"Ano ka ba! Hindi mo kilala si Renzo Albano? Isa 'yan sa pinagkakaguluhan ng mga babae sa buong Pilipinas." Inagaw muli ni Jinky ang magazine sa kanya kung saan niya nakita ang gwapong mukha ni Renzo. Lumabas na sa magazine ngayong linggo lang ang Top 100 Most Handsome Faces in the Philippines kung saan nasa ika-walong slot ang lalaking nakita niya noong isang gabi sa Albano Hotel. Pang-apat ang pinsan nitong si Drake Albano na mas pinagkakaguluhan ng ibang kababaihan sa university nila. Mas gwapo nga siguro si Drake, pero mas malakas ang dating ni Renzo sa kanya kahit pa suplado ito. Kanina pa niya pinagpapalit-palit ang tingin sa magpinsan na magkahawig pero malaki ang pagkakaiba. Nakangiti kasi si Drake na halatang masayahin sa personal. Habang si Renzo ay walang kangiti-ngiti na ganoong-ganoon sa tunay na buhay.
"Bakit mo kilala? Hindi naman siya artista ah. Parang wala naman akong napapanood na lumabas siya sa TV."
"Mas gusto yata ng mga Albano ngayon ang pribadong buhay kaya ganoon. Malalaking kompanya kasi ang pagmamay-ari nila kaya hindi naman nila kailangang mag-artista. Ang suwerte mo, nakita mo na sa personal si Renzo Albano."
"Minsan nga lang eh, ang bilis pa niyang nawala. Saan kaya natin 'yun makikita ulit?" Muli niyang kinuha ang magazine sa kamay ni Jinky. Kaklase niya ang kaibigan mula noong first year college sila. Katulad niya'y hindi rin ito ganoon kayaman. Pero dahil pangarap nito ang makapasok sa university na pinapasukan nila ngayon ay iginagapang nito ang sarili sa pag-aaral.
"Minsan ko nang nakita 'yan sa Zenclub."
"Nakita mo na dun?! Bakit hindi mo sinabi sa 'kin?"
"Malay ko ba naman na type mo? At saka alas dose na yata 'yun. Kung gusto mong matyempuhan doon, dapat mga ganoong oras ka naglalagi."
Malabong mangyari 'yun dahil pinauuwi siya kaagad ng tiyahin niya kapag tumuntong na ng alas dose. Iniisip kaagad ng Tiya Ghing niya na masisira ang beauty niya sa pagpupuyat.
"Akin na lang 'to ha? Ididikit ko sa dingding ko." Walang nagawa ang kaibigan dahil napunit niya na ang pahina kung saan naroon ang gwapong mukha ni Renzo.
"Crush mo 'yan? Ewan ko lang kung mapansin tayo ng mga lalaking tulad niyan. "
"Bakit naman? Maganda naman tayo ah."
"Walang duda roon, lalo na ikaw. Pero iba ang mindset ng mga mayayaman na 'yan. Iba ang mundong ginagalawan nila."
"Hindi ah..." Hindi pa rin siya nagpaawat. "Noong isang gabi nga lang halos abot kamay ko na eh. Tinitigan na kaya niya 'ko."
"Maganda ka naman kasi talaga. Pero pa'no kung hamakin ka lang kasi hindi ka kasingyaman nila? Paano kung matapobre pala ang pamilya nila?"
"Ang judgemental mo na, ang nega mo pang mag-isip. Manalig ka lang sa Diyos at ipagdasal mo na makuha mo 'yung lalaking gusto mo. Hindi ibibigay sa 'yo ni Lord kung una pa lang inayawan mo na."
"Oo na, sige na," nakatawang wika naman ni Jinky. "Ikaw na ang magiging future Mrs. Einna Rose Gulles Albano. O ayan, masaya ka na?"
"Ganyan... O di ba, bagay na bagay sa 'kin ang apelyidong Albano?" Kilig na kilig na siya hindi pa nga niya ulit nakakadaupang-palad ang binata. Ni hindi nga niya alam kung paano ulit ito makikita nang personal.
"Pinapantasya mo, alam mo ba kung single 'yan o may girlfriend?"
"Single 'yan. At ako ang susunod na magiging girlfriend," buong kompyansa niyang sabi na tinawanan pa nang malakas ni Jinky. Umirap naman siya at sumimangot.
"Wala ka talagang bilib sa 'kin. Meant to be kami niyan. Kita mo nga, nakita ko lang noong isang gabi di ba? Tapos humingi ako ng sign, sabi ko kay Lord kapag nakahanap ako ng paraan para malaman ang pangalan niya, ibig sabihin para siya sa 'kin. O, di ba bigla kong nakita 'yung mukha niya sa magazine na dala mo?"
Hindi rin niya inaasahan na makikita niya ito sa magazine na dala ni Jinky. Noong isang gabi pa siya hindi pinapatahimik ng lalaking iyon. Ni hindi man lang kasi niya na-picturan noong kasal ni Mr. Nakamura. Panay ang dasal niya na makadaupang-palad niya ulit ang binata. iyong magkaroon sana sila ng pagkakataon na makilala ang isa't isa.
"O, ano ngayon ang gagawin mo sa magazine? Jojowain mo?"
"Ang OA naman. Pumunta kaya tayo sa Zenclub? Magpapaalam ako kay Tiya Ghing na aabutin tayo ng madaling-araw."
"Ano ka ba... Ayoko nga. Sina Viola ang samahan mo, palaging nasa Zenclub ang mga 'yun."
"Hmp..." Sumimangot siya nang marinig ang kaklase nilang mayaman pero matapobre naman. "Hindi naman ako feel maging friend nun."
"Makibagay ka na lang muna sa kanila kung gusto mong magpunta sa Zenclub. O kaya mag-isa kang pumunta kung gusto mo."
"Ayoko nga. Mukha naman akong tanga kung mag-isa akong pupunta doon."
"Kung hindi ka feel kasama ni Viola, si Cristy ang kaibiganin mo. Mas mabait-bait naman ang isang 'yun."
Ang dalawang binanggit ni Jinky ay kilalang mga mean girls sa St. Mary's University. Isa sa mga pinakamayaman sa eskwelahan nila, mga sikat dahil may sinasabi ang pamilya, at mga pinagkakaguluhan ng mga lalaki dahil sumasali sa pageants at lahat yata ng extra cullicular sa university. Ilang beses niya nang nakalaban sa Miss St. Mary's si Viola na palagi siyang natatalo dahil nabibili nito ang boto ng mga judges.
Pero dahil na-train siya ng tiyahin na sumakay lang sa laro ng mga mayayaman, hindi na siya napipikon sa mga ganoong pangyayari. Ilang beses na ring napikon si Viola sa kanya dahil lahat ng naging boyfriends nito ay nanligaw muna sa kanya. Kaya nga hindi siya nito feel na maging kaibigan dahil isa siyang malaking threat.
At ngayong gusto niyang makadaupang-palad si Renzo Albano ay kailangan niyang maging kaibigan sina Viola. Mabait naman ito minsan sa kanya, basta't papayag siyang maging tutor nito o tagasulat ng discussions nila sa notebook. Magkakasundo sila basta't papayag siyang maging underdog. Okay lang sa kanya 'yun, basta't magkaroon lang siya ng pagkakataon na makadaupang-palad ang lalaking crush niya.
Tamang-tama naman na uuwi ng probinsya nila ang Tiya Ghing niya bukas ng gabi. Makakagala siya nang walang sisita sa oras ng pag-uwi niya. Yayayain niya sina Viola at Cristy sa Zeclub para uminom. Sana lang talaga ay pagtagpuin sila ng mundo nang hindi naman masayang ang effort niya. Tiyak na ililibre din niya sina Viola at Cristy ng inumin kaya't mapapagastos pa nga siya.
Okay lang naman, basta't magkita lang sila ulit ni Renzo Albano. Kapag binigyan siya ulit ng pagkakataon ng Diyos ay hindi niya na sasayangin.
"Why do you want to go all of a sudden?" tanong ni Cristy na minsan na siyang niyaya noon sa Zenclub pero tumanggi siya. Kapag napahiya pa naman ang mga ito sa pagyaya ay nag-iiba ang tingin sa kanya.
"I realized I needed a break after our final exams. I want to have fun now. Do you want to go with me?"
"Do you have a car? Our driver isn't available after seven tonight. Viola doesn't want to go so it's just you and me."
Wala naman silang sasakyan. Hindi naman sumasakay ng taxi ang mga ito dahil hatid-sundo ng kotse ng pamilya. At ang kaya niya lang sagutin ay inumin dahil mahal ang alak sa mga ganoong club, sigurado siya doon.
Iisa lang ang naisip niyang paraan. May manliligaw siyang may kotse na matagal na siyang niyayaya na lumabas. At nagkataon pa na ang lalaking 'yun ay matagal nang crush ni Cristy na hindi lang ito napapansin.
"Dino will be going with us too."
"Really? Dino?"
"Yup."
"Okay, then. Let him pick me up in my house at eight o'clock." Wala ng pagdadalawang-isip na napapayag niya si Cristy. Ang kaso, tatlo silang pupunta roon. Magmumukhang third wheel si Cristy dahil tiyak na magpapapansin sa kanya si Dino at ipipilit ang panliligaw nito. Baka naman magalit sa kanya si Cristy pagkatapos.
Pero kailangan niyang sumugal. Paglalapitin na lang niya ang dalawa at itutuon niya ang sarili sa paghahanap kay Renzo. Isang mini neck tie halter dress ang sinuot niya na litaw ang balikat niya at hita dahil maiksi iyon. Sana lang ay mapansin siya ulit ni Renzo Albano kung sakaling naroon ito sa club.
Humalik pa siya sa larawan nitong nakadikit sa dingding niya. Pagkatapos niya kasing hingiin kay Jinky ang picture nito sa magazine ay nilagyan niya ng cover saka idinikit sa dingding na malapit lang sa higaan niya. Iyon ang magigisnan niya bago siya matulog sa gabi at sa pagmulat ng mata niya sa umaga.
"Magiging akin ka rin, Mr. Renzo Albano." Kinausap pa niya ang larawan bago siya lumabas ng silid dala ang pouch niya na puro makeup ang laman.