THERESA
Inaya akong sumama ni Blake sa loob ng kaniyang silid at sinabi niya sa mga kasamahan sa trabaho na magbibihis umano siya, pero dapat daw ay tapos na ang dalawang magkape kapag lumabas siya.
Mukhang strikto si Blake sa kaniyang mga tauhan. Para bang nagselos rin siya dahil hindi siya pumayag na maiwan ako sa labas habang naroon ang mga kasama niya sa trabaho.
Nagkunwari akong abala sa pag-aayos ng higaan habang nagbibihis si Blake dahil hindi ako mapanatag na kasama siya dito sa apat na sulok ng kaniyang silid at nakikita ko siya kung paano niya hinatak pataas sa kaniyang ulo ang suot na T-shirt.
Napakabilis ng pintig ng aking puso, pero mukhang balewala sa kaniya na may kasama siyang estranghero. Basta na lang siyang naghubad ng suot niyang damit sa harap ko at nagtapis lang ng tuwalya.
“Maliligo muna ako, Lara,” paalam niya sa akin.
“Sige.”
Mabilis akong nag-iwas ng tingin dahil ramdam kong nagwawala na ang aking puso. Napakalakas at napakabilis ng pintig nito at para bang gustong kumawala sa dibdib ko habang nakatingin sa itaas na bahagi ng katawan ni Blake.
Naiwan akong nakatayo at nakasunod ang tingin sa kaniya nang lumabas siya ng banyo para maligo. Hindi ko alam kung anong uri ng paliligo ang ginawa ni Blake dahil wala pang sampung minuto ay bumalik na siya dito sa silid at nagbibihis na sa harap ko.
“Sa labas muna ako, Blake,” paalam ko sa kaniya.
“Bakit?” tanong niya sa akin.
“P-para makapagbihis ka,” nauutal na sagot ko.
Nag-iinit kasi ang magkabilang pisngi ko dahil kitang-kita ko ang kahubaran niya habang nagbibihis siya, pero parang hindi siya nakakaramdam ng hiya sa akin.
“Huwag na. Nakita at natikman mo naman ang katawan ko kagabi, kaya okay lang na—”
Lumapit ako sa kaniya at gamit ang aking kanang kamay, tinakpan ko ang bibig niya at pinandilatan ko siya ng aking mga mata.
“Kailangan mo pa bang sabihin iyan, Blake?”
Natawa siya at nakangiting hinalikan ang kamay ko. “Nagba-blush ka, Lara. Naalala mo ba ang ginawa natin kanina?”
“Shut up!”
Tinawanan lang niya ako at nakangiting nagpaalam sa akin.
"Pupunta muna ako sa presinto, Lara. Babalik rin ako bago ang tanghalian," paalam ni Blake matapos magbihis. "Ako na ang bahala sa pagkain natin mamaya."
"Okay," tipid na sagot ko.
"May gusto ka bang ipabili?"
“Wala, pero gusto kong pumunta sa bayan. Okay lang ba?" tanong ko kay Blake.
Hindi ko na sana kailangang magpaalam sa kaniya kasi personal na lakad ko ito, pero dahil nakikitira lamang ako sa bahay niya, kaya bilang respeto, kailangan kong magsabi sa kaniya.
"Ayaw mo ba akong hintayin para may kasama kang lumabas mamaya?" tanong ni Blake habang abala sa pagbutones ng kaniyang uniporme.
"Alam ko naman ang daan, Blake,” sagot ko. “Gusto ko lang lumabas.”
"Okay, icha-charge ko ang cellphone ko sa presinto, pero hindi ako sigurado kung masasagot ko agad ang tawag mo kapag tumawag ka dahil may operasyon kami sa baryo. Pero ibibilin ko sa kasamahan ko na sagutin kapag nakitang tumawag ka," paliwanag ng kaharap ko.
“Hindi na kailangan, Blake. Hindi naman kita tatawagan kasi sandali lang naman ako sa labas.”
“Oo nga pala, nakapatay ang cellphone mo, Lara. Ayaw mo bang i-charge ko sa presinto para makapag-charge ka at magamit mo ang cellphone mo?”
“Huwag na,” agad kong sagot. “Puwede kong i-charge ang cellphone ko sa sasakyan mamaya. Kailangan ko lang bumili ng gasolina, kaya ako lalabas."
“Okay, mag-iingat ka sa pagmamaneho, Lara. Umuulan ngayon, kaya basa at madulas ang daan.”
