Tapos na kaming magpalitan ng text messages ni Kuya Anthony at naibalik ko na rin sa Ate ko ang kaniyang cellphone.
Kasalukuyan akong nakahiga sa pang-isahang kama dito sa kwarto ng mga pamangkin ko dahil gusto ko nang matulog. Katatapos ko lang sa ginawa kong school project. Malalim na ang gabi at tulog na ang mga pamangkin ko, pero hindi ako dinadalaw ng antok. Nakatitig lang ako sa kisame ng kwarto. Nakapagbilang na yata ako ng isang libong tupa sa isipan ko pero ito at gising pa rin ang aking diwa. Bumabalik pa rin sa akin ang naging pag-uusap namin ni Kuya An kanina. Hindi ko maintindihan kung bakit apektado ako sa kaniyang mga sinabi. Kahit ngayong iniisip ko nalang ang mga sinabi niya, parang nakakaramdam ako ng kaba. Bumibilis ang t***k ng puso ko at parang nahihirapan akong huminga. Huli ko itong naramdaman noong Second year high school ako. There was a time na pauwi na ako sa amin para kumain ng lunch. Walking distance lang ang bahay namin, so hindi ko na kailangang magbaon ng pananghalian. Habang naglalakad ako ay bigla nalang sumulpot sa harapan ko ang crush kong si JL na may malapad na ngiti o siguro tamang sabihin na nakangisi. Ngising may halong kapilyuhan. Alam kong inaasar niya ako that time dahil sa sulsol na rin ng kaibigan n'yang si Buddy. Alam kasi nito na may crush ako kay JL. Sa sobrang gulat ko, bigla akong namutla, at walang lingon-likod na kumaripas ng takbo pabalik sa loob ng campus. Sobrang bilis ng t***k ng puso ko at that time, habang abot-abot ang kabang naramdaman ko. Para akong mawawalan ng malay.
Damn! I am wondering why I am feeling the same way now dahil lang sa mga text ni Kuya? Hindi ko naman crush si Kuya at wala akong kahit kaunting paghanga sa kaniya. Pagtinging kapatid lang talaga ang mayroon ako para sa kaniya. Ni minsan, hindi pumasok sa isipan ko na magagawa niyang sabihin ang mga iyon sa akin, kahit pa sabihing biro lang ang lahat. Ang lakas talaga niyang mang-good time. Bahala na nga siya sa buhay n'ya. Kailangan ko na talagang makatulog dahil may klase pa ako bukas ng umaga. Sabado ng umaga kasi ang aming ROTC. May isang buwan pa naman bago ang semestral break. Makakapag-isip pa ako kung uuwi ba ako o hindi. Pero sakali mang umuwi ako, hindi ko ipapaalam kay Kuya. Nahihiya akong makaharap s'ya pagkatapos ng mga sinabi niya kanina. For sure, magtatampo siya. Well, who cares? I know, hindi naman niya ako matitiis. Ganyan naman kasi kaming dalawa, hindi namin natitiis ang isa't-isa kapag nagkakatampuhan.
-----
Ang bilis lumipas ng mga araw. Final exam na namin this week. In fact, last day na ng exam ngayong araw at magsisimula na ang bakasyon sa susunod na linggo. Sa wakas, nakapagdesisyon na rin akong uuwi sa amin. Magpapaalam nalang ako sa Ate ko. I am planning to go home next week, sa Sabado ng umaga.
Pagkauwi ko, nagbihis kaagad ako ng pambahay at nagsimula na sa gawain ko. Nagwalis ako ng bakuran at diniligan ko rin ang medyo may karamihang mga halaman ng Ate ko. Inayos ko ang mga nakahilerang pasô ng rosas at tinanggalan ng mga ligaw na damo. Pagkatapos ko sa garden, sinunod ko kaagad ang paghahanda ng hapunan.
Pagdating ng Ate, kaagad ko siyang sinalubong sa may pinto at inabot ang kanyang mga dala.
"Magandang gabi po, Ate."
"Magandang gabi, Lyza. Ang mga pamangkin mo?"
"Wala pa po eh. Medyo mali-late po yata sila ngayon kasi may mga tatapusin silang school projects bago magsimula ang bakasyon next week."
"Speaking of bakasyon. Anong plano mo? Uuwi ka ba sa atin?"
"Iyan po sana ang ipagpapaalam ko sa'yo, Ate. Uuwi po sana ako sa atin next week. Okay lang po ba, Ate? Tatapusin ko lang po ang enrollment ko para sa second semester at sa Sabado ng umaga ko po balak bumiyahe."
"Wala namang problema sa akin, total bakasyon rin naman ng mga pamangkin mo. Ilang araw ka roon?"
"Mga tatlong araw lang, Ate. Pinakamahaba na po siguro ang limang araw. Mga nasa almost 3 weeks din naman po ang bakasyon namin kaya may sapat pa po akong oras."
"Sige. Ikumusta mo nalang ako sa kanila. Alam mo namang ilang taon na rin akong hindi nakakauwi sa atin. Madali na kasi akong mapagod sa biyahe. Kung sakaling makasahod ako sa Biyernes, magpapadala ako ng kaunting pera para kay Papa."
"Okay po, Ate. Makakarating po."
"Siyanga pala, may klase pa pala kayo bukas sa ROTC? Nakasalubong ko kasi si Virgie kanina at iyon nga sinabi n'ya na may pasok pa raw kayo."
Ang Virgie na tinutukoy ng Ate ko ay ang school mate ko na kumukuha ng kursong Criminology. Magka-batch kami, magkaiba nga lang ng kurso. Sa kabilang purok siya nakatira. Nagkakilala lang kami kasi dito siya dumadaan sa harap ng bahay namin tuwing papasok sa eskwelahan. Kaya minsan nagkakasabay kami, hanggang sa naging magkaibigan na rin.
"Yes, po. Magpapasa lang po kami ng final output at magpapapirma ng student's clearance. Uuwi rin po kami pagkatapos."
"I see. Mauna na tayong kumain ng dinner. Baka kasi gabihin ang mga bata at ang Kuya mo. Tatawagan ko nalang sila at ang kanilang sundo. Nakapagluto ka na ba?"
"Yes po. Ihahanda ko lang po ang lamesa at maghahain na rin po ako." Masiglang sagot ko sa tanong ng aking kapatid. Parang maganda ang mood niya ngayong gabi kaya medyo magaan ang pakiramdam ko.
Sa ilang buwan kong pagtira sa kanila, marami na rin akong natutunan. Bukod sa paglilinis ng bahay, pagwawalis ng bakuran, may kaunting alam na rin ako sa pagluluto. Noong una medyo nahirapan ako lalo na sa pagsasaing. Ang alam ko lang kasi ay magsaing ng giniling na mais na s'yang kanin namin sa amin. Dito kasi sa kanila, rice o bigas galing sa palay ang kanilang niluluto. Paminsan-minsan na-pe-pressure ako sa lahat ng trabahong nakaatang sa akin habang nakatira ako rito sa bahay nila. Medyo demanding pa naman ang kurso kong Engineering. Idagdag pa ang mga gawaing bahay at ang mga pamangkin kong parang mga anak mayaman kung umasta, minsan pakiramdam ko parang katulong nila ako kung ituring. Pero dahil sa pangarap kong makatapos ng pag-aaral, pinagtitiisan ko nalang. Gusto ko sanang bumukod na sa kanila sa susunod na taon at lumipat sa isang boarding house na malapit sa school, iyong walking distance lang. Ang bahay kasi ng Ate ko ay isang sakayan pa, at minsan mahirap pa makasakay kaagad dahil kaunti lang ang bumibiyaheng jeepney sa kanilang lugar. Pinagdarasal ko nga na sana pumayag siya. Nag-aalangan akong magsabi sa kaniya kasi baka magalit sa akin. Hahayaan ko nalang na si Papa ang magpaalam sa kanya tungkol sa paglipat ko.
Pagkatapos naming dalawang maghapunan, nagligpit ako ng aming pinagkainan at naglinis ng kusina habang ang Ate ay pumunta sa sala at naglaro sa kanyang cellphone. Nang natapos na ako sa kusina, pumunta ako sa sala kung nasaan ang Ate ko. Nanood ako ng telenovela habang hinihintay ang pagdating ng aking mga pamangkin. Kailangan ko pa kasing magligpit at maghugas ng mga pinggan after nilang mag-dinner mamaya.
Kinabukasan, maaga akong nagising at naghanda para sa panibagong araw. Alas-singko pa lang ng umaga ay nakasalang na ang sinaing habang nagluluto ako ng hot dog at scrambled eggs. Iiwan ko nalang ito mamaya sa lamesa dahil sigurado akong tulog pa ang lahat pag-alis ko mamaya patungong eskwelahan.
Mga bandang 6:45 ng umaga, saktong katatapos ko lang kumain at mag-toothbrush, may kumakatok na sa front door ng bahay. Sigurado akong si Virgie na ito. A las-siyete kasi ang usapan naming dalawa. Mga 15 minutes din ang biyahe papuntang school. A las-siyete y media pa ang aming pasok sa ROTC kaya may oras pa kami. Dahil nakapagbihis na rin naman ako ng puting t-shirt at blue na maong pants, ready na ako para umalis. Kinuha ko na ang aking backpack at binuksan ang pinto, lumabas akong bitbit and aking rubber shoes. Nakatanghod si Virgie sa akin habang nakaupo ako sa hamba ng pinto at mabilisang isinuot ang aking sapatos.
"Ano ang plano mo ngayong darating na sem break?" ani Virgie habang busy siya kakahalungat ng kanyang backpack. Hindi ko alam kung ano ang hinahanap niya sa loob ng backpack habang naglalakad kami papasok ng eskwelahan.
"Virg, umayos ka nga! Mamaya madapa ka sa ginagawa mo. Ano ba kasi ang hinahanap mo sa loob ng backpack mo?"
"Wala. Sinisigurado ko lang na naisilid ko dito ang output ko. Baka kasi naiwan ko sa bahay. Ayon! Hahahahah! Nahanap ko rin. So, ano na ang plano mo?"
"Magpapaenroll na ako next week dahil uuwi ako sa amin. Babalik nalang ako rito mga 3 days siguro before ang pasukan sa second semester. Ikaw? Anong plano mo?"
"Uuwi rin ako sa amin." Maikling tugon nito. Hindi rin kasi taga Bacolod si Virgie. Nakikitira lang din siya sa bahay ng kanyang kapatid sa kabilang purok.
"Pareho pala tayo. So, ano? Kita-kita nalang tayo sa opening of classes for second semester?"
"Yup! Pero sa ngayon, bilisan na natin at nang umabot tayo sa deadline." Sagot nito at mabilis ang mga hakbang papunta ng field kung saan magaganap ang formation namin sa ROTC.
Natapos namin ni Virgie ang mga dapat gawin nang araw na iyon at magkasabay pa rin kaming umuwi pagkatapos ng dismissal.