MALALIM NA buntong-hininga ang aking pinakawalan bago ko i-lock ang pintuan ng aking kuwarto. Hindi ko maunawaan kung bakit nang dahil sa isang bangungot ng nagdaang gabi ay ang bigat ng pakiramdam ko roon na para bang sa aking paglabas ay makalalaya ako sa kinatatakutan ko. Kasabay ng paglagapak ng aking pinto ay siya namang paglabas ni kuya Symon sa kaniyang kuwarto kasunod ang matamang tingin sa akin mula ulo hanggang paa.
“Ano `yang itsura mo?” sita niya habang pinagmamasdan ako sa suot kong ripped jeans at smocked tube top na kulay itim.
“Alis na po ako,” nakangiti kong tugon kasabay ng aking mabilis na pagpihit patalikod, ngunit nahawakan niya ang aking kaliwang braso at hinila ako pabalik. Sa higpit niyon ay nag-iwan ito ng pansamantalang mapulang marka sa aking balat nang bitiwan niya ako. “Aray ko naman!”
“Saan ka ba pupunta?” urirat niya. “Magpalit ka nga muna ng damit at kitang-kita ang hubog ng katawan mo. Kulang nalang lumabas ang kaluluwa mo sa mga butas ng pantalon mo.”
“Kuya naman, magkikita lang kami ni Lizbeth. Hindi ko kailangang magsuot ng pormal,” reklamo ko naman.
“Kapag ikaw nabastos d’yan sa daan, h’wag kang iiyak-iyak sa akin. Pinagsabihan kita!” mariing saad ni kuya.
“Don’t worry about me, kuya. I’m not a child anymore. I can take care of myself.” Ngumiti ako sa kaniya. “I’m a big girl na and soon to be a news reporter.”
“`Yun nga, e! Kaya nakakahiya `yang suot mo.” Kumunot ang noo ni kuya.
“Grabe siya! Kaya wala kang lovelife, e, masyado kang istrikto.” Inirapan ko siya kasabay ng pagtakbo pababa sa hagdanan. Ganoon din si kuya na humahabol sa akin. “Manonood lang kami ng sine ni Lizbeth.”
“Basta mag-iingat ka. Tawagan mo ako kapag may problema,” bilin niya. Naabot ng kamay ni kuya ang naka-bun kong buhok at hinila ang panali nito kaya’t bumagsak ito mula sa pagkakatali. “At least ilugay mo man lang ang buhok mo nang matakpan `yang likod mo.”
Sinuklay ko ang nagulo kong buhok gamit ang aking mga daliri saka muling ngumiti sa kaniya. Palabas na ako ng bahay nang matigilan ako. Binalikan ko siya na nakatayo sa may sala habang sinusundan ako ng tingin. Niyakap ko siya nang mahigpit at hinalikan sa pisngi.
“Bye, kuya!” muli kong paalam.
Napangiti na lamang si kuya at tumango. Ganoon talaga siya, istrikto. Masyado ring over protective pagdating sa akin kahit noong mga bata pa kami. Tuwing magkakaroon ng out of town trip sina mama dahil sa negosyo, siya ang tumatayong magulang sa akin. Napakapalad ko na nagkaroon ako ng kapatid na katulad niya kaya alam kong higit na mapalad ang babaeng mapapangasawa niya. Wala ng bisyo at masipag magtrabaho, mapagmahal pa sa pamilya.
Nagmamadali akong sumakay ng taxi papunta sa coffee shop na tagpuan namin ni Lizbeth. Doon ay natagpuan ko siyang tahimik na nagsusulat sa kaniyang diary. Tila malalim ang iniisip niya, ngunit mababakas ang ngiti sa kaniyang mapupulang mga labi, pilit niya man itong ikubli. Gaano man siya katahimik na tao, kahit hindi siya magbitiw ng salita, alam ko kung kailan siya masaya at malungkot. Alam ko kung kailan siya nagtatampo at nagagalit.
“Maaga bang nagkaroon ng ganap kaya ngingiti-ngiti ang bestfriend ko?” bungad ko na ikinagulat niya.
Mabilis niyang naisara ang kaniyang diary at itinago ito sa loob ng bag niya. Inayos niya ang kaniyang hanggang babang buhok na tumakip sa kanang bahagi ng kaniyang mukha saka ngumiti. “Wala naman. Ikaw talaga.”
“Deny ka pa r’yan, kilala kita,” makahulugan kong tugon.
Habang umiinom kami ng kape, napansin ko ang isang batang babae na nagtitinda ng bulaklak sa labas ng coffee shop. Kung hindi ako nagkakamali ay kasing gulang niya ang batang babae sa mga panaginip ko.
Ang sabi nila, ang mga panaginip daw ay kabaliktaran sa tunay na buhay. Minsan naman ay may katumbas itong kahulugan. Maaari ding may ipinaaabot itong mensahe o kung ano man. Kung ano ang ibig sabihin ng mga panaginip ko ay hindi ko nasisiguro. May kutob akong kilala ko ang batang iyon, ngunit sadyang hindi na siya naaalala ng aking isip. Marahil ay bahagi siya ng nawala kong alaala nang maaksidente ako noong bata pa ako sakay ng isang bisikleta. Hindi ko alam kung magbabalik pa ang kapirasong bahagi na iyon ng alaala ng aking pagkabata, ang mahalaga ay nabigyan ako ng pangalawang buhay matapos malagay sa bingit ng kamatayan.
“Uy, natahimik ka r’yan!” puna ni Lizbeth. “Bakit nangangalumata ka?”
“Another nightmare, best.” Napakibit-balikat ako. “Palagi kong napapanaginipan `yong batang babae, mas malala kagabi. Mabuti na lang ginising ako ni kuya. Parang puputok ang puso ko sa takot. Parang totoong-totoo.”
“Mula pa `yan no’ng nag-hiking tayo sa province, `di ba?” urirat niya. Namilog ang kaniyang mga mata.
Tumango ako. “Tapos may mga anino sa gubat na humahabol sa kaniya. Pati ako, hinabol sa panaginip ko kagabi. Mula noon parang palagi nang may nakatingin sa akin kapag nasa loob ako ng kuwarto ko.”
“Hala, ang creepy!” naibulalas ni Lizbeth. “Baka na-engkanto ka do’n sa pinuntahan natin. Panay turo ka kasi, sinabihan na kita, ayaw mong maniwala sa akin.”
“Hindi naman siguro,” sagot ko. “Matagal na akong nananaginip tungkol sa batang babae, nitong huli lang naging creepy.”
“Pray ka na lang before you sleep, best. It will help,” payo niya.
Muli akong natahimik at nakaramdam ng kaba bago ako napatitig kay Lizbeth. “I was just puzzled by her last words, Liz.”
“Ano `yon?” urirat niya. “Ano’ng sinabi?”
“Manatili raw akong gising dahil nandiyan na sila.” Hinimas ko ang magkabila kong braso dahil biglang nagtayuan ang balahibo ko na para bang may malamig na hangin na umihip sa akin.
“Sila? Sino’ng sila?” untag niya pa.
“`Yong mga aninong humahabol sa kaniya,” dagli ko namang sagot. Napayakap ako sa aking sarili. “Inaamin ko, natatakot ako. Paano kung totoo pala? Paano kung warning talaga `yon sa akin? Hindi na ako nakatulog kagabi kaiisip at takot din na baka managinip ako ulit.”
Nagkibit-balikat si Lizbeth. “Don’t take it too seriously muna. It was just a dream. H’wag mong takutin ang sarili mo.” Hinawakan ni Lizbeth ang aking kanang kamay na nakawak sa mug. “I’m here for you.”
“Thanks, best!” Napangiti ako. Hindi lamang ako mapalad sa kapatid, masuwerte rin ako sa kaibigan.
Hindi naglaon ay may isang itim at magarang sasakyan na huminto sa tapat ng coffee shop. Mula sa bintana nito ay may pamilyar na lalaking sumilip at kumaway.
“He’s here! Tara na, best!” excited kong alok sa kaniya. Hinila ko ang kaniyang kamay, ngunit hindi siya tumayo sa kinauupuan niya. “Liz?”
“H’wag na tayong sumama. Alam mo namang ayaw ko silang kasama, `di ba?” Nakikiusap ang mga tingin niya sa akin. “Isa pa, magagalit ang Kuya Symon mo kapag nalaman niya `to.”
“Liz, si Luigi naman `yan, e. Kahit may pagkamahangin `yan, mapagkakatiwalaan naman natin siya. Matagal na natin siyang kaibigan,” giit ko. “Saka hindi ka ba masaya na makakasama natin siya ulit?”
“Kung siya lang, oo, pero kasama ang barkada niya?” Napailing si Lizbeth.
“Nagseselos ka pa ba kay Karen?” mariin kong tanong.
“Hindi lang naman sa gano’n. Masyado na rin kasi silang bad influence. Hindi ko na gusto ang mga pinaggagagawa nila sa mga buhay nila.” Pilit binabawi sa akin ni Lizbeth ang kaniyang kamay, ngunit hinigpitan ko ang pagkakahawak doon.
“Huli na `to, best. Promise!” wika ko. “Inaasahan na kasi nila tayo, e. Hayaan mo, sa susunod magdadahilan na ako.”
Nabaling ang tingin ni Lizbeth sa labas kung saan matiyagang naghihintay si Luigi sa labas ng kaniyang sasakyan, saka napabuntong-hininga at muling tumingin sa akin. “Sige na nga, pero huli na `to. Hindi ko nagustuhan ang mga ugali ng barkada niya no’ng huli nating hiking sa province, e.”
“Promise,” tugon ko. Hinigpitan ko ang pagkakahawak sa kaniya upang bigyan siya ng assurance kahit hindi na ako magbitiw pa ng maraming salita.
Alam kong napilitan lamang siyang sumunod sa akin dahil nag-aalala siya na sumama akong mag-isa. Ako man ay hindi natutuwa sa mga ikinikilos ng mga kabarkada ni Luigi. I felt like they are up to something illegal.
Tahimik na si Lizbeth sa sasakyan pa lamang hanggang sa makarating kami sa bar. Alas otso na rin ng gabi nang dumating kami, matapos kaming dumaan sa isang restaurant para makakain muna at makipagkuwentuhan kay Luigi. Napansin ko nang kumunot ang noo ni Lizbeth pagbungad pa lang namin sa loob ng bar. Sa hindi kalayuan ay kumaway sa amin ang mga kaibigan ni Luigi na naghihintay sa amin. Sa totoo lang, nakaramdam ako ng hiya kay Lizbeth dahil alam kong hindi siya mahilig sa ganitong lugar. Mas gusto niya ang tahimik na kapaligiran. Siya yata iyong tipo ng kaibigan na magpapatino sa tulad kong maraming kalokohan. Habang ang iba ay tinatawag siyang weird, ako naman ay lihim na naiinggit sa kaniya dahil aminado akong hindi ako kasing linis at kasing buti niyang tao. Noong nasa kolehiyo kami, marami akong nagawang kalokohan na nalusutan ko dahil sa tulong niya. Kaya naman, mula noon ay hindi ko siya pinabayaan lalo na sa mga bully sa pamantasan, magkaiba man kami ng kurso. Proud akong kaibigan ko siya.
Hindi naglaon, habang nagsisimulang lumalim ang gabi ay nagsimula na ring magpatay-sindi ang mga ilaw. Halos hindi na magkarinigan dahil sa malakas na volume ng tugtugan at sigawan ng mga kabataang hindi magkamayaw sa kasiyahan. Parang wala nang bukas kung yumugyog ang mga ito. Sila ay ilan lamang sa mga kabataang alipin na ng modernong panahon at kinain na ng maling sistema. Karamihan ay mga kalalakihan na ang hanap ay adventure, trip na minsan ay hindi na nakatutuwa; at higit sa lahat, mawawala ba ang paghahanap ng makakaharutan? Baka nga nangunguna pa iyon sa kanilang listahan.
Inaamin ko, minsan ay naging isa ako sa kanila.
Sinadya ko talagang uminom at magpagabi para pagdating ko sa bahay ay pagod na ako at makatutulog na kaagad nang sa ganoon ay makalimutan ko ang nararamdaman kong takot. Sa gitna ng aking panonood sa mga nagsasayawan ay inabutan ako ng inumin ni Kendrick, isa sa mga kaibigan ni Luigi. Napatingin ako kay Lizbeth at umiling siya sa akin, ngunit upang hindi mapahiya ay tinanggap ko na lamang ang inumin. Samantala, pansin ko ang mga lihim na tinginan nina Luigi at Lizbeth na tila nangungusap. Hindi na lingid sa akin na kapwa sila may pagtingin sa isa’t isa noon pa man, ngunit ang alam ko, hanggang sa kasalukuyan ay magkaibigan lamang sila at nitong huli ay pansin ko ang pag-iwas sa kaniya ni Lizbeth.
Ilang minuto lamang ang nakalipas, nakaramdam ako ng pagkahilo habang papunta ako ng comfort room. Naramdaman ko na lamang na mayroong sumalo sa akin. Subalit habang akay-akay niya ako, napansin ko ang isang aninong dumaan at mabilis na tumakbo patungo sa mas madilim na bahagi ng bar. Muli kong naramdaman na nagtayuan ang aking mga balahibo na parang maliban sa mga taong nandoon ay mayroong kakaibang nilalang na nakatingin sa akin. Mayamaya lamang ay naulinigan ko ang mga sigaw ni Lizbeth sa aking pangalan, maging si Luigi man.
Nagkagulo.
Naramdaman ko ang mga kamay na umagaw sa akin. Naging mabilis ang mga pangyayari at namalayan ko na lang na nasa loob na kami ng sasakyan ni Luigi. Nagtatalo sila ni Lizbeth. Maya’t maya ang pagmumura ni Luigi. Iyon na lamang ang huli kong narinig bago tuluyang magdilim ang paningin ko.
Nang muli akong magkamalay ay narinig ko na ang boses ni Kuya Symon. Galit na galit siya kay Luigi. Naramdaman kong mayroong bumuhat sa akin at narinig ko rin ang langitngit ng bumukas na gate.
“Sorry po talaga, kuya. Hindi ko siya napigilan kaya sinamahan ko na lang siya,” paliwanag ni Lizbeth.
“Malalim na ang gabi, ihatid mo na si Liz sa kanila,” bulyaw ni kuya. “Kapag may masamang nangyari sa kaniya, ikaw ang huli niyang kasama.” Ang galit na boses ni kuya ay may halong pagbabanta, sapagkat noon pa man ay wala na siyang tiwala kay Luigi.
Nang lumapat ang aking likuran sa malambot na couch sa sala, narinig ko ang muling paghingi ng tawad ng dalawa at nagpaalam na sila kay kuya. Muli kong naulinigan ang paglangitngit ng aming gate hanggang sa umalingawngaw sa buong paligid ang mga putok ng baril, kasunod ang mga sigaw ni Lizbeth.
Napabalikwas ako ng bangon kahit hilong-hilo pa rin ako.
***