Keyla
MAAGA pa lamang ay abalang-abala na ang lahat sa paghahanda, para sa gaganapin na pagdiriwang at salu-salo sa pagdating ng isa pang Montivar mamayang gabi.
Kaming dalawa ni Yhana ang naatasan ng aming mayordoma sa pagpapalit ng mga kurtina ngayon. ‘Pag natapos dito, ay mag a-assist naman kami mamaya sa mga tauhan na magdi-decorate o mag-aayos sa distrito kung saan gaganapin ang celebration, kasama pa ang isa naming kasamahan na si Katkat.
Nakamamanghang pagmasdan ang bawat isa habang gumagawa nang sabay-sabay, kabilang kami ng kaibigan kong si Yhana. Mukhang nakikini-kinita ko na ang mga mangyayari mamaya. Sana talaga’y maging matagumpay ang selebrasyong aming pinaghahandaan nang husto.
Alam ko na hindi lamang isang simpleng salu-salo ang masasaksihan namin mamaya, kundi isang ekstrabagante na pagdiriwang. Base kasi sa ‘king napapansin na kaayusan, at paglalaan ng oras ng bawat isa rito, maging sa kasabikan ng mga tauhan at kapwa ko kasambahay, ay tila isang napakabuting tao ang parating sa mansyon na ito mamaya.
Sana nga’y mabait siya . . .
Napangiti ako matapos kong makabit ang ilang kurtina rito sa sala. Naglakad ako patungo sa lugar kung saan nakatayo si Katkat habang nagpupunas ng mga flower vase na nakapatong sa display rack na mukhang mahal pa sa mga buhay namin . . .
Natawa na lamang ako sa ‘king isip, dahil sa mga pumapasok sa ‘king diwa.
Nakayuko ako nang kunin ang kailangan ko. Malapit kasi sa p’westo ni Katkat ang kulay murang kayumanggi na kurtinang ikakabit ko sa pasilyo na ginawa ng mga na-hire ni Madam para mag-decorate at mag-disenyo rito.
Hindi ko alam o maintindihan kung bakit ganito ang motif na kanilang napili? Naging colorful kasi ang paligid, samantalang ang nabanggit sa amin ni Madam ay magla-labing-siyam na taong gulang na ang parating na kapatid nila Sir Gerald at Ma’am Leilyn.
Hindi kaya magalit ‘yon? Kung iisipin kasi, halos lahat ng kulay na makikita rito ay hindi aakalain na ang party na ito ay para sa mayroong sapat na gulang. Parang— pambata kasi. Kung sa bagay, sino ba naman ako para makialam pa. Siguro ay mahilig lang talaga iyon sa mga ganitong disenyo? Well, hindi ko siya masisisi dahil mayaman ito at sunod sa layaw.
“Keyla, huy!”
Napabalik ako sa kasalukuyan, nang marinig ang pagtawag sa akin ni Yhana.
Tumingin ako sa kanya, saka tumango rito nang magtama ang aming mga mata. Agad-agad ay naglakad ako patungo rito.
“Bakit ba natutulala ka na naman d’yan?” bulong nito nang makalapit ako sa kanya.
Sandali ko itong pinasadahan nang tingin, pagkaraa’y binawi rin agad.
“Wala,” tipid kong sagot.
“Wih? Hindi nga? Saan na naman nagala ‘yang isip mo?” muli niyang wika.
Napabuntong-hininga ako dahil sa kulit ng kaibigan ko.
“Natutuwa lang ako, dahil— ngayon lang ako nakakita ng ganitong klaseng mga disenyo at lugar.” Mabuti na lang magaling ako mag-isip ng idadahilan. “Pakiramdam ko kasi ay bumalik ako sa pagkabata,” dagdag ko pa.
“True ka riyan,” mabilis nitong tugon sa sinabi ko. “Alam mo, no’ng bata ako ‘di ko ito naranasan. Kasi kaming magkakapatid, sa tuwing sasapit ang mga kaarawan namin— tamang bili lang kami ng tinapay sa bakery! ‘Yung pandecoco? Saka dalawang RC na softdrinks. Iyon lang sapat na, minsan nga wala pa, eh!” pahayag niya sa akin.
Natigilan ako bigla saka tumingin sa kanya. Sa uri kasi ng pagkukwento nito, ay talagang mararamdaman ang lungkot na nakatago mula sa kanyang dibdib, kahit na mukha siyang masaya.
“Nga pala, alam mo na ba ‘yung news?” muli niyang wika.
Bahagyang nagsalubong ang mga kilay ko dahil sa sinabi nito.
“Anong news?” tanong ko.
“Ano ba ‘yan. Hindi ka ba nagsasawa babae ka na lagi ka na lang huli sa balita?” usal nito sa akin.
Napabuga ako nang hangin.
“Sabihin mo na,” salita ko.
Nakangiti siyang umirap sa hangin bago ako sagutin.
“Bukod daw kay senyorita Nervi— ‘yung kapatid nila Sir Gerald, ay mayroon din daw special na mga bisitang darating mamaya. Ewan ko, pero inimbita raw ni Ma’am Leilyn at Sir? ‘Yung isa raw ay matalik na kaibigan ni Ma’am, at ‘yung isa naman ay bago lang daw kasosyo ng mga Montivar sa negosyo.”
Napaisip ako sa mga sinabi nito.
“Sigurado ka ba? Saan mo naman narinig ‘yan?” pagkukumpirma ko. Minsan kasi, basta sagap na lang ito ng tsismis. Hindi na inaalam kung totoo ba o hindi.
“Saan pa, edi kay Madam. Huwag ka maingay, huh?” Inilapit pa nito ang kanyang mukha para bumulong sa akin. Eh, samantalang siya naman ang maingay at madaldal.
“Nakita at narinig ko kasi kanina si Madam na may kausap sa cellphone—”
“Tsismosa ka talaga,” putol ko sa sinasabi niya.
“Tsismosa agad?” singhal niya sa ‘kin. “Aksidente lang naman ‘yun, Te! Saka ‘di ko naman na sana papansinin, kaso narinig ko na parang— si Sir yata ‘yung kausap?” mahina itong tumili. “Pinakinggan ko na. Alam mo naman,” dagdag niya pa.
Napailing ako rito. “Iba ka talaga,” aniko.
Malaki kasi ang gusto nito kay Sir Gerald. Simula nang maging close kami ito na agad ang una niyang ibinahagi sa akin.
Natigilan ako nang tumingin siya sa ‘kin nang diretso.
“Alam mo, Key. Maiintindihan mo ‘ko kapag binuksan mo ‘yang mga mata mo pati na rin ‘yang puso mo! Ewan ko na lang kung hindi ka rin maging marites kapag tinamaan ka ng pana ni kupido!”
Sasagutin ko sana siya dahil natatawa ako sa mga sinasabi nito, pero hindi na iyon natuloy nang bigla kong marinig na nagsalita si Katkat.
“Daldalan pa more!” wika niya, na ikinasimangot ng kaibigan kong si Yhana.
Si Katkat— hindi ko alam kung gaano na ito katagal dito sa mansyon nagtatrabaho. Narito na kasi siya nang pumasok ako rito bilang isang katulong. No’ng una, akala ko ay madali lang itong pakisamahan at makasundo. Pero nagkamali ako nang isang beses ko siyang lapitan at kausapin. Imbes kasi na sagutin ako nito at lapitan, ay inirapan niya ako. Doon ko napatunayan na maldita ito.
Umiwas ako sa kanya, lalo nang magmula na kay Yhana ang babala na ‘wag ako magtitiwala sa babaeng ito, wala raw kasi siyang alam gawin na kabutihan para sa kanyang kapwa. Bukod doon, ay sinabi rin nito na hindi maganda ang ugali ni Katkat, tila gusto raw nito lagi ng kaaway. Hindi mapakali kapag walang nasusungitan, para bang hindi kumpleto ang araw niya kapag walang nakakagalit sa isang araw. Which is, totoo.
Mabuti na lang talaga, ay hindi nalalaman ni Madam ang tungkol doon.
“Inggitera,” rinig kong bulong ni Yhana, habang nagpapatuloy sa kanyang ginagawa.
“Huwag mo na lang patulan,” sabi ko rito.
“Ano pa nga ba?” tugon niya.
“Mga bubuyog! Bagay na bagay talagang magsama!” litanya ni Katkat bago umalis sa dako kung saan kami nakatayo.
Natawa na lang si Yhana, habang ako ay napa-iling na lamang habang sinusundan ito nang tingin palayo sa amin.
PASADO alas-onse ng umaga, nang impormahan kami ni Madam na pansamantala munang tumigil sa ‘ming mga ginagawa. Since wala naman ang mga amo namin dahil nasa condo nila ang mga ‘to, ay pinakain na muna kami ni Madam. Tapos na rin kasi ang karamihan sa kani-kanilang gawain.
Hinati-hati kami ni nito. Kung saan nakatoka ang mga tauhan at kasambahay rito, ay doon na rin kakain upang hindi mawalan ng tao sa lugar kung saan kami nagtatrabaho.
Tahimik akong sumandok ng pagkain na nakahain sa mesa rito sa kusina. Hindi ako halos mapakali mula sa inuupuan nito dahil sa mga taong kasabayan namin ni Yhana kumain. Maliban kay Katkat ay may isa pang tao na nais kong iwasan— si Madam. Ang aming mayordoma.
Ewan ko ba kung bakit at paano ako napasama sa mga ‘to . . .
Katulad ko ay nagulat din si Yhana nang malaman kong sasabay sa amin mananghalian si Madam. Anim lang kami rito, pero pakiramdam ko ay nasa bente kaming katao. Ang init kasi. Medyo hindi maganda sa pakiramdam.
Bukod sa amin ni Yhana, kasama rin namin si Katkat. Ang isa ay si Deyan, na hindi ko rin kasundo. Samantalang ang isa ay si Kuya Peri— ang driver ng lahat ng tauhan dito sa mansyon.
Nag-umpisa kaming kumain lahat. Tahimik. Walang nais na magsalita. Bukod doon, ay wala rin ibang maririnig maliban lamang sa kalansing ng mga kubyertos. Nakakahiya kahit ang mahinang pagtikhim.
Medyo binagalan ko ang pagsubo sa pagkaing nilagay ko sa aking plato, dahil nais ko ang maiwan sa kusina. Kahit ako na lang ang magligpit nang lahat ng ito, ay ayos lang sa akin.
“Mayroon ba sa inyong nakapagtapos dito ng high school?” basag ni Madam sa katahimikan.
Lumunok ako nang mapansing halos lahat ng ulo’y umangat upang tumingin kay Madam— liban sa isa, si Deyan.
Sandali akong nagbaba nang tingin sa aking plato, nang mapansin ko na halos lahat kami ay parang natigilan dahil sa tanong ni Madam.
“Ikaw, Deyan?” Napa-angat ako muli nang mukha matapos sabihin iyon ni Madam.
Special mention? Siguro, ay dahil napansin din ni Madam na ito lamang ang hindi nag-angat nang tingin sa kanya kanina.
Tumingin ako kay Deyan nang marinig ang kanyang mahinang pagtikhim.
“Uhm, a-ano po—”
“Huwag kang kabahan, ako lang ‘to,” sambit ni Madam kay Deyan. “Uulitin ko pa ba ang tanong ko?” dagdag niya pa.
Napatingin ako kay Katkat nang tumikhim ito. Ewan ko, pero hindi nakatakas sa ‘king paningin ang pagngisi nito.
“A-ako po, Madam,” sabi ni Katkat.
“Talaga?” tugon nito.
“Hindi po. I mean, nakaabot naman po ako ng second year,” imporma niya.
Nalipat ang tingin ko kay Kuya Peri nang bigla itong sumingit.
“Ako po ay elementarya laang, Madam,” seryoso nitong sambit.
“Ako rin po, Madam. Grade four lang po ako. Mahirap po kasi ang buhay sa probinsya namin. Bukod doon, ay malayo ang mga eskwelahan,” ani Yhana.
“Kaya pala . . .” dinig kong sabat ni Katkat.
Sandaling tumahimik ang paligid. Ayoko sanang sumagot pero napilitan ako nang mapansin ko ang pagtikwas ng isang kilay ni Madam sa akin.
“Uhm, ako po— ge-grade six lang po ang natapos ko, Madam. H-hindi na rin po kasi kinaya ng Tiyang at Tiyong ko na pag-aralin ako sa hayskul,” pahayag ko.
Nagbaba ako nang mukha nang tamaan ng mga mata ko ang nakangising si Katkat. Ano ba’ng problema nang halimaw na babaeng ‘to?
“Deyan,” mahinang sambit ni Madam dito.
Segundo ang lumipas bago ito sumagot.
“Ang totoo po, Madam. Graduate po ako ng high school. Nakapag-vocational din po ako, Madam. Pero natigil ‘yon dahil nagkasakit po ang Nanay ko. Kinailangan ko po gumawa ng paraan para sa kanila nang nag-iisa kong kapatid na babae rin.”
“Bakit dito ka pumasok?” Napalunok ako sa itinanong ni Madam kay Deyan.
“Nakita ko po kasi sa dyaryo na kailangan pa po ng kasambahay rito. Nalakihan po ako sa offer— I mean, sa sahod po. Isa pa, iniidolo ko po ang pamilyang Montivar, magagaling po kasi sila sa negosyo. Iyon po ang isa sa dahilan kung bakit hindi na po ako nagdalawang isip. Pero, sinubukan ko po na mag-apply sa iba, Madam,” dalawang beses itong umiling. “Pero wala po akong makita. Wala pong natanggap,” pagpapatuloy niya.
Sandaling tumahimik ang paligid.
“Okay,” tugon ni Madam dito.
Narinig ko ang pagbuntong-hininga niya bago muling magsalita, “Tatapatin ko kayo, kaya tinanong ko sa inyo ang background niyo sa edukasyon,” Diretso kaming tumingin sa kanya.
“Maliban sa inyong anim, ay wala na akong ideya o alam na dapat kong kausapin tungkol dito. Dahil hindi ko naman na maitatago sa inyo ang tunay na kalagayan ng bunsong kapatid ng ating mga amo kapag dumating siya rito.”
Bahagyang nangunot ang noo ko.
“Si Nervi— ang bunsong kapatid ng mga amo natin ay isang natatanging bata,” Sandali niya kaming pinasadahan nang tingin lahat. “Oo, hindi natin siya katulad.”
Huminga nang malalim si Madam bago ito muling nagpatuloy.
“Sa inyo ko ito sinabi upang hindi na kayo magulat. Kayo ang madalas na makikita ni Nervi rito sa loob ng mansyon. Kaya kahit si Katkat ang na-assign na mag-alaga rito, tayong lahat ang mananagot ano man ang mangyari sa kanya.”
Nagpatuloy kami sa pakikinig sa kanya, kahit hindi pa lahat tapos kumain.
“Kung tatanungin niyo ako, na kung bakit hindi na lamang ito ipasok sa isang lugar kung saan mas mababantayan at mas maaalagaan ito— hindi ko rin alam. Sa totoo lamang ay naisip ko na rin iyan. Pero hindi na ako nag-usisa pa, dahil ang alam ko lamang ay ayaw ng mga Montivar na kung sinu-sino ang hahawak o mag-aalaga kay Nervi. Kaya Katkat, do your part as her personal nanny.”
Muli akong napalunok, nang aksidente akong mapatingin kay Katkat. Hindi ko alam kung nagkakamali lang ako sa nakita ko, pero iba ang naramdaman ko sa naging reaksyon nito dahil sa sinabi ni Madam.
Alam ko na hindi madali ang magiging trabaho niya. Ako man ang lumagay sa gano’ng responsibilidad o sitwasyon, ay matatakot rin ako. Lalo, nang sabihin ni Madam na ayaw ng mga Montivar hawakan ito nang iba. Pero kung sa akin lang, ano man ang trabaho ay pipilitin kong kayanin. Huwag lamang makasira ng kanilang tiwala. Dahil ako man, ay ayokong sinisira ang tiwala ko.
LUMIPAS ang oras, ay tahimik kaming bumalik sa kanya-kanya naming mga trabaho. Hindi na kami nagpahinga matapos naming kumain. Seryoso naming tinapos ang mga inutos sa amin ni Yhana, upang mayroon pang matirang oras sa amin para makapagpahinga.
Natitiyak kong aabutin ng madaling araw ang party mamaya, kaya kailangan namin ng enerhiya. Kung sa bagay, hindi naman n’yon nauubusan ang kaibigan kong si Yhana, dahil daig pa nito ang isang bata kapag nakakain ng tsokolate.