"SIYA si Mac," turo ni Koki sa sa lalaking nagse-serve ng pagkain sa gawing gitna ng lugar. Pinakikilala kasi ni Koki kay Nathan ang iba pang staff ng restaurant nito.
"Siya naman si Mary, ang nasa kahera ng restaurant," turo naman nito sa balingkinitang babae. Tumango lang siya.
Sinabi ni Nathan sa kaibigan na bukas na lang siya magsisimula sa trabaho. Hindi pa kasi niya nasusubukan ang trabahong iyon at mas gusto niya munang magmasid.
Hanggang ngayon natatawa pa rin siya sa pangalan nang restaurant ng kaibigan. Knock Knock Restaurant. Ang weird kasi niyon.
Pagkatapos ipakilala ni Koki ang ibang staff sa kaniya, bumalik sila sa opisina nito.
"By the way, how was your vacation in Davao?" ani Koki nang makaupo ito sa swivel chair.
"It was good. Maganda sa Davao kaya naman naaliw talaga ako."
"E, talaga bang nakatulong 'yong paglayo mo?"
Napatitig siya sa kabigan at napaisip. Nakatulong nga ba sa kaniya ang paglayo?
"Yes," pakli niya. Hindi na siya nagpaliwanag kung bakit.
"Handa na ba muli 'yang puso mo para makita siya?"
Saglit siya natahimik, kapag kuwa'y ngumisi. "Siguro," maikli niyang tugon at napahawak sa noo dahil sa totoo lang, hindi niya alam kung handa na ba siyang harapin muli ang nakaraan niya.
-
"WOW!" mahinang sambit ni Abella nang makarating sila ni Neith sa bahay ng kaibigan nito na nagdiriwang ng kaarawan.
Maaga pa lang ay sinundo na siya ng binata. Nagulat pa siya ng magpadala si Neith ng kahon na naglalaman ng isang brown dress na ngayon ay suot niya.
Sa garden ang mismong venue at nakakamangha ang lahat doon. Ang elegante ng ayos at napakaraming dekorasyon sa bawat bahagi ng lugar. Mapapansing pinaghandaan talaga ang okasyong iyon.
Luminga si Abella sa paligid at bigla siyang nakadama ng pagkailang dahil base sa nakikita niya ay hindi basta-basta ang mga bisita roon. Sa suot pa lang ng mga ito ay alam niyang hindi sila ang mga taong kauri niya.
Naka-abre-syete si Abella kay Neith na ngayon ay napakagwapong tingnan. Nakasuot ito ng black suit na talaga namang nagpalutang ng kaniyang kakisigan at kagwapuhang taglay. Habang siya, nakasuot ng isang off -shoulder brown dress na abot hanggang sa tuhod niya.
Maraming ang lumilingon sa kanila at ngumingiti kay Neith. Si Abella naman ay diretso lang ang tingin, nahihiya siya sa mga tao roon na alam niyang hindi niya ka-level at hindi rin naman niya kilala.
"Don't be nervous, Abella they are just people like you," narinig niyang bulong ni Neith sa kaniya.
Lumingon siya rito at ngumiti na nagsasabing salamat.
Umupo silang dalawa sa bahaging gilid ng garden. Nate-tense pa rin siya hanggang ngayon. Ni isa kasi wala siyang kilala sa mga tao roon maliban kay Neith.
Nakita niya ang tubig sa table at agad niyang kinuha at ininom. Parang nanunuyo kasi ang lalamunan niya. Hindi na siya nagmasid sa paligid dahil nanliliit lang siya.
"Okay ka lang, Bella?"
Nag-angat siya ng tingin kay Neith na nakatingin sa kaniya. Tinawag na naman siya nitong Bella. Bihira lang siya nitong tawagin sa ganoong pangalan at 'yon ay kapag nasa labas sila ng restaurant.
Tumango siya at pilit ngumiti. Kinakabahan siya. Pakiramdam niya, nakatingin sa kaniya ang lahat at nakataas ang mga kilay.
"Good evening everyone, let's all welcome, our birthday boy, Koki Estrada."
Kusang bumaling ang ulo niya sa entablado ng marinig ang pangalang binanggit ng MC. Napatayo pa siya mula sa pagkakaupo.
Happy 24th Birthday, Koki
Biglang nanigas ang katawan niya. Kilala niya ang may kaarawan. Hindi niya ito maaaring makalimutan.
Nagpalakpakan ang lahat maliban sa kaniya. Pinagmasdan lang niya ang lalaking umakyat sa entablado. Binigay ng MC ang microphone sa lalaki.
"Good evening everyone. Thank you for coming to my party. Hindi ko na papahabain ang speech ko para masimulan na natin ang kasiyahan. i just want to say thank you for all the people who are part of it. My family, my employee at sa inyong lahat nandito para maki-celebrate sa akin." Bahagya pang natawa ang binata. "Let's enjoy the night," anito pa at binalik na sa MC ang mic. Bumaba na 'to ng stage at nakipag-usap sa ilang mga bisitang lumapit rito.
"Bella, okay ka lang?"
Dinaluhan siya ni Neith at iginaya sa upuan. Umiwas siya nang tingin dito para hindi nito makita ang kaba at takot sa kaniyang mga mata.
"O-okay lang ako," sagot niya na pilit ginagawang normal ang boses.
Kahit alam niyang hindi kumbinsido si Neith, tumango ito.
"Tara kay Koki, babatiin natin siya."
Hindi siya nag-angat nang tingin. Pinagdikit niya ang dalawang kamay at pinisil-pisil iyon. Kinakabahan siya sa maaari pa niyang makita. Hindi niya alam kung handa na ba siyang harapin ang mga taong bumuo ng nakaraan niya.
Tumayo si Neith at inilahad ang kamay sa kaniya. Tiningnan muna niya ang kamay ng binata at nag-alangang tanggapin 'yon, pero sa huli, tinaggap niya rin.
Kinagat niya ang ibabang labi para kahit pa paano ay makalma niya ang sarili. Naisip niya rin na kailangan niyang harapin ang mga bagay at tao na parte ng masaklap niyang nakaraan. Isa pa, isang taon na rin ang lumipas-dapat handa na siya.
Napahigpit ang pagkakahawak ni Abella sa braso ni Neith. Narating nila ang pwesto ni Koki at saktong alis naman ng ilang kausap nito.
Napatingin ang binata sa kanila at gumuhit ang pagkagulat sa mukha nito nang dumako sa kaniya ang mga mata nito. Hindi niya magawang tingnan ang lalaki kaya bahagya siyang yumuko.
"Happy birthday, Bro," bati ni Neith kay Koki.
Hindi agad sumagot si Koki na alam niyang nakatingin sa kaniya. Malamang na hindi nito inaasahan na makikita siya roon.
Matapos niyang mag-ipon ng lakas ng loob, nag-angat siya nang tingin. "H-happy birthday, Koki," nauutal niyang bati.
"Salamat," ani naman ni Koki na nagtataka pa rin.
"Koki, si Abella kaibigan ko," pagpapakilala ni Neith sa kaniya.
Tagusan ang tingin niya rito. Hindi pa niya kayang makipagtitigan dito. Maraming alaala ang nagbabalik na ayaw na sana niyang maalala.
"Kilala ko siya, Abella Santos, right?"
Hindi umimik si Abella at tumango naman si Neith para ikumpirma ang tanong ng kaharap.
"Kumusta? You're getting older, Bro. Kailan mo pa balak mag-asawa?" nakangiting ani Neith.
Tumawa si Koki. "Maybe soon, Bro. Abangan mo na lang. E, ikaw? You're Already 26, bakit ata ni girlfriend wala ka pa?" balik nito kay Neith.
"I'm just waiting to someone."
Nailang siya nang bumaling ito sa kaniya. Ganoon din si Koki na malamang may nabuong kongklusyon sa isip nito.
"I'm sure she's worth waiting for. Good luck, Bro," anito.
Pakiramdam niya, lumiliit na ang mundo niya at ng nakaraang pilit niyang tinatakasn. Utay-utay nang bumabalik ang mga taong naging parte noon.
"Tara't kumain," aya ni Koki sa kanila.
Nagtungo sila sa isang bakanteng table at mayamaya lang ay may dumating na lalaki para mag-serve sa kanila ng pagakain.
"Abella, kumusta ka na?"
Umangat siya ng tingin kay Koki. "O-okay naman. Ikaw kumusta?" balik niya.
"Ito, ganoon pa rin naman."
"By the way, paano kayo nagkakilala nitong si Abella?" sabat ni Neith na palipat-lipat ang tingin sa kaniya at kay Koki.
"Kaibigan ko kasi 'yong kaibigan niya," palusot ni Koki na tila alam nito na ayaw ni Abella na pag-usapan si Nathan.
"Ah," pagtango-tangong ani Neith.
Mayamaya pa'y nagpaalam na sa sa kanila si Koki dahil maraming bisita ang dapat niyang i-approach.
"Akalain mo 'yon, magkakilala pa kayo ni Koki," hindi makapaniwalang saad ni Neith.
Ngumiti lang siya rito at uminom ng tubig. Hindi niya gustong pag-usapan si Koki dahil naaalala rin niya si Nathan. Hindi pa pala siya handang harapin ang anumang mga koneksyon sa nakaraan niya.
"Wait me here Abella, may kakausapin lang ako," paalam ni Neith sa kaniya.
Tumango lang siya para payagan ang lalaki. Pinagmasdan niya lang ang binata na patungo sa grupo ng mga lalaki sa gawing gitna ng lugar.
Napa-pout siya habang pinagmamasdan ang paligid. May kaniya-kaniyang kausap ang bawat isa at lahat sila masaya. Si Koki naman ay patuloy ang pag-approach sa mga bisitang dumarating.
Maya-maya pa'y bigla siyang napatingin sa lalaking kalalapit lang kay Koki. Bahagya ring napalingon sa kaniya si Koki na may halong pahiwatig.
Nagngitian ang dalawa habang si Abella naistatwa sa kinauupan niya. Hindi siya maaaring magkamali sa nakikita. Kahit ata nakatalikod ito ay makikilala at makikilala pa rin niya ito.
Hindi niya alam ang gagawin. Bumilis ang kabog ng dibdib niya na tila ba napakaraming tao ang nagtatambol doon. Utay-utay na nawawala ang lakas ng tuhod niya at tila anumang sandali ay bibigay na siya.
Gusto niyang tumakbo habang hindi pa siya nakikita ni Nathan pero hindi niya magawa. Sunod-sunod nagsipasukan sa isip niya ang lahat ng nangyari isang taon na ang nakakaraan.
Parang slow motion ang sumunod na nangyari. Ang paglingon ni Nathan sa gawi niya. Biglang tila may asidong bumuhos sa kaniyang tiyan. Hindi niya alam ang gagawin. Naistatwa siya habang nakaawang ang bibig.
Natulala si Nathan. Hindi niya mabasa ang emosyon sa mukha nito.
Umiwas siya sa mapanuring tingin nito. Pinilit niya ang sariling tumayo sa upuan at nagawa naman niya. Agad siyang tumakbo palayo sa lugar na 'yon kahit nanghihina siya. Naramdaman na lang niya ang pag-agos ng luha sa kaniyang pisngi.
Hindi pa talaga siya handang harapin si Nathan, hindi pa niya kayang iharap ang sarili sa lalaking sinaktan niya. At nanakit sa pagkatao niya.