Karina's Pov: Tahimik akong umuwi ng aming bahay, dumeretso ako agad sa aking silid. Ayokong mapansin ng aking ina ang pamumugto ng aking mata. Pakiramdam ko ay naubos lahat ng aking lakas ngayong araw. Kaya naman ng makita ko ang aking kama ay agad akong humilata. Maaga pa naman, itutulog ko na lang ang nararamdaman kong sakit. Baka sakaling sa panaginip ko ay makalimutan ko siya ng pansamantala. Niyakap ko ang aking paboritong unan at pumikit. At sa aking pagpikit ay tuluyan na akong nahimbing na nakatulog. "Ano ba akin na yan!" "Mommy oh! ayaw ibigay sa'kin!" Mga salitang nagpagising sa'kin. Pupungas-pungas ako na umayos ng upo. Kasalukuyan kaming nakasakay sa isang sasakyan. Mukhang patungo kami sa isang resort base sa ayos ng aking mga pinsan. Ang iba ay may hawak na salbabida.

