Chapter 4

1539 Words
"Mabuti at hindi tayo gaanong binagyo ngayong taon. Maganda ang ani at nakapag-three harvest pa nga tayo. Natutuwa akong sa murang edad ay kinakaya mo ang responsibilidad ng buong farm kahit wala na halos gabay ng mga magulang natin," pagbibigay papuri ni Marcus sa kanya nang magpunta sila sa bukid. Kasalukuyan nang inuumpisahan ang pag-ani na ilang trabahador din ang naidagdag kahit pa may tulong na ng makinarya. Mas gusto pa rin kasi ni Marcus na kumukuha ng mga tauhan nang makatulong naman daw sa mga kababayan nila doon na nangangailangan ng hanapbuhay. "Three harvest din ang target namin next year, Sir Marcus. Sana nga ay hindi ulit gaanong daanan ng bagyo ang bayan natin nang tuloy-tuloy ang magandang ani." "Magpapahanda ako ng pagkain kay Nana Rosa nang makapagpakain tayo sa mga trabahador. Nami-miss ko na rin kayong makasama sa salo-salo." "Sige ho. Papupuntahin ko si Itay sa inyo nang makalabas-labas ulit ng bahay. Hindi ko lang pinalalabas kapag ganitong mainit ang panahon dahil mas dumadalas ung hingal." "Bakit hindi mo ipagamot sa Maynila? Marami na rin tayong magaling na doktor dito pero mas advance kasi ang teknolohiya sa Maynila," suhestyon ni Marcus sa kanya. Hindi siya kaagad makasagot. Kung paggaling lang ng Itay niya ay susubukan niya kahit ano. Nahihirapan din siyang makita ang kalagayan ng Itay niya kapag sinusumpong ito ng matinding rayuma. Pero wala siyang pera ngayon at hindi niya kinokonsedera ang Maynila para doon magpagamot. "Kakausapin ko ho." "Sige, sabihan mo ako kung kailan kayo luluwas sa Maynila nang maipaghanda ko kayo ng matutuluyan. Mauuna na akong umuwi nang makapaghanda si Nana Rosa ng pagkain para sa lahat." Isang tapik sa balikat ang ibinigay ni Marcus bago tumalikod sa kanya. Muli niyang ibinalik sa malawak na palayan ang atensyon kasabay ng maraming aalalahanin. Ibinenta sa kanya ni Mr. Reyes ang lupang karugtong ng pag-aari nilang dalawa ni Marcus. Walong milyon iyon na nabayaran pa lang niya ng tatlong milyon. Ang natitirang limang milyon ay kasalukuyan pa lang pinag-aaralan ng banko. Kapag na-grant na ang loan niya ay magsisimula na ang pagbabayad niya buwan-buwan. At dahil may bago na naman siyang lupang pagtataniman, kailangan niya ulit ng panibagong puhunan. Hindi niya alam kung kaya niyang pagsabayin ang gastos na 'yun at ang pagpapagamot sa Itay niya sa mas malaking ospital. Alas diyes ng umaga nang huminto ang mga trabahador sa pagtatrabaho. Mainit na rin ang sikat ng araw na masakit na sa balat. Bahala na muna ang makinarya na mag-ani ng mga iyon. Niyaya niya ang mga trabahador na magtungo sa kubo na malapit sa bahay nila. Iyon ang nagsisilbing pahingahan ng lahat kapag ganitong tirik na ang araw. Tiyak naman na doon ihahatid ni Nana Rosa ang mga pagkaing inihanda. Mula sa kubo ay mas malayo ang bahay ng mga Silvana. Mas malapit ang bahay nila. Maya maya pa ay nakita niya na ang mamahaling sasakyan ni Marcus na patungo sa kinaroroonan ng kubo. Pagtapat sa bahay nila ay huminto sandali ang sasakyan at bumaba doon ang kapatid niya. Kasunod si Athena na ngayon ay iba na naman ang suot. Kung kanina ay ikinasisingkit na ng mata niya ang maiksi nitong shorts, hindi niya na alam kung paano pa ngayon. At dahil sa kinis nito at kaputian, tila ito diyosang naglalakad sa gitna ng sikat ng araw. Kung ang kapatid niya ay nagtakip pa ng shoulder bag nito sa ulo, si Athena ay walang pakialam kung mamumula ang balat sa sikat ng araw. Bakit sumama na naman ito sa kapatid niya sa bahay nila? Hindi ba nito gustong pumirmi sa loob ng kwarto nitong malamig dahil sa aircon? "Ang ganda talaga ng anak ni Sir Marcus, ano. Kung ako lang nakapagtapos ng kolehiyo maglalakas akong ligawan 'yan," wika ng isang binatang trabahador. "Kahit siguro nakapag-kolehiyo ka hindi ka rin magugustuhan niyan. Aba'y napakarami kayang guwapo sa Maynila. Mapapansin ba tayong mga taga-Probinsya?" komento ng isa pa. "Bakit naman hindi? Kita mo nga si Sir Marcus nagustuhan ni Ma'am Stacey? Makapag-aral nga ulit sa college." "Sa tingin mo magkasing-gwapo kayo ni Sir Marcus? Saan banda?" Nagtawanan ang iba pa na hindi niya napigilan na makingiti. "Tumigil na nga kayo. Kung gusto niyong mag-aral sa kolehiyo, siguraduhin niyong dahil may gusto kayong tuparing pangarap, hindi dahil may gusto kayong babae. Huwag niyong idepende ang kaligayahan niyo sa ganyan." "Ikaw na lang kaya, Sir Kent ang lumigaw diyan kay Ma'am Athena? Kung kakisigan lang hindi ka pahuhuli kay Sir Marcus. May-ari ka na rin ng malaking lupain ngayon." "Tumigil nga kayo baka marinig pa kayo ni Sir Marcus," pigil niya sa pagbibiro sa kanya. Tamang-tama dahil tumigil na ang sasakyan sa harap ng kubo bagama't hindi pa bumababa ng kotse si Marcus. At habang hinihintay niya itong bumaba, hindi niya napigil na suriin ang dala nitong mamahaling sasakyan. May gamit siyang lumang pickup na dala niya kapag mamimili ng mga pataba sa Dagupan. Hindi niya naman kailangan ng magandang sasakyan. Pero nakikita lang niya na kahit pa may-ari na rin siya ng bukid ngayon, malayo pa rin ang agwat ng katayuan nila sa mga Silvana. Tuwang-tuwa ang mga trabahador nang ibaba ni Nana Rosa ang mga pagkain mula sa kotse. Bumaba din si Mang Antonio na mas bakas ang katandaan sa Itay niya. Pero mas matikas ito sa ama niya, dala na rin ng pagyaman nito dahil sa maraming pagsisikap ni Marcus. "Samahan mo 'ko sa inyo, sunduin natin si Temyo nang makapagkwentuhan sila ni Itay," suhestyon ni Marcus na hindi niya mahindiaan. "Ako na ho ang susundo---" "Alam kong malapit lang ang bahay niyo, pero huwag mo nang paglakarin ang Itay mo. Sumakay ka na sa kotse." Naiilang man siyang sumakay ay wala siyang nagawa. Pagdating nila sa bahay ay naiwan lang si Marcus sa loob ng kotse. Pagpasok pa lang niya sa kabahayan ay naamoy niya na kaagad ang mabining pabango na iisa lang naman ang may-ari. "Choose what you want. Lahat 'yan sa Paris ko binili kaya mamahalin 'yan." "Puwedeng dalawa? Baka madaling maubos ang isa," wika ni Kaira na ikinasingkit na naman ng mata niya. Heto na naman ang babaeng ito na kung ano-ano ang binibigay sa kapatid niya. Hindi na siya kumatok dahil bahagya din namang nakabukas ang kwarto ng kapatid. Naka-Indian sit si Athena sa kama, nakaharap din ito sa pinto. Shit. Sa iksi ng short nito para siyang inaanyayahang lumapit. "Kuya!" Kaagad nagtama ang paningin nila, marahil ay nagulat din ito katulad ng pagkagulat ng kapatid niya. Gusto pa niyang mapamura sa inis dahil nahuli siyang naunang napatingin sa pagitan ng hita ni Athena. Kaagad niya ring kinagalitan ang sarili. "Puntahan mo nga muna si Itay at palabasin mo. Nasa labas si Sir Marcus naghihintay kamo sa kanya. Sa kubo tayo manananghalian." Mabilis namang sumunod ang kapatid, dahil alam nitong magagalit na naman siya sa mga bagong gamit na nasa kwarto nito galing kay Athena. "Anong ibig sabihin ng mga 'yan?" Itinuon niya ang apat na botelya ng pabango na nasa kama. Iyon lang ang paraan para iwasan niya ang nangungusap na mga mata ni Athena. "What do you mean?" "Kung ano-ano na namang luho ang binibigay mo sa kapatid ko. Kailan ka ba titigil?" "What's wrong with pampering your sister?" Naroon din ang inis sa sagot nito. Dahil kung tutuusin, wala namang masama sa ginagawa nito. "Inaakit mo na naman siya sa mamahaling bagay. Hindi ko gustong natututo ang kapatid ko sa mga ganyan dahil hindi naman kami mayaman." "Inaakit? Hmmm... Sige... Sa 'yo na lang 'to." Tumayo ito saka ini-spray ang pabango sa pulso nito. Pagkatapos ay ipinaamoy sa kanya. Sweet vanilla scent. Pero higit sa pabango ay mas nakabibighani ang amoy ng balat nito. "I don't need that. Ayusin mo nga rin 'yang pananamit mo na halos kita na ang kaluluwa. Wala ka sa Maynila at pino-pollute mo ang utak ng mga tagarito tuwing magsusuot ka ng ganyan. Tapos gusto mo pang magpunta sa bukid?" "Pasensya ka na wala kasi akong mahabang palda at hindi ako magsusuot dahil mainit ang panahon." "Kung gayun ay huwag kang lalabas. Puro kalalakihan ang mga tao sa kubo, nakakahiya ka." Ito naman ang pinaningkitan ng mga mata. "Nakakahiya ako? Dinaig mo pa si Daddy kung manita ng suot ko." "Probinsya ito, Athena. Konserbatibo ang mga tao dito," paliwanag niya. Hindi niya alam kung bakit sandali din siyang nasindak sa pagsingkit ng mga mata nito. "Okay, I'll accept that. Magbibihis ako nang mahaba kung pupunta ako sa bukid at dito sa inyo nang hindi ka nagagalit. Para ka tuloy istriktong boyfriend eh." "Anong sinabi mo?!" Hinawakan niya ang braso nito dahil tangka nang tatalikod sa kanya. Sa halip na takutin ito ay siya pa yata ang nasindak na kaagad itong binitiwan. Paano'y nag-init ang pakiramdam niya nang mahawakan pa ang makinis at malambot nitong balat. "You'll be a perfect boyfriend the way you protect a woman, Kent," nakangiti pa nitong sabi na gusto pa siyang inisin lalo. "Ang sarap mo sigurong maging boyfriend." "Hindi ako nakikipagbiruan sa 'yo. Consider this a warning, Athena. Hindi ko gustong kung ano-ano ang itinatanim mong pag-iisip sa kapatid ko." Bago pa ito makasagot ay siya na ang tumalikod. Tamang-tama naman dahil pabalik na si Kaira sa kwarto nito pagkatapos pasakayin ang Itay nila sa kotse ni Marcus.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD