CHAPTER 14 - Kalsada sa Panaginip

1300 Words
Kalsada sa panaginip HINDI napigilan ng mga nakasaksing sabayan ang kanyang pananangis. Pakiramdam ng mga ito'y pinipiga rin ang mga puso sa tindi ng awa para sa kanya, para sa isang inang nawalan ng pinamamahal na anak. Matatalim ang tingin ng mga ito sa mga taong umapi sa kanila. Kung nakamamatay lang ang masasamang tingin ng mga ito, marahil ay nakabulagta na sa bakuran ng Tiya Imang niya ang pamilyang kinasusuklaman niya. Mayamaya pa'y may nagpukol ng bato. Hindi niya alam kung saan galing, kung sino ang naglakas loob. Sapul ang noo ng batang senyor, ang walang kuwentang ama ng kaniyang anak, ang lalaking walang karapatang maging ama. Nagkagulo ang mga naglalamay. Ang nais ay iganti ang kaapihan ng kagaya nilang mahirap! Ang bawat isa'y dumampot ng maipupukol, ng anumang bagay na makasusugat sa mga taong ang akala sa mga sarili'y tanging pinagpala ng Diyos. "Huminahon tayong lahat!"Sigaw ng pastor na pumagitna. "Pakiusap, huwag nating ilagay sa ating mga kamay ang batas. Anumang kasalanan ay may kalakip na kaparusahan. Hayaan nating Siya ang magtakda. Hindi Siya natutulog. Nakikita niya ang lahat. Siya na nga ang may sabi, sa Kanya ang paghihiganti." Nakinig ang mga tao sa pastor. Tila iisang tao, ang mga hawak ay binitiwan, at hinayaang makaalis ang nahihintakutang pamilya ng doktora. Ang mga taong nakaharang sa daraanan ng mga ito ay nahawi. Nagmamadaling binuhay ng senyor ang makina ng sasakyan, at matuling pinatakbo palayo sa lugar nila. Nang makita ng mga kapitbahay na nakalayo na ang sasakyan ay nahimasmasan na ang mga ito nang tuluyan. Nagsibalik na sa kani-kanilang pwesto, at walang ingay na nag-usap-usap. Libing ng anak niya. Napakaraming kapitbahay na nakipaglibing. Hanggang sa huling sandali ay nais siyang damayan. Pigil ang pag-iyak niya habang nakakuyom ang mga palad. "Telay, anak. Mas makabubuti kung iiyak ka upang gumaan ang dibdib mo. Baka kung mapaano ka sa ginagawa mo. Higit na mahihirapan sa pagtawid sa kabilang buhay ang apo ko. Magpakatatag ka, nandito akong lagi sa tabi mo. Hindi kita pababayaan." Tumango siya at hinayaang tumulo ang luha. Pagkatapos ng libing ay kinausap niya si Tiya Imang. Ipinaalam niya ang plano. Nais niyang lumayo. Hindi naman ito tumutol. Nais man nitong pigilan siya ay 'di na ginawa. "Kung ang paglayo mo sa lugar na ito ang tanging paraan upang makalimot ka sa mapait na karanasan ay sumige ka. Mag-iingat kang parati. Makakaya mo 'yang lampasan. Kung sakaling maisipan mong bumalik, bukas ang pinto ng bahay natin. Pagpalain ka nawa ng Diyos, Telay anak." Kapwa sila lumuluha nang magyakap. Taos puso siyang nagpasalamat sa aleng hanggang sa huli'y walang ibang hangad kung hindi ang siya'y mapabuti. "Aling Telay!" Naigtad siya nang marinig ang pagtawag na iyon sa kanyang pangalan. Mabilis niyang pinahid ang luha. "Hihiramin ko po sana 'yung kayuran n'yo ng niyog." Nakangiti niyang iniabot sa kapitbahay ang hinihiram nito, at saka muling pumasok sa looa ng bahay. Nanood na siya ng TV upang libangin ang sarili. GABI na nang makauwi ang mga nag-picnic. "Inang, nandito na kami!" Boses ni Bebang. Mabilis niyang sinalubong ang anak. Nagbigay galang si Gener pagkakita sa kanya. Matapos maipasok ang mga gamit ay magalang na itong nagpaalam. Gusto nitong makapagpahinga agad ang dalaga kaya 'di na nagtagal. Isa pa ay maghapon nang magkasama kaya masayang masaya na ito. Maraming kwento si Bebang. Nasisiyahan naman si Aling Telay habang nakikinig. Sigurado siyang nag enjoy ang anak sa pinasyalan, kasama ng mga kaibigan. "Inang, pwede ba akong tumabi sa'yo ngayon?" Paglalambing nito. "Kay laki-laki mo na tatabi ka pa sa akin." "Sige na Inang, na miss kasi kita e," anito sabay yakap sa braso niya. Natawa siya sa sinabi nito. "Para maghapon mo lang akong 'di nakita na miss mo na ako. Paano kapag nag-asawa ka na?" "Ah... ah... ah, kapag walang Telay, walang Bebang. Di nila matitikman ang aking alindog," maarte nitong sabi. Nag-pose pa ito na nakatinghas ang labi at nguso. Lalo silang nagkatawanan. Gaya ng gusto nito magkatabi na nga silang natulog. Kinbukasan, kanina pa nakatayo si Bebang sa harap ng salamin. Haharap sa kanan, sa kaliwa, tatalikod, at iikot. Naghahanap ito ng magandang anggulo para sa sarili. 'Di nakatiis si Aling Telay sa nakikitang ginagawa ng anak kaya nagtanong. "Ano naman ang role mo ngayon sa pelikula diyan sa utak mo, ha? Aba eh nahihilo na ako sa kagagalaw mo." "Alam mo Inang, kapag pala ang babae naliligawan na, gumaganda. Tignan mo ako, Inang. Gumanda ako 'di ba?" nagpapa-cute na tanong ni Bebang. Kunyari'y nasamid siya sa narinig." Saang banda?" Pumadyak si Bebang. "Ang Inang naman, basag trip." Nagtawa siya sa inarte ng anak. "Ikaw ang pinaka magandang anak sa buong...universe!" Natatawa niyang tinignan ang anak na nakaharap pa rin sa salamin at pinagmamasdang maigi ang sarili. "Inang, kamukha ko ba ang Amang?" Natigilan siya tanong na iyon. Matagal na panahong 'di na ito bumabanggit ng tungkol sa ama. Kaya inakala niyang nawala na sa isip nito. Dahil hindi inaasahan ang tanong na iyon, 'di agad siya nakasagot. Si Bebang, kahit nakatalikod sa ina ay nakikita pa rin niya sa salamin ang naging reaksyon nito. Nagbakasakali lang siya kung magkukuwento na ito tungkol sa kanyang Amang. Kahit masaya siya sa piling ng ina ay gusto n'ya rin sanang makilala ang kanyang ama. Paano kung mag-aasawa na siya? Sino ang maghahatid sa kanya sa harap ng altar? At kung magkakapamilya na siya, hindi na sila magkakakasama gaya nang dalaga pa siya. Gusto niya sanang may makakasama pa rin ito, hindi mag-iisa, at iyon ay walang iba kung hindi ang Amang niya. Kung may nagawa man itong kasalanan noon ay mapatawad na sana ngayn ng Inang niya. Gagawa siya ng paraan para magkabalikan ang mga ito. Pupuntahan niya ang Amang niya at tutulungang manuyo, manligaw uli sa Inang niya. Gaya sa mga teleseryeng napapanood niya. Humarap siya sa ina at lumapit sa kinauupuan nito. "Inang, malaki na ako. Maiintindihan ko na kung ano ang nangyari noon," pangungumbinsi niya. "Pero kung 'di ka pa ready sabihin sa akin, ok lang. Maghihintay na lang ako ng tamang panahon." Ngumiti siya upang 'di na ito mag-alala. Upang magbalik ang siglang biglang nawala nang banggitin niya ang Amang. Matapos ayusin ang sarili ay nagpaalam na siya upang mamili. Naiwang tulala si Aling Telay. Matapos ang pagbanggit ni Bebang tungkol sa 'di nakilalang ama ay hindi na siya napakali. Hindi niya ito binibigo sa mga hinihiling. Pero 'wag ang usapang gano'n. Hindi pa siya handa. Hindi pa niya kaya, at malamang, magdaan man ang napakaraming taon ay hindi niya makakaya. Ang tamang panahong sinasabi nito ay hindi darating. Maghihintay lang ito sa wala. Gabi. Bisita ni Bebang si Romano. Nagtapat na ito ng pag-ibig. Kahit alam na ng dalaga na sasabihin iyon ng binata ay nabigla pa rin siya. Hindi siya nakapagsalita. "Maghihintay ako, Beverly. Hanggang dumating ang araw nang pag-uwi mo sa atin." Naguluhan siya sa sinabi nito. Gano'n pa man ay 'di siya nagpahalata. May mga salita ito na hindi niya maintindihan kung para kanino. Kung siya ba ang kinakausap nito. Hindi nagtagal at nagpaalam na ito sa kanya, at sa kanyang Inang. "Parang nadaanan ko na ang kalsadang ito. Ang daming mga kumikinang na bato, ang gaganda! Ano'ng lugar kaya ito? May liwanag sa banda roon! Bibilisan ko ang paglalakad. Huh! Bakit gano'n? Parang ang layo-layo? Kanina pa ako naglalakad. Saan kaya ang sa amin? Bakit wala man lang kahit isang bahay dito? Kailangan ko nang makauwi. Natatakot ako dito. Inang... Inang!" Nagising si Bebang. Pakiramdam niya ay pagod na pagod siya. Naubos na niya ang tubig sa basong hawak ngunit pakiramdam niya ay uhaw na uhaw pa rin siya. Tatayo sana siya para kumuha pa ng inumin nang bigla siyang bumagsak sa sahig. Takang-taka siya. Bakit wala siyang lakas? Hinang-hina ang pakiramdam niya. "Ano ang nangyayari sa akin?" Kinakabahan niyang tanong sa sarili.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD