BUMALANDRA ang inang si Luisa sa gilid nang papag dahil sa malakas na pagtulak ni Lando sa asawa. Hindi maiwasang mapahiyaw sapagkat kitang-kita ang sugat na natamo nito sa noo.
"Tama na! Iyong-iyo nang lahat ng pinagbentahan ni Nanay!" anas ko saka ibinato ang barya malapit sa lalaki.
"Aba't, saan ka natutong sumagot, ha? Sa mga kaibigan mong walang kuwenta tulad mo?" singhal ng ama.
Di kalaunan ay lumapit ito at pinitsarahan ang aking suot na kamiseta.
"Lando, huwag mong sasaktan si Zarina--ako na lamang! Maawa ka sa anak natin!"
Gumapang ang ina kapagkadaka'y hinawakan ang kamay ni Lando upang pigilan sa binabalak na pananakit, hanggang sa humupa ang emosyon at padaskol na binitawan saka pinulot nito ang mga barya sa sahig at tuluyang lumabas ng barung-barong.
"Ang dadrama niyong mag-ina! Pwe!"
Nang mapag-solo kaming dalawa'y niyakap ang ginang na mayroong galos sa noo.
"Nay, kailangan nating magamot 'yang sugat ninyo." nag-aalalang saad dito.
"A-ayos ka lamang ba?" balik tanong ng ina.
"Kayo dapat ang tinatanong ko niyan dahil matagal na po tayong nagtitiis kay tatay. Hindi pa po ba kayo nagsasawang intindihin ang taong 'yon?" hindi mapigilang umusbong ang luha sa mata.
Dahan-dahang tumayo ang ginang saka tumungo sa paminggalan at parang walang nangyaring pananakit o kahit anong pagmamaltrato rito.
"Nay, umalis na lamang tayo sa baryong 'to. Magsimula uli na malayo sa lalaking 'yon," hilam ng luha ang pisngi.
"Z-Zarina, anak… wala tayong mapupuntahan. Isa pa, hindi ko kayang iwan ang tatay mo," umiwas nang tingin ang babae.
"Hahayaan niyo na lamang na bugbugin kayo ng paulit-ulit? Hindi ko kayang makita ka pang nasasaktan dahil hindi ko maipapangakong 'di ako lalaban kapag naulit pa'ng ginawa niya sa inyo," katwiran sa natitigilang ina bago pumasok sa maliit na kwartong gawa sa sawali.
Nahiga sa kawayang papag ngunit nanatiling nakadilat ang mata habang sinasariwa ang buhay na kinalakhan magmula pagkabata. Hindi ko kailanman naramdamang kabilang sa mga magulang na nakagisnan. Parang mayroong kulang o hinahanap ngunit di matarok kung ano? Tipong bumubuo ng isang puzzle na wala ang importanteng piyesa kung kaya hindi mo masabing kompleto?
Si Lando ang naabutang haligi ng tahanan na halos pagsilbihan magmula pagkabata. Palaging sinasabi ni nanay na totoong ama ko ang halimaw na 'yon ngunit minsan itinatanong sa sarili kung paano kaya kapag dumating ang pagkakataong malaman kong hindi tunay na anak ng demonyong 'yon? Siguro sobrang saya, siguro hindi ganito kamiserable ang buhay namin ni nanay?
Bahagyang pinunasan ang mukhang punung-puno ng luha.
'Kailangang makalayo kami ni nanay sa lugar na 'to sa lalong madaling panahon...'
KINABUKASAN ay mag-isang naglako ng gulay, sapagkat hindi sumama ang ina. Kilala ang ginang sa palengke ng Santa Fe dahil na'rin sa tagal nitong nagtitinda magmula noong dalaga pa.
Kasalukuyang buhat-buhat ang mabigat na bilao habang patungo sa puwesto ngunit hindi alintana ang mga dalagang sunod nang sunod para mang-asar lamang o sirain ang simula ng araw ko.
"Hoy, Zarina!" tawag ni Len-len
"Zarina, ilang taon ka na?" sabad ni Gweneth ngunit imbis patulan ay dumiretso sa mga nakahanay na tindera.
"Hoy, tinatanong ka ni Gwen! Bingi yata 'to? Dahil siguro walang pampa-aral kaya pati pagsasalita hindi na alam."anas nito na sinabayan ng irap ni Len-len subalit imbis patulan ay nagkibit-balikat na lamang, tutal sanay-sanay na sa mga kalokohan ng dalawa pagdating sa'kin simula pagkabata.
"Hindi ka siguro pinag-almusal ng nanay mo kaya nakalimutan mong magsalita," banat ng babae saka pagak na tumawa si Gwen.
"Paano mag-aalmusal kung wala ni katiting na pera?" pang-iinsulto ni Len-len.
Nanatiling seryoso at nagbibingi-bingihan sa mga masasakit na salitang naririnig mula sa kanila, ngunit wala yatang balak tumigil ang mga ito. Kinuha ni Len-len ang isang tiklis na sitaw sa bilaong tinitinda kaya naalarma sa posibleng gawin ng dalaga.
Di katagala'y binato nito sa kalsada ang gulay na inangkat lamang sa tira-tirang produkto ng kilalang supplier sa palengke. Samantala, tinapak-tapakan ni Gweneth ang sitaw saka nagtawanan ang mga ito dahilan upang 'di mapigilan ang bugso ng damdamin.
"Mga walanghiya kayo!" singhal ko saka hinaklit ang buhok ni Len-len saka inginudngod sa maputik na daanan habang nanghihingi ng tulong si Gweneth.
"Bitiwan mo ko kung ayaw mong isumbong kita sa papa ko!" napapa-igik na saad ng babae.
"Hoy, awatin niyo!" tili ni Gweneth sa mga kasamahang tindera ngunit imbis na may pumigil ay nagmistulang sabungan ang palengke.
"Kay Lenlen ako, ha?" anang isang tindero.
"Gago! Liyamado si Zarina!" susog ng isa ngunit sa panggigigil ay isinubsob ko lalo ang mukha ng dalaga sa mabahong putik ng palengke.
"T-tulong!" sigaw ni Len-len.
"Mga hayop kayo! Nananahimik ako!" singhal ko.
Maya-maya'y may tumulak sa'kin palayo sa babae rason upang muntik mapasandal sa mismong tinitindang gulay.
"Anong ginagawa mo sa anak ko, ha?" anang ama ni Lenlen kung saan punung-puno ng putik ang mukha.
"Papa, siya po ang nangunang manabunot kahit dumadaan lamang kami ni Gweneth para pumunta sa opisina mo," sumbong ng dalaga na sinang-ayunan naman ng kaibigan nito.
"Hindi totoo 'yan! Sinungaling ka, Len-len. Ikaw ang nangunang sumira sa tinda ---"
"Manahimik ka dahil parehas lamang kayo ng tatay-tatayan mong perwisyo rito sa Santa Fe!"
Umugong ang bulungan sa gilid kaya napatingin sa mga ito na halos umiiwas ang mga mata tila sumasang-ayon sa sinabi ng matandang lalaki.
"Wala kayong alam para manghusga!" pagtatanggol sa mga magulang.
"Ikaw ang walang alam dahil ni hindi ka nakapag-aral tulad ng nanay mong nagpapakatanga sa tatay mong lasenggo!" singhal ng ama ni Len-len.
Kitang-kita ang sarkastikong ngiti sa labi ng dalawang dalaga kaya imbis makipagbangayan ay tahimik na sinalansan ang gulay at hindi na lamang ininda ang sinasabi ng ama nito ngunit halos manginig ang buong kalamnan sa mga sumunod na birada ni Mang Temyong.
"Anong ginagawa mo? Bakit ka nagsasalansan, ha? Oy, para ipaalam ko sa'yo na simula sa araw na 'to, wala ka nang puwesto sa palengke. Sa susunod mamimili ka ng babanggain mo!"
Marahas na lumingon sa lalaki saka sumunod sa mga ito.
"Teka lamang, Mang Temyong. N-nagbayad po kami sa inyo kaya h-hindi po maaring basta niyo na lamang kami paalisin!" nagmamakaawa rito ngunit imbis pakinggan ay naglabas ng pitaka pagkatapos ay binato ang limang-daang piso sa mukha ko.
"Ayan ang binayad mo sa isang buwang renta sa puwesto, magtinda ka sa bundok!" tumalikod ang lalaki habang tumaas ang sulok ng labi ni Gweneth at Len-len bago sumunod sa ama.
"Tapang-tapangan kasi kaya 'yan wala tuloy napala..." huling pasaring nito.
Kumawala ang takot dahil sa nangyayaring kamalasan. Paano na mamaya? Tinitiyak na magwawala ang ama't baka pagbalingan si nanay. Sunud-sunod ang pagsungaw ng masaganang luha sa mata saka bagsak ang balikat na kinuha ang bilaong ni hindi nabawasan.
Wala sa sariling naglakad sa gitna ng init at maalikabok na daanan ng mga pampublikong sasakyan subalit nakatawag pansin ang isang magarang kotse sa gilid ng pamilihan. Hindi maiwasang humanga sa kintab at ganda nito na halos minsan lamang makakita sa bayan ng Santa Fe. Tuluyang pinunasan ang mukha gamit ang suot na damit bago lumapit sa nakaparadang awto.
Lumigid sa kabilang bahagi, hanggang sa napagmasdang maigi ang itsura sa repleksiyon ng kotse. Gusut-gusot ang mala-blonde na buhok, na ayon kay nanay ay pinaglihi raw sa buhok ng mais, bilugang mata ngunit palaging malamlam, at kulay mestisang balat na halos malayo sa mga magulang. Ayon sa mga tindera sa bayan, sayang daw dahil napunta sa mag-asawang Luisa at Lando sapagkat hindi raw bagay sa'kin ang tinderang walang pinag-aralan, ngunit hindi na lamang pinapansin ang mga tao sa paligid dahil malaki ang ipinagpapasalamat sa Diyos na si Luisa ang naging ina.
"What are you looking at?" napaigtad sa may pagka-aroganteng saad ng binatilyo mula sa backseat.
"Ha?"
Hindi namalayang nakababa na pala ang bintana sa kotseng sinisipat.
"Ang sabi ko, anong tinitingnan mo sa kotse ko?" iritadong saad nito.
‘Di maipaliwanag ang lagabog ng puso habang pinagmamasdan ang kanyang maamo at napakagwapong mukha. Mamula-mulang pisngi at labi habang nadedepina ang pagiging aristokrato sa makapal na kilay at matang kulay abo ngunit kung susumahin ay tila mas maedad sa'kin ang lalaki ng kaunti.
"K-kotse mo?"
"Bingi ka ba?"
"Pasensiya na nagandahan lamang ako sa kotse mo. Balang-araw magkakaroon din ako niyan..." determinadong saad dito na ikinagulat sapagkat biglang tumawa ang binatilyo.
"Sure, I'll wait for it."
"A-ano?"
"Nevermind. Sige, hawakan mo lamang hangga't wala pa si yaya para alam mo kung anong bibilhin mo kapag nagkapera kana..." pilyong ngiti ng binata na mas nakadagdag sa pagkamangha sapagkat pantay at maputi ang kanyang mga ngipin.
Idinikit ko ang daliri sa makinis na tekstura ng sasakyan subalit di maiwasang malungkot dahil sa pagiging imposible ng mga pangarap sa kasalukuyang kalagayan.
"Hoy, bata! Anong ginagawa mo sa sasakyan?" sita ng babaeng naka-uniporme na sumulpot mula sa gilid.
"W-Wala po," nag-aalalang tugon sa ginang saka mabilis dumako ang mata sa binatilyo.
"May balak kang magnakaw, hano?"
"H-hindi po, nagtitinda po ako ng gulay," ibinalandra sa ginang ang mga inilalako.
"Senyorito, ayos lamang po kayo?"
"I'm fine, Nana Saling." matipid na sagot ng amo nito ngunit hindi nakatingin sa'kin kompara kanina.
"Shall we go now?"
"Naku, senyorito, malapit-lapit na si Berting. Ang bilin po ng abuela ninyo ay huwag kayong nakikipag-usap sa hindi niyo kakilala." bilin ng ale.
Parang naestatwa sa harap ng sasakyan tila itinulos ang mga paa sa harap ng tinatawag nitong senyorito.
"Aba'y anong ginagawa mo pa diyan, ineng? Namamalimos ka yata, ha?"
"P-po?"
Naputol ang dapat sanang isasagot nang dumating ang unipormadong lalaki saka nagmamadaling pumasok sa loob ng sasakyan malapit sa manibela.
"Tumabi ka diyan ineng at baka mahagip ka!" anang katiwala kaya humakbang paatras ngunit nagulat sa mga sumunod na pangyayari.
"Nana Saling," maawtoridad na tawag ng binatilyo.
"B-bakit po, senyorito?"
Nanatiling nakabukas ang bintana sa backseat kaya dinig na dinig ang hiling ng lalaki.
"Could you buy all her veggies and bring it here on the backseat, please?" anito.
"Sige po, senyorito,"
Hindi na hinintay makaalpas ang sasakyan saka nagpasyang tumalikod ngunit tinawag ng ale. Hindi man lantarang naintindihan ang sinabi ng binatilyo ay parang alam sa sariling ako ang tinutukoy nito.
"Psst, ineng!"
"B-bakit po?"
"Papakyawin na raw ni senyorito lahat ng paninda mo,"
"T-talaga po?"
"Hetong bayad, hija!" iniabot ang isang libong piso subalit dudukot sana sa bulsa ng maaalalang walang panukli.
Imbis hingiin ng babae ang sukli'y kinuha lamang ang bilao saka inilagak sa tabi ni senyorito bago muling lumulan sa kotse.
"Ale! Senyorito! Wala po akong maibibigay na--" tawag sa mga ito subalit ang tanging nakita na lamang ay ang kamay ng binatang inilabas mula sa bintana saka kumumpas na parang ayos lamang na hindi na bawiin ang natira sa ibinayad nito.
Ilang sandali ay unti-unting lumiit sa paningin ang magarang sasakyan saka tuluyang naglaho sa maalikabok na daanan. Ang tantiya ay dayo lamang ang binata sa Santa Fe dahil halos lahat ng maykayang pamilya o angkan rito'y kilala ng mga katulad kong karaniwang mamamayan sa baryo.
Dumaan sa masukal na pilapil hanggang sa matanaw ang barung-barong sa gitna ng palayan. Ito ang aking buhay na kinalakhan magmula magka-isip. Ni hindi magawang mangarap sapagkat sa hirap na tinatamasa'y kahit makatikim ng masasarap na ulam ay malimit lamang. Nakakahiya mang aminin ngunit minsanan lamang yata ang pagkakataong nakakain ng manok, siguro noong kaarawan ni nanay dahil bumili kami ng tig-kwarenta'y singkong pitso. Hindi maiwasang mapangiti nang maalala ang binatilyong pumakyaw ng mga paninda.
'Buti naman may maitatabi na 'kong ipon para makaalis sa baryong 'to!'
Dumiretso sa gilid ng kubo bago tumungo sa kusina para sorpresahin sana ang ina. Pagkarating sa likod- bahay ay nakangiting bumungad sa tabi ng panggatong. Nakasanayan kasing tumambay ni nanay sa lutuan lalo't ganitong mag-tatakip silim.
Pagpasok nang tuluyan sa loob ay sabay-sabay nahulog at nagkalansingan ang ilang baryang kipkip sa palad ng makitang nakahandusay ang ginang.
"Nay? Nanay, gumising po kayo! Nanay? Tulong! Tulungan niyo po ako!" pahayag ko ngunit hindi maiwasang pumalahaw ng iyak habang nakatunghay sa matanda.
"Anong nangyayari rito?" pasuray-suray na saad ng lalaki.
"Tay, si nanay...tulungan niyo po ako!"
"Putangina! Anong ginawa mo kay Luisa!" saad nito tila nawala ang esperitu ng alak sa sistema nito saka nagmamadaling binuhat si nanay.
"H-hindi ko po alam, nakita ko na lamang po siyang nakahandusay--" nanginginig ang labi habang nagpapaliwanag.
"Tangina! Anong tinutunga-tunganga mo diyan? Manghingi ka ng tulong bilisan mo!" sigaw nito saka kumaripas ng takbo patungo sa nag-iisang kapitbahay namin na mayroong sariling tricycle.
MABILIS NAISUGOD sa pampublikong ospital ang ginang kaya laking pasasalamat dahil naagapan ang matandang babae. Kasalukuyang nakatunghay sa inang humpak ang pisngi, tila nangingitim ang paligid ng mga mata. Kapagkadaka'y nahinto ang pagmamasid kay nanay ng pumasok ang doktor habang kausap ang ama.
"Diretsahin niyo po ako kung anong problema ng asawa ko," anitong problemado.
"Mister, malala na po ang asawa ninyo sa komplikasyon niya sa baga, kaya kailangan niya talaga nang maayos na gamutan," anito bago lumabas ang doktor.
"Bwisit talaga! Sumabay-sabay pa 'yang ina mo! Anong ipambabayad natin sa ospital, ha?" reklamo ng ama ngunit ni hindi kumikibo't tahimik lamang na umiiyak sa gilid ng inang si Luisa.
