Mabilis ang bawat hakbang kong bumaba ng hagdan habang umiigting ang aking panga dahil sa galit sa h*yop na Anderson na iyon! D*monyo siya!
Pumasok ang ilang mga pulis sa loob saka ang mga tauhan ni Daddy. Alerto ang bawat galaw nila. Kinuyom ko ang aking kamao habang naglalakad palapit sa pinto.
"Wala na sila," malamig kong sabi sa mga ito. "Kailangan na nating umalis agad dito baka may mga patibong ang mga iyon."
Lumabas ako saka lumapit sa aking sasakyan na dinala ng tauhan ni Daddy. Sa ibang lagusan sila tumakas kaya hindi sila nakita ng mga pulis.
Rinig ang pagsabog mula sa aking likod kung saan nakatayo ang kanilang hideout. Mula sa pangalawang palapag ang malakas na pagsabog dahilan ng pagyuko ng ilang mga pulis.
Hindi naman ako umalis sa aking puwesto. Ano naman ang maaasahan sa Beckett na 'yon. Siguradong tumatawa na iyon ngayon.
Binuksan ko ang pinto ng aking sasakyan saka pinatakbo papalayo sa nasusunog na apoy. Kailangan kong siguraduhin ang kaligtasan ng aking pamilya. Buhay ang nakataya sa larong ito.
"Triplehin ang siguridad sa buong hospital. Siguraduhin niyong walang makakapasok na kahit sino sa lugar na ito," ani ko sa mga tauhan ni Daddy. Walang emosiyon at malamig ang aking mga matang nakatingin sa kanila. "Bantayan niyo ang lugar ng aking Ina. Mamamatay kayo kapag nagkaroon siya ng gasgas."
Sumaludo ang mga ito sa akin. Tuwid ang kanilang tindig. "Yes, sir."
Tumango ako saka sila nilagpasan upang pumunta sa kuwarto ng aking kapatid. Ngunit nadatnan ko ang aking girlfriend na hindi mapakali sa kinatatayuan katapat ng kuwarto ni Alexa.
Bakas ang takot at pag-alala sa kaniyang maamong mukha. Iba na ang suot niyang damit na ikinangiti ko. Nawala ng panandalian ang aking galit nang makita ang aking girlfriend.
Humakbang ako palapit dito. Tahimik ang bawat hakbang ko kapag naglalakad ngunit dahil gusto kong malaman niya na nandito na ako ay nilagyan ko ng tunog ang aking hakbang na ikinalingon niya.
Nakangiti kong tinitigan ang gulat niyang mukha.
"Jayden…"
Lumaki ang aking ngiti sa labi nang marinig ang boses niya. Gumaganda ang pangalan ko kapag nagmula na sa kaniyang bibig.
Naiiyak siyang tumakbo palapit sa akin. Nilahad ko ang dalawa kong braso upang yakapin siya.
Tumulo ang isang luha sa kaniyang pisngi saka niya ako niyakap ng sobrang higpit.
Niyakap ko rin siya nang mahigpit. Inamoy ko ang mabango niyang buhok na lalo nagpakalma sa akin. Ramdam ang mainit na likido sa aking dibdib. Rinig ang mahina niyang paghikbi.
Kumalas ako ng yakap saka tumingin sa kaniya. Nag-aalala kong pinunasan ang kaniyang luha na umaagos na sa kaniyang mga mata.
"Shhh…" pagpapatahan ko. "Bakit umiiyak ang Olivia ko?"
Tumingin siya sa akin. Kumikislap ang kaniyang mata dahil sa luha. Para siyang batang nawalan ng candy sa kaniyang kalagayan ngayon. Sobrang cute niya.
Nilagay ko sa likod ng kaniyang tainga ang ilang hibla ng kaniyang buhok. Nilapit ko ang aking labi sa kaniyang noo saka siyang hinalikan.
Humihikbi pa rin siya.
Muli kong tiningnan ang kaniyang mukha. Nakapikit ito saka dahan-dahan minulat ang mata na aking ikinangiti.
Isang beses na suminghot siya.
"A-Akala ko p-pinatay ka n-na nila," aniya sa gitna ng paghikbi. Kumunot ang aking noo at inalala ang sinabi ko bago ako umalis kanina. Pinunasan niya ang kaniyang pisngi saka umayos ng tayo. Ngumuso ito habang nakatingin sa akin. "Narinig ko sa mga tauhan ng Daddy mo na pupunta ka sa mga nagsunog ng mansiyon niyo."
Ngumiti ako sa kaniya.
Mahina naman niya akong hinampas sa aking dibdib. Napahawak ako doon at kunwari'y nasaktan. Mabilis na lumapit ito sa akin habang nag-aalala ang mukha saka hinaplos ang aking dibdib.
"Napalakas ba?"
Malakas akong tumawa na ikinasimangot nito. Hinuli ko ang maliit niyang baywang saka hinapit palapit sa akin.
"Nag-alala ka ba?" masayang sabi ko, pinagmamasdan ang mukha niya.
Mahina niya akong tinulak dahilan ng lalo kong paghigpit ng yakap sa kaniyang baywang. Kita ang pagpula ng kaniyang mukha sa aking ginawa.
"Siyempre mag-aalala ako sa'yo dahil… ahm…"
Lumawak ang ngiti ko. Nahihiya naman nitong iniwas ang kaniyang mata sa akin.
"Mahal kita," mahina niyang sabi.
Ramdam ang kiliti sa aking tiyan sa kaniyang sinabi. Binasa ko ang aking labi gamit ang dila habang nakatitig sa kaniya.
"Hindi ko ipapahamak ang sarili ko, Olivia," namamaos kong sabi. Tumingin siya sa akin. "May naghihintay na sa pag-uwi ko."
Hinaplos ko ang makinis niyang pisngi. Muli siyang tumingin sa akin. Pinagmasdan niya rin ang aking mukha.
"Hindi ka ba galit sa akin?" tanong ko.
Kumunot ang kaniyang noo. "Bakit ako magagalit?"
"Hindi ko sinabi sa iyo ang tunay kong buhay noon. Kung ano'ng meron sa akin. Kung sino talaga ako," nanlulumo akong umiwas ng tingin sa kaniya. Bahagyang niluwagan ang pagkakayakap sa kaniya. "Isa akong anak sa labas ng bilyonaryo."
Walang nagbalak na lumapit sa akin noon. Kung lalapit man sila sa akin ay siguradong hindi pa nila alam kung sino ako sa aking Ama. Ngunit kapag nalalaman na nilang anak ako sa labas ay umiiwas na sila. Pinandidirian nila ako.
Kinuyom ko ang aking kamay nang maalala ang nang-iinsulto nilang tingin sa akin. Ang mga taong nakapaligid sa akin noon. Lalo na kapag tumitingin sila sa aking Ina na kulang na lang ay sigawan na 'malandi'. Ganoon ba sila kalinis? Akala mo wala pang nagawang kasalanan ang mga taong iyon.
Naramdaman ko ang malambot niyang palad sa aking pisngi. Dumaloy ang kuryente sa aking buong katawan na nagmula roon.
Sinakop ng dalawa niyang kamay ang magkabila kong panga saka bahagyang pinaharap sa kaniya. Iniiwas ko pa rin ang aking paningin sa kaniya. Natatakot na pati siya ay iwasan ako. Baka iwan niya ako katulad ng iba.
"Jayden," marahan niyang sabi. Pumikit ako dahil sa sobrang lambing ng kaniyang boses. Bumilis ang t***k ng puso ko. "Jayden."
Dahan-dahan kong minulat ang aking mukha. Agad na bumungad ang kaniyang titig sa akin. Hindi ko kayang iwan ka. Ikaw lang ang tanging taong nagparamdam sa akin na mahalaga ako.
"Aalis ka rin ba dahil nalaman mong anak ako sa la—"
"Mahal kita…"
Napalunok ako. Malamyos siyang ngumiti sa akin. Muli kong hinigpitan ang pagkakapit sa kaniyang baywang. Nakaramdam ng pag-asang hindi niya ako iiwan. Hindi ko na siya kayang pakawalan pa.
"Wala akong pakialam kung anak ka man sa labas. Wala akong pakialam kung mayaman ka, Jayden. Mahal kita kung sino ka. Hindi magbabago 'yon."
Napatitig ako sa maganda niyang mukha. Hindi makapaniwala na may tumanggap sa aking pagkatao.
Yumuko ako upang yakapin siya.
"Mahal din kita, Olivia," saka mahigpit na niyakap. "Mahal na mahal."
Hinagod nito ang aking likod dahilan ng aking pagpikit habang dinadama ang pakiramdam ng kapayapaan. Nawala ang lahat ng isipin ko. Nawala lahat ng pagdududa ko sa aking sarili.
"Kumusta na ang kalagayan mo?" mahina kong tanong kay Alexa habang hinahaplos ang kaniyang buhok. Nakahiga ito sa puti niyang kama. Malungkot ang kaniyang mga mata.
Nakatulugan na ni Olivia ang paghihintay sa akin kanina. Nasa sofa siya ngayon habang nakabalot sa kaniyang kumot. Binisita ko si Tita Malou at Daddy sa kanilang kuwarto kanina. Wala pa rin silang malay habang nakahiga sa kani-kanilang kama. Pinuntahan ko rin ang mga tauhan ko sa labas ng hospital upang tiyakin ang kaligtasan ng aking pamilya.
Pagkatapos ay bumisita ako sa squatter area kung saan nakatira ang aking Ina. Ngunit hindi ako nagpakita sa kaniya bagkus ay kinausap ang mga tauhan do'n na nagpapanggap na kapitbahay ni Ina. Kinausap ko rin si Betty saka binigyan ng pera dahil binabantayan niya talaga ang mga ginagawa ni Mommy araw-araw.
Pagod ang aking katawan na bumalik sa hospital ngunit hindi pa ako puwedeng magpahinga. Kailangan ko ring magbantay. Hindi ako aasa sa mga tauhan ni Daddy.
"Gano'n pa rin. Pangit pa rin ang braso ko," tinatamad niyang sabi saka malalim na bumuntong-hininga. Tumingin siya sa akin. Bakas sa mata ang pamumugto nito. "Kumusta ang mansiyon?"
Umiling lang ako bilang sagot sa kaniya.
Tumango lang ito saka naiiyak ang mga matang iniwas sa akin.
"Naghihiganti sila sa atin?" nanginginig ang boses nito.
Nagpatuloy ako sa paghaplos ng kaniyang buhok. Hindi ako umimik.
"Bakit?" Tumingin siya sa akin. Nalaglag ang kaniyang luha sa pisngi. "Pinatay na nila si Kuya Asher. Ano pa'ng gusto nila? Pera? Kompaniya?"
Umiling siya saka pinunasan ang luha. Hinawakan ko ang kamay ng aking kapatid nang makita ang panginginig nito. Muli siyang tumingin sa akin. Halata ang takot sa kaniyang mata.
"Buhay ang gusto nila, 'di ba, Kuya Jayden?" aniya. Dumilim ang aking mukha saka napatiim-bagang. "Imposibleng salapi ang gusto nila. Nag-research ako tungkol sa g-grupong iyon dati. M-Mayaman sila kaysa sa atin. M-Makapangyarihan sila kaysa sa atin. Gusto nila tayong patayin."
Humagulgol siya.
"Hindi ko hahayaan iyon," malamig kong sabi.
"P-Paano?" hikbi niya. "Paano, Kuya Jaden? Gusto ka rin nilang patayin."
Tumango-tango siya. Bigong nakatingin sa akin.
"Poprotektahan mo kami habang pinoprotektahan mo ang sarili mo?" Umiling siya. "P-Paano kapag hindi mo naprotektahan ang sarili mo dahil sa amin? Ayokong mawalan ulit ng Kuya. Sinisisi ko ang sarili kong hindi ko tinuloy ang pagpipigil kay Kuya Asher na tumigil sa fraternity noon. Ayokong pati ikaw mawala dahil sa kapabayaan ko."
"Alexa, gusto ko kayong iligtas. Gusto kong iligtas ang pamilya ko."
"Pa'no ka? Nasaan ka sa ililigtas mo? Kung mahal mo talaga ang pamilya mo ililigtas mo rin ang sarili mo, Kuya Jayden. Hindi puro kami."
Umiling ako. Walang makatitibag ng aking desisyon. Hindi ko kayo pababayaan.
Ilang minutong walang nagsalita sa amin. Tahimik siyang humihikbi. Pinagmamasdan ko ang bawat paghaplos ko sa kaniyang buhok. Handa akong mamatay para sa mga taong mahal ko sa buhay.
"Baka isunod na nila ako sa mansiyon natin," mahina niyang sabi na ikinagalit ko.
"Alexa!" pagpipigil ko ng sigaw saka lumingon kay Olivia na mahimbing na natutulog sa sofa. Tumingin muli ako sa kaniya saka galit na umalis sa tabi niya.
Tumayo ako. Magkasalubong ang kilay siyang tiningnan. Mabilis ang bawat paghinga ko saka sinuklay ang sariling buhok gamit ang kamay.
"Hindi ko hahayaang hawakan ka nila."
Hindi siya umimik. Hindi siya nakatingin sa akin. Pakiramdam ko ay nawawalan na siya ng pag-asang mabuhay dahil sa nangyayari ngayon. Natatakot siya sa gagawin ng Eternity.
Malalim akong bumuntong-hininga.
"Huwag mo na ulit sasabihin iyon, Alexa," malamig na sabi ko saka siya tinalikuran.
Naglakad ako palapit sa aking dyowa. Ilang segundong pinagmasdan ang natutulog niyang mukha saka dahan-dahan siyang binuhat.
Hinalikan ko ang kaniyang noo at naglakad palapit sa pinto. Lumingon ako kay Alexa na nakaharap na sa akin ang kaniyang likod habang gumagalaw ang kaniyang balikat. Rinig ang pinipigilang hikbi..
"Good night," ani ko. Umaasang magsasalita siya ngunit wala akong nakuhang salita mula sa kaniya.
Naiiling kong binuksan ang pinto at tahimik iyong sinarado. May nakatayong apat na bodyguard sa magkabilang gilid ng kuwarto ng aking kapatid at ng aking magulang.
Nagtungo ako sa kabilang kuwarto kung saan pinalinis ko pang mabuti sa mga tauhan ni Daddy upang magkaroon naman ng komportableng matutulugan ang aking dyowa sa hospital na ito. Pinatingnan ko rin ang bawat sulok ng silid na ito kung may nakatagong camera.
Nadamay si Olivia sa buhay na mayroon ako. Gumulo ang kaniyang tahimik na buhay dahil sa akin. Nalaman niyang anak lamang ako sa labas ngunit kahit ganoon nakuha niya pa rin akong mahalin.
Dahan-dahan ko siyang nilapag sa malambot na kama. Tumigil lang ako nang gumalaw siya saka ko muling ipinagpatuloy ang pag-alis ng aking braso sa kan'yang likod. Inalis ang ilang hibla ng kaniyang buhok na tumatabon sa maganda niyang mukha. Hindi ko alam kung hanggang kailan ang pagmamahal mo sa akin ngunit isa lang ang masisigurado ko. Mamahalin kita hanggang sa huli, Olivia.
Akmang aalis ako sa tabi niya nang hawakan niya ang aking braso. Mahigpit ang pagkakapit no'n na parang ayaw niya akong umalis. Napangiti ako saka muling tumabi sa kaniya.
Mahina akong tumawa habang pinagmamasdan ang mukha niya. Nagsasalubong ang dalawang niyang kilay. Nilapit ko ang aking tainga sa kaniyang bibig dahil may sinasabi ito na hindi ko marinig. Mukhang nananaginip ang aking dyowa, ah.
"Kuya…Kuya...Kuya…" paulit-ulit niyang sabi.
Muli akong tumingin sa kaniyang mukha. May lumandas na isang butil ng luha sa pisngi.
Nag-aalala kong pinunasan iyon.
"Kuya ko…"
Humikbi siya.
Hinaplos ko ang aking pisngi dahilan ng pagkawala ang kunot niyang noo.
"Shhh… baby…"
Hinalikan ko ang kaniyang noo saka bahagyang inilayo ang aking mukha sa kaniya. Tinitigan ko ang payapa na nitong mukha. Hindi na rin siya nagsasalita. Nam-miss mo na ba ang Kuya mo? Pasensiya na nadamay ka sa gulo ko, Olivia. Pipilitin kong matapos agad 'to. Pangako ko 'yan sa'yo.
Tumayo ako saka iniwan siya sa loob. Gaya ng ibang kuwarto ay may apat na tagabantay sa kuwarto namin. Kailangan kong siguraduhing payapa ang gabing ito.