NABASAG ang katahimikang nakapaikot sa kaniya nang makarinig siya ng sigaw ng isang babae mula sa ibaba, hindi lamang basta sigaw iyon sapagkat pinapaalam niyon ang takot ng sumigaw. Tanging siya lamang ang nakarinig, hindi iyon sumuksok sa tainga ni Dermot sa pagkatulog nito nang nakaupo sa mahabang silyang pahingahan. Nakasandig ang ulo nito sa mataas na sandigan. Mabilis namang nawala ang sigaw kasing bilis ng pagkarinig niya rito na para bang napadaan lang na hangin. Dahil dito umalis siya ng kaniyang kinauupuan sa tabi ng binatang prinsipe kapagkuwan ay lumapit sa pinakadulo ng bakuran. Mula rito ay natatanaw niya ang sentro ng bayan kung saan nagkatipon ang mga taong bayan, nakatayo lamang ang mga ito habang nakapaikot ang mga kalalakihang alagad ni Urtun hawak ang mga tulos. Nadagda

