IRAYA
Kasalukuyan kong sinusuklay ng aking mga daliri ang mahaba kong buhok sa harap ng salamin, no'ng bigla na lamang magbago ang aking itsura at mapalitan ng kanyang imahe.
"Nalalapit nang dumatal ang adlaw ng pagbabalik ng kanyang sariling kaisipan, Iraya. Ang bisa ng gayuma sa kanyang katawan ay malapit nang maiwaksi," turan nito sa akin bilang isang babala.
"Kung gayon ay hindi na ako magsasayang pa ng panahon, isasakatuparan ko na ang aking hakbangin lalo't mainam na wala na rito ang kanyang bana sa puod na siyang tanging pumipigil sa akin." Sumilay ang mga ngiti sa kanyang mga labi, kung kaya't ito'y tinugunan ko na rin ng matamis na ngiti. Hindi nagtagal ay unti-unti na ring naglaho ang kanyang imahe sa salamin. Napangisi na lamang ako no'ng maisipan kong puntahan si Haleya, nang sa gano'n ay mailahad ko na sa kanya ang aking mga ibig na siyang nararapat niyang gawin.
Ako'y lumabas na sa aking silid upang tahakin ang kinaroroonan ng bulwagan, pagka't batid kong naroon lamang ang Hara. No'ng ako'y tuluyang dumatal sa bulwagan ay napangisi ako pagka't hindi ako nagkamali, nadatnan ko nga rito ang inutil na Hara. Lumapit ako rito na siyang dahilan ng pagsalubong niya sa akin ng malawak at matamis na ngiti.
"Aking mahal na pinsan, sa aking hinuha ay mainam na isakatuparan na natin ang ating naudlot na balakin sa puod na ito, lalo't wala na rito ang iyong pangahas at mapanghimasok na bana," usal ko rito, dahilan upang ito'y tumango ng marahan.
"Tunay ang iyong mga tinuran, aking pinsan, ngayong wala na rito ang bana na aking kinayayamotan ay maaari na nating ipagpatuloy ang iyong mga nais na maganap sa puod na ito," tugon nito na siyang nagpalawak sa mga ngiti ko.
"Mahusay, Haleya, mahusay hahaha!" Pagbubunyi ko sa aking isipan.
Sumapit ang dapit-hapon at ang buong paligid ng paunang tanggapan ng balay ay maagang napalibutan ng maraming sulo, pagka't ang lahat ng mamamayan ng puod ay narito't naghihintay ng pagpupulong. Ang ilan sa kanila ay nagugulumihanan kung kaya't sila'y hindi magkamayaw sa pagbubulungan, samantalang may ilan din na banaag ngayon sa kanilang mga mata ang pangamba at agam-agam sa maaaring sanhi ng gaganaping pagpupulong. Hindi na naglaon ay nagsimula na rin ang Hara sa pagpulong sa kanila, kung kaya't ang lahat ay matiim nang nakatuon ang pansin sa kanya.
"Kayong lahat ay muling itinipon sa pagpupulong na ito pagka't ako'y may nais ilahad sa inyo," paunang usal ng Hara, dahilan upang magtinginan ang lahat.
"Simula bukas ay aadlaw-adlawin na ng mga ilang mandirigma ang pagtungo sa inyong mga balay, upang kunin ang inyong mga handog sa akin. Ang mga handog na iyon ay walang iba kundi ang lahat ng inyong mga sinasakang pananim, mga isdang nahuli sa dagat at maging ang mga bagong kampilan na inyong napanday," turan ng Hara na siyang lubhang ikinabahala ng lahat. Hindi ko maiwaksi sa aking mga labi ang pagngisi, pagka't nasasalamin ngayon sa kanilang mga mukha ang labis na panlulumo sa nais maganap ng Hara.
"Ngunit mahal na Hara, kung aming ihahandog sa iyo ang lahat ay wala na kaming ikabubuhay pa. Wala na kaming makakain at maipagbibili sa pamilihan," salungat ng isang lalaking timawa, na siyang naging daan upang sumalungat din ang iba sa nais ng Hara.
