"SIGE NA, Jopet. Sumali ka na sa amin," siko ni Danny sa kababata at kaibigan. Pabulong lamang iyon dahil hindi maaaring marinig ng iba.
"Tsk! Ayaw ko nga, pare. Mapapahamak ako riyan," mabilis na tanggi ni Jopet.
"Ikaw na nga ang tinutulungan, ikaw pa itong maarte. Akala ko ba naghahanap ka ng madaling trabaho na mabilis ang pera. Ito na iyon."
"Oo nga, sinabi ko iyon. Pero hindi naman ganyang trabaho. Kapag minalas ako, sa kulungan ang bagsak ko."
Napakamot sa ulo si Danny. "Ikaw na talaga, Jopet. Ikaw na. Tamad na nga, bahag pa ang buntot. Napakaduwag."
"Basta. Basta ayaw ko," mariing wika ni Jopet.
"Ikaw rin. Sayang din ang kikitain mo at ang proteksyon na ibibigay sa iyo ng grupo ni Goyo."
Napabuntong hininga na lamang si Jopet at saka umalis na si Danny. Matagal na siya nitong nililigawan na sumali sa gang na kinabibilangan nito. Sikat ang gang sa kanilang lugar. Si Goyo naman na lider ng grupo ay kinatatakutan ng marami. Hindi pa naman nabalita ba nahuli si Goyo at ang mga miyembro ng gang. Pero dahil sa talagang dinadaga ang kanyang dibdib, hindi siya mapilit ni Danny na pumasok sa grupo. Isa pa, alam niya kasi na sangkot sa ilegal na gawain ang gang. Ayaw niyang magbakasali.
"Bakit ba palagi ka na lang pinupuntahan ng Danny na iyon dito?" nagtatakang tanong ng ina niya sa kaniya. "Tsaka para kayong mga bubuyog kapag magkausap kayo. Puro kayo bulungan. May ginagawa ba kayong kalokohan, Jopet?"
"Wala, 'Nay," mabilis na tugon ng binata. "Tamad lang ako, 'Nay, pero hindi ako gagawa ng kalokohan."
"Tigil tigilan mo ang pagsama-sama riyan kay Danny, ha? Malakas ang kutob ko na ipapahamak ka niyan. Nakakalimutan mo na yatang bully iyan noong maliliit pa kayo. Ilang beses lang umuwi noon sa bahay na duguan ang ilong sa kagagawan ng Danny na iyon."
"'Nay, ang tagal na no'n. Matatanda na kami. Hindi na bully si Danny. Magkaibigan na kami. Pero iyong sinabi ninyong huwag akong sumama sa kanya, hindi naman talaga ako sumasama sa kanya. Nagkikita lang kami at nag-uusap minsan." Nilapitan niya ang ina at niyakap mula sa likod. "Huwag na kayong mag-alala sa akin, 'Nay. Hindi rin ako sasama kay Danny."
"Hay naku, Jopet, dinadaanan mo na naman ako sa payakap-yakap mong ganyan. Sa tanda kong ito, sa tingin mo ba ay mauuto mo pa ako? Matutuwa pa ako kung may trabaho ka at bibigyan mo ako ng pambili ng pustiso at nang makakain naman ako nang maayos."
Napakamot sa batok si Jopet. "Ayan ka na naman, Inay," aniya.
"Oh, bakit? Ano ang mali sa sinabi ko? Mapapagod ka na lang kakarinig sa mga paalala ko sa iyo, pero hindi ako mapapagod kakapaalala sa iyo. Matanda ka na, Jopet. Hindi kami nandito habangbuhay ng itay mo. Isang araw, mawawala kami. Paano ka kapag nangyari iyon?"
Biglang inalihan ng takot ang puso ni Jopet.
"'Nay, huwag naman kayong magsalita ng ganyan."
"Nagsasabi lang ako ng totoo. Katotohanan iyan ng buhay. Matatanda na kami ng itay mo, at isang araw ay lilisanin namin ang mundo. Ikaw lang ang iniisip ko, Jopet, anak. Kumilos ka para sa sarili mo."
Hindi nakaimik si Jopet. Naiisip niya pa lang ang mga sinasabi ng kanyang ina ay nanghihina na siya. Napapitlag siya sa kinatatayuan nang mapansin ang hindi maipintang reaksyon sa mukha ng ina habang nakahawak ito sa sikmura. Dali-dali niya itong nilapitan.
"Inay, bakit?" nag-aalalang wika niya.
"Wala ito, anak. Kailangan ko lang ng mainit na tubig. Kakalma rin ito. Ikuha mo ako, dali," tugon ni Marites.
Kaagad namang sumunod si Jopet. Nang makakuha ng mainit na tubig ay kaagad niya iyong ibinigay sa ina. Ininom naman iyon ni Marites.
"Palagi na lang hong masakit ang tiyan ninyo. Nagpapalipas siguro kayo ng gutom kapag wala kami rito ni Itay," ani Jopet.
"Wala ito, Jopet. Sige na, umalis ka na. Balikan mo na ang itay mo sa palengke. Baka maraming customer, maaaligaga iyon."
Nagbuntong hininga si Jopet. Sinunod niya na lamang ang ina.
Alas siyete na sila ng gabi nakauwi ng kanyang itay. Tahimik ang buong bahay pagdating nila. Napansin din ni Jopet na wala pang sinaing. Madalas naman sa tuwing umuuwi sila, may kanin na at ulam. Madalas pa nga uupo na lang sila sa hapagkainan upang kumain.
Kinabahan ang mag-ama.
"Marites!" tawag ni Mang Lito sa asawa. "Nasaan ka, mahal? Gutom na gutom na kami ng anak mo. Bakit wala pang sinaing?"
Walang sumagot.
Nang mga oras na iyon naman ay nakaramdam ng tawag ng kalikasan si Jopet kaya nagmamadali siyang pumasok sa kanilang kubeta. Nang buksan niya ang ilaw ay bumulaga sa kanya ang unidoro na puno ng dugo.
"'Tay!" tawag niya sa ama. "'Tay, tingnan mo."
Nagtungo roon si Mang Lito at parehas ang kanilang reaksyon.
"Bakit may dugo?" ani Mang Lito.
Doon naman may kumatok sa kanilang pintuan. Tinakbo iyon ng mag-ama.
"Nandiyan na pala kayo," wika ng kapitbahay nila. "Nasa ospital si Marites."
"Ha?" sabay na bulalas ni Jopet at Mang Lito.
"Kanikanina lang. Pinuntahan ko kayo sa palengke, nakauwi na pala kayo. Dalian ninyo. Puntahan na ninyo siya sa ospital. Namumutla na si Marites at nanghihina kanina."
Umalis naman kaagad ang kanilang kapitbahay. Nagmamadali ring umalis ng bahay ang mag-ama. Nakalimutan na nga nilang isara ang pinto ng bahay.
"Nasaang kwarto po si Marites Delos Reyes?" tanong ni Mang Lito sa information disk ng ospital. Kaagad namang itinuro sa kanila ang kwarto ni Marites. Patakbo nila iyong tinungo.
Nakahiga na si Marites at nakapikit nang mariin. Kitang kita sa mukha nito ang nararamdamang sakit. May nakakabit na ritong dextrose.
"Kayo po ba ang pamilya ng pasyente?" tanong ng doktor na tumitingin kay Marites.
"Mag-ama niya kami," tugon ni Mang Lito.
Huminga nang malalim ang doktor. "Kailangan hong salinan ng dugo ang pasyente. Marami hong dugo ang nawala sa kanya."
"Ako na lang po ang magbibigay ng dugo," mabilis na tugon ni Jopet. "Parehas po kami ng blood type ng nanay ko."
Tumango ang doktor. "Sa ngayon, kailangang dumaan sa maraming test ang pasyente para malaman kung ano ba ang sakit niya. Gagastos ho kayo."
Napalunok si Mang Lito. "Mga magkano ho kaya, Dok?"
"Hindi ko pa ho alam, Sir. Siguro maghanda na muna kayo ng sengkwenta mel. Baka umabot sa ganoon ang halaga ng lahat ng tests," tugon ng doktor.
"Sengkwenta mel?" nanghihinang wika ni Mang Lito. "Saan naman ho kami kukuha ng ganoon kalaking pera?"
"Hindi lang para sa tests, Sir. Mangangailangan din kayo ng pera para sa mga gamot niya. At kung may malalang sakit ang misis ninyo, kailangan ninyong maghanda ng malaki-laking pera. Kung wala kayong pagkukunan, I suggest na lumapit kayo sa iba't ibang charities. Marami naman ho iyan. Magtiyaga lamang ho kayo sa pagkuha ng mga requirements."
Napatingin si Mang Lito sa anak na si Jopet.
"Sa ngayon ay kumalma nang bahagya ang nararamdaman ng pasyente. Binigyan na namin siya ng pain killers. Kailangan na maisagawa kaagad ang tests. Wala tayong dapat sayangin na panahon," dugtong pa ng doktor bago lumabas ng kwarto.