"May kinita ka ba sa paninda mo?"
"Wala po."
"Paanong wala, ha? Pinagtataguan mo ba 'kong babae ka!?"
"H-hindi po, tatay…"
Nagulantang nang hablutin ni Lando ang body bag saka mabilis na binuksan kaya tumambad ang salaping binayad ng binatilyo kanina.
"Ano 'to, ha?"
"A-akin na 'yan tatay, para kay nanay 'yan..." binatukan ni Lando dahil sa pagsisinungaling.
"Walanghiya ka! Balak mo pa 'kong kupitan?"
"Tatay, parang awa niyo na! Huwag niyong gastusin dahil para kay nanay 'yan!"
Imbis makinig ay tumalilis sa silid ang lalaki kaya kailangan makahanap ng paraan upang makabayad at mailabas ang ina sa ospital.
ILANG ARAW NG NAGLALAKO SA GITNA ng kalsada, para kahit paano'y kumita at may maipambili ng gamot. Laking pasasalamat ko rin sapagkat pumayag ang ospital na hulugan ang pagbabayad dahil inabot din ng walong libo ang bills ng ginang isama pa'ng mga gamutan nito.
"Magkano 'yang dalawang tiklis ng kangkong mo, ineng?" anang ale.
"Sampu po isang tiklis, ate."
"Pagbilhan mo ko ng tatlo."
Ibinigay ng babae ang bayad bago ko pinatong sa ulo ang bilao para makalakad ng maigi. Medyo tagaktak sa pawis ang buong katawan dahil sa bigat ng dala-dala ngunit hindi alintana ang lahat ng hirap basta gumaling lamang ang inang kasalukuyang nakaratay sa kubo.
Habang-daa'y hindi maiwasang tumingin sa papalubog na araw, tanaw sa malawak na palayang nadaraanan maging ang pinakamalaking mansyon sa gitnang bahagi nito. Ang pamilya Vera-Garcia ang pinakakilalang angkan sa Santa Fe dahil sila ang nagmamay-ari ng pinakamalawak na tubuhan, kabayo, palay, at ilang mga pamilihan sa bayan. 'Balang-araw magiging katulad din nila ako'
Pinag-igi ang pagtawid sa b****a bago madaanan ang sekretong talon sa gilid ng kagubatan. Ayon sa mga matatanda'y "bergen pols" daw ang tawag dito ngunit di maintindihan kung bakit gano'n ang naging pangalan. Mahilig dumaan sa lugar na 'to sapagkat shorkat ang daan patungong bahay subalit bago makaalpas, ang tiyak na tatahakin mo ay masukal na kakahuyan.
Nang tuluyang makarating sa gilid ng batuhan ay sandaling inilapag ang bilao para maghugas ng paa. Maya-maya'y napapitlag ng may marinig na paglagapak sa tubig ng kung ano, rason upang maalarma sa maaaring nangyayari.
"Ano 'yon?" nagtago sa batuhan ngunit muntik mapahiyaw ng makita ang lalaking nakatalikod at hubad-barong umahon sa bukal.
"Paano 'yan, Zarina? Naku po, kailangang makuha mo ang bilao ng gulay..." nag-aalalang kinakausap ang sarili.
Mas nagulantang nang humarap ang binata kaya nagmamadaling nagtago sa malalaking tipak ng buhay na bato.
‘Kompirmadong si Senyorito nga? Anong gagawin ko?’
Hindi maintindihan ang pagsibol ng mumunting paghanga sa binata subalit pilit winawaglit dahil ang mas importante sa ngayon ay kung paano makukuha ang kinita. Muling sinipat-sipat ang lalaki habang hinihintay lumayo ngunit napakunot-noo ng mawala ang bilaong nakapatong sa gilid. ‘Hala!Paano na'ng mga kinita mo?’ Napilitang lumabas sa likod ng malaking tipak na bato saka nagmamadaling tumungo sa gilid para tingnan kung inanod ang mga paninda.
"Dito ko lamang 'yon nilagay!"
Sinilip ang ilang tipak ngunit walang nakitang gulay o miski bilao.
"Paano na, Zarina? Anong ipambibili mo ng gamot, pagkain, ha?" reklamo sa sarili at halos mangiyak-ngiyak na naupo sa batuhan pinulot ang maliliit na peebles habang nakadantay ang baba sa tuhod. Hindi mapigilang tumulo ang luha dahil nanghihinayang sa maghapong paglalako na nauwi lamang sa wala. Kalauna'y may tumapat na panyapak sa harapan ngunit 'di nagawang lingunin sapagkat nanlalabo ang mga mata sa luha.
"Are you looking for this?" anang baritonong boses kaya doon pa lamang tumingala sa may-ari ng mga paa.
"S-senyorito?"
Gumuhit ang pilyong ngiti sa kanyang labi bago inalok ang kamay na nagdadalawang-isip kung aabutin ngunit sa bandang huli'y tinanggap din.
"Mag-gagabi na, ah? Bakit dito ka dumaan? Delikado ang maglakad lalo't mag-isa ka lamang, tapos babae ka..."
"I-ikaw?"
Pagak na tumawa ang lalaking hubad-baro saka iniabot ang bilaong walang laman maliban sa body bag na may lamang kinita sa buong maghapon.
"What do you mean? Ako? We own this place, so I have all the right to roam around within this property," saad ng lalaki saka ngumiti ito.
Samantala, napatanga sa binata at bahagyang nahiya dahil hindi maintindihan ang sinasabi niya.
"Y-Yes," iisang inglis na lenggwaheng alam sapagkat nahinto sa ikaapat na baitang sa pagiging hikahos sa buhay.
"Siya nga pala, binili ko ulit yung mga gulay mo. By the way, my mom loves it!"
Hindi makakibo at literal na natulala sa kabuuan ng binatang nakahubad na tanging manipis na short lamang ang suot. Mala-adonis ang hubog ng kanyang katawan na sinamahan ng medyo mapusyaw na kutis.
"Oh sorry! Did I make you feel awkward?" mabilis hinablot ang kamisetang nakasabit sa balikat saka swabeng isinuot ng binata.
"A-awkward? Anong ibig sabihin no'n?
"Naiilang?" kibit-balikat ng lalaki.
"S-sige, mauuna na po ako. Salamat, s-senyorito?" bumaling patalikod sa binata sapagkat hindi mapigilang mag-init ang pisngi sa nasaksihan.
"What's your name, young lady?"
Lumingon uli sa lalaki ngunit 'di maintindihan ang mga sinasabi nito.
"Y-yes,"
Kumunot-noo ang adonis saka umiling sa isinagot ko.
"Yes, ang pangalan mo? That's enticingly unique!"
"Pangalan ko?"
"Oo pangalan mo."
"Zarina Gallon."
"Mine is--"
"Di ba, ikaw si senyorito?"
"Huh?"
"Senyorito ang pangalan mo. Narinig kong tinawag ka ng kasambahay ninyo." inosenteng saad dito kaya nanlaki ang mga mata ng matawa ang lalaking kaharap.
"Yeah, my name is Senyorito. Anyway, nice to meet you, Zarina." nilahad ang kamay sa harap na tulad kanina'y nagdadalawang-isip abutin.
"Hindi ako nangangagat 'wag kang mag-alala. I can do no harm, don't worry."
Unti-unting nagdaop ang aming mga palad saka bahagyang pinisil ni Senyorito ang aking kamay na biglang nakaramdam ng kakaibang init at kapayapaan na ni minsan hindi pa nararanasan sa loob ng labing-anim na taong nabubuhay. .
Parang napasong binawi ang sariling kamay saka nagmamadaling binuhat ang bilao at tumakbo sa daan patungo sa barung-barong ngunit bago sumuot sa kakahuyan ay kumaway sa lalaki na ginantihan nito ng maaliwalas na ngiti.
"Salamat, Senyorito. Hanggang sa muli!" pahabol na saad dito saka nagmamadaling lumayo at hingal na hingal na humawak sa bandang puso, hindi dahil sa pagod kundi sa 'di maintindihang pagkabog nito.
"Anong nangyayari sa'yo, Zarina?"
Imposibleng nagkakagusto ka dahil walang tiyansa ang mga katulad mong magkagusto lalo't magkaibang-magkaiba kayo ng mundong ginagalawan! Sa pananamit o itsura pa lamang walang-wala kana. Sa yaman o estado tiyak nasa hulihang upuan ka kung mayroong pila sa mga kababaihang humahanga sa kanya! Kaya tigilan mo ang pag-iilusyon! Tigilan mo ang imahinasyong kaya bumibili siya ng mga gulay mo dahil gusto ka ni Senyorito.