"Siyang tunay, mahal na Hara, kami'y mayroong mga supling na kailangang buhayin at pangalagaan," hinaing muli ng isa sa kanila.
"Pakiusap, mahal na Hara, kasihan niyo ho kaming lahat," pagmamakaawa ng isang matandang babae na kasalukuyan nang nakaluhod sa lupa.
"Ako'y nakapagpasya na, kung kaya't kayo'y tumalima na lamang sa aking mga nais isakatuparan sa ating puod, at kung sino man ang hindi tatalima sa akin ay maparurusahan ng parusang kamatayan!" singhal ng Hara sa lahat ng mamamayan ng puod. Ang lahat ay napatungo na lamang no'ng akma ng lilisan ang aking pinsan.
No'ng ito'y tuluyan ng lumisan ay nasaksihan ko ang pighati at panlulumo ng mga tao sa aking harapan, na siyang lubos kong ikinasisiya. Ilang sandali pa'y tuluyan na ring nilamon nang dilim ang buong kapaligiran at tanging ang mga sulo lamang sa paligid ang nagsisilbi naming tanglaw. Nagpasya na rin akong pumasok sa loob ng balay pagka't sapat na ang kasiyahang aking nakamtam mula sa mga kaganapan.
Ako'y kasulukuyang patungo sa aking silid no'ng makasalubong ko ang isa sa duha (dalawa) kong mandirigma na aking naging kaagapay sa pagtungo rito sa puod. Ito ay si Dayon, ang tapat at makisig na mandirigma ng aking bana no'ng ito'y nabubuhay pa. Nag-alay ito sa akin ng kanyang katapatan pagka't ako'y nais niyang paglingkuran tulad ng paglilingkod niya sa aking namayapang bana.
"Aking dayang, ano ho ang maipaglilingkod ko sa inyo?" tanong nito, pagka't siya'y tunay kong ipinatawag dahil sa isang mahalagang pakay.
"Sumunod ka sa akin," usal ko rito, bago ako tuluyang maglakad patungo sa kinaroroonan ng aking silid. No'ng kami'y tuluyan nang makapasok sa aking silid ay kaagad ko rin na pinaalis ang uripong nagbabantay sa akin, upang kami'y makapagsarilinan ni Dayon.
No'ng kaming duha na lamang ang nasa loob ng silid ay nagwika na ako rito, "Dayon, magbalik ka sa ating banwa upang igiya rito ang iba pang mga mandirigmang ipinagkaloob sa akin ng baba ng aking bana," usal ko bilang utos, na siyang tinanguan nito bilang tugon at pagtalima sa aking iniaatas sa kanya.
"Kung gayon ay ngayon din ako'y hahayo na upang maglakbay pabalik sa ating banwa, aking dayang." Tinanguan ko naman ito kung kaya't siya'y lumisan na sa aking silid at ako'y naiwan nang mag-isa.
LIWAY
Ikatulong adlaw (Ikatlong araw) na ang nakalilipas magmula no'ng isakatuparan ng Hara Haleya ang kanyang mga nais sa puod. Hindi ko maiwasang manlumo at makaramdam ng lungkot sa mga timawang labis na nagdurusa't nahihirapan kung ihahalintulad sa mga maharlikang nananahan dito sa puod.
Napabuntong-hinga na lamang ako pagka't kasulukuyan kong nasasaksihan ang panlulumo ng isang timawa habang ibinibigay sa mga mandirigma ang kanilang mga nahuling isda sa dagat. No'ng makalisan na ang mga mandirigma sa harapan ng kanilang balay ay napukaw ng isang babae at batang lalaki ang aking pansin no'ng sila'y lumabas mula sa kanilang balay.
"Iloy, baba, hindi ba't ang turan niyo sa akin kanina ay isda ang ating magiging hapunan ngayong gabi? Ngunit bakit ang mga ito'y ipinaubaya niyo lamang sa mga mandirigmang iyon?" usal ng batang lalaki sa kanyang mga magulang. Napatungo na lamang ako at piniling lumisan pagka't hindi ko na maatim na sila'y tunghayan pa, pagka't tiyak kong ako'y manlulumo lamang sa kanilang kalagayan. Kung sana'y narito lamang ang Raha Lumad ay nakatitiyak akong hinding-hindi niya ito tutulutang maganap.
Napansin kong malapit ng magdilim kung kaya't dagli ko na lamang tinahak ang daan pauwi sa balay ng Hara, pagka't kailangan ko pang gawin ang mga nakatakda kong gawain ngayong gabi. Sa aking daan pauwi ay nakasalubong ko ang isang Uray, (nakatatandang babae) ito'y si Uray Diwa. Ang isa sa mga uripong namamahala sa silid-lutuan ng balay ng Hara.
"Uray Diwa? Saan kayo tutungo?" usisa ko rito subalit tila siya'y nagmamadali at mas piniling hindi ako tugunin, kung kaya't hindi inaasahang siya'y napatid sa isang sanga ng halaman dahilan upang ito'y mabuwal at mapaluhod sa lupa.
"Naku! Uray Diwa!" Kagyat ko siyang nilapitan upang siya'y alalayan sa pagtayo. Subalit sa aking ginawa ay nalaglag mula sa kanyang kasuotan ang ilang mga bungang kahoy at ito'y nagpagulong-gulong sa lupa. Kagyat na kinuha itong lahat ni Uray Diwa upang muling itago sa loob ng kanyang kasuotan.
"Uray? K-kinuha niyo ho ba iyan mula sa balay ng Hara?" tanong ko rito, subalit tumungo lamang ito at hindi tumugon sa aking katanungan.
"Uray?" muli kong usisa, dahilan upang ako'y balingan niya ng tingin. Ako'y nanlumo pagka't nasilayan ko ang nagbabadyang mga luha sa kanyang mga mata.
"P-pakiusap Liway, huwag mo sana akong i-ipagkanulo sa mahal na Hara, n-nagawa ko lamang ito pagka't duhang adlaw nang hindi nakakakaon ang aking mga apo," paliwanag ng uray na kasalukuyan nang tumatangis. Nais kong mamuhi sa mga kaganapan ngayon dito sa aming puod pagka't labis-labis na ang paglaganap ng kahirapan.
Nilapitan ko ang uray at aking hinawakan ang kanyang mga kamay upang ipangako sa kanyang, "Huwag kayong mabahala, uray, pagka't hindi ko kayo magagawang ipagkanulo. Humayo kayo at inyong pakainin ang inyong mga apo." Marahang tumango ang uray at hindi na nito napigilan ang mapangiti sa akin sa labis niyang kagalakan. No'ng siya'y tuluyan ng lumisan ay nagpatuloy na rin ako sa pagtahak ng daan pauwi sa balay.
Hindi naglaon ay nakadatal na rin ako sa balay, madilim na rin ang buong paligid kung kaya't ako'y kumuha na nang sisidlan ng tubig at kapirasong tela upang linisan ang mga paa ng mahal na Hara. No'ng sandaling tunguhin ko na ang silid ng Hara ay napansin ko si Dayang Iraya sa isang sulok, nakatalikod ito mula sa akin at tila ito'y may katalastasan. Bahagya akong lumapit sa kanyang kinaroroonan at pansamantalang nagkubli sa isang haligi. Nangunot ang aking noo no'ng masilayan kong katalastasan niya ang isang mandirigma, ang kasuotan nito'y kaiba sa mga mandirigma rito sa puod, kung kaya't sa aking hinuha ay hindi ito taga rito.
"Ibayad mo ito sa isa sa mga taong nananahan sa puod na ito upang ihayag sa lahat ang aking mahalagang pahayag," usal ng Dayang habang iniaabot nito sa mandirigma ang isang bulawang kwintas at palamuti.
"Ibig kong ihayag nito sa lahat ng mamamayan ng puod na ito ang aking gagawing pagsaklolo sa kanilang kalagayan, pagka't ako'y mariing tumututol sa mga hakbangin ng aking pinsan hinggil sa pamamahala sa kanila," turan ng Dayang, na aking lubhang ipinagtaka pagka't sa aking hinuha ay silang duha ng Hara ang may kagustuhan ng lahat ng kaganapan ngayon sa puod. Kagyat na akong lumayo at lumisan pagka't mahirap ng ako'y kanilang mapansin.
Tinungo ko ang silid ng Hara at no'ng ako'y makadatal na rito ng tuluyan ay kagyat bumungad sa akin ang Hara na hindi magkandaugaga sa paglakad.
"M-Mahal na Hara? Ako'y narito upang linisan na ang inyong mga talampakan," usal ko rito habang ako'y nakatungo. Napansin kong umupo ang Hara sa kanyang higaan kung kaya't nilapitan ko ito, umupo ako upang ilapag ang sisidlan ng tubig na aking tangan. Kinuha ko ang kanyang paa at banayad na pinunasan, subalit ako'y natigilan no'ng marinig kong mag-usal ang Hara, "Hindi ko maunawaan, bakit tila ako'y mahabang panahong nahimlay. Ako ba'y nawalan ng ulirat, Liway?" Napatingala ako sa kanya, subalit ito'y nayamot lamang.
"Ano at ako'y iyong tinititigan? Nalimutan mo na bang muli na ang isang katulad mong uripon ay hindi maaaring tumitig sa tulad kong Bai!" bulyaw nito sa akin na agad kong ikinatungo. Nangunot din ang aking noo pagka't ngayon ko lamang siya muling narinig na magwika ng ganito kaanghang sa akin.
"Ipagpatuloy mo na lamang ang iyong ginagawa," dagdag nito, dahilan upang magpatuloy ako sa paglilinis ng kanyang mga talampakan.
"Tila yata hindi ako ginagambala ngayon ng inyong hangal na Raha, marahil ay napagtanto niyang hindi siya karapatdapat sa akin bilang aking bana." Halos magpanting ang aking mga tenga sa kanyang mga tinuran, nangunot ang aking noo pagka't ako'y lubhang nagugulumihanan.
"Bakit tila hindi niya batid ang mga naganap sa dating Raha? Anong nagaganap sa iyo, Hara Haleya," nausal ko sa aking isipan bago ko tugunin ang kanyang mga tinuran.
"Ang Ginoong Lumad ay lumisan na rito sa ating puod, pagka't siya'y inyong inalis sa kanyang katungkulan bilang Raha. Ang inyong ugnayan bilang magkabiyak ay inyo na rin ipinawalang bisa, ito ba'y inyong nalimutan na?" usal ko na may kalakip na katanungan pagka't nais kong mabatid kung tunay ngang wala siyang kaalaman hinggil sa mga naganap sa Raha. Bahagya ko siyang tiningala at napansin kong tila siya'y may malalim na iniisip. Ilang sandali pa ay kagyat din akong napatungo no'ng magwika ito, "Kung tunay ang iyong mga sinasambit sa akin ay bakit ako'y walang maalala hinggil sa mga bagay na iyan?" tanong nito na siyang dahilan upang mangunot ang aking noo pagka't tila ay kakatwa ang mga ito.
" Tss, marahil ay sa halip na isipin pa ang mga bagay na iyon ay mas mainam na lamang siguro na ako ay magbunyi. Magbunyi pagka't ang Lumad na iyon ay naiwaksi na rin ng tuluyan sa aking landas!" usal nito na tila ba'y walang pagsidlan ang kanyang tuwa. Ako'y nayayamot pagka't labis niyang ikinatutuwa ang kasawian ng iba, tunay siyang palalo at walang puso.