Sinipat ni Karina sa salamin ang suot na puting pang-itaas na may mahabang manggas na pinatungan ng asul na panlamig, pantalon na tamang-tama ang sukat sa kan'yang baywang at binti at ang pinaka huli ang paborito niyang puting sapatos.
"Tama na siguro ito, ay oo nga pala ang mga singsing ko."
Matapos magbihis at magayos ay dumeretso na si Karina sa Paaralan.
Eksaktong ala sais 'y medya ng umaga nang makarating si Karina sa Paaralan. Ang ibang kaklase ay mga nagsipagakyatan na sa loob ng bus at ang iba naman ay inaantay ang mga kaibigan nila.
"Karina! dito!" sigaw ng kaibigang si Abby na inginunguso ang katabing si Harvey na may katabing isang maputing babae.
"Bakit ngayon ko lang siya nakita? Bagong nakaraan? Bagong mga tao din sa buhay namin?" Tanong sa sarili ni Karina.
Lumapit naman si Karina at bumeso sa kaibigan. Pasimpleng sinilip si Harvey at ang kasama nito at taas noong nag-aya sa kaibigan na umakyat na sa loob ng bus.
"Napakagwapo talaga ng aking nobyo," sambit sa sarili ni Karina. Halos parehas sila ng kasuotan. May suot itong puting pang itaas na pinatungan ng asul na panlamig na pinaresan ng pantalon at puting sapatos.
"Tara na, Sakay na tayo sa loob! Baka maunahan tayo sa paborito nating pwesto," yaya ni Karina sa kaibigang si Abby. Si Harvey naman ay nahihiyang kinalas ang kamay ng babaeng katabi sa braso at kumapit sa kamay ni Karina.
"Maganda umaga, Karina," kinakabahang bati ni Harvey. Si Maddy nga pala, kapitbahay namin. Ibinilin siya ng mama niya sa akin. Wala pa siyang kilala dito sa paaralan natin kaya sa akin siya nakadikit," mahabang paliwanag ni Harvey kay Karina.
"Ayos lang, d'yan ka na muna sa maputing linta na yan! Baka kase mawala at baka bigla mawalan ng buhay, pag-lumayo sa'yo!" mataray na wika ni Karina kay Harvey habang pa-akyat ng hagdanan ng bus.
Sumimangot naman ang maputing linta este ang babaeng kasama ni Harvey na si Maddy. "Umm.. Harvey, tabi tayo sa upuan ha," malanding wika ni Maddy sabay hawi ng buhok sa likod ng tenga.
Hindi naman pinansin ito ni Harvey, bagkus ay humabol ang binata sa dalagang si Karina. Nais niya itong makatabi sa upuan. Kaya naman binilisan niya ang kanyang paglalakad para makahabol sa dalawa.
Umupo naman si Karina sa may pinaka dulong bahagi ng bus, sa tabi ng bintana.
"Pwede ba akong makiupo sa tabi ni Karina, Abby?" Paki-usap ni Harvey.
"Bakit pa? may katabi ka nang malanding linta, kayo na lang ang magtabi!" inis na wika ni Karina kay Harvey.
"Halika na, Harvey! Ayaw ka naman niya katabi. Doon tayo maupo, oh!" lambing ng malanding si Maddy habang tinuturo ng kaliwang hintuturo ang pangdalawahang upuan habang ang kanang braso ay nakayapos sa braso ng binata.
"Kahapon lang halos langgamin sa sobrang tam-es ng pagkikita ngayon digmaan naman!" tawang-tawang wika ni Abby sa dalawa. "Mabuhay ang mga linta este mga kababaihan pala!" malokong patutsada ni Abby sa mga kaibigan.
Walang magawa si Harvey kungdi ang maupo sa tabi ni Abby. "Ikaw na lang ang maupo roon, mas gusto ko katabi ang aking nobya," pagtataboy ni Harvey kay Maddy.
Ngunit matigas ang ulo ng linta kaya naman sa tabi pa rin ni Harvey umupo ang dalaga. "Dito na lang din ako, tatawag si mama. Hahanapin ka niya sa'kin," paamong wika ni Maddy sa binata.
Wala naman magawa ang binata kungdi ang sumangayon sa winika ng kaibigan. Panaka-naka ay pasimpleng sumisilip ang binata sa dalagang si Karina.
"Napakaganda talaga at napakaamo ng mukha ng aking nobya. Wari mo ay 'di kayang makapa-ngalmot," pailing-iling na napapangiting sambit sa sarili ng binatang si Harvey.
Sakto namang nahuli ni Karina ang binata na nakatingin at pangiti-ngiti sa kanya. Isang matalim na sulyap ang binigay ng dalaga sa binata. "Sus, ang landi! Palibhasa may katabing maputing linta!" mahinang sambit ni Karina sa sarili.
"Ano daw? may Sinasabi ka aking sinta?" tanong ni Harvey kay Karina.
Natatawa namang umiling si Abby sabay sabing, "Ang landi mo daw, may katabi ka naman daw na maputing linta!"
Nahihiya namang napangiwi ang binata sapagkat kaibigan niya ang tinutukoy ng dalaga. Para sa kanya'y walang malisya ang ginagawa ng kaibigan. Sobra nga lamang ito'y makadikit sa kanya na animo'y linta nga.
Natahimik ang lahat ng magsimulang umandar ang bus na sinasakyan. Patungo ang bus sa Zambales, ang lugar kung saan may mga nakatirang katutubo. Ang lugar kung saan sila magdaraos ng serbisyo komyunidad.
Nang nasa byahe na ay pinilit matulog ni Karina upang 'di magselos na katabi ng binata ang malanding linta. Nang makatulog ay pasimpleng nakipagpalit ng pwesto ang binata sa kaibigang si Abby.
Masuyo niyang inihilig ang ulo ng dalaga sa kanyang balikat. At hinawakan ang kaliwang kamay ng dalaga. Maya-maya pa ay nakatulog na din ang binata.
"Psst! Maddy, ang kyut nilang tingnan noh?!" pang-aasar ni Abby sa katabing si Maddy. Hindi naman maipinta ang mukha ni Maddy sa nakikitang ayos ng dalawa. Inis na bumaling na lamang ang ulo sa ibang direksyon.
Nang huminto naman ang bus na sinasakyan sa kanilang destinasyon ay nag-siayos na ang mga estudyante. Nakatayong niyuyugyug ni Abby ang dalawang kaibigang na magkayapos na natutulog.
"Hoy! dalawang mag-irog! aba! tayo na lang ang tao dito sa bus, baka naman gusto niyo na din bumaba?"
Hinawakan naman ng malanding si Maddy ang kamay ni Harvey, "Tayo na, Harvey! baba na tayo, kanina pa tayo inaantay sa labas."
Napangiti naman si karina ng magising nang nakayapos ang kanang kamay ni Harvey sa bewang niya. At napawi agad ang ngiti sa tinuran ni Maddy, sabay mahigpit na hinawakan ang kamay ng kasintahan.
"Sabay na kaming bababa, mauna ka na don!" inis na wika ni Karina kay Maddy.
Sabay-sabay bumaba sa bus sila Abby, Harvey at Karina. Suot ang mga botang kanilang pinagusapan. Alam nila na maputik at matubig ang kanilang dadaanan kaya naman handang-handa na silang magtungo papunta sa lugar ng mga katutubo.
Nang nasa putikan na sila ay panay ang hingi ng tulong ni Maddy kay Harvey, "Aray, ang sakit! Tumama ata ang paa ko sa nakausling bato, Harvey!" Maarteng sumbong ni Maddy kay Harvey.
Dahil sa kabaitang loob ng binata ay tinulungan niya nga ang maarteng dalaga. Inakay niya ito upang mabilis na makaahon sa putikan.
"Ang arte! Magsuot daw ba kasi ng sandalyas, alam na sa ganitong lugar ang pupuntahan!" inis na wika ni Karina.
"Harvey, hindi ka ba napapagod? Kanina pa kase nakasipsip sa'yo yung malanding linta. Buti 'di ka pa nauubusan ng dugo hanggang ngayon 'no?" wika ni Abby sa kaibigang si Harvey habang padabog na dumadaan sa gawi ni Maddy.
Dahil sa pagdabog na lakad ni Abby ay nagsipagtalsikan ang mga putik sa damit ni Maddy. Galit at sumimangot naman ang dalagang si Maddy, Sa sobrang inis ay hihilahin niya sana ang buhok ni Abby ngunit mabilis na nakailag ang dalagang si Abby, kaya naman nawalan ng balanse ang dalaga at bumagsak sa putikan.
Nagtawanan lamang ang magkaibigan at patuloy na naglakad. "Ay, lampa!" Hagalpak pa na tawa ni Karina. "Mabuti nga sa'yo... bleeeeeeh!" dagdag na pang-aasar pa ni Abby.
Taranta naman na itinayo ni Harvey ang kaibigan na ngayon ay puno ng putik ang buong katawan. Mabuti na lamang ay hawak ng binata ang bag ng dalaga kung 'di ay pati ito ay nabasa at naputikan.
Mangiyak-ngiyak naman ang dalagang si Maddy sa natamo."Lintek lang ang walang ganti!" bulong nito sa sarili.
Nang makarating sa kubo-kubong tahanan ay grupo-grupo na silang tumuloy sa itinalagang kubo para sa kanila. Limang tao para sa isang maliit na kubo. Nang makapaghanda ang mga magkakagrupo ay nagsilabasan na sila upang makapamigay ng mga dalang tulong sa mga katutubo, habang ang iba naman ay nagluto para sa ipapakain nila sa mga katutubo.
Isang bata ang nakapukaw ng pansin ni Karina, panay ngiti nito sa kanya. Nilapitan niya ito at kinausap, "Ang ganda mo namang bata, anong pangalan mo?" puri at tanong ni Karina sa batang nakangiti.
Ngumiti din ang bata kay Karina at sumagot, "Mayta ho, ang ganda mo rin at ang bango mo, ate!" Sabay hawak sa pisngi ng dalagang si Karina.
Kinuha naman ni Karina ang kanyang pabango at sinimulang wisikan ang batang si Mayta.
Sa tuwa ng bata ay niyaya niya ito sa tahanan nila. Mataman naman na nakasunod lamang si Harvey sa dalawa. Sakto naman ay kakain na ang pamilya ni Mayta, kaya naman inalok nila si Karina at si Harvey na makisalo.
"Halina at makisalo muna kayo," mabait na alok ng ina ni Mayta.
Nagluto ng sinigang na isda sa kalibangbang ang ina ni Mayta. Kaya naman tuwang-tuwa si Karina sa nakain sapagkat ngayon lamang siya nakatikim ng niluto sa kalibangbang.
Hanggang sa paguwi nila nang gabi ni Harvey sa kubong tahanan ay nakangiti parin si Karina. Sapagkat ang pamilyang kanyang naputahan ay masaya kahit na simple lamang ang pamumuhay.
Ganun din sana ang pangarap ni Karina kasama si Harvey. Malungkot na tiningnan ni Karina ang kamay na nakahawak sa kanyang kamay, na wari'y maluluha.
Napansin naman ito ng kasintahang si Harvey, kaya naman masuyo n'yang tiningnan ang mga mata ni Karina. Parang inaarok ang kanyang damdamin ng makitang malungkot at parang maiiyak ang nobya. Masuyo nitong hinawakan ang kanyang magkabilaang pisngi at dahan-dahang dinampian ng halik sa labi.
"Ikaw parin ang aking gu-gustuhin hanggang kabilang buhay."