Chapter 23

1712 Words
THERESA Nanlaki ang aking mga mata at naitulak ko si Blake nang halikan niya ako. Hinihingal pa ako, at bigla akong natigilan sa ginawa niya, pero walang salitang namutawi sa mga labi ko habang nakatingin ako sa kaniya. Hindi ko alam kung paano niya ako nahanap dahil wala naman akong iniwang bakas at kahit anong impormasyon nang umalis ako sa probinsya, kaya hindi ko inaasahan na mahahanap niya ako at makikita ko siya dito sa bahay na inuupahan namin ni Agatha. “Bakit nandito ka, Blake?” Hindi agad siya sumagot. Tiningnan niya ako ng deretso sa aking mga mata, kaya nakaramdam ako ng labis na kaba. “Hindi ka dapat pumunta dito, Blake—” “At bakit hindi puwede?” masungit niyang tanong sa akin. Lukot ang kaniyang mukha at kunot ang noo. Nag-isang linya rin ang kaniyang mga kilay, kaya lalo lamang akong nakaramdam ng kaba dahil alam kong mainit ang kaniyang ulo. “Look, wala naman tayong—” “Kailangan nating mag-usap, Lara,” sabi niya sa akin. “Ah, Theresa pala.” Napalunok ako dahil dumating na nga ang kinatatakutan ko. Alam na ni Blake ang tunay kong pangalan, kaya hindi na ako makapagsisinungaling sa kaniya. Mukhang matinik na pulis talaga si Blake, kaya nahanap niya ako. Hindi ko alam kung hanggang saan ang nalalaman niyang impormasyon tungkol sa akin, bagay na hindi ko sana hinayaan. Hindi ko naman akalain na hahanapin niya ako dahil ibang pangalan ang ginamit ko nang pumunta kami ni Agatha sa Zambales. “Mag-uusap tayo, sa ayaw at sa gusto mo, Theresa,” utos niya sa akin. Seryoso siya at mukhang masungit, kaya napasimangot ako at nanunulis ang dulo ng aking mga labi nang irapan ko siya. “Next time na lang, nagugutom na ako, e,” sagot ko. Hindi siya sumagot at nanatiling seryoso ang ekspresyon habang nakatingin sa akin. Nakita kong kumibot ang mga labi niya, pero hindi naman siya nagsalita. Gusto ko sana siyang paalisin, pero bigla niyang hinawakan ang pulsuhan ko at nilagyan ng posas, kaya nagulat ako at napatingin sa kaniya. “Anong ginagawa mo, Blake?” Nanlalaki ang mga mata ko habang nakatingin sa kaniya. Hindi ako nakahuma sa ginawa ni Blake dahil hindi ko inaasahan na lalagyan niya ng posas ang aking braso. “Alam kong nagdadahilan ka lang, kaya kung gusto mo munang kumain, pagbibigyan kita, pero hindi ako papayag na paalisin mo ako nang hindi tayo nag-uusap!” galit niyang sagot. “Oh my God! You're crazy, Blake!” “Kasalanan mo ‘yan,” matigas niyang sagot. “Kung hindi mo ako trinato na parang lalaki mo at kinasama lang sa Zambales, tapos nang magsawa ka, ay bigla ka na lang umalis, di sana’y hindi ito nangyayari ngayon, Lara.” Sasagot sana ako, pero biglang nangunot ang aking noo at napahawak ng mahigpit sa braso ni Blake dahil nakaramdam ako ng pagkahilo at panghihina. “Lara, ayos ka lang ba?” Umiling ako dahil hindi makasagot sa tanong ni Blake. Pakiramdam ko kasi, umiikot ang paligid ko, kaya napakagat ako sa aking ibabang labi habang hinihintay na bumuti ang aking pakiramdam. “Blake, tulungan mo akong pumasok sa loob,” mahinang sabi ko sa kaniya. Umikot sa bewang ko ang kaniyang braso at maingat niya akong iginiya papasok sa loob ng bahay. Tinulungan niya akong umupo sa sofa at agad inalis ang nakalagay na posas sa braso ko. “Nahilo ka ba?” Marahan lang akong tumango bilang sagot at nanghihinang sumandal ang likod at ulo sa sofa. Wala muna akong pakialam ngayon kahit nakikita kong nakatingin siya sa akin at seryosong pinagmamasdan ang mukha ko dahil hindi talaga maganda ang aking pakiramdam ngayon. “Puwede ba akong pumasok sa kusina ninyo para maikuha kita ng tubig?” “Sige,” tipid kong sagot. Agad tumayo si Blake at inilapag niya sa center table ang posas na ginamit niya sa aming mga braso kanina. Sinundan ko siya ng tingin nang naglakad siya papunta sa kusina hanggang sa nawala ang pigura niya sa aking paningin. Hindi ko alam kung anong nangyari sa akin. Okay naman ako kanina, pero bigla na lang akong nakaramdam ng pagkahilo. Mabuti na lamang at nakauwi na kami ni Agatha at hindi ko na hawak ang manibela dahil mapanganib ito sa amin kung nangyari ito sa akin habang nagmamaneho ako. “Uminom ka muna,” narinig kong sabi ni Blake. Nagmulat ako ng aking mga mata. Bumalik na pala siya at may dalang isang basong tubig. “Normal temperature lang iyan kasi alam kong ayaw mong uminom ng malamig na tubig,” sabi niya sa akin. Lihim akong napangiti dahil naalala pa pala niya ang tungkol dito, gayong maliit na detalye lamang naman ito. “Salamat, Blake.” Inabot ko ang baso at agad kong nilagok ang dala niyang tubig. Ngayon ko lang napagtanto na hindi ko pala halos nagalaw ang pagkain ko kaninang umaga, tapos wala rin akong ganang kumain ng tanghalian, kaya marahil wala akong lakas ngayon. “Kailan ka pa nakararamdam ng ganyan, Theresa?” agad na tanong ni Blake nang ilapag ko ang baso sa mesa. “Ngayon lang.” “Huwag kang magsinungaling,” mariin niyang sabi sa akin, kaya sinimangutan ko siya. “At bakit naman ako magsisinungaling?” Napabuntonghininga siya. Hindi niya sinagot ang tanong ko at nanatiling tahimik si Blake habang nakatingin sa aking mukha na para bang pinag-aaralan niya kung nagsasabi ako ng totoo. Kung hindi lang ako nahihilo ngayon, baka hinatak ko na siya palabas ng bahay, pero hindi ko ito kayang gawin ngayon dahil na rin sa kasalukuyang kondisyon ko. “Masakit ang ulo ko, Blake,” mahinang sabi ko sa kaniya dahil ayaw kong makipagtalo at makipag-away ngayon. Ang sungit kasi niya. Nakasimangot rin siya at seryoso ang ekspresyon. Mukhang nagalit talaga siya dahil umalis ako sa Zambales ng walang paalam at hindi na tumawag sa kaniya. Gusto ko na sana siyang kalimutan dahil alam kong banta siya sa kaligtasan ko at ng organisasyon. Nahanap niya ako kahit wala akong iniwang impormasyon sa kaniya tungkol sa tunay kong pagkatao. Nalaman niya ang totoong pangalan ko, kaya kailangan kong maging maingat ngayon dahil matinik na pulis pala si Blake. Narinig kong nagpakawala ng malalim na buntonghininga si Blake. Hindi nagtagal, pumulupot sa aking katawan ang kaniyang mga braso at bigla niya akong niyakap ng mahigpit. Hindi ko siya itinulak. Hindi rin ako nagreklamo at hinayaan ko siyang yakapin ako dahil aaminin ko, nami-miss ko rin naman si Blake, lalo na ang yakap niya at natural na amoy ng kaniyang katawan. “Na-miss kita,” bulong niya sa akin. Naramdaman kong lumapat ang kaniyang mga labi sa aking leeg, pero hindi ako nagsalita. Kinagat ko ang aking ibabang labi at mariing pumikit para pigilan ang aking emosyon dahil miss na miss ko na rin siya. Bago pumasok ang kotseng minamaneho ko, nakita na namin ni Agatha si Blake sa labas ng gate, pero huli na dahil nabuksan ko na ito gamit ang remote at alam kong nakasunod agad siya sa amin. Ang akala ko kanina ay dinadaya lamang ako ng aking paningin, pero tama nga ang nakita ko at totoong narito na sa Maynila si Blake at nahanap niya ako. Matagal niya akong niyakap na para bang sinusulit niya ang mga araw na hindi kami nagkita, pero ako na ang pumutol sa katahimikan at tinapik ko siya sa balikat. “Blake, hindi ka puwedeng mamalagi ng matagal dito,” mahinahon na sabi ko sa kaniya. “Bakit?” tanong agad niya sa akin. “Hindi ko naman bahay ito. Walang permiso ng boss ko ang pagpasok mo dito, kaya baka matanggal ako sa trabaho dahil bigla na lang akong nagpapasok ng estranghero,” pagsisinungaling ko. “Don't worry, puwede naman tayong magkita sa labas. Ayaw ko lang na magkaroon ng problema sa boss ko.” “Sige,” tipid niyang sagot. Pakiramdam ko ay nabunutan ako ng tinik sa lalamunan nang marinig ko ang sinabi niya. “Pero hindi mo ako puwedeng takasan, Lara,” sabi ni Blake sa akin. "Ayaw kong pinagtataguan mo ako dahil maayos naman ang lahat sa pagitan nating dalawa, kaya kung may problema ka sa akin, sabihin mo para pag-usapan natin." Tumango na lang ako para matapos na ang usapan at huwag na niya akong kulitin. Nagpaalam naman si Blake na aalis siya, pero sinabing babalik raw siya. Kinuha rin niya ang cellphone ko at tinawagan ang kaniyang numero. Gusto niyang makuha ang gamit kong numero, kaya hinayaan ko na lang para hindi na kami magtalo. Hinatid ko siya sa gate. Bago umalis, kinabig ako sa batok ni Blake at senswal na hinalikan sa labi. “Ingatan mo ang sarili mo dito, okay?” “Oo,” mahina kong sagot. “Tawagan mo agad ako kapag masama ang pakiramdam mo—” “Okay lang ako, Blake,” agad kong putol sa sinasabi niya. Napabuntonghininga siya. Sandali niya akong pinagmamasdan at pagkatapos ay magaan niya akong hinalikan sa noo. “Baka buntis ka na, Lara.” “Hindi, imposible iyan,” mabilis kong sagot. Ayaw kong ganito ang isipin niya dahil siguradong palagi niya akong kukulitin at susundan kahit saan ako magtago kapag inakala niyang nabuntis niya ako. “Pero nahilo ka kanina at namumutla.” “Sige na, baka makita ka ng boss ko dito, Blake,” taboy ko sa kaniya. “Okay, magkita tayo bukas sa labas, Lara.” “Sige.” Napasandal ako sa likod ng kotse nang umalis si Blake. Kailangan kong maging mahinahon kapag masama ang pakiramdam ko dahil makulit ang lalaking iyon, kaya siguradong hindi niya ako titigilan kapag nakita niya akong nagmatigas. Sana bumalik na siya sa Zambales ngayon na nahanap na niya ako at nakausap. Kaya bukas, makikipagkita ako sa kaniya sa labas para kumbinsihin siyang umuwi na sa probinsya dahil hindi makabubuti sa aming dalawa kung narito siya sa Maynila at nakasunod sa akin araw-araw. Magiging banta siya sa kaligtasan ko at sa seguridad ng organisasyon na kinabibilangan ko. Kapag nangyari iyon, hindi ko siya mapoprotektahan kapag nakialam na ang council. Napapikit ako at napalunok. Ngayon pa lang, kinakabahan na ako at natatakot para sa kaligtasan ni Blake, kaya kailangan ko siyang kumbinsihin bukas na umalis dito sa Maynila at bumalik na sa Zambales.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD