Pinagmulan
HINDI niya sigurado ang kanyang mga hakbang. Basta ang alam niya ay kailangan niyang makalayo sa lugar na pinanggalingan. Sa lugar na nag-iwan ng napakalaking sugat sa kanyang puso, at pagkatao. At sa mga taong naging dahilan nang pagkawasak ng kanyang mga pangarap. Hindi niya mapapatawad ang ama at mga magulang ng walang kwentang lalaking ama ng kanyang anak!
Sumakay siya sa bus. Hindi na importante kung saan papunta ang sinakyan. Ang mahalaga sa kanya ay papunta ito sa malayo, malayong-malayo.
Dala niya ang sobreng iniabot ni Attorney nang makalabas siya ng kulungan. Bago siya umalis ay binalik sa kanya ng kanyang Tiya Imang ang sobreng ibinigay niya rito. Ipinagbalot pa siya ng makakain sa biyahe. Naiyak siya nang maalala ang napakabait na ale. Ang nag-iisang tao na nagmalasakit at nagmahal sa kanya, at sa namatay niyang anak.
Tunog ng pumapalyang makina ang narinig niya. Kasunod niyon ang dahan-dahang paghinto ng bus na sinasakyan niya. Bumaba ang kundoktor. Mayamaya pa ay bumaba na rin ang driver matapos nang mahinang pag-uusap sa pagitan nito at ng kasamang kundoktor.
Nagkaingay na ang mga pasahero at ang ilan ay nagbabaan pa upang makitingin kung ano ang nangyari at huminto sila.
"Nasiraan po tayo. Pero wala po kayong dapat alalahanin dahil naitawag ko na po sa opisina ang nangyari. Nagpadala na po sila ng mekaniko. Hihintayin na lang po natin. Pasensya na po sa abala." Paliwanag ng driver.
Umugong ang malakas na boses ng mga nagagalit at nagrereklamong pasahero.
"Pasensya na po kayong lahat. Hindi ko naman po pwedeng ipagpatuloy ang pagbyahe natin at baka tayo maaksidente. Mas mahirap po kung may mangyari pa na maglalagay sa atin sa peligro." Hinging paumanhin uli ng driver.
Humina na ang boses ng mga pasahero. Hanggang sa nawala na. Tahimik lang siyang nakaupo habang nakatanaw sa labas ng bintana. Walang kaso sa kanya kung matagalan pa ang pagdating ng mekanikong sinabi ng driver. Ang importante'y nakalayo na sila. Mayamaya ay bumaba na siya sa bus. Dala ang isang maliit na bag ay naglakad siya at saka tumawid.
"Matatagalan pa bago maayos ang makina ng bus. Magpapahangin muna ako dito sa lilim ng punong ito."
Naupo siya sa damo. Natatanaw niya ang bus dahil katapat lang ng kinaroroonan niya. Marami sa mga pasahero ay nagsibaba rin. Gaya niya ay lumilim din ang mga ito sa mga puno. Ang iba ay naghanap ng medyo tagong lugar.
Inilabas niya ang nakabalot na pagkain mula sa bag. Nagsisimula na siya sa pagkain nang may marinig na kumakaluskos sa bandang likuran.
Inihinto niya ang pagsubo at saka nakiramdam. Pumihit siya at tinutukan ng tingin ang matataas na damong bahagyang gumagalaw. Mayamaya pa'y huminto na. Papihit na siya paharap sa kalsada nang may gumalaw uli! Napatayo na siya, at inihanda ang sarili. Inihakbang niya ang paa paatras. Luminga pa siya sa paligid kung may mahihingan ng tulong kung sakali. Handa na siya para tumakbo nang... marinig ang pag-uha sa bandang iyon ng mga damo.
"I-Iyak ng isang sanggol!"
Luminga pa uli siya sa mga kapwa pasahero. Gano'n pa rin ang mga ito. Walang ibang reaksiyong gaya ng sa kanya.
Dahan-dahan ang ginawa niyang paglapit, papasok samalalagong damo at halaman. Malakas ang kabog ng kanyang dibdib, sa magkahalong emosyon. Kaba, at pananabik.
Palapit na siya nang palapit. May umiyak na naman at gumalaw uli ang damo. Nasa tapat na niya ang gumagalaw na halaman. Hinawi niya iyon, dahan-dahan.
Napanganga siya sa nakita. Isang sanggol na nakahubad at tanging malalapad na dahon lang ang takip sa katawan at hinihigan!
Nilapitan niya ito. Huminto ito ng pag iyak nang makita siya, at parang may isip na ngumiti sa kanya. Agad siyang kumuha ng damit mula sa bag at ipinambalot sa sanggol. Kinarga ito, ikinulong sa nanginginig niyang mga bisig.
Muli siyang naupo sa ilalim ng puno. Itinapat niya ang dibdib sa bibig ng sanggol. Naiyak siya sa tuwa nang umpisahan nitong sipsipin ang kanyang gatas.
"Bibiyahe na po tayo!" sigaw ng kundoktor.
Muli siyang lumapit sa sasakyan. Sumabay sa mga kapwa pasaherong nagsasampahan habang buhat-buhat ang natagpuan sa halamanan. Walang sinuman sa mga pasaherong kasama ang nakapansin sa karga niya.
"Mula ngayon ay ako na ang nanay mo. Hindi kita pababayaan. Aalagaan kita at mamahalin nang higit pa sa aking sarili. Salamat at dumating ka sa buhay ko. Salamat at binigyan mo ako ng pagkakataong muling mangarap, muling mabuhay. Salamat sa pagdating mo, anak." Umiiyak niya itong niyapos ang kanyang si Beverly.
Nang makarating ang bus sa terminal ay agad na nagbabaan ang mga pasahero kabilang siya. Pumasok siya sa isang karinderia na nasa gilid ng terminal. Matapos kumain ay nagtanong siya sa serbidora.
"Ano'ng oras po kaya ang susunod na byahe pa-Maynila?"
"Bukas po. Alas singko ng umaga." Nakangiti nitong sagot sa kanya.
"Gano'n po ba? May alam po ba kayo na maaari naming tuluyang mag-ina? Ngayong gabi lang po, bukas po ay pa-Maynila na kami." May pakikiusap niyang sabi.
"Gano'n po ba? Kung mapagpapasensyahan n'yo po ang maliit kong kuwarto ay pwede po sa akin. Dito lang po ako nakatira sa may likuran," sagot nito sa kanya habang pinaghehele niya ang tinawag na anak.
"Naku, opo. Salamat po. Ako nga po pala si Telay at siya... sabay tingin sa kargang sanggol, naman po ang anak kong si Beverly."
Alas kuwatro pa lang ng umaga ay nakahanda na siya para sa mahabang pagbiyahe. Bumili na siya kagabi pa lang ng mga gamit ni Beverly. Inaabutan niya ng dalawang daan ang pinakituluyan, subalit hindi nito tinanggap. Gaya ng Tiya Iman niya ay binigyan pa siya nito ng isang maliit na bag. Pagkain daw ang laman no'n.
Nagpasalamat siya sa mabait na ale, at nang i-announce na ang byahe pa-Maynila ay agad na siyang sumakay sa loob ng bus.
"Sa Maynila tayo mag-uumpisa anak. Doon tayo makikipagsapalaran!" Determinado niyang sabi sa buhat na sanggol.
Buo na ang desisyon niya. Muli niyang tinignan at kinabisado ang address na nakasulat sa papel. "Pupunta tayo kay Beth!"
Naputol ang pagdaloy ng kanyang nakaraan nang makitang tumutulo ang luha sa gilid ng mata ng kanyang anak.
"Bebang, anak?" Pagtawag niya.
ENGKANTASYA. Dahil sa nalamang pinagdaanan ng kanyang Inang bago pa siya nakita sa damuhan ay umiyak nang umiyak si Bebang. Kahit nalaman niyang napulot lang nito ay 'di niya pinagdudahan kahit minsan ang pagmamahal na ipinadama ng kinagisnang ina. Sa naisip ay lalo siyang naiyak.
Ipinagpatuloy pa ni Felusa ang pagku-kwento.
"Matalik kong kaibigan si Helena, ang iyong tunay na ina."
"Helena pala ang pangalan ng isa ko pang nanay," bulong niya. Pinahid niya ang luha sa mga mata at tahimik na nakinig. Gusto niyang malaman ang lahat ng tungkol sa kanya."
"Gaya sa mga tagalupa ang pang araw-araw na pamumuhay dito sa Engkastasya. May mga gawain at responsibilidad din ang mga tagarito. Likas na mapanaliksik ang iyong ina. Kahit binalaan na kami ay ginagawa pa rin niya ang pamamasyal sa labas ng aming nasasakupan, at isinasama ako. Takot man ay sumasama pa rin ako sa kanya. Malakas ang loob niya kaya lumalakas na rin ang loob ko. Hanggang sa isang araw, may nakita kaming grupo ng mga kalalakihan. Buhat ng mga ito ang isa pang lalaking walang malay. Sinundan namin sila. Nakita namin nang ihulog ito sa bangin. Natakot ako. Inaya ko nang umuwi si Helena subalit tumanggi siya. Kailangan daw ng tulong no'ng lalaki. Lumapit kami sa bangin at nang makita namin ang hinahanap ay tinulungan namin. Dinala namin siya sa bunganga ng yungib at pinainom ng katas ng halaman. Pansamantala ay madudugtungan niyon ang kanyang hininga. Inihiga namin ang lalake sa bungad ng yungib upang kung may mapaparaan na mangangaso ay makikita agad ito at matutulungan. Pagkatapos ay umalis na kami at bumalik sa Engkastasya. Hindi ko alam na bumalik pala siya sa lalaki. Ipinasok niya ito sa loob ng yungib at nilunasan ang tinamong pinsala sa katawan."
Humigpit ang pagkakahawak ni Bebang sa kanyang damit. Nahuhulaan na niyang ang lalaking binabanggit ng kausap ay walang iba kung hindi ang kanyang ama.