Reasons

2060 Words
NAITULAK KO siya dala ng aking takot kaya napaupo siya sa lupa at tumilapon ang kaniyang mga panindang rosas sa lupa. Nang umiyak siya ay saka lamang ako nagising sa aking nagawa. Mabilis ko siyang nilapitan at tinulungang bumangon. “I’m sorry, baby,” paghingi ko ng tawad habang aking pinapagpagan ang kaniyang nadumihang damit. “Ginulat mo naman kasi ako. Nasaktan ka ba?” “Hindi naman po,” sagot sa akin ng batang babaeng nagtitinda ng bulaklak. “Sorry talaga. H’wag mo nang uulitin `yon, ha? Sa susunod kapag mag-a-approach ka sa tao, kunin mo muna ang pansin niya,” paalala ko sa kaniya. “Kung iba-iba, baka napagalitan ka pa o mapagkamalan ka pang magnanakaw.” Tumango siya. “Sorry rin po, ate,” sagot niya namang muli. “May nagpapabigay lang po kasi nito sa inyo.” Iinabot niya sa akin ang isang rosas na hindi niya nabitiwan. Bahagyang nayupi ang plastic nito. Sa loob niyon ay napansin ko na ang nakatuping papel na nakasuksok sa mga dahon. “Sino’ng nag-utos sa `yo?” naibulalas ko. Nanginginig kong tinanggap ang bulaklak. “`Yong babae po.” “Nasaan na siya? Saan siya nagpunta?” urirat ko pa sa kaniya. Lumingon siya sa malapit na parke bago muling tumingin sa akin. “Wala na po siya.” Tinulungan ko siyang pulutin ang kaniyang mga paninda. “Sige na, umuwi ka na,” utos ko sa kaniya nang mapansin kong paparating na ang aming sasakyan na lulan sina kuya at ang personal body guard ko na pamangkin ng kaibigan niyang pulis. “Mag-iingat ka ha? Salamat.” “Mira!” pagtawag ni kuya. Sinenyasan niya akong sumakay na ng sasakyan at hindi naman na ako nagsayang pa ng panahon. Kaagad din naman kaming umalis at tinahak ang daan pauwi. “Ano’ng nangyari sa `yo? Sino `yong batang kausap mo?” usisa niya. Saka ko lamang naalala ang rosas na hawak ko. “Nakita ko siya, nagmamasid sa atin,” panimula ko. “Kaya lang tumakbo siya, hindi ko siya inabutan. Inutusan niya `yong bata na ibigay ito sa akin.” “Sinong siya?” naibulalas ni kuya. Tiningnan niya ako mula sa rear-view mirror ng sasakyan. “`Yong babaeng nakaitim,” dagli kong sagot. “Kung gusto niya tayong tulungan, bakit siya tumatakbo?” aniya. “Bakit hindi na lang siya humarap sa atin at makipagtulungan. Kung natatakot man siya para sa kaligtasan niya, tutulungan naman natin siya.” Naulinigan ko pang dugtong niya habang kinukuha ko ang nakatuping papel sa rosas. Mabilis kong binuklat ang papel. Sa tulong ng backlight ng aking cellphone ay nabasa ko nang malinaw ang maikling mensaheng nakasulat doon. Malapit na. Mag-ingat ka, lalo na sa iyong pagtulog. Muli, nandoon ang initial na K. Sa halip na ipabasa iyon kay kuya ay itinago ko ang liham at nagkunwaring walang mensaheng nakapaloob doon. Hindi upang maglihim sa kaniya kung hindi ay upang iwasang labis pa siyang mag-alala. Masyado ng mabigat ang krus na pinapasan niya at ayaw ko nang makadagdag pa sa bigat niyon. Ayaw kong mapagod siya sa akin sapagkat siya ang tangi kong lakas. Kung wala siya, disin sana’y matagal na akong sumuko. Kinabahan ako. Kabang katulad nang naramdaman ko ng huli akong bangungutin. Naalala ko ang batang babae na umiiyak at sugatan, ang mga anino at ang nilalang na matatalas ang kuko. Hanggang sa oras ng pagtulog ay ginagambala ako ng mga ideyang pumapasok sa aking isip na dala ng takot sa kaniyang babala. Ganoon pa man, dahil pagod ay nakatulog ako kaagad at hindi namalayan ang paglipas ng mga oras. Ilang araw ang nakalipas, habang nagtitipa ako sa aking opisina ng isang kuwentong nabuo sa isip ko habang nasa sasakyan kaninang umaga, may kumatok sa pinto na tumawag sa akin. Mayamaya lamang ay pumasok si Lizbeth dala ang isang mug. Umuusok pa ito at naaamoy ko ang mabangong aroma ng kape. “Ang bango naman,” naibulalas ko. Bigla akong nakaramdam ng gutom dahil doon. “Para sa `yo ito, madam,” sagot niya naman. Inilapag niya iyon sa table ko. “Napansin ko kasi kanina na hikab ka nang hikab, baka makatulong.” “Salamat, Liz.” Ngumiti ako. “Sana nagdala ka na rin ng para sa `yo para sabay tayong magmeryenda.” “Don’t mind me,” naibulalas niya. “Halos araw-araw nalulunod ako sa masasarap na snacks natin dito. Makakaramdam pa ba ako ng gutom no’n?” Naupo siya sa silyang nasa harap ng table ko at tumanaw sa bintana. “Ganda ng garden natin sa likod, `no? Mala-mini park ang dating,” puna ko. “Kaya nitong mga nagdaang araw, inspire ako masyado magsulat. Wala naman bang problema ang mga staff at mga customer natin?” “Wala naman, best,” sagot niya. “Ang totoo nga niyan, nagpa-survey ako sa mga customer tungkol sa ating service and the result shows na satisfied sila at nag-i-enjoy sa place natin. Ang pinaka-favorite nila, `yong probinsya feels na sabi ni Miss Andrea at ang garden.” “Mabuti at naisipan kong magpalagay ng tables sa garden,” natutuwa kong tinuran. “Relaxing, `di ba? Kung nandito sina mama at papa, siguro matutuwa sila.” “At magiging proud sa kanilang mga anak, siyempre!” dugtong pa ni Liz. “Masaya akong makita kang nakakapag-move on na at hindi na masyadong umiiyak tuwing maaalala mo sila.” “May kirot pa rin,” pag-amin ko. “Pero dahil sa inyo, na-realize ko na marami pa rin akong dahilan para bumangon at maging masaya. Naisip kong hindi lang naman ako ang ampon sa buong mundo. Kung kinaya nila ang katotohanang `yon, kakayanin ko rin. Kung tutuusin, mas mapalad pa nga ako, `di ba?” “Oo nga naman, pero hahanapin mo pa ba sila?” urirat ni Lizbeth. “Hindi pa siguro ngayon, pero baka balang araw pagdating ng takdang panahon.” Napabuntong-hininga ako. “Oh, bakit?” puna niya. Mataman ang kaniyang pagkakatitig sa akin. “Ilang buwan na rin ang nakalipas, `no?” balik-tanong ko. “At ngayon, napanaginipan ko na naman siya.” “Sino?” naibulalas niya. “`Yong batang babae,” sagot ko. “But this time, tahimik lang siya habang nakatingin sa malayo. Tinatawag ko siya sa panaginip ko pero hindi niya ako pinapansin. Naiisip ko nga, siguro `yong mga bangungot ko noon, warning lang doon sa trahedyang nangyari. And that little girl symbolizes me. Tumatakbo at umiiyak sa takot pero kailangang harapin `yong mga tinatakasan niya para magpatuloy ang buhay.” “Maaari namang ganoon,” pagsang-ayon ni Lizbeth. “P’wede rin sigurong bagong simula. Siguro, gano’n na rin `yon, hindi nga lang ako sure.” “Paano kung hindi?” tanong na hindi ko napigilang maibulalas. “Ano’ng ibig mong sabihin?” pagtataka ni Lizbeth. “Bakit parang may gumugulo pa sa isip mo? Don’t tell me, something happened again.” Sa totoo lang, nadulas lang ako. Hindi ko rin sana gustong malaman niya pero may mga bagay na mahirap kimkimin lang sa sarili. Kailangan kong mag-share sa isang kaibigan para at least, may makakausap ako at magbibigay ng payo o suhestiyon sa akin. Baka may nalalaman siyang magdadala sa akin sa mga kasagutang hinahanap ko o kaya ay matulungan niya akong maghanap. Kinuha ko ang aking bag at dinukot mula sa secret pocket sa loob niyon ang pangalawang babala na natanggap ko mula sa isang misteryosang babae. Kaagad ko itong iinabot sa kaniya at hindi naman siya nagdalawang isip na kunin ito. Napansin kong puno ng kuryosidad niyang binuklat ang papel at binasa ang mensaheng nakasulat doon. “Si K ulit,” naibulalas niya. “Ano ang malapit na? Teka, sinasabi niya bang h’wag kang matulog?” “Hindi naman pero naisip ko rin `yan. `Yon nga kaya ang gusto niyang sabihin?” balik-tanong ko. “Hindi naman p’wede `yon, siyempre kailangan ko ring magpahinga pero kung may valid reason siya, ano kaya `yon? Sa una niyang mensahe, parang nasa panganib ang buhay ko. Pakiramdam ko, may kaugnayan doon kasi sino ba naman ang may matinong pag-iisip na sasabihan kang h’wag kang matutulog?” Natawa si Lizbeth. “Ang problema kasi, paano ka maniniwala sa taong hindi naman nagpapakita at ang weird ng mga sinasabi. Minsan naiisip ko, baliw lang `yan na nananakot kaya lang mukhang siya ang takot, which makes me think na may basehan ang mga sinasabi niya.” Nagkibit-balikat ako. “Alam ba ito ni Kuya Symon?” pabulong niyang tanong. “Hindi, h’wag mong sasabihin, please. Mag-aalala na naman `yon,” pakiusap ko. “Ikaw ang bahala,” tila nag-aalangan niyang sagot. “Pero ang paglilihim dapat may limitation din. Hindi mo kayang mag-isa. Kailangan mo ng mga tutulong sa `yo na maaaring mas alam kung ano ang dapat gawin para sa ikabubuti ng sitwasyon.” Hindi pa man ako nakakasagot sa mga tinuran ni Lizbeth ay muling may kumatok sa pinto. Pumasok ang isang staff at tinawag ang pansin ni Lizbeth. “Chef, may naghahanap po sa inyo sa labas.” “Ah, sige. Maiwan muna kita, madam,” nakangiting tinuran ni Lizbeth kasunod ang isang kindat. Inilagay niya sa table ko ang papel at hindi niya na nagawang muling itupi pa. Kaagad ko naman itong kinuha at isinuksok sa aking drawer. Tinanggap ko ang payong iyon ni Lizbeth sapagkat may point siya. Tiyak na kakailanganin ko ang tulong ng aking natitirang pamilya. Ang pamilyang naging lakas ko para bumangon at dahilan kung nasaan ako ngayon. Ganoon pa man, sa ngayon ay sa akin na muna ang mga nalalaman at hinala ko. Ibabahagi ko rin iyon sa kanila sa oras na makumpirma ko na kung tama ba ako, dahil baka nag-o-over think lang talaga ako. Nagpasya na akong itabi na muna ang isinusulat ko para paglaanan ng oras ang trabaho. Katulad ni kuya, siguro nga hindi ko na rin matutupad ang pangarap kong maging isang news reporter. Masaya na akong i-manage ang coffee shop at maging writer naman sa gabi. Dito na rin marahil iikot ang aking mundo hindi lamang para sa mga umampon sa akin at iniwanan nilang negosyo, kung hindi para sa mga taong katuwang namin sa paglago na umaasa sa trabahong ibinibigay namin sa kanila at para na rin sa aking sarili. Maaaring magbigay ito ng daan patungo sa katuparan ng iba ko pang mga pangarap—ang maging ganap na manunulat, become a better woman katulad ni mama at isang masayang pamilya na matatawag kong sa akin. Tumayo ako mula sa aking silya at nagtungo sa may bintana. Tinanaw ko ang kalawakan ng bakuran ng aming coffee shop. Muli akong naaliw sa garden, maging sa mga customer na nag-i-enjoy roon, hanggang sa makuha ng isang lalaki ang aking pansin. Hindi ko nga lang makita ang kaniyang mukha sapagkat nakatalikod siya. Hindi naglaon ay nakita kong lumapit sa kaniya si Lizbeth dala ang mga in-order nito. “Bakit siya ang nagsi-serve?” naitanong ko sa aking sarili. Gayunpaman, ang aking pagtataka ay dagling napawi nang makita kong tinapik ni Lizbeth ang balikat nito. Parang nagkakatuwaan sila. Kahit nakatalikod, alam kong hindi iyon si Luigi. Hindi ko maunawaan kung bakit ganoon ang kuryosidad na nararamdaman ko sa taong iyon. Gusto kong makita ang mukha niya pero nakakahiya namang lumabas at lapitan sila. Mayamaya ay pumihit na si Lizbeth paalis at naulinigan ko pa ang kaniyang tinuran habang papalayo sa aming customer. “Thank you, kuya. Enjoy the view and your snacks po. Tawagin mo lang ako if you need anything.” Tumango naman ang lalaki at mistulang nagpapasalamat din. Ilang sandali pa, nanatili lamang akong nakatanaw at nakatingin sa lalaking iyon hanggang sa maisipan kong bumalik na lang sa aking ginagawa, ngunit tila sadyang may gumugulo sa aking isip. Kinuha ko ang papel sa drawer at muling binasa ang mga nakasulat doon ng ilang ulit. Pilit na inuunawa ang mensaheng maaring mas malalim pa sa mga katagang naroroon. “Sino ka nga ba, K? Paano tayo magkakaharap?” wika ko na para bang pati ang papel na iyon ay kinakausap ko na sa dami ng tanong sa isipan ko. Muli kong itinupi ang papel at itinago sa secret pocket ng aking bag. Katulad ng pagtatago ng isang lihim na hindi pa oras upang malantad. Kung tunay man na lahat ng bagay ay may tamang panahon, darating ang araw na lahat ng pagdududa at mga tanong sa isip namin ay magkakaroon ng mga kumpirmasyon at kasagutan. Hindi ko man maipapangako, sisikapin kong mabigyan ng hustisya ang pagkawala ng aking mga kinikilalang magulang. Hindi maaaring hindi maparusahan ang taong iyon. Subalit, dapat ba akong matakot sa tuwing kakagat ang dilim? May panibagong laban bang naghihintay sa akin? Sino nga kaya ang babaeng iyon? Bakit ganoon na lamang ang concern niya sa akin? Ang pinakagumugulo sa isip ko ay kung bakit ayaw niyang magpakita at humarap sa amin? Sino si K at ano nga ba ang magiging papel niya sa aming buhay? ***
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD