TYRION LANNISTER
Lumingon ako sa nagsalita na si Rex. Lahat sila ay nakakuyom ang mga kamao at base sa expression ng kanilang mukha ay may nangyaring hindi maganda. Gusto ko sanang banggitin sa kanila na hindi pa ko natutulog, pero mukhang hindi rin nila pagtutuunan ng pansin 'yon kaya nanahimik na lang ako.
"Kailangan na 'ting pumunta agad sa bayan na 'yon. Baka kung ano na ang nangyari sa mga tao."
Pinagpag lang nila ang kanilang mga suot na damit at pagkatapos ay nilabas nila ang kanilang walis. Walis ang tawag ko dahil hindi ko naman alam kung ano ang tawag nila rito.
"Tyrion, dito ka na sumakay sa akin."
Pinalapit ako ni Rex sa tabi niya. Naunang lumipad sa ere sina Rem at Aurora. Sunod na lumipad sa ere si David at huli kaming umalis ni Rex. Buti na lang at kay Rex na ko nakasakay ngayon dahil naiilang ako kapag sa babae ako sumakay. Tss. Humawak na lang ako sa balikat ni Rex at pagkatapos ay lumipad na rin kami sa ere.
Ang lipad namin ay mas mabilis kaysa kanina. Mukhang nagmamadali talaga sila. Ano kayang nangyari sa bayan na sinasabi nila? Mas mataas na rin ang lipad namin ngayon kumpara kanina kaya napakapit ako ng mahigpit sa balikat ni Rex. Nadadaanan na nga namin ang ilang mga ulap.
Sinubukan kong tumingin sa ibaba namin, pero nakaramdam lang ako ng pagkalula. Pinikit-pikit ko ang aking mata dahil pakiramdam ko ay masusuka pa ko sa aking nakita.
Lumipas lamang ang ilang minuto ay nakarating na rin kami sa bayan na sinasabi nila. Saka ko lang naunawaan na seryoso talaga ang nangyari sa bayan na 'to nang makita ko ang isang makapal na usok. Halos lahat ng bahay na nadadaanan namin ay umaapoy pa.
Napapikit ako ng aking mata nang may makita pa kaming patay na tao sa saan. Marami rin kaming nakitang patay at ang iba ay umaapoy pa ang patay na katawan.
"Tsk. Hindi na 'tin agad nakita ang usok. May naisalba pa sana tayong buhay."
Kalmado lang ang boses ni Aurora lagi, pero sa ngayon ay seryoso na ang tono ng kaniyang boses.
"Sandali! May nakita pa kong gumagalaw sa banda roon!"
Tinuro ko 'yong lalake na parang nag-aagaw buhay na dahil nagapang na lang siya sa sahig. Mula sa malayo ay kita rin namin ang dugo na parang pinaligo na niya sa kaniyang buong katawan.
Agad na tumakbo ang mga kasamahan ko sa direksiyon ng aking tinuro at pagkatapos ay nilapitan nila agad ang lalake. Si Rem ay lumuhod sa harapan ng lalake at tinapat niya ang kaniyang kamay dito. Muli itong umilaw, pero mas malakas ang ilaw nito kumpara sa ilaw nang gamutin niya ang sugat sa aking paa. Tumabi ako kay David na nakatayo lang habang nakatingin sa lalake.
"P'wede mo bang sabihin sa amin kung anong nangyari sa bayan ninyo?"
Tinanong ni Rex 'yong lalake habang ginagamot ito ni Rem. 'Yong lalake naman na gumagapang lang kanina ay tumingin sa aming direksiyon kahit nanghihina pa rin siya.
"Vlamir. . . apoy. . . sunod. . . bayan."
Nagkatinginan ang apat kong kasama sa inusal ng lalake. Hindi ko naintindihan ang sinabi nito, pero parang agad na naintindihan ng mga kasama ko ang sinabi niya.
"Tsk. Kung gano'n ay nagbabalik na si Vlamir."
"Tama ka, David. Kailangan na 'ting magtungo sa susunod na bayan bago pa niya magawa ang katulad na nangyari rito."
Palipat-lipat ang tingin ko sa direksiyon nina David at Aurora habang magkasalubong ang aking kilay. Hindi ko kasi alam kung ano ang pinag-uusapan nila at kung sino ba ang kanilang tinutukoy kanina pa.
"P'wede ko bang malaman kung sino ang Vlamir na tinutukoy ninyo? Tao ba 'yon?"
Hindi na nakatiis ang kuryosidad ko kaya nagtanong na ko sa kanila. Samantala, isang buntong hininga ang tinugon sa akin ni Rem bago niya sinagot ang aking katanungan.
"Si Vlamir ay isa sa mga nakalaban namin sa loob ng palasyo. Alagad siya ng reyna, pero ang kapangyarihan niya ay mas malakas pa rito."
"Kaya niyang patayin ang isang buong bayan katulad ng sinapit ng bayan na 'to. Tsk. Isa siyang tunay na mamamatay tao."
Kinalabutan ako bigla sa huling sinabi ni Rex. Kung makikita ko ang tao na 'yon ay mas gugustuhin ko na lang na makabalik na agad sa aking mundo kaysa makita siya.
"Kung isang tao kamo siya? Hindi na yata tao ang tawag sa kaniya."
Naramdaman ko ang galit sa tono ng pananalita ni Aurora kahit walang expression ang kaniyang mukha.
"Huwag ninyong sabihin na balak ninyong puntahan ang Vlamir na 'yon?"
Napunta sa direksiyon ko ang atensiyon ng aking mga kasama. Parang hindi yata naging maganda ang tanong ko sa kanila dahil sa seryoso ng tingin nila sa akin.
"Yon na nga ang gagawin na 'tin." Si Rex ang sumagot sa aking katanungan.
Pero, nagsalubong lalo ang dalawang kilay ko dahil sa sa naging sagot niya sa 'kin.
"Pero, wala pa kong alam na p'wedeng pang depensa sa aking sarili. Paano na lang kung ako ang unahin niya? Ayaw ko pang mamatay ng maaga."
"Gusto mo bang manatili rito habang patuloy ang ginagawang pagpaslang ni Vlamir sa mga tao?"
Hindi ako nakasagot agad sa tanong ni David. Ayaw ko rin naman mangyari ang sinabi niya, pero wala na ba kaming ibang paraan para sa bagay na 'to? Isa pa, nabanggit nila mas malakas ang kapangyarihan ni Vlamir kaysa sa reyna. Kung gano'n ay wala kaming laban sa kaniya kahit ng konti.
"Kung 'yan ang nais ninyo ay wala na kong magagawa. Tss. Gusto n'yo yata magpakamatay e. Dinamay n'yo pa ko."
Tumalikod ako sa kanila at bumuntong hininga ng malalim para pakawalan ang inis na nararamdaman ko ngayon. Patuloy pa ring ginagamot ni Rem 'yong lalake.
Hindi ko alam ang takbo ng utak ng mga kasamahan ko. Sa dami ng p'wede nilang papuntahin sa mundong ito ay hindi ko malaman kung bakit ako pa ang napapunta nila rito. Tsk.
"Pasensiya ka na, Tyrion. Poprotektahan ka na lang namin hanggang sa abot ng aming makakaya. Kailangan naming iligtas ang mga tao dahil mga kawal kami sa mundong ito kahit pa iba na ang namumuno sa kaharian."
Minabuti kong hindi na lang sumagot sa sinabi ni Rem.