MALUNGKOT na nagpakawala ng mabigat na buntong hininga si Manang Glenda. Ilang Linggo na ang nakalilipas, simula nang mailibing ang matandang Rhys, ngunit nanatili pa ring nakamukmok sa loob ng kuwarto ang binatang si Bradley. Halos hindi ito kumakain at wala itong ginawa kun'di ang uminom ng alak at magpakalasing. Madalas pa ngang nagwawala ito na talagang ikinababahala ng matanda. Hindi niya ito maawat-awat at pakiramdam niya, nawawala ang binata sa katinuan lalo na kapag lasing. Kung ano-anong lumalabas sa bibig nito. Panay mura nito at kitang-kita ng matanda ang galit sa mga mata nito. Ngunit mas namumuo roon ang matinding sakit. Naiintindihan naman niya ito, lalo na’t hindi lingid sa kanya kung gaano nito kamahal ang matandang Rhys na kasa-kasama nito hanggang sa paglaki nito.

