Kabanata IX: Ang Muling Pagtatagpo

1989 Words
HALEYA "Mahal na Hara," narinig kong usal ng uripon kong si Liway kung kaya't ako ay marahang nagmulat ng mata mula sa aking mariin na pagkakapikit. "Kayo ay huwag matakot sa dagat, bagkus ay mawili tayo rito pagka't ito ang siyang naging daan upang tayo ay makalayo roon sa ating puod," dagdag na usal nito na siyang ikinahalukipkip ng aking mga braso. "Tila naiibigan mo na ang iyong ginagawang panghihimasok sa akin, ako ay lagi mo na lamang pinangungunahan!!!" singhal ko rito, subalit ito ay nagbaba lamang ng tingin at nagpatuloy sa kanyang ginagawang pagsasagwan sa tubig. Ako ay muling napalunok no'ng magbaling muli ako ng tingin sa tubig ng dagat. Nakadarama ako ngayon ng pangamba pagka't tunay na hindi ko ibig ang malalim na tubig ng dagat kahit pa ito ay ngayon ko lamang nasilayan. Dulot ng aking mahabang panahon na pamamalagi sa loob lamang ng aking bukot. (silid kung saan itinatago ang mga binukot na anak o prinsesa) Hindi naglaon ay nagitla ako no'ng ako ay may maramdamang kaiba, ito ay napakainit at tila ba susunugin nito ang aking balat. Ako ay dagliang napatingala sa langit na siyang naging dahilan upang ako ay mapapikit dahil sa pagkasilaw sa nangangalit na liwanag at init ng adlaw. Kamangha-mangha pagka't ngayon lamang ako nakaramdam ng init nito, subalit ako ay hindi makatagal pagka't tunay na parang sinusunog na nito ang aking balat. "Mahal na Hara," narinig kong usal ni Liway bago nito isaklob sa aking ulo ang isang makapal na balabal. "Tiyak kong hindi kakayanin ng inyong balat ang init ng adlaw pagka't ngayon lamang kayo nasikatan nito," dadag na turan nito habang ito ay matiim na nakatitig sa akin. Ang lapastangan, paano niya ito nagagawa sa akin, siya ay tumititig sa isang binukot at hara na siyang hindi naman dapat pagka't siya ay isang hamak na uripon lamang. Ilang sandali pa ay dagli na itong nagbaba ng tingin pagka't tila nahinuhaan na niyang hindi ko naiibigan ang kayang ginagawang pagtitig sa akin. Ako ay napairap na lamang no'ng ipagpatuloy niya nang muli ang ginagawang pagsasagwan. Hindi naglaon ay naidaong na ng uripon kong si Liway ang aming sinasakyang baroto sa isang lugar kung saan bubungad kaagad ang tila isang kagubatan. Ang aking tingin ay dagling nabaling kay Liway no'ng ito ay dagli nang tumayo at bumaba sa sinasakyan naming baroto. Nang sandaling makatapak na ito sa buhangin ay nagbaling ito ng tingin sa akin. "Tayo na, mahal na Hara," sambit nito, kaakibat ang paglahad niya ng kanyang kamay upang ako ay alalayan. Subalit higit na pinili kong huwag itong tanggapin pagka't ang Hara na tulad ko ay hindi nararapat na humawak sa kamay ng isang uripon lamang. Ako ay nagtaas lamang ng isang kilay kung kaya't siya ay napatungo na lamang at marahang ibinaba ang kanyang marungis na kamay. "Kinakailangan ho natin ang manatili rito pansamantala upang tayo ay makahagilap ng ating makakain, mahal na Hara," dagdag na usal nito na siyang aking inirapan lamang. Tumayo na lamang ako at maingat na ako ay bumaba sa sinakyan naming baroto. No'ng sandaling makatapak na ang aking mga paa sa buhangin ay nagitla ako no'ng ako ay napaso sa taglay na init nito. Bagama't ito ay nababasa ng tubig mula sa dagat ay hindi pa rin mapawi ang init na aking nadarama rito. Dagli nang tumalikod sa akin si Liway upang manguna sa pagtungo sa kagubatan. Ako ay nayamot pagka't tila ako ay nagmistulang kanyang taga-sunod o uripon, ako ang nararapat na manguna at hindi siya. Kung kaya't ako ay nagmadali na lamang sa paghakbang at paglalakad upang siya ay aking maungusan. Nagbaling siya ng tingin sa akin no'ng tila mapansin niyang siya ay aking nauungusan na, kung kaya't inirapan ko na lamang siya. No'ng sandaling makapasok na kami sa loob ng gubat ay naipikit ko na lamang ang aking mga mata no'ng bumungad sa amin ang napakalamig na pakiramdam dulot ng mga nagtataasang puno. Ang kanilang mayayabong na dahon sa mga sanga ay siyang nagbibigay lilim sa amin upang magsilbing pananggalang sa nangangalit na init ng araw. "Napakainam," tangi kong nausal no'ng maramdaman ko naman ang simoy ng sariwang hangin. "Tayo na, mahal na Hara," saad ni Liway na siyang naging dahilan upang ako ay magmulat muli ng mga mata. Tunay na ito ay palalo pagka't tila hindi pa rin nito nauunawaan na hindi ko naiibigan ang kanyang ginagawang pangunguna. "Magtigil kana uripon! Ako ang siyang dapat na nangunguna sa lahat ng bagay at ako rin ang nararapat na magbigay ng kahit na ano mang utos o hakbangin na ating gagawin. Nauunawaan mo ba?!!" mariing singhal ko rito no'ng sandaling ako ay magbaling muli sa kanya ng tingin. Namalas kong siya ay natahimik at pawang marahang pagtango na lamang ang kanyang naitugon bago ito tuluyang magbaba ng tingin sa lupang kanyang kinatatayuan. "Tss, ikaw ay sumunod sa akin, tayon ay tutungo sa dakong iyon!" saad ko rito no'ng ituro ko ang bahagi ng kagubatan na sinasambit ko. Ilang sandali pa ay nagsimula na rin ako sa aking paglalakad upang tahakin ang dakong aking nais tunguhin namin. Wala kaming ibang namamalas sa lugar na ito kundi ang mga puno at mga halamang ligaw sa paligid nito. Tahimik ang buong paligid at ang tanging naririnig lamang namin ngayon ay ang huni ng mga nagliliparang ibon sa itaas ng mga sanga ng puno. Habang kami ay nagpapatuloy sa paglalakad ay napapansin kong higit na mas sumusukal na ang daan na aming tinatahak. "Tayo'y magtigil muna," usal ko no'ng ako ay huminto mula sa muling paghakbang. Tumigil na rin si Liway bilang pagtalima sa aking tinuran. "Tayo ay lilihis na lamang sa dakong iyon," dagdag na turan ko no'ng ituro ko naman ang daan sa kaliwang bahaging ng lugar na aming tinatahak. Nagbaling ako kay Liway at pawang pagtungo lamang ang ginagawa nito, hindi man lamang siya umiimik, tss. Nagpatuloy na lamang ako sa paghakbang at paglalakad upang tahakin ang napili kong daan. Naramdaman ko naman ang pagsunod sa akin ni Liway na siyang inirapan ko lamang. Ilang sandali pa ay dagli akong napasapo sa aking tiyan no'ng ito ay marinig kong umatungal. Pakiramdam ko ay kumukulo ito mula sa loob tanda na ako ay nakadarama na ngayon ng labis na gutom. Batid kong narinig iyon ni Liway kung kaya't nagmadali na lamang ako sa paglalakad. Sa kalagitnaan ng aming paglalakad ay hindi pa rin kami nakakahagilap ng maaari naming kainin, hindi ko na lamang maiwasan ang manlumo dahil doon. Ilang sandali pa ay natigil ako sa aking paghakbang no'ng makarinig ako ng isang malakas na kalukos ng mga tuyong dahon at tila nanggagaling ito sa dulo ng daan na kasalukuyan naming tinatahak. "Mahal na Hara," narinig kong usal ni Liway no'ng ito ay makapantay na sa aking tabi. Ako ay napalunok sa aking sariling laway pagka't tila higit pang lumalakas ang kaluskos na aming naririnig. Ilang sandali pa ay dagliang namilog ang aking mga mata sa pagkagitla no'ng masilayan ko ang isang hayop na matuling tumatakbo palapit sa aming kinaroroonan. Isa itong itim na baboy ramo at napakalaki nito, sa aking pagkagitla ay hindi ko na nagawa pa ang makagalaw at ramdam ko na rin ngayon ang panginginig ng aking mga kamay, nais kong umalis subalit ito ay hindi ko magawa. "Mahal na Hara!" bulyaw ni Liway bago ko tuluyang maramdaman ang kanyang mga kamay na humawak sa aking mga braso, upang ako ay ilihis at ilayo sa gitna ng daan. Subalit bago pa makarating sa aming kinaroroonan ang baboy ramo ay dagli itong natigilan at lumupasay sa lupa no'ng ito ay tamaan ng isang mahabang tudla. Namimilog ang matang binalingan ko ng tingin ang siyang gumawa noon sa baboy ramo at bumungad sa amin ang isang mandirigma. Ang kanyang suot na bahag ay kulay kayumanggi at gano'n din ang kapirasong telang putong na nakatali sa kanyang noo. Kaiba ito sa kasuotan ng aming mga mandirigma sa aming puod, kung kaya't nakatitiyak akong siya ay mandirigma ng ibang banwa. Ako bahagyang inilayo ni Liway no'ng matuling tumakbo ang mandirigma upang tunguhin ang tinudla nitong baboy ramo. Hinugot niya ang tudla rito na siyang naging dahilan ng paglagaslas ng sariwang dugo ng baboy ramo sa lupa. Ilang sandali pa ay muli kaming natigilan no'ng marinig namin ang iba pang mga kaluskos na nanggagaling sa dulo ng daan. Dagling nabaling ang aming paningin sa dakong iyon hanggang sa ako ay natulala no'ng bumungad sa amin ang iba pang mga mandirigma at pinangungunahan nito ng isang Ginoo. "R-Raha Lumad?" narinig kong usal mula kay Liway, ilang sandali pa ay naramdaman kong inalis na nito ang mga kamay niyang nakahawak sa aking mga braso. Dagling nangunot ang aking noo no'ng magsimulang humakbang si Liway upang maglakad patungo sa Ginoo, na siyang patuloy pa rin niyang kinikilala bilang kanyang Raha. No'ng sandaling siya ay tuluyan ng makalapit rito ay hindi ko na lamang napigilan pa ang aking sariling magkuyom ng mga palad sa labis na pagkayamot sa inaasal ngayon ng aking sariling uripon. Namalas ko ang pagbaling sa akin ng tingin ng ginoo habang ito ay kasalukuyan nang naglalakad palapit sa aking kinaroroonan. Ang kanyang walang pakundangang pagtitig sa akin ay tila walang pakiramdam at bahid ng paggalang, na siyang higit na nagbibigay sa akin ng hindi maunawaang poot at pagkayamot. Tunay siyang lapastangan! Nang sila ay tuluyan ng makalapit sa aking kinatatayuan ay dagling nangunot ang aking noo sa bahagyang pagngisi ng ginoo sa akin na tila may bahid ng panghahamak at pagmamataas. "Ano at naligaw ang isang Hara sa ganito kasukal na kagubatan?" narinig kong turan nito na siyang naging dahilan upang pagtaasan lamang siya ng isang kilay. "Lapastangan, ano at kayo ay nakatitig sa akin?!!" singhal ko sa kanilang lahat, pagka't tunay na maging ang ibang mandirigma ay hindi na nawaksi pa ang mga titig sa akin. Batid kong ako ay may taglay na karikitan kung kaya't hindi nila mapigil ang kanilang sariling mahumaling sa akin, subalit gayunpaman ay isa pa rin itong uri ng kalapastanganan. Pagka't ako pa rin ay isang binukot na ikinubli sa mga mata ng ibang tao. Sa aking mga sinambit ay namalas ko ang mga mandirigmang dagliang nag-iwas ng tingin sa akin at pawang nagbaba na lamang ng tingin. "Mahal na Raha-" siyang usal ni Liway, subalit dagli rin itong natigilan no'ng magwika rin ang kaharap naming ginoo na ngayon ay nakatingin na ngayon kay Liway. "Datu, Liway. Pagka't ako ay isa ng Datu at hindi na isang Raha." Nagbaling ito ng tingin sa akin at tumitig, na siyang bahagya ko namang ikinakunot pagka't sadyang matalim ang uri ng titig na kasalukuyan niyang ipinupukol sa akin. Ibang-iba ito sa paraan ng pagtitig niya sa akin noon, no'ng sandaling ako ay magkaroon na muli ng ulirat mula sa mahabang panahong pagkakahimlay. Subalit gayunpaman ay hindi ako nagpadaig, pinantayan at sinalubong ko rin ng matalim at masakit na titig ang kanyang ipinupukol na titig sa akin. "D-Datu Lumad, ang taksil na Dayang Iraya ay nagsugo ng napakaraming mandirigma sa aming puod upang ito ay kubkubin at patalsikin sa kanyang katungkulan ang Hara Haleya." narinig naming usal ni Liway, kung kaya't kami ay kapwa nagbaling ng tingin dito. Nais ko siyang saktan pagka't ito ay tunay na palalo at lapastangan sa kanyang ginawang pag-uulat sa ginoong ito hinggil sa aking kinahinatnat. "Tss, kung gayon ay binabati ko ang dayang sa kanyang nagawa. Pagka't tunay na nararapat lamang alisan ng isang napakahalagang katungkulan ang tulad ng isang binukot na ito," tugon ng ginoo, no'ng ito ay muling magbaling ng tingin sa akin. Nakaramdam ako ng labis na poot na siyang naging dahilan upang dagli ko itong gawaran ng isang mabigat na sampal. Mula sa pagkakalihis ng kanyang mukha ay muli niya itong iniharap sa akin, nagtama ang aming mga mata at namalas ko rito ang hindi matawarang pagmamataas at panghahamak. Ako ay higit na nayamot no'ng siya ay muling ngumisi na tila ba ito ay kanyang sinasadya upang ako ay lubhang magngitngit sa galit.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD