Chapter 2

2124 Words
Ehra Tama nga ang nasa isip ko. Napakalaki at sobrang ganda ng mansyon ni Uncle Jaime. Marami din silang mga kasambahay at agad nila akong pinagsilbihan. Nagtungo muna kami sa napakaelegante nilang hapag kainan at inihain nila ang masasarap na pagkain na minsan ko lang matitikman buong buhay ko. Inihain nila ang masarap na fried chicken, pizza, spaghetti at may spaghetti na kulay puti, hindi ko alam kung ano ang tawag sa pagkain na iyon basta mukha itong masarap. Lahat ng ito ay gustong gusto kong tikman. Nakatitig  ako sa magandang silya ng hapag kainan na iyon. Nakakahiyang maupo sa ganitong klaseng silya dahil pakiramdam ko ay hindi ako bagay dito. Pero pamangkin naman ako ni Uncle kaya wala akong dapat na ikahiya. Naupo na ako sa magandang silya at umaktong isa sa mga may-ari ng mansyon. Mula ngayon ay dito na ako lagi uupo sa tuwing kakain kami! Agad kong kinagatan ang fried chicken na inilagay nila sa mesa. Isa ito sa mga paborito kong pagkain. Halos mabilaukan ako sa ginawa kong pagpaspas ng kain sa manok na hawak ko. "Dahan dahan hija, lahat ng yan ay sa iyo." Wika pa ni Uncle. Nanlaki ang mga mata ko. Lahat ng nakahain dito ay sa akin lang. Pwede ko silang tikman lahat! Agad akong nagsandok nung kulay puting spaghetti. Ngayon lang ako makakakain ng ganito. Ano kayang lasa nito. Pagsubo ko... "Wow!" Banggit ko "Bakit hija?" Tanong ni Uncle. Napahawak ako sa aking mga pisngi. Hindi ko maipaliwanag kung gaano kasarap ito. "Uncle ang sarap po ng spageti na ito!" Wika ko Ngumisi si Uncle Jaime sa akin. "Mahilig ka rin pala sa carbonara hija, parehas kayo ni Charmaine." Sabi pa nya Sumubo ulit ako ng carbonara at talagang hindi ko mapigilan ang sarili ko. Sobrang sarap nito! Gustong gusto ko dito sa bahay ni Uncle. Pakiramdam ko talaga ay ako na rin ang nagmamay-ari ng lahat ng nakikita ko sa buong paligid. Tapos ay napaliligiran pa ako ng mga kasambahay na ibibigay ang lahat ng kailangan ko. "Manang Lena, pagkatapos kumain ni Ehra ay pakibihisan nyo ang pamangkin ko. Mula ngayon ay ituring nyo syang parang anak ko." Wika ni Uncle. Taas noo ko silang tinignan. Nangingiti din ako habang pinagmamasdan ko sila. Si Uncle na mismo ang nag-utos sa kanila na parte na ako ng mansyon na ito. Kaya maaari ko silang utusan kahit anong oras ko gustuhin. At ang sarap pala sa pakiramdam ng ganito. "Sir, saan po kami kukuha ng mga damit ni Ma'am Ehra?" Tanong ni Manang Lena Napanguso ako sa tanong ni Manang. Wala nga pala akong nadalang damit o kahit anong gamit nang magbalik ako sa lumang bahay namin. Hindi rin naman bagay ang mga luma kong damit sa napakagandang mansyon na ito. Nakita kong napabuntong hininga si Uncle Jaime. "Humiram muna kayo sa mga damit ng anak ko. Napakadami naman nyang damit sa itaas. Magkaedad naman sina Ehra at  Charmaine." Utos ni Uncle Bumaling  ng tingin si Uncle Jaime sa akin. "Pagkatapos mong kumain ay bibili tayo ng mga bago mong mga damit at gamit Ehra." Dagdag pa ni Uncle Jaime Kuminang ang mga mata ko sa sinabi nya. Sa yaman ni Uncle ay maibibigay nyang lahat ang mga gusto at kailangan kong mga damit. Nasabik akong bigla sa mga sinabi nya. Pagkatapos kong kumain ay napahimas ako sa aking tiyan. Pakiramdam ko ay sasabog na ito sa sobrang dami kong nakain. Ngayon lang ako nabusog ng ganito. Ganito pala ang pakiramdam ng isang anak mayaman! Agad naman akong sinamahan ng ilang mga kasambahay at ni Manang Lena sa kwarto ng aking pinsan na si Charmaine. Sa totoo lang ay hindi ko pa nakikilala ang pinsan  ko. Sa mga kwento ni Papa noon ay laging nagbabaksyon sila Uncle Jaime kasama ang pamilya nya sa ibang bansa. Napakaswerte ni Charmaine dahil ibinibigay sa kanya ni Uncle ang lahat. Pati ang isang masaya at buong pamilya ay naranasan nya. Nakakainggit! Pagpasok ko sa kwarto ng pinsan ko ay namangha ako sa ganda nito! Para bang isang Prinsesa ang natutulog dito! Sa ganito kagandang kwarto natutulog ang pinsan ko? Hindi ako makapaniwala! Kasing laki yata ng bahay namin ang kanyang kwarto. Lalo tuloy akong nakadama ng inggit sa kanya. "Manang, nasaan po ba ang pinsan kong si Charmaine?" Tanong ko Pumipili ng mga damit sa malaking  closet noon si Manang Lena at maya maya pa ay hinarap nya ako. "Nagbabakasyon ang mag-ina sa Iceland. Gustong gusto kasi ni Ma'am Charmaine ang makakita ng snow kaya taon taon talaga ay nagpupunta sila doon. Nauna lang na umuwe si Sir Jaime dahil may trabaho pa sya dito." Pagkukwento ni Manang Napangiti ako sa sinabi nya. Wala pala ang pinsan ko sa bahay na ito kaya solong solo ko ang kwarto. Sa akin muna ang eleganteng kwarto na ito ngayon. Humiga ako sa ibabaw ng malambot na kama at dinama ko ito. Ang sarap isipin na sa akin ang lahat ng ito! "Ma'am, nakahanda na po ang pampaligo nyo." Wika ng isang kasambahay Napanguso ako sa kanya. Hindi ko pa nga nadadama ang kama ng pinsan ko ay umeksena agad sya. Tumayo na ako at agad na nagtungo sa banyo. Mas lalo akong napanganga dahil sa napakalaki at sosyal na banyo ng pinsan ko! Sa sobrang linis nito ay pwede na rin itong tulugan. Talagang sinuswerte sa buhay ang pinsan ko. Bakit ba sa kanya napunta ang ganitong klaseng buhay. Sana ay sa amin nila Papa napunta ang swerte ng pamilya nila. Ngayon lang ako nakaranas na may mga kasambahay sa paligid ko at ibinibigay ang lahat ng kakailanganin ko. Habang nasa magara akong bath tub ng pinsan ko... "Manang, hiluran mo nga ang likod ko. Pakiramdam ko ay madami nang mapa dyan." Utos ko Tumango si Manang sa akin at saka nya kinuha ang panghilod. Marahan nyang hinilod ang likuran ko. Itinaas ko pa ang aking buhok para mas lalo nya itong mahiluran. Ang sarap sa pakiramdam. Para akong minamasahe. "Manang ganito din ba ang ginagawa nyo kay Charmaine?" Tanong ko "Oo hija." Maikling sagot nya Tumitig ako sa kanya at ngumisi. "Ganito na rin po ang gagawin nio sa akin araw araw!" Wika ko Iniunat ko pa ang aking braso para iyon naman ang hilurin nila. "Dito pa Manang oh." Utos ko Ngayon pa lang ay nasisiyahan na ako sa ganitong klaseng buhay! Pagkatapos kong maligo ay nakalatag na sa kama ang susuotin kong damit na galing sa pinsan ko. Isang mini dress. Marahan kong hinawakan ito. Hindi pa ako nakakasuot ng ganitong kagandang damit. Hindi rin naman kasi kami masyadong lumalabas nila Mama at Papa kaya wala akong masyadong pang-alis na damit. Kung may pupuntahan man ako, ang lagi kong suot ay ang luma kong maong na pantalon at T-shirt ko na pang P.E sa school. Napabuntong hininga ako. Mula ngayon ay makakapagsuot na rin ako ng ganitong klaseng magagandang damit. Mas hihigitan ko pa ang mga sinusuot ng pinsan ko. Namangha ako sa sarili kong itsura habang nakamasid ako sa harapan ng salamin. "Ang ganda ganda ko pala." Banggit ko sa sarili ko Agad na lumapit sa akin si Manang Lena dala dala nya ang isang kahon ng sapatos. Inilapag nya ang kahon sa sahig at saka nya ito binuksan. "Wow!" Pagkamangha ko Isang napakagandang flat shoes na kulay white ang laman nito. "Mukhang magkasize naman kayo ng paa ni Ma'am Charmaine. Hindi pa nya ito nagagamit." Wika pa ni Manang Kinuha ni Manang ang magandang sapatos at isinuot nya ang mga ito sa aking mga paa. Umikot ikot ako sa harapan ng salamin! Mukha akong Prinsesa! Napahawak ako sa aking pisngi at panay ang masid ko sa repleksyon ko sa salamin! Manghang mangha ako sa sarili ko. Pakiramdam ko ay ibang tao ang nakikita ko ngayon. "Ang ganda ko Manang di ba?" Wika ko Ngumiti si Manang Lena. "Opo Ma'am napakaganda nyo po!" Sagot nya Muli kong hinimas himas ang aking damit at umikot pa ako ng isa pang beses. Ipinangako ko sa aking sarili na hinding hindi na ako maaapi ng ibang tao! Hinding hindi na! -- Pagpasok namin ni Uncle Jaime sa mall ay nasabik akong ituro lahat ng gusto kong bilhin. Ang dami kong naiisip na gusto kong ipabili sa kanya. Pumasok kami sa bilihan ng mga magagandang damit. Ang tatak ng mga damit na yon ay sobrang mahal at tanging mayayaman na tao lang talaga ang maaaring bumili nito. Kaya lalong nagtatalon ang puso ko sa tuwa! At tama ulit ang nasa isip ko na lahat ng ituro at magustuhan ko ay bibilhin ni Uncle Jaime para sa akin. Halos ang dami ko nang ipinabili sa kanya, nang makita ko ang isang napakagandang dress. Mas maganda pa sa dress na suot ko ngayon. Nang tignan ko ang presyo nito ay nanlaki naman ang mga mata ko dahil nagkakahalaga ito ng ten thousand pesos! Kinuha ko ang magandang dress at namangha ako lalo nang mahawakan ko ito. "Uncle, gusto ko rin po ang isang ito." Nakangiting sabi ko kay Uncle Jaime. Tinignan ni Uncle Jaime ang hawak kong dress. "Magaling kang pumili hija, sige bibilhin ko yan!" Wika pa ni Uncle Halos gustong lumabas ng puso ko sa sobrang saya nito. Napayakap ako kay Uncle! "Salamat po!" Wika ko Naramdaman ko ang higpit na yakap sa akin ni Uncle Jaime. Sa katauhan nya ay bigla akong nakaramdam ng  yakap ng isang ama. Mabuti pa si Uncle ay pinapahalagahan ako. Mabuti pa sya ay iniisip ang mga bagay na gusto ko. Samantalang si Papa ay tuluyan na akong pinabayaan. Pagkatapos nito ay nagpunta kami sa bilihan ng mga sapatos. Pumili ako ng