Dumating na ang araw ng kasal ng magkasintahan. Ika- 14 ng Disyembre ang itinakdang kasal ng dalawa kasabay ng kaarawan ni Gerald. Lahat ng mga kamag-anak, kakilala at mga kaibigan ng ikakasal ay naroon na sa loob ng simbahan. Nakagayak ng mga magagandang kasuotan habang masayang hinihintay ang paglalakad ng babaeng ikakasal na si Christine. Mahahalata ang kagalakan sa mukha ni Gerald at mahahalata rin ang kabang nararamdaman sa mga oras na ito. Ito na ang huling araw na sila’y mga walang asawa. “Kinakabahan talaga ako,” wika ni Gerald. Ipinatong naman ng kaniyang best man ang kamay nito, si Jaeryll ang napili niya. “Soon, ako naman makakaramdam ng ganiyang kaba na may halong kasiyahan,” natatawang wika ni Jaeryll. Napasipol si Gerald habang nilalabas ang hangin na kaniyang hininga.

