PINUKAW ng tanong na iyon ni Ara ang isang eksena sa isip ni Zeph—ang dahilan kung bakit nasa hotel siya nang sandaling iyon, mag-isa at pilit tinatapos ang mga disenyong paulit-ulit lang namang binabago dahil hindi niya makuha ang tama.
“Zephyrus!” maawtoridad na boses ng kanyang ama. Naudlot ang unang hakbang niya paakyat sana sa silid. Hindi niya sana gustong makipag-usap pero base sa tono ng ama ay kailangan niyang harapin ito. Nahuhulaan na ng binata ang pag-uusapan nila—tungkol kay Tiffany, ang ex-gilfriend niyang ngayon ay engage na sa iba at ang biglaan niyang pag-alis ng Cebu nang araw na iyon.
Nasa gitna sila ng almusal ng Mommy niya nang tumawag si Tiffany. Nagpapanic ang babae at umiiyak. May nanloob sa bahay nito at siya ang naisip tawagan. Siya raw ang mas malapit. Nawala na sa isip ni Zeph na itanong kung bakit hindi ang fiancé nito ang tinawagan. Nag-alala siya kaya agad niyang itinigil ang pagkain para puntahan si Tiffany. Natutuwa siyang kahit tapos na ang relasyon nila ay siya pa rin ang unang naiisip nito sa mga ganoong sitwasyon. Sa pagtulong man lang sa babae ay makabawi siya sa nagawa niyang p*******t sa damdamin nito. Hindi man sinasadya ang nagawa niyang kasalanan sa babae ay gusto niyang bumawi sa lahat ng paraang alam niya. Hindi mawala sa isip ni Zeph ang anyo nito nang araw na iyon na nakita siyang kasama ang babaeng iyon sa silid. Nasa anyo ni Tiffany kung gaano itong nasaktan sa nakita.
Pinigilan ng Mommy ni Zeph ang biglaan niyang pag-alis. Gusto ng ina na magpasama sa kanya. Parati na lang daw niyang inuuna si Tiffany. Hindi na raw niya dapat gawin iyon dahil tapos na ang relasyon niya sa babae. Humaba na nang humaba ang mga sinabi ng ina, hindi na nagustuhan ni Zeph ang mga narinig kaya nagkasagutan sila, lalo na nang ipagdiinan ng Mommy niya na ginagamit na lang siya ni Tiffany. Ginagamit ng babae ang pagmamahal niya para makuha ang kailangan nito.
Sa mga sinabi ng Mommy niya ay nasaktan si Zeph para kay Tiffany lalo at mas pinili ng babae na hindi magsalita tungkol sa paghihiwalay nila. Naging lingid sa mga magulang ang totoong dahilan ng pagkasira ng relasyon nila ni Tiffany.
Ayon kay Tiffany, ginawa nito iyon para hindi siya masira sa mga mata ng mga magulang. Tama na raw na ito ang nasaktan. Sunod-sunod ang patak ng luha ng babae nang sabihin sa kanyang mahal siya nito pero hindi na maibabalik pa ang nasirang tiwala. Ang miserableng anyo nito nang araw na iyon ang nagpaigting pa lalo sa guilt na naramdaman ni Zeph. Hindi niya naisip na ang isang gabing iyon na nagpadala siya sa kahinaan ay pagsisihan niya habang-buhay.
Alam ni Zeph na masama ang loob ng Mommy niya nang umalis siya ng bahay para puntahan si Tiffany. Unang pagkakataon rin iyon na naging mainit ang sagutan nilang mag-ina. Malapit siya sa mga magulang, lalo na sa ina kaya alam niyang nasaktan ito. Hindi rin kayang tiisin ni Zeph ang ina kaya nagpalipas lang siya ng isang araw, sinubukan niyang kausapin ito subalit ayaw na nitong makipag-usap pa. Hindi siya pinagbuksan ng pinto sa ilang beses niyang pagkatok. Hindi dating ganoon ang Mommy niya. Nadadaan niya lagi sa lambing ang tampo ng ina kaya alam ni Zeph na hindi na iyon simpleng tampo lang.
Napansin ng Daddy niya ang hindi nila pag-uusap ng ina. Kinausap siya ng masinsinan ng ama. Hindi inaasahan ni Zeph na pareho ang punto nito at ng kanyang Mommy. Ang pagkakaiba lang ay mahinahon ang ama nang sabihin iyon at hindi siya nito pinilit na putulin na ang komunikasyon nila ni Tiffany. Ang sinabi ng ama ay pag-isipan niya ang lahat. Bilang mga magulang raw ay walang nais ang mga ito kung hindi ang kabutihan niya. At nakikita raw ng mga ito na hindi na nakakabuti sa kanya ang nangyayari.
Napaisip nga si Zeph nang mga sumunod na araw. Hindi nakikialam sa usapin ng puso ang Daddy niya kaya ilang araw na laman ng isip ng binata ang huling sinabi ng ama. At nang hindi pa rin siya kinausap ng Mommy niya ay nangako siya rito habang nasa labas siya ng pinto at ang ina ay nagkukulong naman sa silid nito—na ititigil na niya ang pagtulong kay Tiffany, na hindi na niya pupuntuhan ang babae kapag tinawagan siya, na hindi na niya gagawin ang mga ipinakikiusap nitong gawin niya.
Pinagbuksan na si Zeph ng pinto ng ina. Nag-sorry siya na agad naming tinanggap nito. Naging okay na silang mag-ina. Ginawa ni Zeph ang ipinangako niya. Pinilit ng binata na umiwas kay Tiffany. Hindi na niya sinagot ang mga text messages at tawag ng babae. Nagtagumpay siya nang ilang araw pero nang pinapadalhan pa rin siya nito ng kung ano-ano sa office—at nang hindi siya umimik ay si Tiffany na mismo ang nagpupunta roon para dalhan siya ng mga paborito niyang pagkain—na paraan daw nito para pasalamatan siya sa lahat ng tulong niya rito. Bumigay na naman ang depensa ni Zeph.
Naisip ng binata, kung pagbibigyan niya uli ang mga hiling ni Tiffany ay sisirain niya ang pangako sa ina at tuluyan na siyang hindi makakaalpas sa sitwasyong iyon—na pinagbibigyan niya ang anumang hilingin ni Tiffany, na ang babae lagi ang inuuna niya kaysa ang sarili.
Kailangang panindigan ni Zeph ang pag-iwas na sinimulan niya hindi lang para hindi na sila mag-away pa ng ina kundi para sa kanyang sarili. Halos isang taon na rin niyang ginawa ang lahat para kay Tiffany. Nasasaktan man sa sitwasyon ay mas pinili niyang mapasaya ang babae sa pamamagitan ng pagbibigay ng kahit anong hilingin nito. Kapag kasi nakita niyang ngumingiti si Tiffany pagkatapos ng pabor na ginawa niya, pakiramdam ng binata ay nababawasan ang guilt sa kanyang dibdib.
Ngunit hanggang kailan niya gagawin iyon? Hanggang kailan niya pahihirapan ang sarili? Ikakasal na si Tiffany sa iba kaya kung magpapatuloy si Zeph ay lalo niyang ilulubog ang sarili sa sitwasyong iyon. Baka hindi na siya makaahon at pati ang halaga niya bilang tao ay makalimutan na rin niya.
“Dad,” nilingon ni Zeph ang ama. Seryoso ang anyo nito nang titigan siya nang deretso sa mga mata. Kilala niya ang ganoong tingin nito. Nagbawi siya ng tingin. “I’ve hurt Mom, I know…I’m sorry.”
Bahagyang lumambot ang anyo ng ama. “Umiiyak sa kuwarto ang Mommy mo. Nalaman niyang hindi mo tinupad ang ipinangako mo.”
“God knows, I tried,” napahagod si Zeph sa batok. “Hindi ko lang talaga matiis si Tiffy.”
“Zeph—”
“Ititigil ko na ito, Dad, ‘wag kayong mag-alala ni Mommy. Aalis ako para sa space na kailangan ko. Hindi na ako makahinga, eh. Pakisabi kay Mommy, hindi ko kasama si Maynila si Tiffy. Mali ang iniisip niya.”
“Hindi mo ba kakausapin ang Mommy mo bago ka umalis, Zeph?”
“Pagbalik ko na lang, Dad. Male-late na ako sa flight. Hindi na masasaktan si Mommy para sa akin pagbalik ko, I promise you that.”
Huminga ito nang malalim. “Take care, son. Hihintayin ko ang mga designs mo.”
Ipinilig na Zeph ang ulo para putulin ang eksena sa isip. Kanina lang ay tumawag ang Daddy niya para ipaalala ang designs na hindi niya magawa nang tama mula nang mabalitaan niya ang engagement ni Tiffany. Kahit ano’ng subok ang gawin ni Zeph ay hindi niya iyon magawa nang ayon sa nais ng ama.
Bumaling si Zeph kay Ara na naghihintay pa rin ng sagot. “Vacation,” sagot niya sa tanong ng babae. “Let’s just say…part of me, naghahanap at gustong-gusto ng peace, Ara.”
Umangat ang isang kilay ni Ara.
“Ang lalim,” si Ara at bahagyang ngumiti. “Puso?”
Ngiting kulang sa buhay ang sagot ni Zeph.