7

1994 Words
NAG-AALANGANG nilapitan ni Cathellya si Seth. Nagkakasiyahan ang iba nilang mga kasama samantalang ito ay tahimik na nakaupo sa mahabang wooden swing. “Aalis ka na talaga?” Tinapik nito ang espasyo sa tabi nito at inudyukan siyang maupo. Tumalima siya.  Pagdating kay Seth ay palaging hindi siya sigurado ngunit palagi pa rin siyang lumalapit. Palagi pa rin niyang nais na mapalapit dito. “Pipigilan mo ba ako sa pag-alis?” seryosong tanong nito. Napalabi siya. “As if naman papipigil ka.” Ngumiti ito. “Malay mo? Bakit hindi mo i-try?” Umiling siya. “Wala naman akong karapatang pigilan ka. Alam ko ring gusto mong umalis. Ang sabi ni Lola, we have to explore the world. Find our place under the sun.” Nagkibit-balikat siya. “Ganoon talaga.” “Mami-miss mo ba ako?” “Hindi siguro gaano. Makikita ko pa naman sina Sean at Simon. Kamukha mo naman sila. Para pa rin kitang nakikita.” Alam ni Cathellya sa kanyang sarili na kasinungalingan iyon. Iba kapag si Seth. “Oo nga pero iba naman ako sa mga kapatid ko. Mas pogi ako.” “Mag-ingat ka do’n, ha?” Ngumisi ito. “Wow, concerned. Ang bait mo ngayon, ah.” Ngumiti siya. “Mami-miss kita. Pero mare-relieve rin ako. Wala nang tinik sa lalamunan ko,” pagbibiro niya. “Matatahimik ang buhay ko.” “Pero hindi magiging masaya kapag wala ako.” Inismiran niya ito. “Feeling mo naman nakasalalay sa `yo ang kaligayahan ko.” Ilang sandali bago ito nagsalita uli. “Wala akong pakialam kahit na kanino nakasalalay ang kaligayahan mo.” “Wala ka naman talagang pakialam, eh.” Hindi niya napigilan ang pag-alpas ng hinanakit sa tinig niya. “Basta maging masaya ka,” dagdag nito na tila wala itong narinig mula sa kanya. May dinukot ito sa bulsa nito. “Here.” Tinanggap niya ang isang maliit na kahon na ibinigay nito. “Ano `to?” “Buksan mo kaya para malaman mo.” Buong ingat na tinuklap niya ang makinang na silver wrapping paper. Natigilan siya nang bumungad sa kanya ang isang jewelry box. Sanay na siya sa pagbibigay nito ng mga regalo tuwing may okasyon, ngunit iyon ang unang pagkakataon na binigyan siya nito ng alahas. “H-hindi ko matatanggap ito,” aniya, sabay balik dito ng regalo. Hindi nito iyon tinanggap. “Hindi mo pa nga nakikita kung ano ang laman.” “Ano ba ang laman nito?” “Engagement ring,” sagot nito. Pinandilatan niya ito na ikinatawa nito. “Just open it. It’s not that expensive. Nahagip lang ng mga mata ko `yan kahapon sa mall. Naalala ko na wala pa pala akong graduation gift sa `yo.” Nakagat niya ang ibabang labi niya. “Wala pa rin akong graduation gift para sa `yo.” “Huwag mo nang alalahanin `yon. Buksan mo na `yan para malaman ko kung nagustuhan mo o hindi.” Binuksan ni Cathellya ang kahon. Napasinghap siya nang bumungad sa kanya ang magandang pares ng gintong hikaw. Hugis-cattleya iyon. “Nagustuhan mo?” tanong ni Seth sa kanya. “Halos katunog ng pangalan mo ang cattleya kaya naisipan kong bigyan ka niyan.” “Hindi mo naman kailangang mag-abala nang husto, Seth. Hindi naman—” “I’m not taking those back. Sa `yo na ang mga `yan. Please, don’t argue, okay? Paalis na ako kaya baka puwedeng `wag na muna tayong mag-away?” Tama ito. “Maraming salamat. Babawi na lang ako. Kapag nagkaroon na ako ng trabaho at kumikita na nang malaki, bibilhan din kita ng mamahaling regalo na magugustuhan mo.”  Pinisil nito ang ilong niya. “Mami-miss kita.” Ako rin. Sobra. NANLULUMONG umuwi si Cathellya sa kanilang bahay. Hindi siya natanggap sa in-apply-an niyang trabaho. Kung alam lang niya na hindi siya ang mapipili, sana ay sumama na lang siya kina Tita Antonina sa paghahatid kay Seth sa airport. Hindi na lang sana niya inuna ang pagpunta sa interview. Nakita at nakausap pa sana niya ito sa huling pagkakataon. Pagdating niya sa bahay, lalo siyang nanlumo dahil makalat na makalat ang paligid. Maaga siyang umalis kanina kaya hindi siya nakapaglinis. Umaapaw ang mga hugasin sa lababo. Naiinis na itinali niya ang kanyang buhok. Tila walang tao roon base sa katahimikan. Ang alam niya ay kasama ng kanyang ama si Isay dahil may bibisitahing kamag-anak ang mga ito. Malamang na nasa sugalan si Tiya Esther kasama si Eloisa na nalululong na rin sa sugal. Naluluha siya sa sobrang inis habang nililinis ang kaldero. Nagugutom na siya. Hindi siya nananghalian kanina upang may pampa-print siya ng resume niya. Sawang-sawa na siya sa ganoong buhay. Pakiramdam niya ay hindi na siya tatagal. Pinahid niya ang mga luha nang marinig niyang bumukas ang pinto ng bahay. “Cath! May pagkain na ba?” Tinig iyon ni Elsie. Huminga siya nang malalim. “Magsasaing pa lang ako.” Binuksan niya ang lalagyan nila ng bigas at tila nais niyang umiyak. Kakaunti na lang ang bigas nila, wala pa yatang isang gatang. Paano iyon magkakasya sa kanilang lahat? Regular silang pinapadalhan ni Kuya Dudes ng bigas mula sa hacienda at masyado nang umasa ang pamilya niya sa bigay kaya hindi na naiisipang bumili ng mga ito. Masyado nang iniasa ng mga ito ang kanilang buhay sa mga Castañeda. Sobra na. Hindi na dapat. Pumasok sa loob ng kusina si Elsie. “Magluluto ka pa lang? Anong oras na? Gutom na gutom na `ko.” “Kauuwi ko rin lang,” aniya pagkatapos maisalang sa kalan ang kaldero. Kaagad niyang hinarap ang mga hugasin. Maigi nang may ginagawa ang kamay niya upang hindi tuluyang mapigtas ang manipis na tali ng pasensiya niya. “Kung saan-saan ka kasi nagpupunta.” “Naghanap ako ng trabaho.” “Wow, ang yabang. Por que college graduate ka, ganyan ka na magsalita, ha. Natanggap ka naman? Malamang na hindi. Aanga-anga ka kasi, eh. Sino ang tatanggap sa `yo?” Hindi na niya napigilan ang biglang pag-ahon ng matinding galit sa dibdib niya. Hinarap niya ito. “Kung wala kang ibang sa—” Bigla siyang natigil sa pagsasalita nang mapansin ang suot-suot nitong hikaw. “Bakit mo suot `yang hikaw ko? Paano mo nakuha `yan?” Sigurado siya na naitago niya iyong maigi upang hindi makuha ng mga ito. “Ano’ng pinagsasasabi mo diyan?” Napahawak ito sa gintong hikaw na nakasuot sa tainga nito. “Akin `to. Huwag kang magbibintang diyan.” Nagawa pa nitong ngumiti nang nakaloloko. Tila sinasabi ng mga mata nitong wala na siyang magagawa, inangkin na nito ang pares ng hikaw na ibinigay sa kanya ni Seth. “Paano ka naman magkakaroon ng ganito, aber?” Nagtagis ang kanyang mga bagang. Hindi siya papayag. Kung hinayaan niya itong agawin ang mga manyika at damit niya na ibinibigay sa kanya ni Tita Antonina noon, hindi na sa pagkakataong ito. Hindi ang hikaw niya. Masyado iyong importante para sa kanya. “Ibalik mo sa `kin `yan. Akin `yan,” aniya habang palapit kay Elsie. Ramdam niya ang paglagablab ng galit sa buong pagkatao niya. “Ibalik mo, ngayon na!” Itinulak siya nito palayo. “Akin `to! Ang kapal ng mukha mong angkinin ang hindi naman sa `yo.” “Akin `yan!” singhal niya. Hinding-hindi siya papayag na hindi niya mabawi ang hikaw. Masyado iyong espesyal upang basta na lang niya pakawalan. “Ibalik mo na sa `kin `yan.” Sinampal siya nito. “Kung hindi ay, ano? Ano, lalaban ka na? Sige, subukan mo. Ewan ko lang kung hindi ka palayasin ni Papa rito. Sampid ka lang, Cathellya! Sampid! Kinuwartahan lang ni Tatay ang mga Castañeda. Hindi ka naman niya totoong mahal.” Ginantihan niya ito ng sampal. Halos hindi niya mapaniwalaan na nagawa niya iyon. Kahit na anong p*******t ng mga ito sa kanya, pisikal man o verbal abuse, hindi siya gumanti o umimik man lang. Inisip na lang niya ang kanyang ama na naiipit sa kanila. Inisip niya na kahit paano ay may utang-na-loob pa rin siya sa mga ito dahil pinatuloy siya ng mga ito roon. Ipinapaalala niya sa sarili na kahit pagbali-baligtarin ang mundo, kahit na gaano kasama ang turing ng mga ito sa kanya, kapatid pa rin niya ito. Hinayaan niya itong kunin ang mga manyika niya dahil ang sabi ng tatay niya ay hindi nito kayang bilhan ang mga kapatid ng ganoon. Dahil naranasan din niyang walang magandang laruan at alam niya ang pakiramdam, hinayaan na niya sa mga ito ang mga laruan niya. Ganoon din sa magagandang bestidang inireregalo sa kanya ni Tita Antonina at Lola Ancia. Ngunit hindi niya ipauubaya ang hikaw na ibinigay ni Seth. Hindi niya kayang mawala iyon sa kanya. Hindi na puwede. Makasarili na siya kung makasarili. Madamot na kung madamot. Sobra-sobra na ang pagtitiis niya.  Nanlaki ang mga mata ni Elsie habang sapo ang nasaktan nitong pisngi. Tila hindi rin nito mapaniwalaan na nagawa niya itong saktan. Nanlisik ang mga mata nito at kaagad na dinaklot ang buhok niya. “Walanghiya kang sampid ka!” Dinaklot din niya ang buhok nito. Gaganti na siya sa bawat p*******t nito. “Ibalik mo sa `kin ang hikaw ko!” “Ano ang nangyayari dito?!” Pareho silang natigilan ni Elsie at napatingin sa bungad na kusina. Naroon si Tiya Esther kasama si Eloisa. Kaagad na lumapit si Elsie sa ina nito. “Mama, itong si Cathellya kasi. Para hinihiram lang itong hikaw niya, nagalit kaagad. Sinampal niya ako at sinabunutan,” pagsusumbong nito. Hindi na siya umimik dahil alam naman niyang si Elsie lang ang pakikinggan ni Tiya Esther. Hindi siya nito kakampihan. Nanlisik ang mga mata nito. Bago pa man siya makaiwas ay nasampal na siya nito. Nahagip ng ilong niya ang amoy ng alak. “Ang kapal ng mukha mong saktan ang anak ko!” Muli siya nitong sinampal. “Sige, tingnan natin ang tapang mo ngayon.” Halos maalis ang lahat ng buhok niya sa anit sa paraan ng pagkakasabunot nito. “Tingnan natin kung hindi ka magtanda ngayon.” Halos hindi niya namalayan ang mga sumunod na pangyayari. Halos hindi na siya makahinga sa sakit na ininda niya. Sinubukan niyang lumaban hanggang makakaya niya ngunit walang panama ang lakas niya sa tatlong babaeng walang ibang nasa isip kundi ang saktan siya—patayin siya. Umiyak siya ngunit hindi siya nagmakaawa sa mga ito. Ang tanging nais niya ay makuha ang hikaw niya ngunit hindi na yata niya kaya. Nang hindi na niya kayang tiisin ang lahat ay hinayaan niyang lamunin siya ng kadiliman. UNTI-UNTING dumilat si Cathellya. Gising na siya? Buhay pa ba siya? Nasaan siya? Bakit pulos puti ang nakikita niya?  Hindi niya alam kung bakit nagising pa siya. Sandali niyang pinakiramdaman ang sarili. Wala siyang maramdaman. Hindi nga niya maramdaman ang katawan niya. “Cath? She’s awake. Oh, thank God!” Nagsalubong ang mga kilay niya nang marinig ang pamilyar na tinig na iyon. Hinanap niya ang pinanggagalingan niyon. “S-Seth?” ungol niya kahit na masakit ang kanyang lalamunan. Naramdaman niyang may humalik sa noo niya. “It’s Sean, baby girl.” Napahikbi siya. Gusto niyang makita si Seth! Si Seth ang gusto niya. “Sshh... baby, don’t cry,” anang isa pang tinig. Ilang sandali muna ang lumipas bago rumehistro sa isip niya na tinig iyon ni Tita Antonina. “I’m here, darling. I’m here. Wala nang makakapanakit sa `yo. I promise you, you’ll be safe. Poprotektahan ka ni Mommy.” Patuloy siya sa pag-iyak. Nagbalik sa isip niya ang lahat ng nangyari. Ang hikaw niya. Hindi pa niya nababawi ang hikaw niya! “Hush, darling. It’s okay,” banayad na bulong ni Tita Antonina. Kung ano-ano pang banayad at masuyong salita ang mga sinabi nito ngunit hindi sapat iyon upang mapakalma siya. May lalaking nakaputi na lumapit sa kanya at may itinurok sa IV line niya. Hindi niya alam kung ano ang nangyari. Basta unti-unti na naman siyang tinangay ng karimlan at nagpatangay naman siya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD