------- ***Zariyah’s POV*** - “I-I’m sorry, A-Aiden,” luhaan kong sabi, halos nanginginig pa ang tinig ko. “H-Hindi ko sinasadya. Gutom lang talaga ako. H-Hindi ko naman inaasahan na hindi ko kakayanin ang init.” Hindi siya tumugon sa sinabi ko. Patuloy lamang siya sa paglilinis ng natapon na sopas, walang pakialam sa mga luhang sunod-sunod na dumadaloy mula sa aking mga mata. Nakatingin lang ako sa kanya, at sa bawat segundo ng kanyang pananahimik ay lalo kong naramdaman ang bigat ng sitwasyon. Gusto ko sanang tulungan siya sa paglilinis, ngunit wala akong nagawa. Masyado akong nanghihina, at pakiramdam ko ay bibigay na ang aking katawan dahil sa matinding hilo at lagnat. Gayunpaman, pilit kong nilabanan ang lahat ng iyon. Ayaw kong isipin niya na isa na naman akong pabigat sa kanya.

