Chapter 4 - He Is My Boyfriend?

1263 Words
NGUNIT ang sumunod na dalawang tugtugin ay hindi si Richard ang nakipagsayaw sa kanya dahil mga estudyante ng Civil Engineering at Electrical Engineering ang magkasunod na tinawag ng emcee. Pagkatapos nito ay saka pa lang tinawag ang mga estudyante ng Mechanical Engineering. Nagsisimula pa lang ang tugtog ay may isang estudyante nang lumapit sa kanya. "Miss, puwede bang sumayaw tayong dalawa?" tanong ng lalaking nakatayo sa harapan ni Isabella. May inaabot itong pulang rosas sa kanya. Sandaling natigilan siya. Kung tatanggapin niya ang bulaklak ay kailangan niyang makipagsayaw dito. Ngunit ibang lalaki ang gusto niyang makipagsayaw sa kanya. Ang problema lang ay mukhang hindi naman darating ang lalaking hinihintay niya. Nang mapatingin siya sa dance floor ay napansin niyang nagsisimula nang dumami ang mga magkakaparehang naroon. Sinubukan niyang hagilapin si Richard sa puwesto ng mga Mechanical Engineering ngunit wala nang nakaupo roon. Saan nagpunta ang lalaking iyon? May isinayaw ba itong iba? Napatingin siya sa lalaking nasa harapan niya. Guwapo naman ito at mestizo pa. Mas maliit nga lang ito kumpara kay Richard. "Miss, puwede ba?" muling tanong ng lalaki. Napa-buntonghininga siya. Akmang tatanggapin na niya ang bulaklak nang bigla na lang may sumingit sa harapan niya. "Isabella, puwede bang sa akin ka na lang makipagsayaw?" humihingal na sabi ni Richard. Uh-oh! Nagpalipat-lipat ang tingin niya sa dalawang lalaki. Gusto niyang sumama kay Richard ngunit nahihiya naman siyang tanggihan ang lalaking naunang lumapit sa kanya. Kinakabahan pa siya na baka mag-away ang dalawang lalaki dahil sa kanya. Anong gagawin niya ngayon? "Pare, baka puwedeng ako na lang ang makipagsayaw sa kanya? Tutal naman girlfriend ko siya," biglang sabi ni Richard. Ano daw? Tama ba ang narinig niya? Ano bang kalokohan ang pinagsasabi ni Richard? Lasing ba ito o bangag? "Gano'n ba? Pare, sorry, ha? akala ko kasi available siya. Pasensiya na," apologetic na sambit ng lalaki. Bago pa siya makapag-react ay umalis na ito. Naramdaman niyang siniko siya ni Jade. Ngunit hindi niya ito pinansin. Nakatuon ang atensyon niya kay Richard. Pinandidilatan niya ito. Hindi talaga siya makapaniwala sa sinabi nito. Pero sigurado siya na hindi ito seryoso sa sinasabi nito. Nakakainis lang kasi kung makapagbiro naman ang lalaking ito ay parang walang pakialam kung masasaktan siya o hindi. "Totoo bang boyfriend mo na ang lalaking iyan?" pabulong na tanong ni Katherine. Bigla siyang napalingon dito. Tinaasan niya ito ng kilay saka marahang umiling. "Babe, halika na. Sayaw na tayo." Seryoso ang mukhang napatingin siya kay Richard. Nakangisi ito habang inaabot nito sa kanya ang tatlong pulang rosas. Gustung-gusto niyang burahin ang nakakalokong ngiti sa mukha ng binata. Pumasok din sa isip niya na huwag na lang tanggapin ang ibinibigay nitong bulaklak upang hindi na siya maisayaw pa nito. Ngunit agad din na nagbago ang isip niya nang maalala ang binitawang pangako sa binata. "Thank you," walang kangiti-ngiting sabi niya nang tanggapin ang bulaklak mula kay Richard. Ibinaba niya ito sa tabi ng kanyang shoulder bag kasama ng iba pang bulaklak na tinanggap niya. Pagkatapos ay tumayo siya at nauna nang lumakad patungo sa dance floor. Maliliit lang ang hakbang niya ay hindi nagtagal nasa tabi na niya ang binata. "Bakit mo sinabing girlfriend mo ako? Ano bang nakain mo at nagtahi ka ng kasinungalingan?" nagngingitngit niyang tanong kay Richard. Gusto na niyang sakalin ang binata. Ngunit ipinirmi na lang niya ang mga kamay sa balikat nito at nagkasya na lang sa mahigpit na paghawak sa kuwelyo ng binata. "Huwag ka nang magalit. Gusto ko lang naman na mapaalis si Alfred. Hindi ko kasi gustong isayaw ka niya," mahinahong tugon ni Richard. "At bakit ayaw mo naman akong maisayaw ng Alfred na iyon? Hindi kita boyfriend at hindi mo rin ako girlfriend. Wala tayong relasyon, ano? Nag-iilusyon ka lang," pagalit niyang sabi. "I don't think so. You will be my girl soon. That I can promise you," nakakaloko ang ngiting sabi nito. Parang napaso ang kanyang mga kamay kaya bigla na lang siyang bumitiw sa pagkakahawak sa kuwelyo ni Richard. Wala sa sariling ibinaba niya sa kanyang tagiliran ang mga kamay. Naramdaman naman niya ang biglang paghigpit ng pagkakahawak ng binata sa kanyang beywang. Ilang sandaling nakatitig lang siya sa guwapong mukha ng binata. Hindi niya malaman kung paano magre-react sa sinabi nito. Hindi niya inaasahan ang sumunod na ginawa ni Richard. Bigla na lang siya nitong hinila palapit sa katawan nito na naging dahilan para magdikit ang kanilang katawan. Awtomatikong napahawak siya sa matipunong dibdib nito upang ilayo ang katawan dito. Ngunit lalo naman niyang naramdaman ang unti-unting pagdaloy ng kakaibang kuryente sa buong katawan niya. Nang magtama ang paningin nila ni Richard ay tuluyan na siyang hindi makagalaw. Para siyang nasa ilalim ng hipnotismo dahil hindi niya kayang umiwas sa mga titig ng binata. Ni kumurap, yumuko o tumingin sa iba ay hindi niya magawa. "Babe, wala ka bang sasabihin?" mahina at halos pabulong na tanong ni Richard. Hinawakan ng binata ang kamay niyang nakapatong sa dibdib nito at inilipat sa balikat nito. Napalunok siya nang wala sa oras. "N-nagbibiro ka l-lang, Richard." Mabuti na lang at may naisagot pa siya. Akala niya ay wala nang tinig ang lalabas mula sa lalamunan niya. "No, I'm serious. Hindi ako nagbibiro." Nang titigan niyang mabuti ang mga mata nito ay nabasa niya ang katotohanan ng sinabi nito. Napapikit siya. Gusto niyang isipin na panaginip lang ang lahat ng ito, na hindi totoong may isang lalaking katulad ni Richard na seseryosohin siya. Mula pa pagkabata niya ay iniiwasan na siya ng mga kalalakihan. Lahat sila ay takot sa tatlong nakakatandang kapatid niyang lalaki na pare-parehong martial arts expert. Nang makatuntong siya sa SMU noong isang taon ay may mga ilang lalaking nagtangkang makipaglapit sa kanya. Ngunit agad din na umiwas oras na malamang siya ay isang taekwondo jin. Kaya hindi pa niya naranasang magka-boyfriend o maligawan man lang. Kinakabahan siya sa magiging reaction ni Richard kapag malaman nito ang totoo niyang pagkatao. "Babe, open your eyes, please," pabulong na sabi ni Richard. Napilitan siyang magbukas ng mata. Titig na titig sa kanya si Richard. "May nagmamay-ari na ba ng iyong puso? O ayaw mo lang talaga akong maging boyfriend? Kaya ayaw mong tumingin ng diretso sa akin." Umiling siya. "Hindi mo pa ako kilala. Baka magbago ang isip mo kapag nalaman mo kung sino talaga ako," paliwanag niya. "Why should I do that? May itinatago ka bang sikreto? May dapat ba akong ikatakot sa iyo?" "Miyembro ako ng University Taekwondo Team. Varsity player na ako noong nakaraang taon pa," dire-diretsong sabi niya. Mabuti nang sabihin niya ito nang maaga. Bahala na kung matatakot si Richard sa kanya. Bahala na kung lalayuan din siya nito tulad nang ginawa ng naunang iba pa. Tumaas ang isang sulok ng bibig ni Richard. "At sa tingin mo matatakot ako sa sinabi mo? You're wrong, babe. Hindi ako naniniwalang kaya mo akong saktan. " Tiningnan siya nito mula ulo hanggang paa. "Mas matangkad ako at mas malaki ang katawan ko kaysa sa iyo. Kaya bakit ako matatakot sa iyo kahit ikaw pa ang pinakamagaling na taekwondo jin ng SMU." Uh-oh! Hindi ba ito naniniwala sa sinabi niya? Hinampas niya nang malakas ang dibdib nito. "Hindi ka takot sa akin? Alam mo bang kaya kitang patumbahin sa iilang moves lang?" Napangisi ito. "Don't threaten me, babe. If you can, then just do it." A-ah! Yabang naman nito! First time niyang maka-encounter ng lalaking hindi natakot sa mga pinagsasabi niya. Sa halip ay hinahamon pa siya nito. "Hindi ito ang tamang lugar para mapatunayan ko sa iyo na totoo ang sinasabi ko." Pagkasabi niya rito ay eksakto namang huminto ang tugtog.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD