DK Andito ako ngayon sa isang sosyal na bar at nagpapakalasing. Dito ako dumiretso matapos ko siyang iwan kanina sa school. Ako lang mag-isa sa isang table sa sulok. "Damn!" napamura ako nang dumaloy ang mapait at mainit na likido sa lalamunan ko. Nakakalahati ko na ang malaking bote ng Beefeater at alam kong malapit na akong malasing. Matagal na rin kasing hindi ako umiinom kaya mabilis ang epekto ng alak sa akin ngayon. Ayoko naman kasi talagang uminom pero alam kong kailangan ko ito ngayon para sa halo-halong emosyon na nararamdaman ko. Una, nagagalit ako sa sarili ko. Bakit di ko mapigilang mahulog kay Luke? Oo. Gusto ko na siya. Sa unang pagkakataon ay nagkagusto ako sa isang lalaki. Galit ako dahil antanga ko lang, nai-in love ako sa lalaking ang mahal ay ang mukhang dala-dala ko.

