17

1033 Words
“Ateee!” “Utoy!” sabik na sinalubong ni Mandie nang yakap ang kapatid na nadatnan niyang nagwawalis sa sala ng bahay nila. “Ate, namiss ka namin ng sobra. Teka nga, mas maganda ka na lalo ngayon ate Mandie. Mukha ka ng artista, at saka pumuputi ka na.” namamanghang sabi ni Utoy at pinasadahan pa siya ng tingin mulo ulo hanggang paa. “Naku, ikaw talaga. Dalawang linggo lang naman tayong hindi nagkita. Nasaan ang inay? Si Upeng?” “Lumabas lang saglit si inay at nagpunta sa kabilang bahay, si Upeng naman naliligo. Ate, alam mo ba ang sabi ni inay makakapag aral na daw kami sa pasukan. Matagal pa naman ang June kaya tutulong na daw muna kami sa pagbabantay ng tindahan ni inay.” “Talaga?” Napag usapan na nila ng ina ang tungkol sa pag aaral ng mga kapatid niya. May monthly allowance siyang matatanggap mula kay Taru na hindi na niya tinanggihan pa. Alam niyang kakailanganin niya ng perang pangtustus sa pangangailangan ng pamilya dahil wala siyang trabaho sa ngayon. Malaki laki pa naman ang natitirang pera sa ibinigay na cheke ni Taru para sa pagpapaopera ng nanay niya. Maliban doon ay ito rin ang gumagastos para sa maintance ng gamot ng kaniyang ina. “Ang ganda ng bestida mo ate!” malakas na tumili si Upeng nang makita siya. Lumapit ito at niyakap siya. “Hmmm, mabuti naman naligo ka,” biro niya at hinalikan ang ibabaw ng basang ulo nito. “Ang mga kapatid ko, namiss ko kayo ng sobra. Payakap nga!” mahigpit na niyakap niya ang dalawa. “Anong gusto ninyong ulam? Pakbet? Fried chicken? Pansit guisado? Magluluto ako ng kahit anong gusto ninyo.” masayang alok niya. “Eh, ate nakalimutan mo na ba? nagpadeliver ka ng mga pagkain” ani Utoy. Natawa naman si Upeng at hinila siya patungo sa kusina. Napasinghap siya nang makita sa pabilog na mesa ang napakaraming pagkain. Parang piyesta! Napakamot siya sa batok. Isang case ng coke ang nakita niya sa isang sulok malapit sa lababo. Sa mesa ay nakahanda na ang umuusok na kanin, pansit guisado, isang tray na punong puno ng fried chicken. May plato pa na may lamang maraming porkchop at may salad din. May adobong baboy din na ang sabi ni Upeng ay niluto kanina ng nanay niya bago dumating ang mga pagkain na inorder daw niya. Napakamot ulit siya sa batok. “Inorder ko lahat iyan?” hesusmaryosep! “Ate, ulyanin ka na?” Napailing lang siya at ginulo ang buhok ni Upeng. Alam niyang pakana na naman iyon ni Taru. Napasaya na naman niya ang pamilya niya ng dahil sa tulong nito. “Sige, kakain na lang pala tayo. Si inay nga pala, teka at ako na ang susundo.” “Pabalik na iyon ate, sinundo lang niya sila Aling Bebang at ate Marga dahil masyado daw marami ang inorder mong pagkain at hindi naman natin mauubos.” “Kungsabagay,” Mayamaya pa ay dumating na ang nanay nila at kasama nga nito ang matandang kapitbahay at si Marga. Nang makita ang ina ay mahigpit na niyakap niya ito. “'Nay, namiss kita,” Inamoy amoy pa niya ang ina. Natutuwa siya na wala na siyang maamoy na alak mula dito. Namiss din niya ang natural na amoy ng pawis ng nanay niya. Noong maliit pa siya ay paborito niyang amuyin ang ina kahit pa maasim ito dahil sa pawis. Ang amoy nito ang palatandaan ng pagiging mabuting ina nito sa kanilang tatlong magkakapatid. Pinagpapawisan ito at nag aamoy maasim dahil sa pag aalaga sa kanila at sa mga gawaing bahay. Isang masayang pananghalian ang pinagsaluhan nila kasama ang pamilya niya at sila aleng Bebang. Habang abala sa panonood ng TV ang mga kapatid ay lumapit siya sa mga ito. “Hindi ko pa pala naibibigay ang pasalubong ko sa inyo,” Isang cute na teddy bear at pantalon ang pasalubong niya sa magkapatid at magandang duster naman para sa nanay niya. “Ate, 'di ba nabigay mo na? inabot pa nga sa akin noong kasama mong driver kanina eh bago siya umalis, naiwan mo daw kasi sa loob ng kotse.” “Ahm…” nalilitong tumingin siya sa dalawang kapatid. “Suot ko na nga,” itinuro ni Upeng sa kaniya ang suot nitong magandang ponytail. Si Utoy naman ay ipinagmayabang sa kaniya ang magandang tsinelas nito. “At ako rin,” ibinida ng nanay nila ang kulay pink na duster na suot nito. Napakagat labi siya. Naunahan na naman siya ni Taru. Hindi naman niya magawang magalit dahil alam niyang sincere ang binata sa pagbibigay ng mga iyon. At mga simpleng gamit lang naman ang ibinigay nito at alam niyang galing iyon sa puso ni Taru. Mas dapat siyang mainis kung dinala na naman nito sa perahan ang lahat at binigyan ng nakakalulang mga gadgets ang pamilya niya. “Kayo talaga,” naiiling na ngumiti na lang siya. Eksakto alas diyes ng gabi ay nakatulog na ang mga kapatid at nanay niya. Siya naman ay hindi mapakali at nakahiga lang sa kama. Tumawag siya kanina sa mansiyon para itanong kay Nanay Marcy kung nakauwi na si Taru. Wala pa rin daw sa mansiyon ang binata at hindi rin ito nagtetext o tumatawag sa kaniya buong araw. Hawak niya ang cellphone at pinakatitigan iyon. Pinagmasdan niya ang wallpaper ng cellphone niya. Si Taru iyon, kinunan niya ito ng litrato habang natutulog ito. Napaigtad siya ng biglang magvibrate ang cellphone niya. Agad na sinagot niya ang tawag. “Hello?” mahina ang tinig na bungad niya sa kabilang linya. “Babe.” Nagrigodon ang dibdib niya nang marinig ang tinig ni Taru. Maingat na tumayo siya at lumabas ng silid. “Tumawag ako sa mansiyon kanina,” “I know, babe, I’m sorry, tiniis ko talagang huwag kang tawagan buong araw dahil gusto kong magkaroon ka ng sapat na oras para sa pamilya mo. Kaya ko naman magtiis eh, well..iyon ang akala ko,” anito at marahas na bumuntong hininga. “Anong ibig mong sabihin?” “Tulog na ba sila?” “Oo,” “Nandito ako sa labas ng bahay ninyo.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD