Kabanata 20

3382 Words
"ANAK, hindi ko kayang makita kang nasasaktan, nasasaktan din ako," malungkot na sabi ng ina ni Abella na si Marla habang hinahagod ang likod niya. Gusto man niyang itago sa ina ang nangyari, pero 'di na niya nagawa dahil sa namumugto niyang mga mata. Magsinungalin man siya rito, alam niyang hindi iyon paniniwalaan ng ina at hindi ito titigil hanggat hindi nalalaman ang nangyayari. Kaya wala na siyang nagawa kung 'di ang ikwento ang nangyari. Idagdag pa si Julio na nangangati ng ipaalam sa kay Marla ang mga nangyari. "Hindi ko nga po maintindihan ang anak ninyo, tita. Pinagpipilitan pa ang sarili sa taong itinataboy na siya palayo at tahasang sinasabing hindi na siya mahal," hagas na komento ni Julio na nakahalukikip sa gilid ng sofa. "Hay naku, ito naman kasing si Nathan hindi ko rin maintindihan. Parang kahapon lang ay hahabol-habol siya kay Abella tapos ngayon halos sipain na niya si Abella lumayo lang sa kaniya," dagdag pa nito. Nakayuko lang siya habang prinoproseso ang lahat ng mga nangyari. Hindi niya rin inakala na kaya niya palang humabol sa isang lalaki at magpaka-martyr. Pero wala siyang pakialam dahil isa lang ang alam niya kung bakit humantong siya sa ganoon–iyon ay dahil mahal niya si Nathan at ayaw niya itong mawala. "Anak, alam kong mahal mo si Nathan pero hindi mo kailangang saktan ang sarili mo." Bumuntong-hininga ito. "Hindi kita masisisi kung bakit pinagpipilitan mo ang sarili mo kay Nathan dahil alam kong mahal mo siya. Pero nagmamakaawa ako, anak huwag mo namang saktan ang sarili mo dahil nahihirapan akong makita kang ganiyan. Nadudurog ang puso ko." Ramdam ni Abella ang sakit at lungkot na nadarama ni Marla para sa kaniya pero buo pa rin ang determinasyon niyang makuhang muli si Nathan. Wala pa sa isip niya ang sumuko dahil lamang sa nangyari. Nang halikan niya si Nathan, naramdaman niya ang pananabik nito. Ang pagmamahal. Kaya bakit siya susuko kung patuloy niyang nadarama iyon? Nag-angat siya nang tingin sa Ina habang mababakas ang sakit at lungkot sa kaniyang mukha. "I'm so sorry, 'Ma kung pati kayo nahihirapan at nasasaktan sa sitwasyon ko pero buo pa po ang loob ko na hilahin pabalik si Nathan dahil naniniwala po akong mahal pa niya ako," puno ng determinasyon niyang tugon. Iumamlam ang mga mata ni Marla. Makikita ang awa sa mukha nito. "Anak, hindi lahat ng pinaniniwalaan natin ay totoo. Minsan naniniwala lamang tayo sa isang bagay dahil choice natin iyon, dahil sa udyok ng damdamin natin. Na alam nating hindi totoo pero patuloy nating pinaniniwalaan." Umiling si Abella. Ayaw niyang paniwalaan na baka ang bagay na pinaniniwalaan niya ay hindi na pala totoo. Na baka nga talagang wala ng damdamin si Nathan sa kaniya. "Hindi ko po susukuan si Nathan, 'Ma. Ayaw ko na pong sumuko. Ayaw ko ng magpatalong muli, gusto kong lumaban para kahit ano mang hantungan nito, wala akong pagsisisihan dahil lumaban ako," buong tapang niyang sabi. Wala nang makakapigil sa kagustuhan niyang lumaban para mabawi si Nathan. Hindi na siya maaaring maging duwag sa pagkakataong ito dahil kapag naduwag muli siya, baka mawala na ng tuluyan si Nathan sa kaniya at baka hindi niya iyon kayanin. – "IF YOU'RE not feeling well, Abella just rest," pigil ni Neith kay Abella nang papunta siya sa counter para kausapin si Carla. Hinarap niya ito, saka ngumiti sa abot ng makakaya niya dahil alam niya sa sarili na hindi siya okay. Na may mabigat sa loob niya. Na may masakit sa puso niya. "H-hindi na kailangan, Sir Neith okay lang po ako," tugon niya rito. Wala naman siyang choice kung 'di ang pilitin ang sarili na maging okay sa harap ng ibang tao kahit nadudurog siya sa loob. Hindi niya inisip na idamay ang trabaho sa mga nangyayari sa kanila ni Nathan. Kailangan niyang magtrabaho para sa kanilang mag-ina. "Nakakahiya na rin kasi sa inyo, Sir Neith. Masyado na akong nagpapaimportante na hindi naman dapat dahil isa lang din naman akong empleyado dito kagaya nila." Tumingin siya sa mga kasama sa trabaho na alam niyang naging unfair siya at si Neith sa mga ito. "Because you are, Abella. You're special to me," masuyo nitong saad. Umiwas siya rito ng tingin dahil sa mga sinabi nito na kahit alam niyang totoo, nakaramdam pa rin siya ng pagkailang. "I'm worried, Abella. Nag-aalala ako sa 'yo dahil alam kong hindi ka okay. Na nasasaktan ka ngayon at...nasasaktan din ako na nakikita kang ganiyan. Itanggi mo man, but it's obvious." Nakagat niya ang pang-ibabang labi. Akala niya'y kaya niyang itago ang sakit na nasa loob niya na kahit anong gawin niya hindi man lang mabawasan pero nagkamali siya dahil hindi pala iyon ganoon kadali. Mahirap na palang itago ang malaking sugat na nagdudulot ng walang hanggang sakit. Nag-angat si Abella ng tingin kay Neith na mababakasan ng labis na pag-aalala. Kunot na kunot ang noo nito. "Magiging okay din ako, Sir Neith. Nakaya ko nga noon at makakaya ko rin ngayon." Mapakla siyang ngumiti. Suminghap si Neith, saka nagpamaywang. "Why I'm acting like this?" mahina nitong sabi. Humarap si Neith sa kaniya at mabilis na hinawakan ang braso niya. Marahan siya nitong hinila patungo sa locker room. Wala na siyang nagawa kung 'di ang pagmasdan ito sa ginagawa. "Magpalit kana," utos nito. "I'll wait you outside." "Pero–" "No buts, just do what I said," putol nito sa sasabihin niya, saka walang lingon na lumabas ng locker room. Naiwan si Abella na nakatingin lang sa pinto at hindi alam ang gagawin. May trabaho pa siya at hindi pa oras ng out. Alas-syete pa lang ng gabi. Ngumuso siya, saka umupo sa bench na naroon. Ilang saglit pa ang lumipas bago siya nagdesisyong sundin ang sinabi ni Neith dahil alam niyang wala na rin siyang magagawa kung 'di ang sumunod dito. "30 minutes." Napayuko siya sa narinig. Hindi niya alam na thirty minutes na pala siyang nasa loob. "I'm sorry, Sir Neith masyado lang akong nagulat," paghingi niya ng paumanhin. "No, it's okay. Let's go," anito na hindi siya nilingon at nauna nang naglakad. Sumunod naman siya. "Saan po ba tayo pupunta, Sir Neith?" tanong niya habang sinusundan ito palabas ng restaurant. "Sa lugar kung saan kahit pa paano magiging okay ka." Lumingon lamang si Neith ng bahagya. Hindi na lang siya umimik. Tahimik na lang siyang sumunod kay Neith hanggang marating nila ang sasakyan nito. Pinagbuksan pa siya nito ng pinto. Ayaw isipin ni Abella na ginagawa iyon ni Neith dahil umaasa itong baka mahalin din niya ito. "Bakit mo 'to ginagawa, Sir Neith?" kapagkuwa'y tanong niya nang umadar na ang sasakyan. "Don't get me wrong, Abella. Tanggap ko nang hindi ka para sa akin. Yes, I admit it, I still love you pero hindi ko 'to ginagawa para makuha ka kay Nathan. I'm doing this because I love you, not to get you from Nathan." Ngumiti siya ng bahagya dahil sa sinabi ni Neith. Sadyang mabait lamang ang binata at tamang hindi niya isipin na ginagawa nito iyon dahil gusto nitong makuha siya. "Salamat, Sir Neith," masuyo niyang aniya. "Don't thank me, Bella just be happy." Ginawaran siya nito ng matamis na ngiti. Ilang saglit pa silang nasa sasakyan bago iyon huminto sa hindi niya alam na lugar. Lumingon siya sa paligid at tumambad sa kaniya ang makukulay na tubig na sumasayaw sa ere. Namangha siya sa mga fountain na iyon. Bumukas ang pinto ng kotse at sumalubong sa kaniya si Neith na nakangiti. Tinanggap niya ang nakalahad nitong kamay at marahan siyang inalalayan sa pagbaba. "Nagustuhan mo ba, Bella?" Napangiti siya habang pinagmamasdan ang lumilipad na mga tubig na sumasabay sa tugtugin. Napakaganda niyon tingnan. "Sobra, Sir Neith. Ang ganda panourin ng mga tubig na lumilipad. Ang sarap sa mata," sagot niya habang nananatili ang mga mata sa lumilipad na mga tubig. "I'm glad to hear that, Bella. Just enjoy," anito. Naglakad-lakad silang dalawa sa gilid ng mga fountain na iyon. Hindi niya maawat ang mga mata na pagmasdan ang mga iyon dahil sa makukulay at organized na pagsayaw ng mga ito. "Masaya ako na kahit nasasaktan ka, you can still appreciate things, Bella. Tama na hindi mo kinulong ang sarili mo sa sakit." Lumingon siya kay Neith. Ngumiti ito ng bahagya sa kaniya. "Sinusubukan ko, Sir Neith," pakli niya. "Alam mo nang mga panahong sinabi mo na hindi mo masusuklian ang pagmamahal ko, nasaktan ako. Pero nang matanggap ko na ang katotohanan, nabawasan 'yong sakit." Ngumiti ito. "I'm sorry, Sir Neith," sabi niya. "Alam mo kung bakit mas lalo tayong nasasaktan? Dahil pinipilit natin 'yong sarili natin sa mga taong ayaw sa atin." Hindi siya nakaimik dahil sa narinig mula kay Neith. Napayuko siya. "Alam ko ang nangyayari sa 'yo, Bella at nalulungkot ako ako." Nasa boses ni Neith ang simpatiya sa kaniya. Wala siyang mahagilap na salitang ibabato kay Neith. Nararamdaman na naman niya ang sakit na kung maaari sana ay mawala na lang. "Nasasaktan ako kapag nakikita kang nasasaktan. Kung sana lang kaya kong gamutin 'yong sakit na nararamdaman mo, gagawin ko. Pero alam kong si Nathan at ang panahon lang ang makakagamot diyan sa sakit na nararamdaman mo. Pero I'm still hoping na kahit pa paano mapagaan ko ang loob mo," mahaba nitong litaniya na puno ng pag-aalala sa kaniya. "S-salamat, Sir Neith." – NATAGPUAN na lang ni Abella ang sarili na nasa tapat ng restaurant ni Koki. Wala siyang balak guluhin si Nathan pero kusang dinala siya ng mga paa sa lugar na iyon. Hanggang sa mga sandaling iyon, hindi pa rin niya lubos maisip na nangyayari ang lahat ng iyon. Na sa isang iglap lang ay si Nathan na mismo ang lumayo na kahit kailan hindi niya hiningi rito pero ginawa nito. Masakit sa kaniya ang lahat pero hindi rin niya masisisi si Nathan dahil siya ang nagtulak dito na gawin ang bagay na iyon. Mabilis siyang nagtago sa halamang malago sa gilid ng restaurant nang makita niya ang paglabas ni Koki roon kasunod si Nathan. Mukhang may seryosong pinag-uusapan ang mga ito. Nagwala ang puso niya nang masilayang muli si Nathan kahit nasa malayo siya. Nananabik na siya sa binata. Gusto niya itong takbuhin at yakapin ng mahigpit. Iparamdam na mahal niya ito at ayaw niyang mawala ito sa kaniya pero mukhang huli na nga siya para iparamdam ang mga iyon dahil hindi na siya ang gusto nitong makasama. "Paano, bro mauna na ako," paalam ni Koki kay Nathan nang tuluyang makalabas ang mga ito. Tumango si Nathan sa kaibigan. "Ingat, bro," anito pa. "Huwag mong masyadong pahirapan ang sarili mo dahil alam nating pareho kung kanino ka talaga tunay sasaya. Kung sino talaga ang laman ng puso mo. Pag-isipan mong mabuti ang mga sinabi ko, bro. Sige, mauna na ako. Ingat, bro." Tinapik pa ni Koki si Nathan sa balikat bago tuluyang sumakay sa sasakyan nito. Gustong isipin ni Abella na siya ang tinutukoy ni Koki pero alam niya sa sarili na maaaring hindi talaga siya iyon dahil kung siya man iyon hindi siya magagawang saktan ni Nathan. Hindi siya nito magagawang ipagtabuyan palayo. Narinig niya ang malalim na paghinga ni Nathan habang naiwan itong tulala. Gusto niya itong lapitan pero wala siyang lakas ng loob dahil natatakot siyang ipagtabuyan muli nito. Masyado pang sariwa ang mga sugat na ginawa nito at hindi niya kaya kung madadagdagan pa iyon. Pinagmasdan na lang niya ang pagsakay ni Nathan sa sasakyan nito at ang paglayo nito sa kaniya. Lumabas siya sa pinagtataguan at sinundan ng tingin ang papalayong kotse ni Nathan. Pinahid niya ang mga luhang kumawala ng hindi niya namamalayan. Marami siyang gustong sabihin kay Nathan pero parang nawawalan na siya ng lakas ng loob. Natatakot na siyang masaksihan at marinig ang katotohanan. Magpapahinga lang ako, Nathan pero hindi kita susukuan. – "KUMUSTA, Abella," tanong ni Manny kay Abella nang makaupo ito sa sofa. "I'm so sorry sa ginawa ni Nathan sa iyo," malungkot pa nitong paghingi ng paumanhin. Nag-angat siya nang tingin sa ama ni Nathan na ngayon ay nasa harap niya. Nagulat siya sa biglaang pagdalaw nito sa kaniya pero may kung anong pananabik din siyang nadama sa maaari nitong sabihin. "Napakaipokrita ko po kung sasabihin kong okay lang ako sa kabila ng mga nangyari sa amin ni Nathan, hindi po ba? Hindi niyo po kailangang mag-sorry sa ginawa ni Nathan," mapait siyang ngumiti sa pag-alala sa mga iyon. "Kayo po, Tito kumusta? Bakit po pala kayo napadalaw?" tanong niya rito na pilit ginagawang normal ang dating niyon. Bumuntong-hininga si Manny, saka pinagsalikop ang mga kamay. "Hindi ko alam kung bakit biglang naging ganoon si Nathan. I know how much he love you, Abella. Hindi man niya aminin pero nararamdaman ko iyon kaya nagulat ako nang malaman ko ang mga nangyari sa inyong dalawa." Mababakasan ang simpatiya sa boses nito na alam niyang sa kaniya iyon. "Iyon din po ang pinaniwalaan ko pero mukhang maling pinaniwalaan ko iyon dahil ngayon...pinapakita ni Nathan sa akin na hindi na niya ako mahal. Na sawa na siya sa akin. Na sumuko na siya. Ayaw ko pong paniwalaan ang mga iyon pero iyon ang ipinaparamdam niya." Gusto na namang umagos ng luha sa mga mata niya pero pinigilan niya iyon. Ayaw niyang umiyak sa harap ni Manny. "Naniniwala ka ba talagang hindi ka na mahal ni Nathan, Abella?" Saglit siyang napatitig sa kaharap dahil sa naging tanong nito. Sa mga nangyayari ngayon, hindi na niya alam ang dapat niyang paniwalaan pero umaasa pa rin siya na siya pa rin ang mahal ni Nathan. Umiling siya. Kahit nasaktan siya nito ng sobra-sobra, alam niya sa sarili na mahal pa siya ni Nathan. Paniniwalaan niya iyon hanggat nararamdaman niya iyon. Naniniwala pa rin siyang may maling nangyayari. "A-ayaw ko man pong pag-isipan ng masama si Irene, pero...p-pero nararamdaman ko pong may kinalaman siya sa mga nangyayari," pagtatapat niya rito. "Iyon din ang kutob ko, Abella. Kilala ko si Irene, she can do everything just to get what she want, whatever it is. Huwag kang mag-alala, Abella I will find the truth." Lalong nadagdagan ang pag-asa sa puso niya na baka nga dahil kay Irene kung bakit nangyayari ang lahat ng iyon. Na mahal pa rin siya ni Nathan at nagsisinungalin lamang ito sa mga sinabi sa kaniya dahil sa ina. "S-salamat po, Tito Manny," tanging nasabi na lang niya. "Sa pamamagitan nito sana kahit pa paano makabawi ako sa anak ko dahil alam ko, nararamdaman kong sa iyo lang siya sasaya." Ngumiti pa ito sa kaniya para i-assure siya. "Hindi ko po susukuan ang anak ninyo kahit ipagtabuyan niya ako palayo. Mahal ko po si Nathan at ayaw ko na siyang mawala ulit." Tama na 'yong minsang hinayaan niyang mawala ito sa kaniya. Panahon naman siguro para ipaglaban niya ang nararamdaman niya para rito. "Salamat sa pagmamahal kay Nathan, hija. Gusto ko mang iparamdam sa kaniya ang pagmamahal ko kagaya mo pero hinaharang niya iyon na para bang allergy siya sa pagmamahal ko." Mapakla pa itong ngumiti. "Mabuti po kayong tao, Tito Manny at darating ang panahon na makikita rin iyon ni Nathan." Bulag si Nathan dahil hindi nito makita ang effort na ginagawa ni Manny para rito. Mabuting tao ang ama ni Nathan at nakikita niya iyon. Nakikita niyang deserve nito ang kapatawaran mula kay Nathan. "Darating ang panahon na magiging okay din kayo ni Nathan at magiging masaya." Pinagdikit nito ang mga labi, saka ngumiti ng bahagya sa kaniya na para bang sigurado ito na mangyayari pa iyon. "Sana po." – "SO, ipagpapatuloy mo pa rin ang paghabol kay Nathan? Paano kung totoong hindi ka na niya mahal?" tanong ni Julio kay Abella nang minsang magyaya itong lumabas silang dalawa. Tumanggi siya pero pinilit siya nito para kahit pa paano raw ay makapag-relax siya. Naikwento niya na rin dito ang pagdalaw ni Manny sa kaniya at ang hinala nila. Tumango si Abella. "Paniniwalaan ko ang pinaniniwalaan ko, Jennifer at kung mali man 'yon, at least wala akong pagsisisihan dahil alam kong ginawa ko ang lahat," tugon niya rito habang naglalakad sila sa loob ng mall. Bumuntong-hininga si Julio. "Sige na, ikaw na ang martyr of the year. Dinaig mo pa ang mga paring martyr sa ginagawa mo ah," anito at umirap pa. Sa 'di niya inaasahang pagkakataon, nasagip ng mga mata niya si Nathan sa kabilang bahagi ng mall kasama si Melaine. Nakapamulsa ito habang iritasyon ang mababakas sa mukha. "Nathan," banggit niya sa pangalan nito habang habol nang tingin sa dalawa. Hinawakan niya ang braso ni Julio para sana magtago. Hindi niya alam ang gagawin sakaling makita si Natahan kasama si Melaine pero mukhang huli na siya dahil nakita sila ni Melaine. At balak pa yata talaga nitong pasakitan siya dahil lumiko ang mga ito patungo sa kinaroroonan nila. "You're late, Girl palapit na sila," mahinang sabi ni Julio na halatang nagsisimula nang kumulo ang dugo. "Ano'ng gagawin natin?" nababahala niyang tanong. Nasasaktan lang siyang lalo sa tuwing nakikita si Nathan na kasama si Melaine. "What you guys doing here?" tila nagulat pa ito na nakita sila doon kahit halata namang hindi ito nagulat. Natuwa pa nga ata ito dahil nakita siya roon para painggitan siya. "Magswi-swimming," pamimilosopo ni Julio. Kung hindi lang siya kinakabahan baka tumawa na siya ng malakas. "Ano bang ginagawa mo kapag nasa mall ka?" dagdag pa nito. Sumulyap siya kay Nathan na walang kibo at nakatingin lang sa paligid habang nakapamulsa. Nasasaktan siya sa ipinapakita nitong parang wala lang siya para rito. Mas malamig pa sa yelo ang presensiya nito. Umirap lang si Melaine kay Julio at bumaling sa kaniya. "How are you, Abella? Hindi mo man lang ba kami iko-congrats ni Nathan? We're official," pagmamayabang nito na halata namang gusto lang siya nitong inggitin. Parang may malaking kamay sa dibdib niya na pumipiga sa puso niya dahil sa mga narinig. Hindi malayong totoo ang sinasabi nito dahil kung titingnan mukhang masaya sila sa isa't isa. Bumaling si Abella kay Nathan. Blangko lang ang mukha nito nang magtama ang mga mata nila. Pilit niyang hinahalukay ang mata nito pero wala siyang makitang emosyon. "Hindi ko muna kayo iko-congrats dahil hindi pa tapos ang laban," matapang niyang sabi sa kabila ng mga sakit na nadarama niya. Hindi niya ipapaubaya ng ganoon na lang si Nathan dahil mahal niya ito. "Let's go, Jennifer," anyaya pa niya sa kaibigan. Muli niyang sinulyapan si Nathan bago ito tinalikuran. Hindi niya susukuan ang pagmamahal kay Nathan. Iparamdam man nito sa kaniya na hindi na siya nito mahal, lalaban pa rin siya. "Are you okay, Girl?" nag-aalalang tanong ni Julio sa kaniya ng makaupo sila sa isang bench sa labas ng mall. "Hindi ako okay, Jennifer pero dapat akong maging okay," sabi niya habang nakatingin sa kaibigan. "Hintayin mo ako dito, bibili lang ako ng maiinom natin," paalam ni Julio, saka mabilis na umalis sa harap niya. Naiwan siyang tulala habang iniisip ang nangyari kanina. Ipinatong niya ang dalawang palad sa kandungan niya. Pinigilan niya ang pagtulo ng mga luha sa kaniyang mga mata pero may kumawala pa rin doon dahil sa sakit na gumuguhit sa puso niya. Hindi niya alam kung may patutunguhan ba ang ginagawa niya o masasaktan lang siya hanggang huli. "Bakit hindi ka na lang sumuko, Abella?" Napaigtad siya nang marinig ang boses ni Nathan sa likod niya. Nagwala ang puso niya na halatang nanabik sa binata. Pinahid niya ang luha sa mga mata, saka lumingon dito. Nakapamulsa ito habang blangko ang mukha. "Bakit ako susuko, Nathan?" balik niyang tanong. "Damn! Bakit ba ang tigas ng ulo mo, Abella? Bakit kailangan mong saktan ang sarili mo?" mataas ang boses na sabi nito. Ang blangko nitong mukha ay napalitan ng iritasyon. "Dahil hindi ako naniniwala sa mga sinasabi't pinapakita mo, Nathan. Dahil naniniwala akong mahal mo pa rin ako hanggang ngayon. Na babalik ka pa," puno ng sakit at pag-asang saad niya. Nasapo ni Nathan ang noo nito at naisuklay ang mga daliri sa buhok nito. "Bakit ba ang hirap mong protektahan, Abella?" Kumunot ang noo niya sa narinig mula rito. Anong ibig nitong sabihin na ang hirap niyang protektahan? Napatitig siya kay Nathan na hindi mapakali. Halo-halong emosyon ang mababakas sa mukha nito. Natagpuan na lang niyang papalayo na sa kaniya si Nathan. Naiwan siyang tulala at patuloy na iniisip ang mga sinabi nito sa kaniya. Bakit ba ang hirap mong protektahan, Abella?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD