Sadyang mapanghusga talaga ang mga tao sa mundo. Napaka-toxic!
Huminga siya ng malalim at tiningnan sa mga mata si Aling Elsa.
Pinigilan niya ang pagtulo ng kaniyang luha at ngitian niya ito ng nakakaloko, "Alam mo po Aling Elsa, sa Lunes po papasok na ako sa isang sikat na kompanya bilang isang sekretarya. Saka, ano po ba ang masama sa pagbebenta ng mga kakanin o kahit ano pa man? Wala na po bang karapatan magbenta ang nakapagtapos na ng kolehiyo? Extra income po namin ito, dahil ayaw po naming tumatambay kami kapag free time namin. Bibili po ba kayo o hindi?" confident na bulalas niya rito kahit ang totoo'y wala pa talaga siyang trabaho.
"Ah, sa wakas? Pagkatapos ng ilang taong pag-a-apply mo ng trabaho? Totoo ba 'yang sinasabi mo na may trabaho ka na bilang sekretarya o baka naman ibang trabaho 'yan?" napangiwi ito at may pagdududa ito sa mukha.
"Oo, totoo ang sinasabi ng anak ko na may trabaho na siya, kaya kung ako sa 'yo 'wag ka kaagad manghusga at bukod pa ro'n, wala namang masama sa pagtitinda," pagtatanggol sa kaniya ng Mama niya.
The best talaga ang Mama ko!
"Ah, gano'n ba? Hindi ako bibili, benta niyo na lang sa iba ang paninda ni'yo!" inirapan sila ni Aling Elsa at naglakad na ito paalis. Siya pa 'tong galit. Ang tao talaga napaka-weird ng ugali.
"Tama ang ginawa mo 'nak, dapat matuto kang lumaban pero syempre, hindi pa rin dapat mawala ang respeto lalo pa't nakakatanda iyon sa 'yo," sambit ng kaniya mama na halatang proud na proud sa kaniya.
Dati umiiyak siya kapag nakakarinig siya ng mga salita na talagang nasasaktan siya, pero she realized na hindi pala dapat siya magpatalo bagkus gawin niyang parang isang pangaral ang mga negatibong naririnig niya, na dapat ay lalo siyang magpakatatag at ipakita niya sa kanila na kabaliktaran ang negatibong sinasabi nila para sa kaniya.
"Pero lagot po tayo dahil nagsinungaling tayo," bulong niya sa kaniyang Mama.
"Hayaan mo na 'nak, minsan hindi naman masama ang magsinungaling lalo na kung may naidudulot naman itong mabuti sa 'yo, at kay Elsa? Parang isang malaking sampal sa kaniya ang iyong sinabi dahil hinuhusgahan ka niya na agad," paliwanag nito
"Salamat po Mama, dahil number one po kayo sa nagpapalakas ng loob ko," nginitian niya ito.
"Syempre naman 'nak dahil mama mo ako at mahal na mahal kita, kayo ng kapatid mo."
"Hehe, thank you po Mama. Mahal na mahal ka rin po namin ni Avery." Napakaswerte niya sa kaniyang ina dahil talagang ginagawa nito ang lahat para sa kanila. Kahit sobrang hirap ng buhay pero hindi nito sila pinabayaan.
Nagpatuloy na sila sa paglalakad at nakita nila si Aling Milagros.
"Aling Milagros, bili na po kayo!" alok niya rito.
"Sige Hija, pabili ako ng sampu!" nakangiting sabi nito.
"Naku, ang swerte mo naman Celia sa anak mong ito! Bukod sa maganda na, hindi pa maarte kahit graduate na ng kolehiyo," tuwang-tuwa na sambit ni Aling Milagros. Iba-iba talaga ang tao.
May taong i-do-down ka at may taong susuporta at hahanga sa 'yo.
"Oo nga eh, kaya napakaswerte ko talaga sa panganay ko maging sa aking bunsong anak. Bukod sa mababait sila, masisipag pa," pagsang-ayon ng kaniyang ina.
"Kanino nga ba naman magmamana ang dalawang anak mong 'yan? Syempre, sa inyong dalawa ni Armando. Bukod sa mababait eh, sobrang sisipag pa," dagdag pa nito at nagtawanan ito ng kaniyang ina.
"Heto na po," iniabot niya kay Aling Milagros ang isang balot ng kakaning binili nito.
"Salamat Hija," iniabot din sa kaniya ang bayad.
"Salamat po," sabi niya nang kinuha niya ang bayad.
"Nararamdaman kong malayo ang mararating mo, Hija," biglang sambit ni Aling Mila at nginitian siya nito.
"Sana nga po," sagot niya rito. "Sige po, alis na po kami."
"Sige Mila, aalis na kami ng anak ko," paalam din ng kaniyang ina at naglakad na sila paalis.
"Ang bait po ni Aling Mila, 'no?," biglang sambit niya.
"Oo 'nak, mabait naman talaga iyon!"
NAUBOS ang paninda nila ng kaniyang mama sa loob lang ng kalahating araw, kaya nakauwi sila kaagad ng bahay. Sa sarap ba naman ng mga kakaning ginagawa ng kaniya mama.
"'Nak, pwede ka na ulit mag-apply ng trabaho bukas," sabi nito.
"Pero gusto ko pa pong tulungan kayong magbenta bukas," pagtanggi niya.
"Hindi na 'nak, dahil kaya ko namang magtinda mag-isa, malay mo magkatotoong magkakatrabaho ka na sa Lunes."
"Kayo pong bahala, pero sige po mag-a-apply po ako bukas kasi baka swertehin po ako," pagsang-ayon niya rito.
"Oo nga, saka sayang kasi ng araw 'nak. Basta, magtiwala ka lang sa sarili mo na makakakuha ka na ng trabaho at syempre, sabayan mo ng dasal," saad nito habang nagpupunas ng pinggan.
Tama ang kaniyang ina, kailangan niyang magtiwala sa kaniyang sarili na makakaya niya.
"Sige po Mama. Salamat po."
"Basta mag-iingat ka lang 'nak," paalala nito sa kaniya.
"Opo, Mama."
MAAGA siyang nagising dahil mag-a-apply siya ngayong araw. Naligo rin siya ng maaga. Paglabas niya ng banyo ay nakita niyang nakapaghanda na ang kaniyang ina ng agahan nila. Siya pa naman sana ang maghahanda pero ang aga rin palang gumising ng kaniyang mama. Nakita niya rin na nakaupo na si Avery upang mag-agahan.
"'Nak, mag-agahan ka na," yaya nito sa kaniya.
"Ate, mauuna na akong kakain sa inyo ni Mama, dahil may exam kami ngayon," sabi ni Avery habang kumukuha ng kanin.
"Uy, goodluck Bunso!" nakangiting sabi niya rito.
"Salamat Ate."
Graduating na ng high school ang kaniyang kapatid. Graduating niya na talagang makahanap ng trabaho para sa pag-aaral nito ng kolehiyo.
"Mama, kain na po tayo," yaya ko niya.
"Sandali lang 'nak," sagot nito, dala-dala ang prinitong itlog na nakalagay sa isang plato, "Oh, heto pa," sambit nito at nilapag nito iyon sa mesa.
"Mama, sumabay ka na po sa 'min," yaya ni Avery.
"Oo, 'nak," umupo na rin ito. "Mukhang may nakalimutan kayo, ano?" tiningnan sila ng kanilang ina kaya napatigil sila sa pagkain.
"Ay, oo nga po pala, nakalimutan naming magdasal bago kumain," sagot niya at napangiwi sila ni Avery.
"Oo nga po pala. Sige, ako na lang po," sabi ni Avery, "Lord, thank you po sa mga biyayang binibigay niyo po sa 'min araw-araw. Sana po gabayan niyo po kami palagi. Sana po maging maayos ang exam ko ngayon, gabayan niyo po ang Ate ko na makakuha na ng trabaho at bantayan niyo po lagi si Mama at sana marami pa ang bumili ng mga paninda ni Mama. At sana po ayos lang si Papa sa kulungan at sana makalaya na siya. Amen."
"Ang sarap naman po nitong kamatis na may toyo, sili at kalamansi," ngumunguyang sabi ni Avery.
"Oo, kaya kumain lang kayo ng marami," saad nito habang iniabot sa kanila ang isa pang nasa bowl na ulam.
"Mama, tapos na po akong mag-agahan. Kailangan ko na pong umalis kasi baka maabutan na naman ako ng sobrang init," singhap niya.