ilang pares ng flat shoes, doll shoes at rubber shoes. Yung pinakamahal pa ang pinabili ko sa kanya. Ngayon lang makakaranas ng ganito kagandang sapatos ang mga paa ko! Kung suswertehin nga naman ako, mabuti na lang at may uncle ako na sobrang yaman. "Wala ka na bang ibang gusto hija? Ayos na ba ang lahat ng iyan?" Tanong ni Uncle Tinignan ko ang limang bodyguards ni Uncle na halos hindi na alam kung paano buhatin ang lahat ng mga pinamili namin. Napahawak ako sa aking sintido at parang nag-isip pa ako ng pwedeng ipabili kay Uncle Jaime. Nang bigla kong maalala ang pangarap kong Boots! Hindi ko alam kung anong meron sa boots  basta pangarap kong magsuot nito. Alam kong hindi akma sa Pilipinas ang magsuot nito pero gusto ko talaga! Gusto kong magkaroon ng magandang pares ng boots. "Uncle, gusto ko po ng boots! Pangarap ko po magkaroon ng boots Uncle!" Wika ko sa kanya. Kunot noo akong tinignan ni Uncle Jaime. "Boots? Okay sige, magagamit mo rin naman iyon kapag nagtravel tayo sa ibang bansa!" Sabi ni Uncle Namilog ang mga mata at bibig ko sa sinabi ni Uncle. Totoo ba ang narinig ko? Magtatravel kami sa ibang bansa? Mararanasan ko na rin ang makarating sa ibang bansa? Napatalon ako sa tuwa ng marinig ko ito kay Uncle! Napakapit ako sa braso ni Uncle Jaime dahil sa kasabikan na naramdaman ko. Masayang masaya din si Uncle Jaime para sa akin. Hinimas himas nya ang aking buhok. Nagtungo na nga kami sa bilihan ng boots at gaya ng mga nauna nyang binili sa akin, ay ang pinakamahal at pinakamagandang boots ang binili nya. Hindi alam ni Uncle Jaime kung gaano ako kasaya sa lahat ng mga binigay nya sa akin. Nang makauwe kami sa mansyon... Agad kaming sinalubong ng isang magandang ginang. Sya si Aunt Hilary, ang asawa ni Uncle Jaime? "Hello hija!" Bati nya sa akin Niyakap nya ako at naramdaman ko sa mga yakap nya ang matinding pag-aalala nya para sa akin. Agad din syang hinalikan sa pisngi ni Uncle Jaime. Sana, ganito rin ang mga magulang ko sa akin. Sana ganito din nila ako pahalagahan. Maya maya pa ay bumaba sa hagdan ang isang napakagandang babae. Kasing edad ko sya ngunit napakalayo ng itsura ko sa kanya. Napakakinis ng kanyang balat na halatang alaga sa mamahaling sabon at lotion. Ang kanyang buhok ay napakahaba at kumikintab. Napayuko ako at nahiya sa kanyang itsura. "Couz! Mabuti naman at dito ka na titira sa amin!" Pagbati nya Lumapit sya sa akin at niyakap din nya ako ng mahigpit. Amoy na amoy ko ang halimuyak ng kanyang pabango. Samantalang ako? Amoy araw at pawis nung mga panahong nakatira pa ako sa isang squatters area. Kung gayon, sya si Charmaine ang pinsan ko. Inilihis ko ang tingin ko sa kanya. Lalo lamang nadaragdagan ang matinding inggit na nararamdaman ko para sa pinsan ko. Malayong malayo ako sa kanya. Kinuyom ko ang mga palad ko. Halos balutin ng matinding inggit ang puso ko para kay Charmaine! Ngunit hindi ako susuko! Hihigitan ko ang pinsan ko at lahat ng pagmamay-ari nya ay dapat mapasaakin!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD