14

1264 Words
MONICA'S POV Kakatapos lang magluto ni Clyde ng tanghalian namin ngunit wala pa si Sachi. Kanina pa kami hindi mapakali ni Lyca at gusto na nga namin siyang sunduin. Pinigilan lang kami ni Clyde dahil malaki ang paniniwala niya kay Sachi na kaya nitong ipagtanggol ang sarili. Hindi naman kasi talaga maikakaila na malakas din si Sachi kahit na hindi pa niya nako-kontrol ang Special niya. Ngunit hindi ko pa rin maiwasan ang mag-alala. Sa sobrang bait kasi ni Sachi ay baka mahirapan siyang manakit ng iba para sa sarili niyang kaligtasan. "Wala pa rin ba si Sachi?" tanong sa amin ni Clyde nang matapos niyang ayusin ang mga pagkaing niluto niya. "Wala pa," walang emosyong sagot ko naman. "Sunduin na ba natin, Monica?" tanong naman sa akin ni Lyca. Hindi na ako nakasagot pa dahil bigla na lamang tumayo si Blake at dere-deretsong lumabas ng tambayan. Lahat kami ay napatingin sa kaniya at ni isa ay walang naglakas loob na magtanong kung saan siya pupunta. Nagkatinginan pa kami ni Lyca na kapwa nagtataka kung ano na namang nasa isip ni Blake. "Baka siya na ang susundo kay Sachi," sabi naman ni Clyde. "Imposible. Ni hindi nga maganda ang pakikitungo ni Blake sa kaniya, hindi ba?" sabi naman ni Lyca. Hindi ako nagsalita. Totoo 'yun. Hindi ko pa nararamdaman na tanggap na talaga ni Blake si Sachi. Ngunit gayunpaman, alam kong unti-unti namang natatanggap ni Blake ang lahat. "Hindi natin sigurado iyan. Kilala mo naman si Blake, hindi masalita pero malalaman mo ang nararamdaman niya sa bawat kilos niya," makahulugang sabi pa ni Clyde. Hindi na nagsalita pa si Lyca kaya tumingin ako sa kaniya. Kitang kita ko ang lungkot sa mga mata niya. Lihim na napailing na lamang ako. SACHI'S POV Natapos ang morning class na marami akong natutunan. Kahit papaano ay nabawasan ang mga tanong sa aking isipan. At kung may gusto pa akong malaman, iyon ay ang pagkatao ng mga magulang ko at ang naging buhay nila bago pa ako isilang. Isang tunog ng bell ang pumailanlang hudyat na lunch break na. Agad kong inayos ang mga gamit ko upang makalabas na agad ng classroom. Kinakabahan kasi ako at hindi ko alam kung anong gagawin. Mapapanatag lang siguro ako kung makakalabas ako agad dito. Mabilis na nakalabas na ang teacher namin kaya kami kami na lang magkakaklase ang naiwan sa loob ng classroom. Bago pa man ako makatayo ay nakita ko na ang tatlong babae na nakatayo sa harapan ko. "So ikaw pala ang bago at kaisa-isang Sub-Grandis na nagligtas sa prinsesa," nakangiting sabi ng babaeng nasa gitna, si Leslie. Hindi ako sumagot. Hindi ko kasi alam kung anong sasabihin. Baka kapag mali ang nasabi ko ay mas lalo lang lumaki ang gulo. "Mukha ka namang mahina. So paano nangyari iyon? At isa pa, ang bago mo pa lang dito. Lumaki ka bilang isang mortal, ni history ng mundo natin ay wala kang kaalam-alam," dugtong na sabi pa niya. Huminga ako ng malalim. Hindi naman na ako nagulat na hindi nila tanggap ang pagiging Sub-Grandis ko. Maski ako naman kasi ay hindi ko pa lubusang natatanggap ang mga nangyayari sa akin. At isa pa, medyo unfair nga sa kanila sapagkat buong buhay nila ay nandito na sila habang ako ay wala pang tatlong linggo at mas mataas na agad ang posisyon ko sa kanila. "I'm sorry," ang tanging nasabi ko na lamang. Tumayo ako at hahakbang na sana palabas ngunit bigla akong hinarangan ng dalawang babae na kasama ni Leslie. "Hindi pa kita tapos kausapin kaya huwag na huwag mo akong tatalikuran," galit na sabi ni Leslie. Bumuntong hininga ako at pilit na pinakalma ang sarili ko. Ayoko na kasing maulit pa ang nangyari na bigla ko na lamang nagamit ang Special ko kahit hindi ko ito magawang kontrolin. Ayokong makasakit ng kapwa ko. "Tell me, Sachi. Anong klaseng pang-aakit ang ginawa mo sa director?" Mabilis akong napatingin kay Leslie. "Anong sinabi mo?" walang emosyon kong tanong. "Wait, hindi ba? So sinong inakit mo? Imposible namang si Blake dahil hindi ka niya papansinin. Si Clyde ba? Wow. Ang cheap ni Clyde para pumatol sa isang katulad mo ha," nanghahamak na sabi pa ni Leslie. Naikuyom ko ang kamao ko dahil sa narinig. Makakaya ko pa kung tatawagin nila akong mahina at hindi karapat dapat na maging Sub-Grandis. Ngunit ang sinasabi nilang nang-akit ako? Iyon ang hindi ko matatanggap. "Wala kang karapatang husgahan ako, Leslie," matapang kong sabi sa kaniya. "Aba, at lumalaban ka." Naramdaman ko na lang ang malakas na pwersang tumulak sa akin palayo. Hindi ko iyon napaghandaan kaya tumilapon ako at tumama ang likod ko sa pader ng classroom. Napangiwi ako sa sakit na naramdaman ko kasabay nang pagbilis ng t***k ng puso ko. "What's going on here?" Nanigas ako sa kinatatayuan ko nang makilala ko ang boses na bigla na lamang dumating. Hindi rin nakatakas sa paningin ko ang pamumutla ng tatlong babae na dahan dahang humarap sa may pinto ng classroom. "B-blake, ano, nagkakatuwaan lang kami nina Sachi," alanganing sabi ni Leslie. Hindi nagsalita si Blake bagkus ay naglakad siya papasok ng classroom. Isang nakakabinging katahimikan ang namayani sa buong lugar, at ang tanging maririnig lamang ay ang sapatos ni Blake. Tumingin ako sa kaniya sa pag-aakalang kina Leslie siya lalapit. Ngunit nagulat ako nang lampasan niya ang tatlo at nagderetso palapit sa akin. Habang naglalakad siya ay para akong isang estatwa na hindi makagalaw. Nakatuon lang ang mga mata ko sa kaniya. "B-blake," mahina kong tawag nang magkalapit na kami. Hindi siya nagsalita. Nakatingin lang siya sa akin ngunit hindi ko mabasa ang iniisip niya. Blangko ang ekspresyon niya kaya hindi ko alam kung galit ba siya o naiinis sa akin. "Blake, wala kaming ginagawang masama," narinig ko pang sabi ni Leslie. "Ms. Sachi Annasha Adamson is a Sub-Grandis. You need to respect her as much as you respect us, the Grandis," seryosong sabi ni Blake habang deretsong nakatingin pa rin sa akin. "Yes. Of course," mabilis na sagot naman ni Leslie. "Then don't do anything stupid. Kapag nasaktan pa ulit si Annasha, ako mismo ang makakaharap niyo. Am I clear?" Bahagya akong napatango kahit hindi naman ako ang kausap ni Blake. Bibihira siyang magsalita kaya hanggang ngayon ay natutuliro pa rin ako sa boses niya. At mas lalo pa akong natuliro nang tawagin niya ako sa second name ko na Annasha. Wala pa kasing tumatawag sa akin no'n. "Y-yes Blake." Hindi na ako nakaangal pa nang hawakan ni Blake ang kamay ko at hilahin palabas ng classroom. Hindi ako makapag-isip ng maayos kaya naging sunud-sunuran lamang ako sa kaniya hanggang sa tumigil kami malapit sa tambayan. Humarap siya sa akin kaya bahagya akong napaatras. "You're a Sub-Grandis now. You should protect yourself like the way you protect Lyca," seryosong sabi niya sa akin. Wala sa sariling napatango na lamang ako. Hindi ko lubusang naintindihan ang sinabi niya ngunit nakita ko na lang ang sarili kong sumang-ayon sa kung ano mang sinabi niya. "Nandyan na pala kayo. Tara na dahil nagugutom na ako." Sabay kaming napalingon kay Monica na nasa may pinto ng tambayan. Nakangiti siya sa amin habang kumakaway. Napangiti na lang din ako at saka muling ibinalik ang tingin kay Blake. "Salamat Blake." Pagkasabi ko no'n ay tumakbo na ako palapit kay Monica at sabay na kaming pumasok sa tambayan. Kung ano man ang nakita ni Blake kanina, marahil ay hindi na niya iyon sasabihin pa kina Monica dahil hindi naman siya palasalita. Hindi ko na rin kasi balak na sabihin pa iyon sa kanila dahil ayaw ko nang mag-alala pa sila sa akin.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD