Bakit hindi siya gumagalaw?
Upang makasigurado kung patay na nga ba ito ay kumuha siya ng isang patpat at itinulak ng bahagya ang katawan nito.
Hindi ito gumalaw, ngunit umungol ito ng bahagya.
Buhay pa siya! Anong gagawin ko? May mga sugat siya at mukhang malala ang kaniyang kundisyon.
Kailangan ko siyang tulungan. Balak na nabuo sa kaniyang isipan.
Pero paano kung masama siyang tao?
Hindi niya alam ang gagawin ng mga oras na iyon. Kung tutulongan ba niya ang lalaki o hahayaan na lamang ito. Pero kung pababayaan ko siya, baka mamatay siya, kargo de kunsinsya ko pa. Pagtatalo ng isipan niya.
Nagpasiya siyang tulongan ang lalaki. Kahit napaka-bigat nito dahil sa malaki itong tao ay nakaya niyang madala sa munti nilang kubo ng kaniyang ina.
Inay! Inay! tawag niya ng makalapit na sa kubo. Dali-dali naman itong lumabas. Halos mapasigaw pa ito sa tagpong nasilayan.
Sino iyan anak? Bakit siya maraming sugat? sunod-sunod na tanong nito habang tumutulong sa pag-alalay sa katawan ng lalaki.
Hindi ko din po alam Inay. Nakita ko lamang po siya sa gubat na walang malay. May mga humahabol po sa kaniyang grupo ng kalalakihan.
Dalhin natin sa silid ng magamot ang kaniyang mga sugat. Iginiya naman niya ang katawan nito papasok sa kanilang munting silid.
Meg, kumuha ka ng maligamgan na tubig at tuwalya.
Opo, Inay. Mabilis naman siyang tumalima sa utos ng kaniyang ina.
Inay, heto na po ang pinapakuha ninyo.
Salamat anak, tugon ng kaniyang ina. Pupunasan na sana ng kaniyang ina ang lalaki ng dalahitin ito ng ubo.
Ohoo!ohoo! ohooo!
Inay, ako na po ang gagawa niyan. Magpahinga nalang po kayo. Sambit niya.
Heto po ang gamot ninyo Inay. Inumin ninyo na po. Sabay abot sa kaniyang ina ng gamot na nasa kaniyang bulsa.
Sige anak, salamat. Ikaw na bahala diyan anak.
Opo Inay, tugon niya
Inumpisahan na niyang gamutin ang mga sugat ng lalaki. Nang matapos ay pinagmasdan niya ang hitsura ng lalaki.
Matangos ang ilong nito, matangkad at matipuno ang pangangatawan. Kayumanggi ang kaniyang balat, mapupula din ang may kakapalan nitong labi. Malalantik din ang mga pilik-mata nito.
Makikita sa hitsura nito na galing ito sa may kayang pamilya.
Tatlong araw na ang nakakalipas mula ng tulongan nila ng kaniyang ina ang lalaki, ngunit hindi parin ito nagigising.
Inay, dalhin po kaya natin siya sa kabilang baryo upang mapatingnan sa doktor na nandoon. suhestiyon niya sa kaniyang ina. Maaaring dahil sa sugat niya sa ulo Inay, kung bakit hindi parin siya nagigising hanggang ngayon. dagdag pa niya.
Sige anak, kapag hindi pa siya nagising sa sunod na araw ay dadalhin natin siya doon. Sagot nito sa kaniya.
Dahil sa napakalayo nila sa kabihasnan, wala silang malapitan upang mahingan ng tulong kung anong gagawin sa lalaking kanilang tinulongan. Kailangan pa nilang maglakbay ng ilang oras para makarating sa kabilang baryo, kung saan nandoon ang klinika ng bayan na iyon. Wala na rin ang ama ni Meg, pumanaw na ito dahil sa sakit sa puso. Tanging sila na lamang mag-ina ang magkasama sa buhay.
Graduate na si Meg ng koliheyo. Dahil sa mahirap lamang din ang kanilang baryo at wala din namang magandang trabaho doon ay kinailangan pa niya na sa kabilang baryo magtrabaho, bilang isang kahera sa isang botika. Dito niya kinukuha ang pang-gastos sa araw-araw nilang mag-ina.
Simpleng dalaga lamang si Meg. Siya iyong tipo ng babae na mas gugustuhing nasa bahay na lamang at tinatapos ang mga gawaing bahay, kesa sumama sa barkada at mag lakwatsa. Mapagmahal din siyang anak sa kaniyang mga magulang, kaya ganoon na lamang ang hinagpis niya ng mawala ang kaniyang ama. Nag-iisa siyang anak ng mga ito.
Tumatanda na din ang kaniyang ina at mayroon na rin itong mga sakit na iniinda. Kaya lubos ang kaniyang pag-iingat sa kaniyang ina, dahil ito nalang ang mayroon siya.
Dapit-hapon na, kailangan na ni Meg magluto ng hapunan nilang mag-ina.
Inay! lalabas po ako sandali, kukuha po ako ng mga gulay at prutas sa bukid natin.
Sige anak, mag-iingat ka. Hangga't maaari ay huwag ka ng pumasok sa loob ng gubat. Baka kung mapaano kapa doon, dumidilim na din. sabi ng kaniyang ina.
Opo, Inay. tugon naman niya.
Tumungo na siya sa bukid at kumuha ng ilang maaaring gulayin. Kumuha na rin siya ng ilang prutas na medyo hinog na, gaya ng mangga, abokado, at ilang piling ng saging. Pagkatapos niya ay umowe na siya upang makapaghanda naman ng hapunan nilang mag-ina.
Pagkatapos maghapunan ay pinagpahinga na niya ang kaniyang ina. Kumuha naman siya ng maligamgam na tubig at tuwalya. Balak niyang punasan ang lalaking kanilang tinulongan.
Inumpisahan niyang tanggalin ang damit pang-itaas ng lalaki na ipinagamit nila ng kaniyang ina. Ito ay iyong mga naiwang damit ng kaniyang yumaong ama. Mabuti nalang at nagkasya ito sa lalaki.
Pagkatapos niya itong tanggalan ng damit ay inumpisahan na niya itong punasan.
Kakatwa ang pakiramdam ni Cedric. Hindi niya alam kung totoo ba ang nararamdaman niya o nananaginip lamang siya. Bawat haplos sa kaniyang katawan ng mainit na palad ng babae sa panaginip niya ay naghahatid ito ng milyon-milyong bultahe sa kaniyang pagkatao.
Nagising siya sa malamyos at malalambot na kamay na dumadampi sa katawan niya.
Napaka-bango din ng sanghayang bumabalot sa kaniyang pang-amoy.
Hindi niya alam kung nananaginip ba siya, ngunit napaka-sarap sa pakiramdam ng panaginip na iyon.
Dahan-dahan niyang iminulat ang kaniyang mga mata. Bumungad sa kaniya ang mala-diyosang kagandahan ng dalaga. Ngayon niya nasisigurong hindi panaginip ang lahat ng kaniyang naramdaman.
Anyong nagulat naman ang babae ng makitang gising na siya. Bahagya pa itong namula ng mapatitig sa kaniyang mga mata.
Nasaan ako? tanong niya sa babae.
Ahh...nandito ka sa kubo namin ng aking inay, nauutal na sagot nito sa kaniya.
Sandali lang gigisingin ko siya, saad nito sa kaniya. Saka nagmamadaling lumabas ng silid.
Luminga-linga siya sa paligid. Maliit lamang ang silid, ngunit malinis ito at halatang alaga ng mga nakatira.
Pumasok naman ng sabay ang mag-ina.
Hijo, kumosta ang pakiramdam mo? tanong ng ginang.
Mabuti naman ho, medyo kumikirot lamang po ang mga sugat ko, tugon niya.
Maaari ko ho bang malaman kung nasaang lugar ako ngayon? dagdag niya.
Nandito ka ngayon sa bayan ng San Rafael, hijo. saad nito sa kaniya.
Anong ngalan mo hijo? dagdag pa nito.
Sasagot na sana siya ngunit hindi niya matandaan kung anong pangalan niya. Ah...ako ho si....
Nagkatinginan ang mag-ina. Hindi mo ba matandaan kung anong pangalan mo? tanong ni Meg.
Napatingin siya sa dalaga at umiling. Sa tingin ko ay ganon na nga, sagot niya rito.
Nauuhaw ka ba? o nagugutom? tanong sa kaniya ng matanda.
Hindi pa man siya sumasagot ay inabutan na siya nito ng isang basong tubig. Heto hijo, inumin mo muna ito.
Agad naman niyang inabot iyon at ininom.
Ipaghahanda ko lang po siya Inay ng makakain, saad ni Meg.
Sige anak, tugon naman ng kaniyang ina.
Ipinaghanda na niya ng pagkain ang lalaki. Matapos niyang maghanda ay tinawag na niya ang lalaki upang kumain.
Maigi pa siguro Meg ay dalhin natin siya sa kabilang baryo bukas na bukas upang mapatingnan at malaman ang kaniyang kalagayan. suhestiyon ng ina.
Ganoon na nga lang po ang gawin natin inay, tugon ni Meg habang nakatitig sa lalaking maganang kumakain.
Kinaumagahan ay maagang bumagon si Meg para maghanda ng kanilang almusal. Malayo pa ang kanilang lalakbayin, bago makarating sa kabilang baryo.
Pagkatapos mag-almusal ay naghanda na sila sa pag-alis. Nasa loob na sila ng gubat ng biglang huminto sa paglalakad ang lalaki at sinapo ang kaniyang sintido.
Ayos ka lamang ba hijo? tanong ng ina ni Meg.
Opo, medyo kumirot lamang po ang aking sugat, sagot niya.
Maaari tayong magpahinga sandali kung pagod ka na, dagdag pa ni Meg.
Hindi na, kaya ko pa naman, nakangiting sagot niya sa dalaga.
Magtatanghali na ng makarating sila sa kabilang baryo. Tinungo na nila kaagad ang klinika. Mabuti na lamang at nandoon ang nag-iisang doktor sa bayan na iyon.
Magandang tanghali po doktor, bati ng ina ni Meg.
Magandang tanghali po naman sa inyo nay. Ano pong maipaglilingkod ko sa inyo? sagot naman nito.
Patitingnan ko po sana ang aking pamangkin, saad ng nanay ni Meg. Pinili nilang gawing sekreto ang pagkakasagip nila sa lalaki, upang maprotektahan ito. Dahil base sa sinabi ni Meg ay may mga grupo ng kalalakihan na humahabol dito.
Hindi po kasi niya maalala kung anong pangalan niya mula na maaksidente siya, dagdag pa ng ina ni Meg.
Ganon ho ba? Sige po, kakausapin ko ho muna siya ng kami lang ng malaman po natin kung anong dahilan nito. tugon ng doktor.
Matapos ang ilang minuto ay lumabas na sa silid ang lalaki at ang doktor na sumuri dito.
Base po sa aking ginawang pagsusuri, nagkaroon po ng temporary amnesia ang inyong pamangkin, saad ng doktor. Ito po ay sa kadahilanang may namuong dugo sa kaniyang utak, dahil sa aksidente. Manunumbalik din ang kaniyang memorya kapag natunaw na ang namuong dugo sa kaniyang utak, dagdag pa nito.
Ganoon po ba? maraming salamat po doktor, saad ni Meg. Tama ang kaniyang hinala sa kalagayan ng lalaking tinulongan, may amnesia nga ito.
Matapos silang bigyan ng doktor ng reseta at ilang libreng gamot ay umowe na sila. Napag pasyahan din ng mag-ina na doon nalang muna sa kanila ang lalaki hanggang sa manumbalik ang alaala nito, mukhang di naman ito masamang tao, base sa itsura at pakikipag usap nito sa kanila.
Lumipas ang isang linggo, nakasanayan na ng mag-ina na nandoon ang lalaki sa kanila. Tumutulong na din ito sa gawaing bahay pati na rin sa bukid. Minsan ay hinahatid din nito si Meg sa pagpasok sa trabaho sa kabilang baryo.
Isang umaga habang nag-aalmusal ay nagtanong ang lalaki. Ilang linggo na din po akong nandito sa inyo, pero hindi ko pa alam ang pangalan niyo, nakangiting saad nito.
Nagkatinginan ang mag-ina at napangiti. Oo nga ano hijo, sa dami ng mga nangyari ay nakalimotan na naming magpakilala. Ako nga pala si Bering at ito naman ang nag-iisang anak namin ng namayapa kong asawa, si Maegan, saad ng nanay ni Meg.
Ikinagagalak ko po kayong makilala. Maraming salamat din ho sa pagtulong ninyong mag-ina sakin. Kung hindi ho siguro dahil sa tulong niyo ay nilapa na ako ng mababangis na hayup sa gubat na iyon. saad nito.
Walang anuman, ang mahalaga ay gumaling ka at bumalik na ang iyong alaala, baka may pamilya ka na nag-aalala na din kung nasaan kana naroroon, sagot naman ni Meg.
Anong sinasabi niyo na hanggang ngayon ay hindi niyo makontak ang kaibigan ko? halos mapatid ang litid sa leeg na bulyaw ni Dexter sa agency na kanilang pinagtatrabahuhan ni Cedric.
We're working on it sir. We'll update you as long as magkaroon na ng communication between us and agent Ced. tugon naman ng mga ito sa mahinahong boses.
Do that! Hindi basta-basta ang sindikatong nakabangga niya, dagdag pa ni Dexter.
We'll do sir, tugon pa ng mga ito bago sumaludo bilang paggalang kay Dexter na mas nakakataas sa kanila ng ranggo.
Nasaan ka na ba Ced? Ano na bang nangyari sa'yo? tanong sa isip ni Dexter.
SUSUNOD......