E2- Wrong Move

1613 Words
Maliban sa dalawang milyon na tinanggihan ni Sheena ay iniwan din ni Wisley ang isang envelope na naglalaman ng mga impormasyon tungkol kay Andrew Santillan kasama na kung ano ang mga negosyo nito at kung saan ito nakatira. Doon siya magsisimula sa plano niyang paghihiganti. Nasa gitna siya ng malalim na pag-iisip nang may kumatok sa pintuan ng kaniyang bahay. Kaagad siyang tumayo upang pagbuksan iyon. Bumungad sa kaniya ang kakilalang si Eman. "Akala ko ba ay may usapan tayo kagabi?" ani Eman. Napakamot sa batok si Sheena. "Pasensya ka na. May emergency ako kagabi kaya hindi ako sumipot," tugon niya. "Anong emergency?" "Wala ka na ro'n," masungit niyang tugon. "Basta!" Bumuntong-hininga siya. "Siya nga pala, hindi na ako sasama sa mga lakad ninyo." Napaawang ang mga labi ni Eman sa narinig. "Ano'ng ibig mong sabihin na hindi ka na sasama? Ano, nakahanap ka na ba ng mas magandang trabaho? Kung nakahanap ka na, baka naman pwede mo akong kunin diyan kahit sidekick mo lang," ani Eman. Napalingon si Sheena sa lamesa sa salas. Nasa ilalim no'n ang ataché case na iniwan ni Wisley. Saka niya ibinalik ang atensiyon kay Eman. "Wala," tugon niya sa tanong nito. "Gusto ko lang talagang tumigil na sa ginagawa natin. Kinakabahan na ako, eh. Pakiramdam ko, ano mang oras, matitiklo na ako ng mga pulis." "Aba! Unang beses ko yatang marinig sa iyo na kinakabahan ka. Ikaw pa naman ang pinakamalaking kumita sa grupo. Duda akong pakakawalan ka ni Boss." "Ako na ang bahala. Sisiguraduhin kong pakakawalan niya ako." "Bahala ka. Pero alam kong may itinatago ka, Sheena. Nagdadamot ka lang. Malalaman ko rin kung ano iyon." "Ano ka ba, Eman? Wala! Ang totoo niyan, nakokonsensiya na ako. Gabi-gabi ko pa ring napapanaginipan si Ate. Hindi ito ang buhay na gusto niya para sa akin. Gusto ko nang magbagong-buhay. Iyon lang. Wala akong bagong trabaho. Maniwala ka sa akin. Maghahanap pa lang ako. Sa pagkakataong ito, sisiguraduhin ko nang marangal ang papasukin ko." Napabuntong-hininga si Eman. Alam naman nitong kung ano ang sinabi ni Sheena ay iyon na. Wala nang ano man ang makapagpapabago ng isip nito. "Sige. Good luck na lang sa iyo. Sana nga hindi ka mahirapang magpaalam kay boss," anito. Iyon lamang at iniwan na nito si Sheena. Nakahinga nang maluwag si Sheena nang tuluyan nang makaalis si Eman. Mabuti na lang pala at kahit na tinanggihan niya ang inaalok na pera ni Wisley ay iniwan pa rin nito ang pera sa kaniya. Magagamit niya pala ito. Sa paghihiganting binabalak niya, kakailanganin niyang ilaan doon ang lahat ng kaniyang oras at taliwas sa sinabi niya kay Eman, mawawalan siya ng panahon sa paghahanap ng bagong trabaho. At ang pera ni Wisley ang makakatulong sa kaniya. Mula nang mamatay ang kaniyang ate, pumasok siya sa kung anu-anong bisyo hanggang sa pinasok niya ang pagbibenta ng ilegal na droga. Iyon ang bumuhay sa kaniya sa loob ng ilang taon. Magsisindi sana siya ng sigarilyo ngunit hindi na niya ginawa. Sa halip ay itinapon niya ang kaha. Simula sa araw na ito, iiwan na niya ang lahat ng kaniyang bisyo dahil kakailanganin niyang makapag-isip nang matino. Kinagabihan ay nagtungo siya sa hideout ng kanilang boss sa grupong kinabibilangan niya. Magpapaalam siya nang maayos dahil maayos naman siyang tinanggap nito noong nangangailangan siya. Malayo pa lang ay matalim na ang titig sa kaniya ni Rambo, ang kaniyang boss. Kahit na kinakabahan ay hindi siya nagpahalata. "Hindi," mariing wika ni Rambo hindi pa man nakapagsasalita si Sheena. Kaya nahinuha ng dalaga na sinabi na rito ni Eman ang kaniyang balak. "Hindi ka pwedeng tumiwalag sa grupo. Maraming kliyente ang maghahanap sa iyo na ikaw lang ang gusto. Higit sa lahat, masyado ka nang maraming nalalaman. Hindi ako naniniwalang hindi mo ako ilalaglag." "Ano ka ba, Rambo? Matagal-tagal din ang pinagsamahan natin. Malaki ang utang na loob ko sa iyo. Hindi ko magagawang traydurin ka. Kaya nga ako nandito para magpaalam nang maayos," tugon ni Sheena. "Hindi ako naniniwalang aalis ka lang sa simpleng dahilan na gusto mong magbagong-buhay. Ano iyon, sa isang kisap-mata, napagtanto mo na mali ang ginagawa mo? Una pa lang, Sheena, alam mo na kung ano ang pinasok mo. Bago ka pumasok dito, binalaan kita. Pero nagpumilit ka. Kaya pasensya ka na kung hindi ako papayag na umalis ka." "M-may pera ako," napilitang wika ni Sheena. Wala na siyang ibang maisip na paraan upang pakawalan siya ni Rambo. Nagsalubong ang mga kilay ni Rambo. "Anong pera?" anito. "B-bibigyan kita. Sapat na ba ang isang milyon kapalit ng kalayaan ko?" Napatayo si Rambo sa narinig. "Isang milyon? At saan ka naman nakakuha ng ganoong kalaking pera?" anito. "Hindi ko pwedeng sabihin sa iyo. Pero ibibigay ko ang isang milyon sa iyo, pumayag ka lang na umalis ako," tugon ni Sheena. Napasinghap siya nang bigla na lamang hawakan ni Rambo ang magkabilang palimugmugan niya. "Huwag mo akong ginagago, Sheena. Sabihin mo sa akin ang tunay na dahilan kung bakit ka titiwalag sa grupo at kung saan galing ang perang sinasabi mo," mariing wika ni Rambo. "Hindi ko nga pwedeng sabihin. Ba't hindi mo na lang tanggapin ang inaalok ko?" "Ginagamit mo ba ang kokote mo, Sheena? Sa sinabi mo ngayon, mas binigyan mo ako ng dahilan para hindi ka pakawalan." Nanlaki ang mga mata ni Sheena. "Dalawang milyon!" bulalas niya. "May dalawang milyon ako. Kunin natin. Nasa bahay. Sa iyo na lahat ng perang hawak ko, hayaan mo lang akong umalis," pagmamakaawa niya. "Parang awa mo na." Naningkit ang mga mata ni Rambo. Kasunod niyon ang pagbunot ng baril na nakasukbit sa tagiliran nito. Kapwa sila napatingin sa pintuan ng opisina ni Rambo nang bigla iyong bumukas. Iniluwa niyon ang limang armadong lalaki. "Subukan mong itutok ang baril na iyan kay Sheena. Mauuna kang bumulagta sa lupa," anang boses. Kaagad iyong nakilala ni Sheena. Boses iyon ni Wisley Buenaventura. At hindi nga siya nagkamali. Binigyang daan ng anim na lalaki si Wisley at tuluyan na itong pumasok sa opisina ni Rambo. "Sino ka?" tanong ni Rambo. Kahit na matigas ang boses ay mahahalata pa rin ang kaba nito. Umiling-iling si Wisley. "Tsk! Tsk! Tsk!" aniya. "Negosyante ka pa man din, Rambo. Pero hindi ka marunong kumilatis ng magandang alok. Isang milyon, tatanggihan mo? Tapos, ginawang dalawang milyon, gano'n pa rin. Wrong move. Dahil sa ginawa mo, maski piso, wala kang makukuha." Tinitigan nito nang matalim si Rambo. "Bitawan mo na si Sheena at palayain mo na siya. Kung papalag ka, hindi ka na makakalabas pa sa lungga mong ito nang buhay. Huwag ka nang umasang sasaklolohan ka ng mga tauhan mo. Sinalubong na sila ni San Pedro." "P*tang*ina!" bulalas ni Rambo. Itututok sana nito ang baril kay Wisley ngunit bago niya pa man maiangat ang kamay ay bumulagta na siya sa semento. Napakabilis ng mga pangyayari na natulala na lamang si Sheena. Naramdaman niya na lamang na ineskortihan siya ng mga tauhan ni Wisley palabas sa office ni Rambo. Nakita niya rin ang mga duguan at walang buhay na katawan ng mga kasama niya pati na si Eman. Nang tuluyan na silang makalabas sa hideout na iyon ay saka lamang pumasok sa kaniyang sistema ang mga nangyari. Bigla siyang nanginig at tumulo nang masagana ang kaniyang mga luha. "B-bakit mo sila pinatay?" tanong niya kay Wisley. "Huwag mo na silang problemahin. Hindi naman ikaw ang pumatay sa kanila kaya wala kang kasalanan. Sa tingin mo ba, bubuhayin ka nila kung pinilit mong umalis sa kanilang grupo? Pagkatapos mong ibigay ang pera sa kanila, ililigpit ka rin nila. Maniwala ka sa akin. Alam ko ang kalakaran sa mga ganitong samahan," tugon ni Wisley. "At isipin mo na lang na ang nangyari ngayon ay karagdagang pagpapakilala ko sa iyo para alam mo kung sino ang babanggain mo sa oras na umatras ka sa pinag-usapan natin." Napalunok si Sheena. "Hindi ako aatras sa usapan natin. Kahit bawiin mo ang pera, wala akong pakialam. Tinanggihan ko nga iyon, eh. Ipaghihiganti ko ang ate ko at pagdudusahin ko si Andrew Santillan, tulungan mo man ako o hindi." "I'm not going to help you, Sheena. I just offered you money dahil akala ko ay hayok ka sa pera. Pero nagkamali ako. If I am of help to you, wala akong ibang maitutulong kundi iyong naibigay kong mga impormasyon sa iyo. You're on your own, but I'll be watching you. Closely." "Bakit hindi mo na lang patayin si Andrew Santillan?" biglang wika ni Sheena. "Mas madali iyon, 'di ba? Nakita ko kung paano ninyo pinatay ang mga kasamahan ko. Daig pa nila ang baboy sa ginawa ninyo." "You said it, Sheena. Madali. And I don't want it to be easy for him. Bibigyan ko lang siya ng pabor kapag pinatay ko siya kaagad. Ang gusto ko, gumapang siya sa lusak hanggang siya na mismo ang manalangin sa Diyos na mamatay siya. Or better yet, siya na mismo ang pumatay sa sarili niya. Ayaw mo ba no'n? Magiging pareho ang kapalaran nila ng ate mo. Sa paraan na iyon, mabibigyan mo ng hustisya ang pagkawala ng iyong kapatid." Hindi umimik si Sheena. "I'm giving you the opportunity to get the justice that you seek. Huwag mong sayangin. At huwag na huwag mong kakaladkarin ang pangalan ko sa oras na nagipit ka. Kung hindi, alam mo na kung ano ang mangyayari sa iyo," babala niya sa dalaga. Iyon lamang at iniwan na ni Wisley si Sheena. Nagmamadaling umuwi si Sheena sa kaniyang bahay upang mag-impake at umalis. Alam niyang madidiskubre ng mga pulis ang nangyari sa mga kasamahan niya at ayaw niyang madawit sa ano mang paraan. Kailangan niyang makalayo ano man ang mangyari. At higit sa lahat, kailangang maituloy niya ang planong paghihiganti kay Andrew Santillan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD