HINIGOP ni Richard ang natitirang kape sa hawak na tasa at tiniklop ang binabasang diyaryo. Tumingin siya sa labas ng bintana at nakita ang nag-iisa niyang anak na si Mandy na nakikipaglaro sa alaga nitong aso na si Cooper. Bigay niya ang asong iyon noong ika-sampu nitong kaarawan. Iyon lamang ang tanging kaarawan nito na binigyan niya ang anak ng regalo, kaya naman todo ang alaga at pagmamahal ni Mandy kay Cooper. At ngayon nga ay labindalawang taon na ito.
Sa totoo lang ay wala naman talagang balak si Richard na bigyan si Mandy ng regalo katulad ng nakaraan nitong mga kaarawan. Pinilit lang siya ng kanyang papá na si Theodore na bigyan ito para naman daw matuwa ang bata.
Naaalala pa ni Richard ang kumikislap na mga mata ni Mandy dahil sa tuwa nang personal niyang iabot ang noo’y tuta pa lamang na si Cooper. Niyakap siya ni Mandy nang mahigpit at sinabing, “Salamat, Daddy!” Hindi niya natagalan ang yakap na iyon kaya kaagad niyang hinila palayo sa kanya ang anak. Sa kabila ng ginawa niya ay hindi man lang nabura ang ngiti sa labi ni Mandy, bagkus ay niyakap nito ang tuta at hinalikan at muling nag-angat ng tingin sa kanya. “I love you, Daddy,” wika ni Mandy.
Ang mga ngiti at ang hayagang pagpapakita at pagsasabi ng pagmamahal ng kaniyang anak sa kanya ay parang mga karayom na paulit-ulit na tumutusok sa puso ni Richard.
Hindi niya kayang tingnan nang matagal si Mandy. Ipinapaalala ni Mandy sa kanya ang masakit na nakaraan na pilit niyang ibinabaon sa limot, ngunit kahit ano ang kanyang gawin ay hindi niya iyon mapagtagumpayan.
Paano niya nga ba makakalimutan ang nag-iisang babaeng kanyang minahal sa tanang buhay niya? Paano niya nga ba malilimutan si Aliyah?
Nakilala niya si Aliyah nang minsan ay magtungo siya sa Estados Unidos para sa isang pagpupulong at pagtitipun-tipon ng mga negosyante sa iba’t ibang panig ng mundo. Hindi siya nawawala sa mga ganitong pagkakataon dahil isa siya sa pinakakilala sa larangan ng negosyo sa loob at labas ng bansa. Bata pa lamang ay namulat na siya sa ganitong mundo. Wala siyang ibang layunin sa buhay noon kundi ang magtagumpay, makilala, at mag-iwan ng legasiya sa mundo sa larangang kanyang tinahak. Ngunit lahat ng iyon ay nagbago dahil kay Aliyah.
Si Aliyah ang pinakamagandang babaeng nakita niya sa paglilibot niya sa buong mundo. Ang kulot na kulot na buhok ni Aliyah na animo’y hinalikan ng araw ay kasing-kulay ng mga mata nito. Ang balat naman nito ay makinis na kyumanggi. Napakasarap niyong pagmasdan. Noong unang beses niyang makita si Aliyah ay ninais niyang ilapat ang dulo ng kanyang ilong sa balat nito. Sa wari niya noon, si Aliyah ay kasing bango ng purong tsokolate.
Si Aliyah ay isang African-American. Talamak noon ang deskriminasyon sa mga kagaya nito sa naturang bansa. Biktima ang pamilya ni Aliyah sa naturang deskriminasyon. Namatay ang ama at ina nito sa isang sunog na usap-usapang sinadya. Nag-iisa na lamang ito sa buhay nang kanyang makilala
Napakailap ni Aliyah noong una. Maihahambing niya ito sa isang hayop sa ilang na titingnan mo pa lamang ay tatakbo na. Mailap si Aliyah ngunit may bangis sa mga mata. Pero ipinangako niya sa kanyang sarili na ano man ang mangyari ay maiuuwi niya ito sa Pilipinas. Sa Pilipinas, mapoprotektahan niya si Aliyah. Sa Pilipinas, walang sino man ang makakapanakit kay Aliyah.
Nagpabalik-balik siya sa Estados Unidos hanggang sa magbunga ang kanyang pagsisikap. Napaamo niya ang mailap na si Aliyah.
Nalaman niyang kaya umiiwas sa kanya si Aliyah ay dahil sa hindi pala ito maaaring umibig. Iyon ang paniniwala ni Aliyah dahil mayroon itong sakit sa puso. Natatakot itong maging masaya nang labis. Natatakot din itong mabigo. Sa pagsasabi nito kay Richard ng ganoon ay napagtanto ni Richard na mayroong damdamin sa kanya si Aliyah.
Hindi naman naglaon ay sumugal sa pag-ibig si Aliyah para kay Richard. Nagpakasal sila at namuhay nang masaya sa loob ng tatlong taon. Napatunayan ni Aliyah na hindi pala makakasama sa kanya ang pag-ibig. Higit itong nagkaroon ng dahilan upang lumaban sa buhay.
Hanggang sa dumating ang isang araw na sabihin ni Aliyah kay Richard na nais nitong magkaroon sila ng supling. Mariing tinutulan iyon ni Richard sapagkat ayaw niyang isugal ang buhay ng asawa. Hindi niya kailangan ng anak. Sapat na si Aliyah sa kanyang buhay.
“My life, Richard, is uncertain as to how long I would live,” wika ni Aliyah kay Richard. “If I ever disappear from this world, I want to leave a memory for you, and that will be our child. I’d rather die giving life than just die for no reason. I want a child, Richard. Who knows? God might be merciful and give me the chance to be with you and our child longer than I am supposed to live.”
Punong-puno si Aliyah ng pag-asa. Nagmakaawa ito kay Richard. Hindi naging madali ang paghikayat nito sa asawa, ngunit sa huli ay walang nagawa si Richard. Hindi nakabuti sa kondisyon nito ang lungkot na nararamdaman dahil sa hindi pagbibigay ng pahintulot ni Richard upang magdalang-tao ito. Pumayag si Richard alang-alang sa kaligayahan ni Aliyah.
Ilang buwang dinala ni Aliyah ang bata sa sinapupunan. Sa loob ng ilang buwan na iyon ay nakita ni Richard na pinakamaligaya ito- mas maligaya pa kaysa noong araw nang sila ay nag-isang dibdib.
At dumating nga ang araw ng panganganak ni Aliyah, at iyon nga rin ang araw ng kamatayan nito. Iyon ang pinakamalungkot na araw ng buhay ni Richard. Iyon ang araw na hinding hindi niya malilimutan dahil iyon din ang araw na ang kanyang puso ay naging sin-lamig ng yelo at sin-tigas ng bato.
Ang kulot na buhok, ang bilog na bilog na mga mata, at ang kayumangging balat ni Aliyah ay nakuhang lahat ni Mandy. Sa tuwing titingnan niya ang anak ay bumabalik ang sakit ng pagkawala ng kanyang asawa. Umaalsa ang galit sa kanyang dibdib sapagkat kung hindi nabuo at isinilang si Mandy, disin sana ay kasama pa niya ngayon si Aliyah.