“Salamat.”
Sandali akong napatitig kay Blake. Kung mag-alala kasi siya sa akin, parang matagal na kaming magkakilala, gayong noong isang linggo ko lang naman siya nakilala sa baryo nila.
Binuksan ni Blake ang drawer sa sulok at pagkatapos, ibinigay niya sa akin ang isang susi at sinabing kapag nauna akong umuwi, gamitin ko ito para makapasok sa kaniyang bahay.
"Salamat."
"Mag-ingat ka mamaya sa pagmamaneho, ha?"
Dumukwang si Blake at mabilis niya akong hinalikan sa labi. Napakapit tuloy ako sa kaniyang braso dahil pakiramdam ko ay nanghina ako at nanginig pa ang tuhod ko dahil sa ginawa niya.
"Mamimiss kita, Lara," mahinang bulong niya sa akin, kaya lalo lamang nagwawala ang puso ko.
Gahibla lang ang pagitan ng mga labi naming dalawa. Naamoy ko pa ang amoy ng preskong toothpaste na ginamit niya. Hindi na rin ako nakasagot dahil muli niya akong siilin ng halik sa labi, at pagkatapos ay tumayo nang tuwid at sinabing aalis na raw siya.
Naiwan akong tulala sa loob ng kaniyang silid at sisinghap-singhap pa. Natauhan lang ako nang marinig ko ang pagsara ng pintuan, katunayan na lumabas na ng bahay si Blake at ang mga kasama niya.
Dahan-dahan akong lumabas ng silid at palihim na sumilip sa bintana. Kahit umuulan, kailangan ko nang simulan ang trabaho ko. Mabuting umalis si Blake ngayon para malaya akong makakilos at masimulan ko na ang pag-iimbestiga sa mga taong itinurong sangkot sa pagkamatay ng mga magulang ni Agatha.
Agad akong nagbihis at sinigurado na maayos ang suot ko. Sumulyap muna ako sa salamin bago lumabas ng pintuan, ini-lock ito, at pagkatapos ay mabilis na sumakay sa kotse ko.
Hindi ko na pinansin ang ilang kapit-bahay ni Blake kahit nakita ko silang nakasunod ang mga mata sa akin.
Kahit basa ang lupa at maputik dahil umuulan, pinaharurot ko paalis ang aking kotse at nagmaneho papunta sa pribadong lugar na pakay ko.
Tumigil ang kotseng minamaneho ko ilang metro ang layo mula sa bahay ni Mayor Rosales. Kahit sa probinsya siya nakatira, nagkalat ang mga gwardya sa loob at labas ng kaniyang bahay para protektahan siya.
Malaki at magarbo ang bahay ni Mayor Rosales. Armado ang kaniyang mga tauhan, pero nakasisiguro ako na wala silang magagawa para iligtas ang walang-hiyang ito sa matalas na mga kuko ko dahil markado na siya at nakahanda na rin ang kaparusahan na naghihintay sa kaniya.
Hindi ako lumapit sa bahay ni Mayor Rosales, pero pinagmasdan ko ito mula sa malayo habang pinag-aaralan ko ang bawat kilos ng mga tauhan niya sa paligid.
Matapos ang dalawang oras na pagmamanman, ay nagbunga rin ang paghihintay ko na makakuha ng magandang pagkakataon para makalapit kay Mayor Rosales at masimulan na ang trabaho ko.
Nang makita kong lumabas ang itim na sasakyan mula sa loob ng bakuran ng bahay ni Mayor Rosales, agad ko itong sinundan. Siniguro ko na may sapat kaming distansya para hindi ako mapansin ng kasama niyang driver at mga bodyguard.
Gaya nga ng inaasahan ko, pumunta si Mayor Rosales sa municipal hall. Palihim akong bumaba sa sasakyan ko at kunwari ay naglalakad at may kausap sa cellphone nang lapitan ko ang taong target ko.
Mabilis akong nakalapit sa mamahaling kotse ni Mayor Rosales at walang kahirap-hirap na naikabit ang dalawang GPS tracker na susundan ko. Successful ang first attempt ko, kaya siguradong magiging mabilis na ang development ng misyon ko.
Fully trained ako sa ganitong trabaho. Mabilis at malinis ang naging kilos ko. Walang nakapansin sa ginawa ko dahil lumapit ako sa security guard at nagkunwaring nagtatanong kung nasaan ang gas station.
Bahagi ito ng malinis na trabaho ko dahil kahit mag-imbestiga si Blake, hindi siya magkakaroon ng hinala na may iba akong pakay sa pagpunta ko dito sa probinsya nila dahil totoong magpapa-gas ako ng sasakyang dala ko.
Mabilis at malinis akong kumilos. Alam iyan ng big boss ko na si Draven Madrigal, kaya sa akin niya binigay ang misyon na ito. Well, not bad dahil nag-e-enjoy naman akong gawin ito at exciting pa nga ang pagpunta ko dito sa probinsya dahil nakilala ko si Blake.
Matapos ma-full tank ang dala kong sasakyan, dumaan na rin ako sa nakita kong grocery store at bumili ng snacks na puwede kong kainin habang nasa bahay ni Blake.
Nakapag-charge na rin ako ng cellphone ko, kaya magagamit ko na ito. Nakabantay na rin ako sa screen habang nakatitig sa signal na hatid ng GPS tracker na nakakabit sa kotse ni Mayor Rosales.
***
Gaya nga ng sabi ni Blake, umuwi siya bago magtanghalian. May dala na siyang pagkain galing sa restaurant dahil mukhang abala siya sa trabaho at wala na siyang oras para magluto.
Nagulat ako nang bumukas ang pintuan at pumasok siya dito sa silid. Hawak ko ang aking cellphone at ginagawa ang aking trabaho nang lumapit siya sa akin, mabilis na yumuko, at hinalikan ako sa aking mga labi.
“Kumusta ang lakad mo kanina sa bayan?” malambing niyang tanong at bulong sa akin.
“Okay naman,” maikli kong sagot.
"Hindi ka ba naligaw, Lara?"
Nagkibit-balikat ako at marahang umiling. "Driver ako at marunong akong mag-navigate ng daan gamit ang GPS, Blake, kaya nakabalik agad ako dito.”
"Mabuti at nakauwi ka kaagad," sabi pa ni Blake, dahilan para tumaas ang kilay ko.
"Paano mo nalaman?" kunot ang noo na tanong ko. "May mga CCTV ba kayo sa bayan?"
Minabuti kong magtanong tungkol dito para maging mas maingat pa ako sa bawat kilos ko. Ngumiti sa akin si Blake at sinabing marami raw buhay na CCTV dito sa probinsya at hindi lang sa bayan, kundi maging sa buong barangay nila.
"Nakita ka ni Abner sa munisipyo kanina. Nagtanong ka raw sa security guard kung nasaan ang gas station, at nasundan ka niya dahil katulad mo ay nagpa-gas rin siya sa kaniyang motor. Kaya alam kong nakauwi ka agad kasi pareho lang ang daan ninyo pauwi.”
Nangunot ang aking noo. Hindi ko nagustuhan ang narinig ko dahil napagtanto ko na maraming mata si Blake sa paligid at nakasunod ito sa akin, kaya dapat na maging mas maingat pa ako.
"Pinasusundan mo ba ako, Blake?" seryoso at nag-aakusang tanong ko sa kaniya.
"Hindi, nagkataon lang na kapitbahay natin si Abner at nakita ka niya kanina," sagot agad niya.
"Paano niya ako nakilala, gayong maliban sa dalawang pulis na kasama mo kanina na sumundo sa iyo dito, ay wala nang ibang nakakaalam na dito ako nakatira sa bahay mo?"
Para bang may naaalalang nakatatawa si Blake, kaya bahagya siyang natawa.
"Daig pa ng mga tao dito sa probinsya ang CCTV, Lara. May nakakita sa atin kahapon sa karinderya habang sabay na kumain at umalis,” paliwanag ni Blake, at pagkatapos, natatawa siyang nagkuwento sa akin.
“Sa isip ng mga tao rito, ako ang pinuntahan mo at magkakilala tayo. Malaking patunay doon na nakaparada sa labas ng bahay ko ang sasakyan mo, kaya nang may nakakita sa iyo kanina sa bayan, sinabi sa akin ni Abner, nang makita ako, na pumunta ka raw sa munisipyo."
Seryosong pinakinggan ko ang paliwanag ni Blake. It makes sense nga naman at may punto siya, kaya kailangan kong maging mas maingat sa susunod na labas ko dahil siguradong may mga matang nakasunod sa akin at nanonood sa bawat ginagawa ko.