Chapter 1

5000 Words
Chapter 1 Excited akong sumakay sa eroplano, ilang oras pa at nasa Pilipinas na ako. Limang taon akong nagtrabaho sa Canada at umuwi ako dahil sa usapan namin ng aking nobyo na si Manuel. Balak na namin magpakasal kapag natapos na ako dito, at ngayon nga ay pauwi na ako. Hindi ko sinabi na uuwi na ako, nais ko na surpresahin ito. Si Manuel ay nobyo ko ng pitong taon, at handa na akong maging asawa nito. Pagpasok ko sa loob ng eroplano ay agad kong nakita ang aking upuan. Nais ko na sa tabi nang bintana ako maupo ngunit nadismaya ako ng makalapit at makita kong may nakaupo na. Nahihiya man ay lakas loob ko itong kinausap. " Excuse Me Sir, would you mind if we change our seat? I just want to seat beside the window." Magalang ko pang wika dito. Dahan dahan itong lumingon sa akin, nakasuot pa ito ng sunglass na akala mo ay mataas ang araw sa loob. Bahagya nitong ibinaba ang suot na sunglass at napanganga ako ng makita ang mga mata nitong kulay abo. Matangos ang ilong at napakagwapo nito. Siguro ay artista ito o kaya ay modelo. " Miss, alam kong gwapo ako, hindi mo na ako kailangan pang titigan. " mayabang na wika nito sa akin. Agad na napataas ang aking kilay at napanguso. Ang feeling naman pala nito. Akala mo ay siya lang ang gwapo sa mundo. Tumayo ito at lumipat ng upo sa katabing upuan. " Sige na, sa tabing bintana ka na at baka umiyak ka pa diyan " pang aasar pa nito sa akin. Hmp, kung hindi ko lang talaga gusto sa tabi ng bintana, hindi na ako makikipag usap dito. Ilang sandali pa ay lumipad na ang eroplano. Hindi mawala sa mga labi ko ang ngiti. Excited na akong makita at makasama si Manuel. Muli akong napalingon sa aking katabi at nakita kong mahimbing na itong natutulog. Ipinikit ko narin ang aking mga mata, ilang oras na lamang ang aking hihintayin at makakawi na ako. Pagdating sa Pilipinas ay hindi ko na nakita pa ang nakatabi ko. Mabilis akong naglakad palabas, wala akong sundo dahil gusto kong sorpresahin ang aking nobyo. Wala itong alam na ngayon na ang uwi ko. Agad akong dumiretso sa aming bahay, maging ang aking mga magulang ay walang alam na ngayon na ang aking dating. Agad akong bumaba ng taxi ng makarating. Tumingin ako sa aming bahay, ibang iba na ito kumpara noong umalis ako limang taon na ang nakaraan. Meron na itong dalawang palapag at mayroon na ding sariling gate. Pinipigilan kong huwag maluha dahil sa aking nakikita. Agad kong pinindot ang doorbell na aking nakita. " Sandali " sigaw ng boses lalaki na nanggaling sa loob ng bahay. Muli akong nag doorbell at muli narinig ko itong nagsalita. " Sandali lang, papunta na. Sino ba itong hindi makapag hintay ?" Naririnig kong wika ng lalaki na alam kong ang aking ama. Ilang sandali pa at bumukas ng bahagya ang gate at sumilip si Papa. Nanlaki ang mga mata nito ng makita akong nakatayo sa harapan ng gate. Agad na bumagsak ang kanina ko pang pinipigilang luha. Agad kaming nagyakap ni Papa at hindi na napigilan na magiyakan. " Hindi ka man lang nagpasabi anak na darating ka. " nagtatampong wika nito sa akin. Hindi pa man ako nakakasagot ay narinig na namin si Mama na umiiyak, nasa likuran na pala ito ni Papa. " Ma " muli akong napaiyak ng magyakap kami ni mama. " namiss ko po kayo ni Papa. " " Hindi ka nagsabi na ngayon ang uwi mo, para nasundo ka namin sa airport " wika ni Mama sa akin. " Gusto ko po kayo isurprise eh. Kahit po kay Manuel hindi ko po sinabi. " tugon ko sa kanilang dalawa. Muli kaming nagyakap na tatlo, ang tagal kong hinintay ang ganitong pagkakataon,na muli kaming magkasama sama. " Ang sarap talaga ng luto mo Ma, the best adobo. Ito ang namiss ko, mga pagkaing pinoy. " sabi ko habang sabay sabay kaming kumakain ng hapunan. " Sige pa, kumain ka lang. Marami talaga ang niluto ko kasi alam kong paborito mo yan. " wika naman ni Mama sa akin. Ganadong ganado ako sa pagkain ko ng magsalita si Papa. " Alam ba ni Manuel na andito ka na?" Tanong sa akin ni Papa. Napatingin ako dito at ngumiti. Umiling lang ako dito. " Pupunta ba siya dito bukas ?" Tanong pa nito. " Hindi ko po alam, siguro bukas tatawagan ko siya, linggo naman at walang officework. " sagot ko kay Papa. " Alam kong plano nyo nang dalawa ang magpakasal, pero, isipin mong mabuti kung siya na nga ba talaga ang gusto mong makasama. Matagal kayong hindi nagkasama, mas mabuti kung kikilalanin ninyo muna ulit ang isa't isa. " mahabang litanya ni Papa sa akin. Napahinto ako sa aking pagnguya sa sinabi nito. " Bakit Pa, may problema po ba? Noon bago ako umalis gustong gusto nyong si Manuel ang makatuluyan ko." Tanong ko kay Papa. Nakita kong nagtinginan sila ni Mama at sabay ding tumingin sa akin. "May kailangan po ba akong malaman Ma.. Pa ?" Naguguluhan kong tanong sa kanila. " Walg mo na lang pansinin ang sinabi ng Papa mo, sige na, kain lang ng kain ng tumaba ka naman. Ang laki ng ipinayat mo sa Canada, hindi ka ba kumakain doon? " natatawang tanong ni Mama sa akin. Nagpatuloy na lamang ako sa aking maganang pagkain. Masayang masaya ako na nakauwi na ako at ngayon nga ay kasama ko nang muli ang pamilya ko . Sa lunes ko na balak na puntahan si Manuel sa kanyang trabaho. Gusto ko sana itong i surprise, siguradong matutuwa ito na makita akong muli pagkatapos ng mahabang panahon. Chapter 2 Araw ng lunes, maaga akong gumising upang maghanda sa pagpunta sa pinagtatrabahuan ni Manuel. Kabisado ko na kung saan ang kumpanya nito. Office staff si Manuel sa Brillantes Hotel and Suites, at matagal na itong nagtatrabaho doon. Pagkababa sa taxi ay agad akong lumapit sa guard upang magtanong. " Good Morning po, Ito na po ba ang Brillantes Hotel and Suites?" Magalang kong tanong dito. " Oo iha, aplikante ka ba dito ?" Mabait na tanong din sa akin ni Kuyang Guard. " Ay hindi po, may bibisitahin lang po sana. Sa accounting dept po. " imporma ko pa dito. Tumingin ito sa suot na relo at muling tumingin sa akin " malapit na rin naman ang lunch break, hintayin mo na lang. Andito sa baba ang canteen, at dito halos lahat kumakain ang mga empleyado. Dito mo na lang abangan ang hinahanap mo " nakangiti nitong wika sa akin. Napatango ako dito. " Sige po, maghihintay na lang po ako dito hanggang lunch break. salamat po " nakangiti na akong nagpaalam dito at pumunta sa lobby at doon ay naupo sa malambot na sofa. Isang oras na lang naman at breaktime na. Tamang tama, may mga dala akong pasalubong sa kanya at para na rin sa mga katrabaho niya. Makalipas lamang ang isang oras nakarinig na ako ng mga nagkukwentuhan at nagtatawanan. Napalingon ako sa aking likod at nakita ang mga grupong magkakasama na pupunta ng canteen. Agad akong napangiti at tumayo na Bahagya ko pang inayos ang suot kong pink blouse na tenernuhan ko lang ng maong pants at white sneakers. Pinagala ko ang paningin ko sa mga naglalakad ng matanawan ko ang aking nobyo, si Manuel. Tumatawa ito habang naglalakad at may mga kausap. Pinagmasdan ko ito sa kanyang suot na three piece suit na kulay blue na bagay na bagay dito. Bahagya akong lumapit dito at nakangiti itong tinawag. " Manuel " tawag ko dito sapat lamang upang marinig nito. Napatingin ito sa gawi ko at kitang kita ko sa mukha nito ang pagkagulat. Biglang nawala ang ngiti sa labi nito ng makita ako. Mabilis akong lumapit dito at agad itong niyakap ng mahigpit. Wala akong pakialam kahit na pagtinginan kami. Napabitaw lang ako ng makarinig kami ng mga palakpakan sa paligid. " Anong ginagawa mo dito. Kailan ka pa nakauwi?" Gulat pa ring tanong sa akin ni Manuel. " Surprise " naluluha pa ako habang nakayakap dito. " kahapon lang ako dumating, gusto ko kayong isurprise kaya hindi ko na sinabi sa inyo. " Masaya ka ba andito na ako ?" Paglalambing ko dito. " O-oo naman. Pero sana nagsabi ka para nasundo kita sa airport. Babalik ka pa ba sa Canada?" Tanong pa nito sa akin. " Grabe ka naman, kadarating ko pa lang, gusto mo na ulit akong pabalikin doon. Pero don't worry, hindi na ako babalik doon. Dito na ako for good. " malaki ang ngiting wika ko kay Manuel. " Ganoon ba? Kumain ka na ba?" Tanong pa nito sa akin. " Hindi pa nga eh, yayayain sana kitang kumain. " wika ko dito. Napatingin ito sa suot na relo at muling tumingin sa akin. "Sa labas sana kakain tayo pero siguradong male late ako ngayong hapon. Ok lang ba sayo sa canteen na lang muna.?" Tanong ni Manuel sa akin. Napapansin kong panay ang lingon nito at tila ba may hinahanap. " Ok lang naman kahit saan. Tara na, at baka ma late ka pa. Saan ba ang canteen ninyo.?" Masaya kong tanong dito. Wala naman problema sa akin kahit saan kami kumain, ang importante ay magkasama na ulit kaming dalawa. Magkasabay kaming pumasok sa canteen at ang ilan sa mga empleyado ay napatingin pa sa amin. Inililibot ko ang paningin upang maghanap sana ng magandang pwesto ng yayain ako ni Manuel sa gilid sa pinakadulo. Nagtataka man ay binalewala ko na lang. Siguro ay gusto lang nito na magsolo kaming dalawa. Inilabas ko ang dala kong baon para sa kanya, nagluto ako ng kanyang paboritong kare kare at paborito kong adobo. " Niluto ko talaga ang paborito mo, sana magustuhan mo. Medyo nanibago pa ako, matagal din kasing hindi ako nakapag luto. Kain na tayo " at iniabot ko pa dito ang kutsara. Magana kaming kumain, alam kong nagustuhan nito ang dala ko dahil naubos nito ang pagkain. Pagkatapos namin kumain ay ibinigay ko dito ang chocolates na dala para sa kanya, pati na rin sa mga katrabaho niya. " Ang dami naman nito, hindi ka na sana nag abala pa. " wika nito sa akin. Muli kong napansin na palingon lingon ito na tila ba may hinahanap kung saan. " Para sayo talaga yan, para pang stock mo dito. Meron pa sa bahay, kunin mo nalang kapag pumunta ka doon. Ito namang iba, share mo sa mga office mate mo. " at inilabas ko pa ang isang paper bag na may lamang mga imported chocolates. " Salamat. " wika ni Manuel sa akin. Napnsin ko din na parang gustong gusto na nitong tumayo. " Time nyo na ba? Kanina ka pa hindi mapakali dyan. May gagawin ka ba?" Nagtatakang tanong ko kay Manuel. " H-ha? Hindi naman, kaya lang ay may tatapusin pa kasi akong trabaho sa opisina. " sagot nito sa akin. Hindi nakatiis ay tumingin ito sa suot na relo kung kaya naman pati ako ay napatingin na rin sa relo kong suot. Alas dose medya pa lang naman at ang alam ko ay ala una pa ang start ng trabaho nila. " Maaga pa naman, importante ba ang gagawin mo?" Nagtatampo kong tanong dito. Ibinabalik na nito ang ilang chocolates na nakakalat sa lamesa. " Kailangan eh, babawi na lamang ako next time. Sa weekend, mamamasyal tayo sa labas. Para mas mahaba ang time nating dalawa." Nakangiting sagot nito sa akin. Napabuntong hininga na lamang ako sa sinabi nito. Ano pa bang magagawa ko. " Ok. Sige, aalis na ako. Ibigay mo ang mga chocolates sa mga katrabaho mo hah, tawag ka na lang pagkatapos ng work mo. Ihahatid mo ba ako sa labas? " tanong ko dito ng hindi man lang ito tumayo ng tumayo na ako. " Hindi na, promise next time, babawi ako sayo. Sige, salamat ulit sa mga chocolates. Ingat ka. " saka pa lamamg tumayo si Manuel. " Bye, i love you. " paalam ko dito. Nakatingin lang ako dito at hinihintay ang sagot nito sa sinabi ko. " You too. Sige na, ingat ka " paalam din naman nito sa akin. Dahan dahan akong tumalikod at marahang naglakad palabas ng canteen. Kanina lang ay sobrang saya ko, pero ngayon, nalulungkot naman ako. Parang hindi ko maramdaman na masaya si Manuel na muli kaming magkita. Chapter 3 Nakayuko akong naglalakad sa lobby ng may humarang sa aking daraanan. Unti unti akong tumingala at nakita ko ang lalaking nakatabi ko sa eroplano. Naka sunglass na naman ito, nakasuot ng pantalon na maong at white v-neck tshirt. Naka white sneakers din ito at bagay na bagay dito ang suot nito. Pero mas maganda sana kung wala itong suot na sunglass para makita ang mga mata nitong kulay abo. Napakisap kisap ako ng aking mga mata ng isang tikhim ang aking marinig. " Gwapo ba? Baka naman matunaw na ako nyan sa mga titig mo." Nakangiti nitong wika sa akin. Bahagya akong napanguso na dahilan upang mahina itong mapatawa. Mahangin parin ito kahit saan kami magkita. " Hindi noh " mataray kong wika dito. Wala ako sa mood para makipag tawanan dito. " Ang taray naman. Mas mabait ka nung nasa eroplano tayo." Sabi nito sa akin at sinabayan pa ako sa aking paglalakad palabas ng building. Sumaludo dito ang Guard na kausap ko kanina at nakita kong tumango lamang ang kasama ko. " Sir andyan na po ang kotse ninyo." Wika ng guard sa kasama ko na hanggang ngayon ay hindi ko pa rin alam ang pangalan. Napatingin ito sa akin at napangiti din " Hi Mam, magkakilala po pala kayo ni Sir, hindi ko po alam na si Sir pala ang dadalawin mo dito. " wika nito sa akin. Napailing na lamang ako at magsasalita na sana ng unahan ako ng katabi ko. " Pauwi ka na ba? Sumabay ka na sa akin. " tanong ng lalaki na hindi ko alam kung sino ang kinakausap sa aming dalawa ng guard. " Ako ba? " tanong ko dito at itinuro ko pa ang aking sarili. " Oo, hindi naman pwedeng si Kuya Gerard ang tanungin ko, hanggang mamaya pa ang duty na dito " nakangisi na namang sagot nito sa akin. Nakakainis, malamang magtatanong ako. " Kaya kong umuwi mag isa " mataray kong sagot naman dito. Nabaling sa akin ang tingin ng Guard. " Pauwi na rin ako, at may dala akong sasakyan kaya pwede ka ng sumabay sa akin. " sabi pa nito. Humarap pa ito sa akin at mariin akong tiningnan. " May pamasahe ako pauwi, at isa pa, baka kung ano pa ang gawin mo sa akin. Mamaya nyan ihagis mo na lang ako basta sa ilog eh." Sagot ko naman dito. " Sa gwapo kong ito, sa tingin mo ba gagawan kita ng masama? " mayabang na tanong nito sa akin. Ang guard na nasa aming gilid ay palipat lipat lamang ang tingin sa aming dalawa dahil sa aming pagtatalo. " Ah- eh, Mam, Sir baka po mag away pa kayo." Nagkakamot sa ulo na wika sa amin ng Guard. Mam, sumakay na po kayo kay Sir, para hindi na po kayo mamasahe. Mahirap pong mag abang ng taxi kapag ganitong mga oras." Baling sa akin ni Kuya Guard. " Sir nagtatampo yata si Mam sa inyo. Mukhang kailangan nyo pang lambingin para hindi na magalit." Baling naman nito sa kasama ko na tatawa tawa sa harapan ko. " Baka nga po, let's go. May utang ka pa sa akin. " napakunot noo ako sa sinabi nito. Mas lalo itong nagiging gwapo kapag nakangiti. " Anong utang ang sinasabi mo.?" Nagtatakang tanong ko dito. " Sa eroplano, remember. Pinagbigyan kita na sa tabi ng bintana maupo. " paalala nito sa akin. Oo nga pala. At talagang naningil pa ito mg utang. " Ayun lang Mam, may utang ka pala kay Sir. Sumabay ka na at wag ka nang magtampo. Sir, kailangan nyan ni Mam ng yakapsul at kisspirin. Mabait na ulit yan mamaya " natatawa pang sabi nito sa kasama ko. Nag apir pa ang dalawa na tuwang tuwa. Hindi ko naman maintindihan ang pinagsasabi ni kuya Guard. " Let's Go. " yaya nito sa akin at nauna ng naglakad patungo sa itim na sasakyan na hindi ko alam na sa kanya pala. Akala ko ay mauuna na itong sumakay ngunit nakita kong pinag buksan ako nito ng pintuan sa unahan. Napapailing na lamang ako sa ginawa nito. Hindi na ako umimik pa at sumakay na rin sa sasakyan nito. Hindi naman siguro ito masamang tao. " Don't worry, hindi ako masamang tao " sabi nito na hindi ko namalayan na nakapasok na rin pala sa sasakyan nito. " Wala naman akong sinabi . " wika ko dito. " Pero yun ang nasa isip mo. Your seatbelt please. " turo nito sa seatbelt ko. Mabilis ko itong ikinabit. Nang ok na ay agad na rin nitong pinaandar ang sasakyan. " Saan kita ihahatid ?" Tanong nito habang nanatiling diretso ang tingin sa unahan. Bahagya pa akong napalingon dito at kitang ķita ko ang paggalaw ng adams apple nito. " Hilig mo talaga akong titigan ano?!" nakangiti ng wika nito sa akin. Agad akong nag iwas ng tingin at ramdam ko ang pag iinit ng aking magkabilang pisngi dahil sa hiya. " Feeling mo talaga " mahina kong wika dito. Muli akong napalingon dito at saktong nakalingon din pala ito sa akin. Mabilis ako nitong kinindatan na ikinapula lalo nang aking mukha. Agad na bumilis ang t***k ng aking puso sa hindi ko maipaliwanag na dahilan. Hindi tama itong nararamdaman ko, may nobyo na ako. Muli na naman itong tumawa, nakakainis talaga. Bakit ba palagi ako nitong nahuhuling nakatingin sa kanya. Baka kung ano ang isipin nito. Hindi ko maiwasan na hindi ito titigan lalo na kapag wala itong suot na sunglass. Napakaganda kasi ng mga mata nito. Tumahimik na lamang ako upang hindi na ako nito asarin pa. " Ok lang ba kung magmeryenda muna tayo ?" Kapagkuwan ay tanong nito sa akin. Nanatili na lang akong nakatingin sa harapan ng sumagot dito. " Ok lang, wala naman akong gagawin " sagot ko naman dito. Agad itong lumiko sa isang kanto at diretso na muling nag drive. Ilang sandali pa ay tumigil ito sa harap ng isang coffe shop. Chapter 4 " Anong gusto mo?" Tanong nito sa akin pagkapasok namin sa loob ng coffe shop. " Kahit ano lang, hindi naman ako mapili sa pagkain. " sabi ko dito. Naglakad na kami palapit sa counter ng muli itong magsalita. " Ako na lang ang pipila, maghanap ka na lang ng pwede nating upuan. " wika nito sa akin na ikinatango ko na lang. Nakakita ako ng bakante sa bandang gilid na hindi masyadong mapapansin ng mga pumapasok sa loob. Umupo na ako at muling tiningnan ang lalaking kasama ko na nakapila pa sa counter. Magkasama na kaming nagmemeryenda pero hanggang ngayon ay hindi pa namin kilala ang pangalan ng isa't isa. Habang naghihintay ay naglaro muna ako sa aking cellphone, hindi naman nagtagal ay nasa aking harapan na ang lalaki at may dala ng pagkain. Dalawang ice coffee at dalawang slice ng cake. Napatingin ako dito ng maupo na ito sa aking harapan. " Wow, paano mo nalaman na favorite ko ang mocha flavor? Thank you " nakangiti kong wika dito. Inamoy ko pa ang slice ng cake, ang bango. Bigla akong nagutom dahil dito. " Pareho pala tayo, favorite ko rin ito kaya ito na lang ang inorder ko. Mabuti naman at nagustuhan mo. Let's eat. " sabi nito sa akin at nagsimula na kaming kumain. Kasalukuyan kaming abala sa aming pagkain ng muli itong magsalita. " I'm Tristan, you are ?" Tanong nito sa akin na patuloy lamang sa pagkain. Nanatili itong nakayuko at kumakain. " I'm Heart. " wika ko naman dito. Mabilis itong nag angat ng tingin sa akin. Muling nagsalubong ang aming mga mata at bigla ko na namang naramdaman ang mabilis na pagtibok nang aking puso. Mabilis akong nag iwas ng aking tingin at itinuon na lamang ang atensyon sa pagkain. " Heart…, beautiful name. Bagay sayo " mahinang wika nito sa akin. Hindi na ako nangahas na muling tumingin dito. " Ano nga palang ginagawa mo sa BHS kanina ?" Kapagkuwan ay tanong nito sa akin. Uminum muna ako bago muling nagsalita. " May pinuntahan lang. " sabi ko dito. " Boyfriend ?" Tanong nito na ikinatingin ko dito. Bakit ba parang palagi nitong nababasa ang nasa isip ko. Tumango na lamang ako at hindi na nagsalita pa. " Mahal mo?" Muling tanong nito sa akin, muli rin akong tumango. " Mahal ka ba?" Napatitig ako dito sa huling tanong nito sa akin. Bahagya pa akong naka kunot noo dito. " Anong ibig mong sabihin ?" Nagtataka kong tanong dito. " Never Mind, binibiro lang naman kita. " pagbibiro nito. " Gusto mo bang mag applay doon ? I mean, balak mo bang maghanap ng work o babalik ka ulit ng canada. ?" Patuloy lamang ito sa pagkain. Napailing ako sa huling sinabi nito " hindi na ako babalik doon. Dito na lang siguro ako maghahanap ng trabaho, balak na rin kasi naming magpakasal ng bf ko. " pagbibida ko pa dito. Bahagya itong natigilan ng ilang segundo at muling kumain. " Sayang naman, nahuli na pala ako. Akala ko pa naman pwede pa. " hirit na naman nito sa akin. Napatawa ako ng mahina sa sinabi nito. " Feeling ka tala- " hindi ko na naituloy ang sasabihin ko ng may mahagip ang aking paningin na pumasok sa loob ng shop. Hindi ako pwedeng magkamali, si Manuel ang nakikita ko. Pero sino ang kasama niya. Napatingin ako sa aking relo at nakitang alas dos pa lamang ng hapon. Nanatili akong nakatitig dito at hindi inaalis ang tingin sa dalawa. " Natulala ka na dyan" wika ni Tristan at lumingon ito sa aking tinitingnan. " Boyfriend mo?" Hindi ko magawang sumagot sa tanong ni Tristan at seryoso lamang nakatingin kay Manuel. Nag order lamang ito at pagkatapos ay lumabas na rin kasama ang babae. Masaya pa silang nagkukwentuhan habang naglalakad palabas ng shop. Malalim akong napabuntong hininga nang mawala na ang mga ito sa aking paningin. " Ang lalim nun ah. May kasamang iba? Baka naman katrabaho nya lang " wika nito sa akin Alam ko naman na sinasabi lang nito yun upang hindi na ako mag isip pa. " matagal na ba kayo ng bf mo?" " Medyo, 7 years na kami ngayong sunod na buwan. " kwento ko dito. Napatango tango pa ito sa mga sinasabi ko. " Matagal na rin pala. Pero alam mo, hindi yun basehan para umabot na kaagad kayo sa kasalan. Dapat kilalang kilala nyo na ang bawat isa. " wika pa nito na akala mo ay matanda na kung mangaral sa akin. " Ikaw, kumusta kayo ng gf mo ? " balik tanong ko sa kanya. " Wala akong panahon sa mga ganyan. Isa pa, ayaw nila sa akin eh. " pang aasar na naman nito. Sinamaan ko ito ng tingin. Napaka gwapo nito para walang magkagusto dito. Imposible na wala itong gf, baka nga babaero pa ito eh. " hindi ako babaero hah, baka yun ang iniisip mo " Napakagaling naman talaga nito " wala naman akong sinabi, ikaw talaga " napatawa pa ako ng bahagya dito. Mabilis na naming tinapos ang aming kinakain at nagpasya na kaming umalis at umuwi. Dahil sa kakulitan nito ay wala na akong nagawa kundi sabihin dito ang address ng aming bahay. Kung kaya naman pati ang mga magulang ko ay nagulat nang makitang may ibang naghatid sa akin pauwi. Gusto pa sanang yayain ni Mama si Tristan na doon na maghapunan, ako na ang tumanggi. Ngayon pa lang naman kami nagka kilala pero feeling close na kaagad ito. Lalo na kay Papa na kaagad nyang nakuha ang loob.hindi na ako magtataka kung sa sunod na mga araw ay andito na ulit ito sa bahay. Chapter 5 Isang linggo ang lumipas at hindi man lang ako naisipang dalawin ni Manuel sa bahay. Hindi na rin ako bumalik sa teabaho nya. Natitiis ako nitong hindi makita at makausap ng matagal. Huwag naman sana pero iba ang nararamdaman ko ngayon sa ikinikilos nito. Linggo nang umaga ng tawagin ako ni Mama sa aking kwarto, nasa baba daw si Manuel at hinihintay ako. Nagtaka man ay lumabas na rin ako upang harapin ito. " Napadaan ka, akala ko nakalimutan mo na ako " bungad ko dito. Nanatili lamang itong tahimik. Tumingin muna ito sa akin bago nagsalita " maaari ba tayong mag usap Heart? Yung tayong dalawa lang " " Ok " walang gana kong sagot at naglakad na ako upang pumunta sa likuran kung saan may maliit kaming garden. " may gusto ka bang sabihin Manuel ?" Narinig ko ang marahas nitong pagbuntong hininga at pagkatapos ay tumingin sa akin. Hindi ito nagsasalita at palakad lakad lamang sa harap ko. Bigla itong humarap sa akin at seryosong nagsalita. " Let's end this, Heart " mga katagang kahit minsan ay hindi ko inaasahang sasabihin sa akin ni Manuel.Hindi ko ito napaghandaan. Sobrang lakas ng t***k ng aking puso na halos hindi na ako makahinga. Nararamdaman ko ang pag init ng aking mga mata para sa mga luhang nagbabadyang pumatak. Kumurap kurap ako upang hindi ito tuluyang bumagsak. " M- manuel " ang tangi kong nasabi sa kanya. " I want space " muli ay wika nito sa akin na muling dumurog sa aking puso. " Bakit ? May nagawa ba akong mali? " sunod sunod na tanong ko dito. " umuwi ako dahil akala ko pag uusapan na natin ang tungkol sa kasal. " " Wala ng kasalang mangyayari Heart. Tapos na tayo . " mariin nitong wika. Humarap ako dito at tumitig sa kanyang mga mata. " Bakit ? Hindi mo na ba ako mahal ? Nagsawa ka na ba sa relasyon natin? Dahil ba matagal bago ako umuwi? " nagsisimula nang mamasa ang sulok ng aking mga mata. Alam kong ano mang oras ay papatak na ang aking mga luha. Hindi ito makatingin ng diretso sa akin. " ano, sabihin mo sa akin Manuel. Magbigay ka nang dahilan kung bakit ka makikipag hiwalay sa akin." Mahina kong tanong dito. Umupo ako sa upuan dahil pakiramdam ko ay babagsak ako ano mang oras. " Hindi na kita mahal, Heart " pabulong na wika nito ngunit malinaw kong narinig. Limang salita upang tuluyang humulagpos ang mga luhang kanina ko pang pinipigilan. " Ganon lang ba yun, Manuel? Hindi mo na kaagad ako mahal? Niloloko mo ba ako? Magsalita ka. Kailan pa Manuel? Garalgal ang boses na tanong ko dito. Basang basa na ang buo kong mukha dahil sa walang tigil na pagbuhos ng aking mga luha. " Pinigilan kita noon Heart na huwag ng tumuloy sa Canada diba, pero hindi mo ako pinakinggan. Sinunod mo pa rin ang gusto mo. " sumbat nito sa akin. Galit akong napatingin dito " kasalanan ko pa pala ang nangyari ganun ba yun.? Manuel alam mong matagal ko nang pangarap na maiahon sa hirap ang pamilya ko. Alam mong simula pa lang ito na ang plano ko diba? Bakit hindi mo ako naintindihan, pangarap ko yun Manuel." Umiiyak na sagot ko dito. " Mas inuna mo pa ang pangarap mo kaysa sa akin Heart. Paano naman ako, akala mo ba hindi mahirap sa akin na magkalayo tayo?" Galit na nitong wika sa akin.. Walang tigil ang aking pagluha dahil sa hinanakit ko sa mga sinabi sa akin ni Manuel. Hindi ko akalain na sa tinagal tagal ko sa canada ay ganito na pala ang mangyayari. " magpapakasal pa tayo diba, nangako ka sakin. " tanong ko dito. Umaasa akong baka magbago pa ang isip nito. " Tapos na tayo Heart, at wala na ring mangyayaring kasalan. " diretsong wika nito sa akin dahilan upang muli akong mapahagulhol. " Hindi! Hindi mo magagawa sa akin ang ganito Manuel. Sabi mo hindi mo ako iiwan. Sabi mo… sabi mo hindi mo ako sasaktan. Bawiin mo ang mga sinabi mo, please." Lumapit pa ako dito at tinangka itong hawakan ngunit mabilis na pinalis lang nito ang aking kamay. "Manuel, sabihin mo nagbibiro ka lang. " nagmamakaawa na ako dito at halos hindi na ako makahinga sa sobra kong pag iyak. " Parang awa mo na Manuel, wag mong gawin sa akin ito. Hindi ko kaya. " nagsusumamo kong wika dito. Tumigil ito sa harap ko at tiningnan ako " sorry pero simula ngayon tapos na sa atin ang lahat " huling salitang binitawan nito bago ito unti unting naglakad papalayo sa akin. Sinubukan ko pa itong habulin ngunit dahil na rin sa aking mga nanlalabong mga mata ay nadapa lamang ako sa damuhan. " Manuel… " tawag ko dito habang unti unti itong naglalakad papalayo sa akin. " wag mo akong iwan, parang awa mo na. " sigaw ko dito. Wala na akong pakialam kahit pa marinig ako ng aking mga magulang. Sinubukan ko pa muling tumayo ngunit talagang nanlalambot na ang aking mga tuhod. Puno ng hinanakit ang puso ko sa oras na ito dahil sa ginawa sa akin ni Manuel. Halos wala na akong mailuha at namumugto na rin ang aking mga mata ng maramdaman kong may yumakap sa akin at inalalayan akong makatayo mula sa damuhan. " Anak, tama na.. " wika na kanyang ina na umiiyak na rin. Umiiling ako sa sinabi sa akin ni Mama, hindi pwede. Alam kong babalik si Manuel sa akin. Nahihirapan na akong huminga ng muli akong magsalita " Ma - ma, ang sakit dito " turo ko sa aking kaliwang dibdib at bahagya pa itong pinukpok. "hindi ko po kaya. Ang sakit nang gina - " hindi ko na naituloy pa ang sasabihin ng unti unting magdilim ang aking paningin.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD