“ANG aga mo naman para pumunta rito,” wika ni Kyle nang masilayan niya ako.
Ginawaran ko siya ng isang ngiti. Hindi ko inaasahan na makikita ko siya sa lugar na ito ng mga ganitong oras pero, gumanda ang umaga ko dahil nasilayan ko siya. Hindi ko alam na pumupunta rin pala siya rito tuwing sisikat na ang umaga — tuwing uusbong na ang araw.
Hindi ko alam kung paanong nangyaring hindi napansin ng mga taga-bantay ang isang babaeng pasyenteng nakatakas at nakapunta pa rito sa rooftop, siguro dahil na rin sa tulog pa sila kaya wala ring nagpipindot ng alarm.
“Hindi ka ba mahuhuli?” nagtatakang tanong ko sa kaniya.
Tumingin siya sa akin at unti-unting lumapit sa puwesto kung nasaan ako. Nang tuluyan na siyang makalapit sa akin ay napapikit ako dahil sa paghaplos ng mahaba kong buhok sa aking mukha.
“E, ano naman kung mahuhuli ako? Hindi mo ba ako pagtatakpan? Hindi mo ba ako ipagtatanggol?” sunod-sunod niyang tanong dahilan para mapaisip ako, paano kung mapunta nga kami sa gano'ng sitwasyon, ano ang gagawin ko kung sakaling mangyari 'yon?
Tumingin ako sa kung saan. Medyo madilim pa ang paligid dahil mag-uumaga pa lang, malamig-lamig din ang simoy ng hangin kaya hindi ko maiwasang pagkuskusin ang dalawa kong kamay.
“Hindi rin ako nakikita ng iba,” aniya dahilan para muli niyang makuha ang aking atensyon.
Tinitigan ko siya sa kaniyang mga mata ngunit umiwas lamang siya. Wala akong makitang emosyon sa kaniya, wala ni isa na para bang isang blankong papel.
“What do you mean?” tanong ko na hindi niya sinagot dahil tumalikod siya sa akin at naglakad patungo sa pinakadulo ng rooftop.
“Here, where the sky's falling. I'm covered in blue...”
Tila napako ako sa aking kinatatayuan nang pumasok sa aking dalawang tainga ang napakaganda niyang boses. Kumanta siya nang biglaan at sa pag-awit niya'y tila nahulog ako sa pinakamalalim na balon
“I'm running and I'm crawling. Fighting for you...”
Hindi ko inakalang ganito pala kaganda ang tinig niya kapag nagsimula na siyang kumanta. Hindi ko inakalang magmimistula siyang isang anghel.
Ipinagpatuloy niya ang pagkanta, walang tigil. Halos hindi ko maituon ang mga mata sa ibang direksyon, napako lamang sa kaniya ang aking tingin na para bang siya lamang ang kaisa-isang taong nakikita ko sa mga oras na ito.
Hindi ko rin magawang umangal o patigilin siya sa pagkanta dahil nagugustuhan ko ang ginagawa niya. Sakto ito sa pag-angat ng araw at sa unti-unting paglaho ng buwan, sumasabay ito sa ganda ng senaryong nasisilayan ko ngayon.
“You give me a reason something to believe in. I know, I know, Iknow...”
Humangin ang buhok niya tila ba parang isang alon sa kalagitnaan ng dagat. Natulala ako sa pagdampi ng hibla ng buhok niya sa kaniyang mukha, humahampas ito na para bang mga tubig sa pangpang.
“Ayaw ko nang kumanta, mukhang nasiyahan ka na,” aniya nang makaharap na siya sa akin.
Nabitin ako sa ginawa niyang paghinto pero natawa rin ako nang bahagya dahil tama siya, nasarapan nga ako nang masyado. Nakaramdam ako ng kaginhawaan nang marinig ko ang boses niya at sapat na iyon para ngumiti ako sa buong maghapon.
“You know what, I hate you and at the same time, I like you for no reason at all.”
Nang sabihin niya 'yon ay halos magwala na namang muli ang puso ko, hindi ito mapakali sa kaniyang puwesto at para bang gusto nitong lumundag-lundag sa sobrang tuwa. Bakit ganito? Bakit ganito ang galak na nararamdaman ko?
“I have to go.”
Nabigla ako nang ihiga niya ang sarili patalikod dahilan para muntikan na siyang mahulog.
Halos balutin ako ng kaba dahil ang akala ko'y hindi ko na siya maaabutan pa — akala ko'y hindi ko magagawang pigilan ang pagkahulog niya.
Nahawakan ko ang kamay niya, mabuti na lang at nagawa ko iyon kung hindi'y baka kanina pa nakakalat ang dugo niya sa sahig.
Hanggang baywang niya lang ang harang sa rooftop at kapag sinubukan niyang ulit 'yon gawin, talagang mahuhulog na siya at malabo nang mabuhay siya sa ganitong kataas na gusali.
“What's wrong with you?!” pasigaw na tanong ko sa kaniya dahil labis akong kinabahan at halos balutin ako ng takot sa dibdib.
Hindi ko na nakontrol pa ang aking sarili. Ako ang responsable kung sakaling nahulog siya, mabuti na lang at mabilis kong nahawakan ang kamay niya.
“Gusto ko lang lumipad,” aniya habang ngumingisi.
Mayamaya'y tumawa na siya nang napakalakas habang hinahawi-hawi ang kaniyang suot-suot.
Napakagat ako sa aking labi dahil mali ako nang akalain kong isa siyang matinong babae, dahil ang totoo'y isa siyang baliw, isa nga talaga siyang baliw.
“Sino ka?” tanong niya na ikinabigla ko.
Nanlilisik ang kaniyang mga mata kaya naman hindi ko malaman kung ano ang gagawin, kung lalapitan ba siya o hindi.
Sinabunutan niya ang sarili gamit ang dalawa niyang kamay.
“Tigilan mo 'yan,” mahinahong sambit ko dahil kailangan kong maging kontrolado sa sitwasyon.
“Kasalanan mo 'to.”
Itinigil niya ang pagsabunot sa sarili at unti-unti niya akong nilapitan.
Dapat ay kinakabahan na ako ngayon ngunit wala akong maramdaman na kahit na anong klaseng ng takot.
“Kasalanan mo dahil nanghimasok ka pa sa buhay ko,” aniya dahilan para mapakunot ang kilay ko.
What's wrong with her? Wala naman akong ginawa sa kaniya at alam ko iyon sa sarili ko.
“You ruined my life and yet you're acting like we're okay, as if nothing happened. You destroyed me.”
Madiin ang pagkakasabi niya n'on dahilan para mapalunok ako. Hindi ko alam kung ano ang nangyayari sa kaniya kaya inilabas ko na lamang ang gamot na nasa aking bulsa. Kailangan kong uminom nito para magkaroon ako ng kontrol sa sarili dahil kapag hindi ko ito ginawa, baka kung ano ang mangyari sa kaniya.
Nang makita niya ito ay natigilan siya. Biglang napakunot ang kaniyang noo at tila nahimasmasan sa mga pinagsasabi niya kanina.
“Bakit mayro'n ka niyan?” nagtataka niyang tanong habang nakatingin pa rin nang diretso sa boteng hawak-hawak ko.
Para bang walang nangyari at sa isang iglap lang ay bumalik siya sa katinuan.
“Pinapainom ito sa akin ng head namin,” walang anu-anong sagot ko sa tanong niya.
“Kapareho ng iniinom ko. 'Yong gamot na ibinibigay n'yo sa pasyente n'yo. Hindi ako puwedeng magkamali,” seryoso niyang sabi dahilan para manigas ako sa kinatatayuan ko.
Hindi ko alam ang isasagot dahil ibinigay lamang ito sa akin at hindi rin ako pamilyar sa mga gamot ng mga baliw dahil inaalagaan ko lamang sila at tinitingnan-tingnan. Hindi ako ang nakatoka sa pagpapa-inom sa kanila ng gamot.
“Baka kapareho lang ng itsura.”
Pagkasabi niya n'on ay nakahinga ako nang maluwag. Hindi naman ako isang baliw at matino ang aking pag-iisip kaya malabong painumin nila ako ng ganoong klase ng gamot.
At isa pa, araw-araw ko na itong iniinom. Wala naman akong napapansin na kakaiba dahil vitamins lamang daw ito.
“Kinabahan ka?”
Napatingin ako sa kaniya nang marinig ko ang kaniyang tanong dahil tama siya, kinabahan nga ako dahil sa sinabi niya. Hindi ko rin alam kung bakit ganoon na lamang ang aking naramdaman, e alam ko naman sa aking sarili na mayro'n akong matinong pag-iisip.
“Hindi naman, kasi alam ko naman na hindi ako isang baliw,” walang alinlangang sagot ko sa kaniya dahilan ng pagngiti niya sa akin.
“Hindi ka pa ba bababa?” tanong niya para mapatingin ako sa orasan ng aking cellphone.
Napakagat ako sa aking labi at napakamot sa ulo nang makita ko ang oras, kailangan ko nang bumaba.
“Aalis na ako,” paalam ko sa kaniya kasabay ng pagtalikod ko mula sa lugar kung nasaan siya.
Hindi ko na narinig ang sinabi niya at agad na akong dumiretso sa lugar kung nasaan si Edward. Tahimik siyang nagkakape at nagbabasa ng libro, gaya ng madalas niyang gawin.
Nakahinga ako nang maluwag dahil wala pa silang ginagawa.
“Saan ka nanggaling?” nagtatakang tanong niya habang nakatuon pa rin ang atensyon sa nobelang binabasa.
Iba na ang librong ito at hindi na 'yong librong may titulo na Baliw.
“Pumunta ka na sa pasyenteng aalagaan mo.”
Pagkasabi niya n'on ay agad akong tumakbo papunta sa silid kung nasaan ang babaeng pasyente na aking aalagaan.
Huminto ako at huminga nang malalim. Kumatok muna ako ng tatlong beses bago tuluyang pumasok.
Doon, nakita ko ang isang babaeng kinakain ang kaniyang mahabang buhok. Napangiwi ako dahil sa nasilayan ko. Hindi ko alam kung ano ang magiging reaksyon dahil sa ginagawa niya pero kailangan kong gampanan ang tungkulin ko.
Dahan-dahan akong lumapit sa kaniya ngunit pinanlisikan niya ako ng mata sabay tumawa nang malakas.
Napalunok ako nang mariin, ito ang kauna-unahang beses na gagawin ko ang bagay na 'to dahil ang ginagawa ko lang noon ay tingnan ang mga katrabaho ko at linisin ang mga dumi sa lugar o silid ng mga pasyente kahit na hindi naman iyon ang nakaatang na trabaho sa akin.
“Baliw 'yong babaeng kasama mo, kanila lang.”
Napahinto ako at tila nanigas dahil sa sinabi niya pero wala namang mali roon? Baliw naman talaga si Kyle, hindi matino ang pag-iisip niya.
“Maghihiganti siya.”
Tumawa siya nang napakalakas habang napakunot naman ang aking noo. Siguro'y ito na ang sinasabi ng iba na malalala ang kalagayan ng babaeng 'to.
Nagpakamatay kasi sa mismong harapan niya ang kaniyang asawa matapos kitilin ang buhay ng kanilang anak.
Huminga ako nang malalim at sinimulan ko na siyang asikasuhin.
Hindi ngayon ang panahon para maniwala ako sa sinasabi ng babaeng 'to. Kailangan ko siyang painumin ng gamot nang hindi ako nagagalusan.
“Kaya ko 'to!” sigaw kong sabi sa sarili pagkatapos ay sinimulan na ang gampanin.