Chapter 15

1007 Words
THERESA Masarap ang naging tulog ko magdamag, at tanghali na ako nang magising. Hinayaan naman akong matulog ng mahimbing ni Blake at hindi niya ako ginising para mag-almusal ng maaga. Hindi pa rin siya pumasok sa trabaho ngayong araw at sinamahan akong pumunta sa bukirin ng isa sa kaniyang mga kakilala sa kabilang barangay para manguha ng buko. Tuwang-tuwa naman ako. Busog na busog rin ako dahil marami akong nainom na buko juice. Ang bigat tuloy ng tiyan ko dahil talagang sinulit ko ang pagpunta namin dito sa bundok. Sumakay lang kami ng motorbike ni Blake, bagay na nagustuhan ko talaga dahil sariwa ang hangin at marami akong nakitang magandang tanawin. Pabalik na kami sa bahay ni Mang Gener, na siyang may-ari ng bukirin at niyugan, nang may nakita akong puno ng bayabas. Tuwang-tuwa ako dahil hitik ito sa bunga at marami nang hinog na prutas. “Blake, sandali,” pigil ko sa kaniya, kaya nahinto siya sa paghakbang. “Bakit? May problema ba, Lara?” “Wala,” nakangiti kong sagot, at pagkatapos, itinuro ko sa kaniya ang puno ng bayabas. “Nakikita mo ba ‘yan, Blake?” “Oo,” sagot niya. “Bakit, gusto mo bang manguha tayo ng bayabas, Lara?” “Oo,” mabilis kong sagot. Mahilig talaga ako sa prutas. Isa ito sa mga dahilan kaya maganda ang balat at katawan ko. Maraming benepisyo ang bayabas, lalo na at native at walang preservative. Fresh from the tree at hindi gaya ng mga nabibili sa grocery store sa Maynila na pilit lamang na mahinog. "Blake, tingnan mo, mas malalaki doon sa taas, oh!" Malakas na turo ko habang pareho kaming nakatingala sa puno. "Sandali, aakyat ako para makuha natin," sagot agad ni Blake. Wala na ang lalaking kasama namin, kaya kaming dalawa na lang ang mangunguha ng bayabas. Pabalik na sana kami sa bahay ni Mang Gener, pero dahil nakita kong maraming bunga ang puno, ay pareho kaming huminto para pumitas ng hinog na bayabas. Ang sabi ni Mang Gener, pupuntahan daw niya ang nakataling kabayo para ipastol sa ibang lugar, kaya nauna na siyang umalis sa amin sa silong ng niyugan kanina habang kumakain kami ng buko. Dahil alam naman pala ni Blake ang pasikot-sikot dito sa bukid, pumayag na siyang maiwan kami at sinabing sa bahay na lang ni Mang Gener kami magkikita. Para kaming mga batang nangunguha ng bayabas. Umakyat sa taas ng puno si Blake at naiwan ako dito sa ibaba, at itinuturo ko sa kaniya ang nakikita kong hinog na bunga para kunin niya. May nakita akong malaking bayabas. Malapit lang sa akin ang sanga, at sa tingin ko ay maabot ko naman, kaya tumapak ako sa nakausling bato at inabot ko ang sanga. Mahigpit na hawak ko ito at nangunyapit para makakuha rin ng bunga. May nakuha naman ako bago nabali ang sanga at sumalampak ang pwet ko sa basa at maputik na lupa. Napatalon si Blake mula sa taas ng puno nang makita ang nangyari sa akin. Agad siyang lumapit sa akin at nag-aalalang nagtanong. "Okay ka lang ba, Lara?" "Oo," natatawang sagot ko. Sa buong buhay ko, hindi ko naranasan ang ganito, kaya talagang nag-e-enjoy ako. Imbes na tumayo, hinatak ko ang kamay ni Blake at bumagsak sa ibabaw ko. Nagulat siya sa ginawa ko, kaya napasinghap siya nang gumulong ako, at dalawa kaming bumagsak sa putikan. Daig pa tuloy namin ang mga batang pinakawalan ng mga magulang sa sakahan. Tawang-tawa ako nang makita kong madungis si Blake, pero wala na siyang magawa kundi matawa na lang. Dahil nasa gilid ng ilang kwadradong palayan ang puno ng bayabas, bumagsak kami sa putikan at bagong tanim na palay. “Para tayong kalabaw nito, Lara,” napailing na sabi ni Blake sa akin. "Sir, bakit nandiyan kayo sa uma? Anong nangyari sa inyo? Nadulas po ba kayo?" magkasunod na tanong ni Mang Gener sa amin. Agad siyang lumapit sa amin. Naabutan niya kaming nakalubog ang katawan sa malambot na putik sa taniman ng palayan habang hindi maipinta ang mukha ni Blake kaya't tinatawanan ko siya. "Nanguha po kami ng bayabas, Tatang," nakangiting sagot ko habang nakasalampak ang buong katawan sa palayan. "Ah, nahulog po kayo," sabi ni Mang Gener. “Opo,” natatawang sagot ko. Natawa ako nang makita kong madungis si Blake nang tumayo siya. Napa-iling pa siya nang sumulyap sa akin at nakita niya akong nakasalampak sa putikan. “Tara na, Lara. Tumayo ka na diyan.” Inilahad niya ang maruming kamay para tulungan akong tumayo. Para kaming mga humihingang rebulto nang bumangon ako dahil puno ng putik ang aming mga katawan. "Sir, mas mabuting maligo muna kayo dito para hindi kayo bumaba sa bayan na ganyan ang itsura ninyong dalawa,” sabi ni Mang Gener sa amin, kaya napangiti ako. “Salamat po, Mang Gener.” “Walang anuman, ma'am,” nakangiti niyang sagot. “Maligo na kayo at naghahanda kami ng hapunan natin.” "Naku, nakahihiya na po, Mang Gener. Naabala na namin kayo," nahihiyang sabi ko sa kaniya dahil ilang oras na namin siyang kasama sa niyugan. "Paano tayo uuwi sa bahay kung ganito ang itsura natin at hindi tayo maliligo, Lara?” tanong sa akin ni Blake, kaya napatingin ako sa kaniya. “Baka kapag may nakasalubong tayo mamaya sa daan, ay matakot dahil mukha na lang natin ang maputi sa dilim.” Malakas akong natawa matapos marinig ang sinabi ni Blake. Maging si Mang Gener ay natatawang umalis sa harap namin at naglakad palayo sa amin. "Ang pilya mo, Lara. Nabasa at narumihan ka tuloy. Wala tayong dalang bihisan mo, kaya siguradong lalamigin ka sa daan," mahinang sabi ni Blake habang maingat na inalalayan akong tumayo. "Minsan lang 'to, kaya huwag kang killjoy, Blake," natatawang sagot ko. “Masaya naman, hindi ba?” Napangiti naman si Blake. “Oo, masaya ako basta kasama kita, Lara.” Sumilay ang masaya at totoong ngiti sa mga labi ko. Sa unang pagkakataon, naramdaman kong masaya ako sa ginagawa ko at hindi nagpapanggap gaya ng ipinapakita ko sa mga taong nakasasalamuha ko.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD