3rd person’s POV
TAHIMIK na nagmasid ang mayordomang si Marites, habang hinihintay ang pagdating ng iba pang kasambahay sa hardin kung saan niya ititipon ang mga ito. Mayroon siyang mahalagang ipahahayag sa mga pinamamahalaan nitong mga kawani, o mga trabahador sa mansyon ng mga Montivar.
Yamang kay Marites ipinagkatiwala ang lahat, hangad nito ang kalidad na serbisyo para sa kanyang mga amo. Lalo na, ngayong paparating sa mansyon ang bunsong kapatid ni Gerald at Leilyn.
Mabilis na nalukot ang noo ni Marites, habang papalapit si Keyla sa gawi kung saan naroon ang ibang kasamahan nito sa trabaho. Ito na lang kasi ang pinaka huling dumating, bagay na ipinagtaka ng kaibigan nitong si Yhana.
"Bakit ngayon ka lang, Te?" bulong niya kay Keyla.
Napakagat lamang si Keyla sa kanyang ibabang labi. Hindi na nito inabala pa ang sarili, upang lingunin ang kanyang kaibigan. Bukod sa natatakot siya na mapansin ng kanilang mayordoma, ay alam din nito na uulanin siya ni Yhana ng iba't ibang mga katanungan na maaaring maging dahilan, upang humaba ang usapan.
"Magandang umaga sa inyong lahat,” seryosong bungad ni Marites sa lahat ng naroon.
“Magandang umaga po, Madam,” bati nang karamihan.
“Magandang umaga po,” sabi naman ng ilan.
Umirap sa hangin si Marites bago ito
muling magsalita.
“Narito tayong lahat, dahil mayroon akong mahalagang ipahahayag sa inyo," wika niya sa mga tauhan at kasambahay na nasa kanyang harapan.
"Alam niyo naman siguro lahat, na madalas wala ang mga amo natin dito sa mansyon, dahil abala ang mga 'to sa kani-kanilang pinamamahalaan na negosyo, at sa personal nilang mga buhay,” pagpapatuloy niya.
"Ang tiyahin nina Sir Gerald at Ma'am Leilyn ay magtatagal pa sa Canada. At alam ko na alam niyo rin ang tungkol doon, dahil mga simpleng tsismosa kayo,” Napatigil ito nang marinig ang tawanan ng ilan sa kasambahay.
“Mga guilty?” anito. “Makinig,” mariin niyang utos. “Wala nang ibang pamilya ang mga amo natin kundi si Madam Antoñeta," sandali siya muling tumigil sa pagsasalita. Iginala ang kanyang dalawang mata, saka muling ibinuka ang kanyang bibig.
"Ang tatlong magkakapatid ang ating pagsisilbihan dito— maayos na pagsisilbi," bigla itong napahinto sa pag-iimporma, nang kanyang mapansin na halos lahat ng nasa harapan nito ay nagtaka sa sinabi niya.
Well, hindi na nagulat pa si Marites, sapagkat ang alam ng mga tauhan dito, maging ng mga kasambahay nila sa mansyon— matagal man o bago, ay dalawa lamang ang magkapatid na Montivar— si Gerald at Leilyn.
"Makinig kayong mabuti, dahil hindi ko na uulitin ano man ang aking mga babanggitin sa oras na ito," muli siyang huminto sa pagsasalita. Tumayo ito nang maayos saka pormal na nagpatuloy.
“Alam kong lahat kayo ay nagulat. Pero tama kayo ng narinig. Tatlo silang magkakapatid. Dalawang babae, at isang lalaki. Ngunit!” natahimik ang lahat dahil sa pag-iiba ng tono nito.
“Mahigpit kong ipinagbibilin, na ‘wag na ‘wag niyong lalapitan
at kakausapin ang pinaka batang Montivar, nang walang pahintulot mula sa akin at sa ating mga amo rito sa mansyon.”
Muli niyang pinasadahan nang tingin ang paligid.
“Bukod doon, ay ayoko rin na makaririnig ako ng kahit na ano mang tsismis tungkol sa kanilang magkakapatid. Nagkakaintindihan ba tayong lahat dito?”
"Opo, Madam," sagot ng karamihan sa kanila. Habang ang iba naman ay tango lamang ang itinugon.
"Nais ko lang, lalong-lalo na ng mga amo natin dito— ang maayos, mahusay, at tapat na serbisyo," mariin ang pagkakasabi nito sa huli niyang binigkas.
"Alam ko na alam niyo iyon. Especially, sa mga bago rito. 'Wag na 'wag ninyong sisirain ang tiwala naming lahat, lalo na ng mga amo natin. Kauna-unahang patakaran 'yan dito, bawal gumawa ng eksena. Malinaw ba?"
"Yes po, Madam," tugon ng iba.
"Opo, Madam," sang-ayon naman ng iba.
"Alright," istriktong saad nito.
Nanatili lamang nakatingin kay Marites ang lahat, habang naghihintay ang mga 'to nang susunod na sasabihin mula sa kanilang mayordoma.
"Bukas na ng gabi ang dating dito ng kapatid nila Ma'am Leilyn at Sir Gerald— si Nervi,” Pumaypay ito.
“Pa-US. Oo, tama kayo nang dinig,” tumigil ito sandali, inayos ang kanyang salamin sa mata bago muling nagpatuloy sa pagsasalita.
“Siya si Nervi. Labing siyam na taong gulang," imporma pa nito.
Huminga nang malalim si Marites, nang makita ang pagtataka mula sa mga mata ng iilan sa tauhan ng mansyon.
Siguro nga’y wala talaga silang alam . . . wika niya sa kanyang sarili.
"Ikaw, Katkat," Tumuro ito sa gawi kung saan nakaupo ang may-ari ng pangalan na kanyang binanggit. "Ikaw ang aatasan ko na magbantay, mag-aalaga, at uunawa kay Nervi—"
"Po? P-parang personal nanny po ba, Madam?” may pagtataka ang tono nito sa kanyang pagtatanong.
"Yes. Ganoon na nga. Ikaw ang napili ko, dahil walang ibang binanggit sa akin si Ma'am Leilyn. Nais niya na sa 'yo ipagkatiwala ang bunso nilang kapatid ni Sir Gerald. Mayroon bang problema ro'n?" diretsahan nitong tanong.
Napakurap-kurap si Katkat bago sumagot sa kanya.
"Uhm, w-wala po, Madam. Isang malaking pribilehiyo po iyon sa akin.
"Mabuti kung ganoon,” sambit ni Marites. “Sa inyong lahat,” muli nitong pinasadahan nang tingin ang mga tauhan at kasambahay na nasa kanyang harapan.
“Inuulit ko, mahigpit kong inaatas, na huwag na huwag niyong lalapitan ang nakababatang kapatid ng ating mga amo. Maliban kay Katkat ay wala nang maaaring kumausap kay Nervi. Kahit ang lumapit, bumati, at humawak dito ay bawal.”
Natahimik ang lahat dahil lalong naging seryoso ang awra at tono ng kanilang mayordoma habang ibinibilin ang tungkol sa pagdating ni Nervi. Ngunit, pagdating sa tsismisan— mayroon talagang isa na hindi makatitiis!
Binati ni Yhana si Keyla dahil sa pag-aakala nito na may mapapala siya sa pagtatanong sa kaibigan.
Kagat labi siyang nilingon ni Keyla, matapos itong sikuhin ng kaibigan. At dahil tahimik ang paligid, ay mas pinili nitong hindi magsalita. Wala siyang itinugon, pinanlakihan lamang nito ng mga mata si Yhana, dahilan, nang mahina nitong paghagikgik.
“You!” mataas ang tinig ni Marites na tumuro kay Yhana.
Dahil sa gulat, ay agad na napalingon si Yhana sa gawi kung saan nanggaling ang boses na kanyang narinig.
“Mayroon bang nakakatawa sa mga sinasabi ko, ha?” tanong ni Marites sa kanya.
Napaawang ang mga labi ni Yhana kung kaya, hindi agad ito nakasagot.
“Ah— eh, w-wala po, Madam—”
“Makinig kang mabuti, hindi para tumawa ka riyan! Hindi tayo naglalaro rito, naiintindihan mo?” mariin nitong wika.
“O-opo, Madam,” sagot ni Yhana habang tumatango-tango.
Napakagat ito sa kanyang ibabang labi nang makaramdam ng kapighatian dahil sa mga nasabi ng kanilang mayordoma. Yuyuko sana ito, pero bago pa iyon mangyari ay aksidente siyang napatingin kay Katkat.
Bahagyang nangunot ang noo ni Yhana, nang mapansin niyang nakangisi ito sa kanya. Hindi niya nagugustuhan ang mga tingin at ang ekspresyon ng mukha ni Katkat laban sa kanya. Dahilan, kaya napairap ito sa hangin bago tuluyang yumuko para makinig sa pagpapatuloy ni Marites sa pagbibigay ng impormasyon ukol sa kanilang trabaho..
“Magsasagawa tayo ng pagtitipon, para sa pagdating ni senyorita Nervi—"
"Celebration po, Madam?" agaw ni Katkat sa atensyon ng kanilang mayordoma.
Napadiretso ito nang tingin doon. Ilang segundo ang lumipas bago ito muling nagsalita.
"Again, makinig," muli, ay mayroong diin ang tono nito.
Lalong naging seryoso ang awra ni Marites. Pagkatapos ay tumingin ito sa gawi kung nasaan sina Yhana at Keyla.
"Kayong dalawa," Tinuro niya ang mga ‘to. "Kayo ang aatasan ko sa pamimili ng ibang kakailanganin para sa selebrasyon sa pagdating ni senyorita Nervi. Ibibigay ko sa inyo ang listahan ng mga bibilhin, pagpasok sa loob."
Ngumiti si Yhana rito.
"O-okay po, Madam," sambit niya, habang si Keyla naman at tumango lamang kay Marites.
Huminga ito nang malalim bago muling nagsalita.
"Kung malinaw na ang lahat ng mga sinabi ko sa inyo, maari na kayong bumalik sa mga trabaho niyo," Tumikwas ang isa niyang kilay nang mapansin na mabilis umikot ang ilan sa mga tauhan upang maglakad paalis.
Ang bibilis talaga kausap ng mga lintek na ito . . . aniya sa kanyang sarili.
Inayos niya ang kanyang suot na damit. Hindi na nito pinansin pa ang mga tauhan, mai-stress lamang sita. Basta't hinintay na lamang ni Marites ang lahat na makaalis sa lugar kung saan sila nagtipon-tipon, bago siya pumasok sa mansyon.