Chapter 4
Pumunta ako rito para magbakasyon upang gumaan naman kahit papano ang pakiramdam ko mula sa nakaka-stress na trabaho pero mukhang lalo lang ako ma-i-stress dito.
Hindi madali ang sinasabi ni ate na tulungan ko si Lala. Unang una natatakot nga akong makakita ng mga kaluluwa at pangalawa hindi ko kayang makipag-usap sa kanila.
Nakakatakot na nakakabaliw ang may third eye kaya nga pinatanggal ko 'to noon dahil sobrang nagugulo na ang buhay ko. Hindi na ako makakain. Hindi ako makakilos ng natural. Lagi akong lumilingon bawat hakbang ko baka kasi may nakasunod sa 'kin. At hindi ko rin alam kung tao pa ba ang mga nakakasalamuha ko.
Nang minsang sumakay ako ng UV Express, tudo siksik pa ako sa bandang gitna para lang makasakay dahil ang lakas ng ulan noon. Akala ko kasi doon na lang ang may bakante, 'yon pala ang luwang pa sa likuran. Noong una ko kasi itong tinignan ay puno ito ng pasahero pero nang makasakay na ko, paglingon ko sa likuran ay isang tao lang pala ang nakaupo roon.
Kailan ba 'to nagsimula ulit? Kanina? Ay hindi. Noong isang araw pa. Noong makita ko si Jolly sa ibabaw ng kama. Nanghihingi rin ba siya ng tulong?
Nakarinig ako ng katok sa gitna nang aking pag-iisip.
"Ann, pwede ba tayong mag-usap?" Hindi ako umimik. "Sige, mamaya na lang. Iwanan muna kita mag-isa rito. May pupuntahan lang ako saglit."
Narinig ko ang pagbukas at pagsara ng front door.
Nagtalukbong na lang ako ng kumot. Hindi ako galit kay ate, ayoko lang makipag-usap sa kanya.
Nakarinig ako ng ingay mula sa pinto.
"Ano 'yon?" Napabalikwas ako ng bangon.
Mga kaluskos!
"Sino nand'yan?" sigaw ko habang tuluy-tuloy pa rin ang naririnig kong kaluskos mula sa labas ng pinto.
Imposibleng si ate 'yon dahil nakaalis na siya. "Ano ba! Itigil mo yang pagkaluskos mo! Sino ka ba?!" Huminto naman ito at ilang saglit lang...
There was a loud bang on the door.
"s**t!" Parang masisira na ang pinto sa lakas ng pagkalabog dito. Ilang segundo pa ang lumipas ay biglang bumukas ang pinto.
Napayakap ako sa unan. Ilang saglit akong nakatingin sa bukas na pinto pero wala naman akong nakikitang tao sa labas ng kwarto.
"Sino nand'yan?" Walang sumagot. Naglakas loob akong humakbang palapit sa pintuan. Sinilip ko ang magkabilang bahagi pero wala talaga akong nakitang tao. "Hangin lang kaya 'yon?" Parang imposible naman atang magawa ng hangin na humampas ng ganoon kalakas.
Sinara ko na lang ang pinto at saka ko lang napagtanto, ni-locked ko pala ito kanina pagkapasok ko. Paano 'to nabuksan ng gano'n gano'n lang?
Pumihit ako pabalik sa higaan at doon na ako nanigas sa aking kinatatayuan.
Dahil sa tabi ng higaan ay nakatayo ang multong si Lala! Nakatitig sa 'kin ang nakadilat niyang mga mata. Tumutulo ang dugo mula sa sugat ng kanyang noo at papalapit na siya sa akin!
Tumakbo agad ako palabas ng kwarto. Halos mapigtas ang aking hininga. Ito ang ayaw ko sa pagkakaroon ng third eye! Nagpapakita kasi sila nang walang pasabi at tinataon pa nila sa oras na mag-isa lang ako. At higit sa lahat nakakatakot ang kanilang itsura.
Tatlong baitang nalang at makakababa na ako sa hagdan ngunit napahinto ako bigla dahil nakita ko ang isang pares ng maliliit na paa na nakalutang at nakaharap sa akin.
Dahan dahan akong nag-angat ng tingin at bumulaga sa akin ang nakakatakot na itsura ni Lala. Lalong dumami ang tumutulong dugo mula sa kanyang sugat at basag na rin ngayon ang kanyang mukha!
Daglian akong umatras ngunit lumalapit naman siya sa akin. Di ko na kaya ang nakikita ko. Nanginginig na ang buo kong katawan sa sobrang takot. Patuloy lang ako sa pag-atras at nang maramdaman ko mula sa aking likuran ang dingding ay napaupo na lang ako sa sahig. Niyakap ko ng mahigpit ang aking mga tuhod at naluluhang yumuko.
"Tigilan mo na ako! Wala akong kasalanan sa 'yo! Wag ka sa 'kin magparamdam!" buong lakas kong sigaw habang nakayuko pa rin. Hindi ko na kayang makita pa ang kanyang mukha. "Parang awa mo na, tantanan mo na ang nanahimik kong buhay!"
"Tumulungan mo ako." Lalo kong niyakap ang aking mga tuhod nang marinig ang nakakatakot ngunit nagsusumamo niyang boses. Dahil doon ay nakaramdam ako ng awa sa batang multo.
"P-pag-iisipan ko pero 'wag mo na akong takutin pa. Utang na loob!" Nanatili lang ako sa pagkakayuko at mayamaya pa'y naramdaman ko ang maliit at malimig na kamay na dumampi sa aking paa!
"Ahhhhhhhhhh! Bitawan mo ako! Lumayo ka! Waaaaaahhhhhhh!"
"Tita! Tita! Ako to." Inangat ko ang aking ulo. "Tita, ayos ka lang?"
"Shaddy?!" Langya! Si Shaddy lang pala. "Bakit ang lamig ng kamay mo?"
"Kumakain kasi ako ng ice candy eh," sabay angat ng kamay niya na may hawak na ice candy. "Bakit nand'yan ka sa sahig?" Naalala ko bigla ang nangyari. Hinila ko si Shaddy palabas ng bahay. "Saan tayo pupunta?"
"Kahit saan basta malayo sa multo," wala sa sariling sinagot ko siya.
"Ha, anong multo?"
Di pa man kami nakakalayo ng bahay ay nakasalubong namin si ate. "Oh, san kayo pupunta? Ayos ka lang ba Ann?" Tumingin siya sa bandang ibaba. "Bakit nakapaa ka lang?"
Ouch! Kaya pala kumikirot ang mga paa ko kasi wala akong suot na tsinelas. "Ayoko na rito. Uuwi na ako! Aalis na ako rito!"
"Ann, huminahon ka lang." Niyakap ako ni ate at nahimasmasan ako sandali.
"Nagpakita ba siya ulit sa 'yo?" Biglang sumulpot sa likuran ni ate si Aling Maring. "Nakwento sa 'kin ng kapatid mo ang tungkol sa pagpapakita ni Lala sa 'yo." Great! And the best chismosa award goes to my ate.
Napaigtad ako nang hinawakan ng matandang babae ang aking kamay. "Nakikiusap ako sa 'yo Ann, tulungan mo kami. Tulungan mo si Lala. Parang awa mo na. Para sa ikatatahimik ng kaluluwa niya, sabihin mo ang mga nalalaman mo," pagmamakaawa pa niya.
"Wala naman siyang sinasabi sa 'kin kaya wala akong alam," sagot ko.
"Pero nagpapakita siya sa 'yo, sinubukan mo na ba siyang kausapin?"
Ni tignan nga siya hindi ko magawa. Kausapin pa kaya. Hindi ganoon kadali ang mga pinapagawa nila. "Bakit hindi kayo sa iba lumapit?" asik ko sa ginang. "Bakit ginugulo niyo pa ang nananahimik kong buhay?"
"Nagkakamali ka, hindi ka niya ginugulo. Nanghihingi lang siya ng tulong sayo." Alam ko. Nasabi na niya sa 'kin kanina yan.
"Pero bakit ako? Bakit ako pa na wala namang alam tungkol sa ganitong bagay? Bakit hindi na lang kayo sa iba humingi ng tulong, doon sa mas nakakaalam tulad ni Mang Castro."
Tinitigan niya muna ako bago nagsalita ulit, "dahil ikaw ang pinili niya. Minsan namimili ang mga kaluluwa ng taong gusto nilang pakitaan at pagkakatiwalaan. Nagsusumamo ako, tulungan mo siya mahanap ang hustisya."
Hindi ako umimik. Oo, gusto ko rin makamit niya ang hustisyang nararapat sa kanya pero hindi ko talaga siya kayang harapin. Natatakot ako.
Hindi ganoon kasimple ang magkaroon ng third eye. Kung inaakala ng iba na exciting ito, nagkakamali sila! Nakakamatay ito sa sobrang takot!
"Ann, pwede mo ba kaming tulungan?"
"Hindi ganoon kadali ang hinihingi niyo! Wala tayong ebidensya kung sino ba talaga ang salarin. Kahit na ba nagpapahiwatig ang multong bata kung sino ang salarin hindi naman sapat 'yon na ipaalam mo sa pulis na nagmumulto 'yong biktima dahil hahanapan ka pa rin ng matibay na ebidensya laban dito."
"Kinausap mo na ba siya?" Umiling ako.
"Mabuti pa siguro'y pumasok muna tayo sa loob ng bahay," singit ni ate at naglakad nga kami pabalik.
"Ann," tumabi sa 'kin si Aling Maring nang tuluyan kaming makapasok sa bahay.
"Hindi. Ayoko! Natatakot akong harapin siya. Naiintindihan niyo ba 'yon? Nakakatakot siya tignan!"
"Ann, makinig ka muna," awat ni ate. "Sasamahan ka namin kapag makikipag-usap ka sa kanya. Hindi ka namin iiwan."
Umiling ako, "hindi pa ako handa. Tutulungan ko kayong makausap siya pero 'wag niyo akong madaliin." Napayakap bigla si Aling Maring sa 'kin.
"Salamat Ann, maraming salamat. Sana magkaroon na nga ng hustisya ang pagkamatay ng aking apo," naiiyak pa niyang sabi.
Kinagabihan, sinadya kong matulog ng maaga para hindi ko siya makita pero nagkamali ata ako ng desisyon dahil pagsarado palang ng talukap ng aking mga mata ay siya namang pagpapakita ni Lala sa aking panaginip.
-FLASH BACK SA PANAGINIP NI ANN-
May isang batang babae ang naglalakad palayo sa nagkakasayahang mga tao. Nakakita siya ng isang magarang sasakyan na nakapark sa madilim na bahagi ng lugar at nilapitan niya ito.
"Ang ganda." Hinimas-himas niya ang bawat bahagi ng sasakyan at biglang bumukas ang pintuan nito.
"Hoy bata! Umalis ka nga d'yan! Magagasgasan ang kotse ko!" singhal sa kanya ng lalaking may-ari ng sasakyan. Tinignan lang niya ang lalaki at nagpatuloy siya sa paghimas ng sasakyan. "Ano ba! Di ka titigil? I said get lost!"
Dinilaan lang niya ang lalaki, "salbahe!"
"Mas salbahe ka! Ginagasgasan mo ang kotse ko!"
"Hindi naman eh, hinahawakan ko lang naman," katwiran pa niya.
"Wag mo nga hawakan! Ang dumi pa ng kamay mo, oh!" Pinanlakihan siya ng mata ng lalaki at natakot ang bata. Tumakbo ito palayo sa kanya. "Takot ka pala, eh." Pumasok ulit sa sasakyan ang lalaki. "Ano ba namang lugar to, ang boring! Anong oras pa ba kami uuwi?" reklamo niya sa sarili.
Bigla bumalik ang bata. May dala na itong isang maliit na sanga ng kahoy at ihampas niya ito sa likurang bahagi ng sasakyan.
"Hoy! Itigil mo yan!" bulyaw ng lalaki sa kanya at nang makita niyang may gasgas na nga ang kanyang sasakyan ay nag-init ang kanyang ulo. "Hindi mo ba alam, mas mahal pa 'tong sasakyan ko kaysa sa buhay mo!"
"Pangit naman sasakyan mo, eh!" asar pa ng bata.
"Pangit pala, ha." Pinaandar ng lalaki ang sasakyan at nagulat ang batang babae nang biglang may bumugang usok. Nang makabawi sa pagkakagulat ay hinampas niya ulit ang sasakyan nang mas malakas pa. Lalo tuloy nag init ang ulo ng lalaki kaya naman inapakan niya ang gas pedal para sana takutin ang bata ngunit napadiin ang kanyang pagkakaapak.
Natumba ang bata nang mabundol ito. Dahil madiin ang pagkakaapak sa gas pedal ay tuluyan nitong nagulungan ang pobreng bata at nasapul sa ulo!
Natatarantang bumaba ang lalaki at natakot siya nang makita ang basag na mukha ng bata.
"Naku po, anong ginawa mo!" Bigla namang sumulpot ang isang matandang lalaki at gulat na gulat ito sa kanyang nasaksihan.
"Wala kang nakita," banta ng binata sa matanda. "Madami akong pera, kaya kitang baliktarin sa oras na magsumbong ka!"
Natakot ang matanda sa kanyang banta kaya tumango na lamang ito.
Mabilis na dumukot ng dalawang libo ang binata at inabot ito sa matanda, "ayan tanggapin mo." Umiling ang matanda kaya naman isinuksok ng binata sa bulsa nito ang pera. "Tanggapin mo 'to at wag na wag kang magkakamaling magsumbong. Nakita mo ang nangyari sa bata? Kaya ko rin 'yan gawin sa pamilya mo kapag nagsalita ka tungkol rito. Naiintidihan mo?!" Nanginginig na tumango ang matanda.
"Good," napangisi siya. "Anong pangalan mo?" Hindi sumagot ang matanda. "Anong pangalan mo sabi!"
"Gusting."
"Tandaan mo, wala kang nakita Mang Gusting." At humarurot na palayo ang sasakyan.
***