NANG kumalma siya ay umakyat siya sa kaniyang kwarto at doon nag-isip-isip. Siguro ay oras na para siya'y bumitiw, na bigyan naman niya ang sarili na lumigaya. Siguradong patuloy lang silang masasaktan at mahihirapan kung ipipilit pa niya ang kaniyang sarili. Namili na ito kaya wala ng dahilan para manatili pa siya sa bahay na nila. Hinawakan niya ang singsing sa kaniyang kamay saka inalala iyong araw na nagtagpo ang kanilang mga landas.
Flashbacks....
"Hoy! Gusto mo bang kasuhan kita sa pinaggagagawa mo?" suway sa kaniya ng kaibigan niyang si Mia na bahagya pa siyang binangga sa kanang balikat gamit ang kaliwang balikat nito. Nasa reception na kasi sila ng kasal sa five years boyfriend nito na si Jomari Yo. Siya kasi ang ginawang maid of honor ng mga ito kaya hindi niya maiwasan na titigan ang kapareha kanina sa simbahan.
Aaminin niyang attracted siya sa kapareha, na naagaw at nakuha agad nito ang atensyon niya nang makita pa lang niya ito sa simbahan. Matangos kasi ang ilong nito na alam niyang masarap pisil-pisilin.Tall, dark and handsome rin na talaga namang gusto niya sa isang lalaki.
"Sinasabi mo?" patay malisyang baling niya sa kaibigan na katabi lang niya kung saan ang lamesa ng bride and groom. Kasalukuyan kasi silang kumakain kaya hindi niya napigilan na sulyap-sulyapan ang lalaki.
"E, kanina ka pa kasi nakaw nang nakaw ng tingin sa kapatid ng asawa ko na halos tunawin mo na sa kakatitig mo! Tagus-tagusan, 'Teh!" Katabi kasi ng asawa nito ang lalaking kanina pa hindi maalis sa isip at paningin niya.
Samantala nanlaki naman ang mga mata niya sa nalaman. "Kapatid?" tumango ito sa kaniya.
"Siya si Jyo, bunsong kapatid ni Jomar," bigay imporma nito. Kaya pala may pagkakahawig ang dalawa. Bakit ngayon lang niya nalaman iyon sa tagal nilang magkakilala ni Mia? Kung bakit ba naman kasi hindi niya binasa ang nilalaman ng inbitasyong natanggap niya, ang alam lang kasi niya siya ang maid of honor. Ang nabanggit lang naman nito sa kaniya ay may bunsong kapatid ang nobyo nito nang pakwentuhin niya ito minsan tungkol sa nobyo pero hindi naman niya akalain na ganito pala ito kagwapo sa personal.
"Gusto mo pakilala kita?" suhestiyon sa kaniya ni Mia habang may naglalarong ngiti sa mga labi nito. Napalunok siya.
"Huwag na, oy! Iistorbohin mo pa iyong tao imbes na nananahimik, e," kaila niya kahit sa loob-loob niya ay gustong-gusto niya.
"Sus! Kunwari pa," tudyo nito. Kahit kailan talaga ay kilalang-kilala siya nito. Kung sa bagay, mula elementarya pa lang ay magkakilala na sila. Paanong hindi sila magiging close at magiging magkaibigan, e, halos taon-taon ay magkatabi sila sa upuan dahil sa mga apelyedo nilang Navarro at Naranja.
Pareho kasi silang laki sa hirap ni Mia sa Benguet pero dahil may angkin silang talino nakapag-aral sila sa isang kilalang unibersidad sa Maynila bilang mga scholars. Jackpot nga ang kaibigan niya dahil mayaman ang napangasawa nito. Samantalang siya, matapos ang puppy love ay hindi na nagmahal ulit dahil nagfocus na siya sa kaniyang pag-aaral.
"Huwag ka nga! Kumain ka na lang diyan, sayang naman 'tong mga pagkain kung hindi mo uubusin," iwas niya sa tanong nito at itinuon na ang buong atensyon sa pagkain.
"Huwag kang mag-alala kami ni Jomar bahala sa 'yo," bulong nito na nagpatigil sa pagnguya niya.
Namalayan na lang niya na binubulungan na nito ang asawa. Akmang pipigilan niya ito pero bigla na lang nagsalita ang emcee para sa saluhan ng bulaklak. Ayaw man niyang makisali sa ganap na iyon ay wala na siyang nagawa kundi sumali dahil ayaw niyang isipin ng lahat na kill joy siya. Nang handa na ang lahat ay sa pinakalikod siya ng mga abay pumwesto dahil wala siyang balak na sumalo ng bulaklak ngunit mukhang mapait ang kapalaran dahil bigla na lang bumagsak sa paa niya ang bulaklak. Tinitigan lang niya ang bulaklak sa kaniyang harapan, naghihintay na may dumampot pero pagtingin niya sa mga kasamahang abay ay nakatingin lang din ang mga ito sa kaniya na tulad niya ay parang may mga hinihintay din.
'Gusto ba nilang pulutin ko ang bulaklak para i-abot sa kanila?' sabi niya sa kaniyang isip. At dahil sa likas siyang masipag at mapagbigay na tao ay siya na nga ang pumulot n'on para ibigay sa babaeng katabi pero lumayo ito na pinagtaka niya.
"T-teka..." habol niya sa mga ito habang inaabot ang bulaklak pero wala ni isa sa mga ito ang pumansin sa kaniya at nagsibalikan na sa kani-kanilang mga upuan kaya wala na rin siyang nagawa ng idiklara ng emcee ang kaniyang pangalan.
Hinanap ng paningin niya ang kaibigan. Nang magtama ang kanilang mga paningin ay nag-peace sign lang ito. Sinasabi na nga ba niya na pakana ito ng magaling niyang kaibigan. At sigurado siya na may kasunod pa itong gagawin kaya pinakitaan niya ito ng kamao niya para iparating dito na mamaya ito sa kaniya na tinawanan lang ng huli. Hanggang sa may lumapit na isang organizer para igaya siya sa isang upuan na nasa gitna. Umupo siya roon at hinintay ang susunod na magaganap. Malakas ang kutob niya sa susunod na mangyayari kaya hindi niya maiwasang masabik na para bang gusto na niyang hilahin ang oras para makatabi na niya ang kanina pa pinapantasya.
At dahil tapos na ang part nilang mga babae, ang groom at ang mga abay naman na lalaki ang nagpunta sa gitna. Hindi alam ni Aileen kung namalikmata lang ba siya na pinupukulan siya ni Jyo ng tingin na may kasama pang ngisi pero malakas ang kutob niya na sa kaniya nga ito nakatingin dahil tumatagos ang tingin nito sa kaibuturan ng kaniyang puso. Bigla tuloy siyang naalarma sa sarili.
"May dumi ba ako sa mukha?" kastigo niya nang palihim niyang sinalat ang sariling mukha. Mabuti na lang talaga at nagsimula na sa hagisan ng garter kaya nawala na ang buong atensyon nito sa kaniya pero siya naman ang muling nagnakaw ng tingin dito. Hindi niya alam pero parang naging slow motion ang paligid kasabay ang panalangin niya na sana masalo nito ang garter. Pero bagsak ang balikat niya nang hindi ito ang nakasalo.
"Kainis! Hindi ba na-orient ni Jomar ang lalaking 'yon? Kaasar!" hindi napigilang sambit niya. Bahagya pa siyang napapadiyak sa kaniyang kinauupuan.
Gayunpaman, nang akala ng lahat na tapos na ang palabas ay hindi pa pala dahil bigla na lamang lumapit ang groom sa emcee na idideklara na sana ang nakasalo nang bigla nitong agawin ang wireless na mikropono sa emcee saka mabilis na tumungo sa kumpol ng mga lalaki sa gitna. Kinuha nito ang garter sa lalaking nakasalo at walang sabi-sabing inihagis sa kapatid na agad din namang nasalo saka muling bumalik sa emcee para ibalik ang kinuha nito matapos itong bulungan.
Bigla tuloy parang may sumabog na kompeti sa paligid niya nang tuluyan na ngang idineklara ng emcee ang pangalan nito. Pakiramdam niya tuloy nanalo na rin siya ng jackpot sa lotto ng mga oras na iyon. Parang biglang huminto ang pag-inog ng kaniyang mundo nang makita niyang papalapit na ito sa kaniyang direksiyon. Tila nanunuod siya ng isang komersyal sa telebisyon kung saan ito ang modelo habang pinaglalaruan sa kamay ang hawak na garter. Ipinaiikot-ikot nito iyon sa hintuturo nitong daliri habang ang kaliwa nitong kamay ay nasa loob lang ng bulsa nito. Muli ay nasilayan niya ang ngisi nitong kung hindi lang siya nakaupo ngayon ay baka nahulog na ang suot niyang panloob.
"Sarap..." aniya saka wala sa sariling kinagat ang pang-ibaba niyang labi.
It feels like he took her breath away nang tuluyan na itong nakalapit na ngayon ay nakaluhod na sa kaniyang harapan. Ngayon lang din niya napansin ang itim na hikaw nito na nakapagpadagdag pa lalo sa kagwapuhang taglay nito. Tila nahipnotismo siya sa mga mata nito at namalayan na lang niya ang sarili na kusa na niya pa lang itinataas ang kanang paa nang magbigay hudyat ang emcee na pwede na isuot sa kaniya ang garter. Ramdam niya ang hatid na kiliti't kuryente sa bawat pagtaas nito ng garter sa binti niya kahit na hindi naman ang mga kamay nito ang mismong humahaplos at dumadampi sa kaniyang balat. Pakiramdam din niya siya si Cinderella ng mga oras na iyon dahil sa ginagawa nito. Ang pinagkaiba nga lang ay garter ang isinusuot sa kaniya hindi sapatos.
At dahil nakaluhod at nakayuko ito sa harap niya ay lalong tumindi ang pagpapantasiya niya sa nakakaadik na amoy at angkin nitong kagwapuhan. Akala niya matangos lang ang ilong nito pero hindi lang pala basta matangos lang. Sobrang matangos na matangos pala na bumagay sa mukha nito. Nahiya bigla ang hindi katangusan niyang ilong sa ilong nito. Isa pa naman sa mga kahinaan niya sa mga lalaki ang magagandang mata at matangos na ilong. Nagustuhan din niya ang clef chin nito na bumagay sa hulma ng mukha nito. Nahiya pa nga siya kasi wala man lang siyang nakitang pores sa mukha nito hindi tulad niya na may ka-oily-han kaunti ang mukha kaya umiwas siya ng tingin dito nang tuluyan itong tumingala sa kaniya at tumayo matapos ang ginawa nito.
'Aalis na ba ito? Ganoon lang iyon, wala man lang pakilala?' Tumatakbong mga tanong sa isip niya. Ngunit napawi din iyon nang inilahad nito sa harap niya ang kamay nito.
"Can I have this dance?" Halos magdiwang ang mga hormones niya sa katawan nang marinig niya ang barito nitong boses na ikinatuyo ng kaniyang lalamunan. Parang gusto niya tuloy i-record at pakinggan magdamag ang boses nito.
"A-ako?" hindi makapaniwalang tanong niya rito. Napakarami mas magaganda sa paligid pero bakit siya pa ang napili nitong isayaw? Ni minsan kasi wala pang nag-aya sa kaniya na sumayaw dahil noong mga panahong kabataan nila ni Mia ay hindi siya palaayos, na mas angat ang kaibigan niya pagdating sa kagandahan kahit na medyo may katabaan ito. Noong nagkolehiyo na kasi siya natuto na mag-ayos dahil na rin sa inpluwensiya ni Mia. Manang kasi talaga siya manamit at mag-ayos kaya hindi na siya magtataka kung walong taon siyang single.
"May iba pa ba sa harap ko maliban sa 'yo?" Ngalingali niyang kutusan ang sarili. Malamang siya ang gusto nito makasayaw dahil ganoon naman ang ginagawa mayapos isuot ng lalaki ang garter sa babae.
"S-sabi ko nga," aniya saka inabot ang kamay matapos niyang iwan ang bulaklak na hawak sa katabing upuan na dapat ay sa binata at mabilis siyang hinila sa gitna ng bulwagan kung saan marami na ang nagsasayaw.