"Ano na naman ba ang gagawin natin, Tiyang? Saan na naman tayo pupunta?" tanong ni Einna sa kapatid ng ina nang may iabot an naman itong bagong damit sa kanya. Nagtanong siya pero alam naman niya kung ano ang ibig sabihin niyon.
Kasalukuyan siyang nagre-review dahil may exam sila bukas. Pero sa nakikita niya'y kailangan na naman niyang huminto sa pagbabasa dahil may lakad sila.
"Alam mo bang ibinahay na si Sheryl nung matandang nadagit niya sa club? Diyosko, ang swerte ng batang 'yun, napakayaman ng mapapangasawa. Paano ba naman kasi, magaling ding kumarinyo. Yun ang gayahin mo, hindi 'yang aral ka nang aral, siguradong wala ka namang mapapala."
"Gusto ko kasi ng marangal na trabaho, Tiyang. Isang taon na lang ako sa kolehiyo, malapit na akong makatapos."
"Ganyan din ang mindset ko noon. Kita mo nga graduate naman ako ng Business Management. O, ano ang trabahong napasukan ko? Tagatinda ng ukay-ukay d'yan sa kanto? Magkano ang sweldo? Two hundred pesos, tapos maghapon pa akong nakatayo para mag-entertain ng customer?"
Kung sa kanya naman ay sapat na 'yun. Kaya niya nang buhayin ang sarili niya sa dalawandaang piso araw-araw. Pero hindi nga naman siya lang ang binubuhay niya. Nasa probinsya ang kapatid niyang nag-aaral din sa high school na si Colleen. Wala namang trabaho ang Inay niya kung hindi ang pamamasukan bilang katulong na limang libo lang sa isang buwan. Gastusin lang sa pagkain at baon ng kapatid niya iyon, pati na rin bayad sa kuryente at gamot ng Inay niya sa alta presyon kapag nasosobrahan ng pagod.
Galing siya sa probinsya ng Bataan, kung saan simple lang naman sana ang buhay. Nakakakain naman sila tatlong beses sa isang araw dahil may trabaho pang napapasukan ang Inay niya para matustusan ang pang-araw-araw nilang gastusin.
Pero mataas ang ambisyon niyang iangat ang buhay mula sa kahirapan. Sa simpleng buhay na iyon ay hindi na siya makakapag-aral sa kolehiyo. Pangarap din ng kapatid niya na magtrabaho sa isang malaking kompanya bilang sekretarya pagdating ng araw. Sa simpleng buhay nilang iyon ay hanggang high school lang ang puwede nilang maabot.
Gusto niyang sumabay sa mga kaibigan at kaklase niyang ngayon ay nasa Maynila rin o sa malalaking unibersidad sa Bataan para makatapos at makakamit ng diploma na ipagmamalaki. Kaya kahit mahirap na mawalay sa Inay at kapatid niya ay sumugal siya sa Maynila. Kinuha siya ng tiyahin niya na nagtrabaho sa club minsan at ngayon ay kung sino-sinong mayayamang lalaki ang sinasamahan. Maalwan na ang buhay nito. Malayo sa buhay nila sa Bataan na isang kahig isang tuka lang.
Nagagawa pang mag-casino ng Tiya Ghing niya nga ngayon ay halos kwarenta anyos na. Nalulong na ito sa sugal. Nakapag-ipon ito kahit paano sa kakakabit sa kung sino-sino noon. Pero dahil wala na itong gaanong makuhang customer dahil sa edad, siya ang madalas na ipinakikilala ngayon.
Iyon ang hindi niya masikmura. Ilang beses na siyang inireto sa matandang mayaman na kung hindi hiwalay sa asawa ay biyudo na. Hindi naman daw niya kailangang ibugaw ang sarili. Alam ng tiyahin na ni hindi pa siya nagkaka-boyfriend. Maganda nga daw 'yun na ma-preserve niya ang virginity niya dahil mas mataas ang presyo niya kapag ganoon. Ang gusto nitong ipagawa sa kanya ay gumamit siya ng mayamang lalaki na huhuthutan at paaasahin na makukuha siya sa huli.
Ang goal ng Tiya Ghing niya ay may matandang mahuhumaling sa kanya na ibibigay lahat ng gusto niya. And eventually, iyong makapangasawa siya ng mayaman nang mamuhay sila nang marangya at hindi na kailangang magbanat ng buto. Taliwas iyon sa gusto niya pero wala siyang magawa dahil ang tiyahin ang tumutustos sa pag-aaral niya ngayon. Sa isang hindi kamurahang eskwelahan siya nito pinag-enroll. Wala raw kasi siyang makikilalang mayaman kapag sa mumurahing university siya nag-aral.
Kumuha siya ng kursong Business Management katulad ng sa Tiya Ghing niya. Sa tatlong taong paninirahan niya sa Maynila ay hindi naman siya nito pinagtrabaho. Siya lang ang nag-aasikaso sa apartment nito na may tatlong silid na maya't maya naman ay may bisita kaya lagi din siyang pagod. Hindi naman siya nagrereklamo. Pagkatapos naman ng lahat ng gawaing bahay ay wala na siyang ginawa kung hindi magbasa at asikasuhin ang pag-aaral niya.
Pero nang tumuntong na siya ng bente anyos ay nagsimula na ang tiyahin niya na isama siya sa mga lakad nito sa club. Hinog na daw siya. Doon na siya natutong uminom ng alak bagama't hindi naman siya nagpapakalasing. Natuto na rin siyang pakibagayan ang mga sosyal na kolehiyala sa Zenclub. Natuto na siyang magpanggap na isa rin siyang mayaman, dahil nanliliit siya kapag iniisip ng mga kaibigan niya na naroon lang siya para ibugaw ang sarili sa mayayamang magbibigay sa kanya ng karangyaan.
In short, she became a social climber. Mayayaman ang mga kaibigan niyang madalas mag-clubbing sa Zenclub. Pero kung ang hanap ng mga ito ay batang mayaman para maging boyfriend, siya ay matandang mayaman ang dapat niyang makilala dahil ang kailangan niya ay iyong pakakasalan siya at bubuhayin ang pamilya niya.
Wala daw binatang mayaman ang magpapakasal kaagad kahit pa gaano siya kaganda, ayon iyon sa tiyahin niya. Karamihan daw ay nakikipaglaro lang dahil wala pang balak mag-seryoso ang mga ito. Kapag nakuha na ang p********e niya ay lilipat naman ito sa ibang babae. Napatunayan niya na 'yun dahil si Lorilie na isa sa mga kaibigan niya'y naka-tatlong one-night stand na yata, pero wala pa ring sumeseryoso kahit isang lalaki para maging girlfriend man lang ito.
"Bakit hindi ka pa magbihis? Aba'y mauunahan ka na naman ng ibang babae kapag babagal-bagal ka. Kasal iyon ni Mr. Nakamura sa isang pinay na OFW dati. Nakita mo ba 'yung Nancy na 'yun? Di hamak na maganda ka dun."
"Kailangan ba talaga, tiyang? Isang taon na lang ga-graduate na 'ko. Kapag nakahanap ako ng magandang trabaho---"
"Magandang trabaho? Wala kang mahahanap na magandang trabaho dito sa Maynila kung wala kang kapit sa mayayamang negosyante. Tingnan mo nga 'yang kapitbahay natin, graduate kuno ng accountancy pero nauwi lang na cashier sa isang mall. Kailangan mo ng kapit, Einna, kaya nga kita isinasama kapag may mga lakad akong tulad ngayon. Doon ka makakahanap ng magpapaganda ng buhay niyong tatlo ng Inay mo."
"Pero wala pa naman akong balak mag-asawa, tiyang..." katwiran pa rin niya.
"Hindi ko sinabing mag-asawa ka na. Pero sa Albano Hotel mo makikita ang pinakamayamang mga negosyante dito sa Pilipinas. Mapansin ka lang ng isa napakaswerte mo na, Einna. Puwede ka nang magpaligaw sa edad mong 'yan. Kailangan may maakit ka nang biyudo o hiwalay sa asawa ngayong gabi. Ha, Einna?"
"Oho..." mahina niyang sagot.
"Kapag mayaman ang napangasawa mo, kahit pa pagka-graduate mo mag-aral ka ulit ng ibang kurso. Magsawa ka kakaaral pero hindi ka maghihirap. Magbihis ka na dahil parating na ang taxi na nai-book ko. Bago 'yang damit mo nang maiba naman. Hindi pwedeng makita nila na paulit-ulit ang suot mo."
Napilitan siyang sumama kahit hindi niya gusto ang okasyon na dadaluhan nila. Wala siyang kakilala doon, tiyak na mababato siya kahihintay na lumalim ang gabi. Hindi niya alam kung anong oras matatapos ang kasal. Pero siguradong madaling-araw na sila makakauwi. May exam pa naman siya bukas.
Napilitan siyang tumayo at isuot ang damit. In fairness, lahat ng damit na ipinapasuot ng tiyahin niya ay magaganda. Pero walang pricetag ang mga 'yun at hindi niya alam kung saan nito kinukuha. Isang gabi lang naman niya susuutin. Karamihan ng mga 'yun ay hindi niya na nakikita pagkatapos.
"Ang ganda mo talaga, Einna! Kaya huwag na huwag mong sasayangin ang sarili mo sa lalaking mahirap na pagtatrabahuhin ka lang hanggang sa pagtanda niyo. Aba'y malolosyang ka, tapos papalitan ka ng mas bata at mas sexy sa 'yo. Gamitin mo na lang 'yang ganda mo sa mayaman, nang hanggang sa pagtanda mo maganda ka pa rin."
Lahat ng pangaral ng tiyahin niya ay base sa naranasan nito. Hindi ito nakapagtrabaho sa malaking kompanya, hindi ito sineryoso ng naging boyfriend nito noong kabataan, at iniwan din ito ng naging asawa sa mas bata at kaakit-akit.
Itinaas niya ang buhok at nagsuot ng mahabang hikaw. May mahabang slit ang evening gown niya dahilan para lumantad ang makinis niyang hita. Siguradong mag-uunahan na naman ang mga kalalakihan na makipagkilala sa kanya mamaya. Pero dahil kasama niya ang tiyahin ay hindi makaka-porma ang mga ito.
Matandang mayaman lang ang gusto ng tiyahin na i-entertain niya. Madalas ay napapangiwi siya sa alok ng mga ito. She cannot even imagine being kissed by an old man, more so having s*x with any of them. Makatapos lang talaga siya ng pag-aaral ay aalis siya sa poder ng tiyahin niya.
Isang magarbong kasalan nga ang dinaluhan nila kung saan naroon ang mga sosyalerang kaibigan din ng tiyahin niya. Ngayon lang din siya nakapasok sa Albano Hotel na palagi niyang tinatanaw dahil sa ganda ng istraktura sa labas pa lang. Naka-amerikana ang lahat ng kalalakihan doon kahit pa bata. Kaya pala siya binigyan ng evening gown dahil hindi babagay ang slacks st polo shirt niya sa loob ng Albano Hotel. Magmumukha siyang isa sa mga waitresses.
Katulad ng inaasahan, maraming lumilingon kapag dumadaan siya. Na-train na siyang ipagsawalang-bahala ang mga 'yun dahil hindi ang mga batang binata ang target niyang lalaki. Ang kailangan daw niya ay iyong seseryoso na sa kanya at siguradong hindi na maghahanap ng iba.
Pero pumukaw sa atensyon niya ang lalaking bukod-tanging naka-walking shorts lang at polo-shirt noong gabing iyon. Palihim pa siyang sumulyap pero kaagad ding binawi ang tingin dahil baka mahuli siya.
"Let's meet at Zenclub in an hour, Vina. Nasa Albano Hotel pa 'ko ngayon dahil ikinasal ang kaibigan ni Dad. Maya-maya pa 'ko puwedeng umalis."
Natuwa siya nang malaman na mananatili ito sa wedding reception kahit sa loob lang ng isang oras. Maiibsan kahit paano ang pagkabagot niya sa buong gabi. Kumuha siya kaagad ng white wine sa tray ng umiikot na waiter. Kailangan niya ng pampakalma. Parang gusto niyang gamitin ang alindog niya sa unang pagkakataon. Bahala na kung magalit sa kanya ang Tiya Ghing niya.