“BAKIT ganyan ang mga hitsura n’yo? Mukha kayong mga batang-kalye!”
Nginitian ni Cathellya si Tita Antonina, ang ina ng triplets. Nanlalaki ang mga mata nito habang nakatingin sa kanilang apat. Naglaro kasi sila sa labas ng bahay.
Paglapit nito sa kanila ay nagusot ang ilong nito. Ang ganda-ganda pa rin nito kahit na medyo lukot ang mukha. Malayong-malayo ito sa nanay ng mga kalaro niya sa dati nilang baryo. Ang tingin niya kay Tita Antonina ay beauty queen kagaya ng napanood niya sa TV noong isang araw.
“Amoy-araw na kayo,” sabi nito sa kanila. Isa-isa nitong sinalat ang likuran nila. “Basang-basa kayo ng pawis. Ang dudungis n’yo. Hala, kumain muna kayo bago tayo maligo. Nakahanda na ang merienda. Maghugas kayong maigi ng mga kamay. Huwag tatakbo, hindi naman aalis ang pagkain.”
Nagmamadaling tinungo nila ang maliit na dining room. Masarap na bibingka ang merienda. Masaya siya na doon na siya nakatira ngayon. Hindi lang dahil palaging may pagkain at hindi na niya kailangang mag-alala kung may kakainin pa siya sa susunod na araw. Hindi rin dahil nakakapaglaro siya hanggang sa gusto niya. Hindi na niya kailangang magsaing o gumawa sa bahay dahil may mga gumagawa na niyon. Masaya siya dahil hindi siya nag-iisa. Masaya siya dahil inaalagaan siya roon. Masaya siya dahil may mga kaibigan na siya. Masaya siya dahil masayang kasama ang mga tao roon.
Pagkakain ay inakay na ni Tita Antonina ang mga anak nito para paliguan. Siya ay tinungo ang silid niya at binuksan ang TV. Kung hindi siya naglalaro sa labas ay nanonood siya ng TV. Wala silang TV ng lola niya kaya minsan ay nakikinood lang siya sa kapitbahay. Minsan ay pinagsasarhan siya ng bintana kaya hindi siya nakakanood. Sa bahay na iyon, pinapayagan siyang manood ng TV hanggang alas-nuwebe ng gabi. Lubusin na raw niya sabi ni Lola Ancia dahil kapag pasukan na ay lilimitahan na nito ang panonood niya ng TV. Excited na siyang makapag-aral muli.
Tutok na tutok ang mga mata niya sa telebisyon nang bumukas ang pinto at pumasok sa loob si Tita Antonina. Nginitian siya nito. “Ligo na tayo?” tanong nito habang naglalabas ng malaking tuwalya sa cabinet.
Nagsalubong ang mga kilay niya. “Mamaya na po.”
“No. Ngayon na. Amoy-pawis ka na. Girl ka, hindi ka puwedeng bumaho. `Lika na. Mamaya na uli ang TV.” Hinawakan nito ang kamay niya at inakay siya patungo sa banyo. Nais sana niyang sabihin na tatapusin muna niya ang pinapanood pero alam niyang hindi ito papayag kaya sumunod na lang siya.
Matagal na mula nang paliguan siya ng lola niya. Mahina na kasi ito at minsan ay hindi na makabangon ng higaan. Kaya naman na niyang maligong mag-isa. Pero masarap pa rin pala sa pakiramdam na may nagpapaligo. Kinuskos nitong maigi ang katawan niya pero hindi siya nasaktan. Pagkaligo niya ay malinis na malinis at mabangong-mabango ang pakiramdam niya.
“Wala ka bang bestida?” tanong nito habang sinusuotan siya nito ng puting shorts at sando. Ganoon ang halos lahat ng damit niya.
“Meron po. Isa. Pero `di na kasya. Ibinigay po n’ong teacher ko sa `kin dati noong nag-i-school pa ako. Pinaglumaan ng anak niya pero maganda pa rin. Sayang nga po, hindi na kasya.”
Hinaplos nito ang buhok niya. “Sa Linggo, pupunta tayo sa mall. Bibili tayo ng mga bestida, sapatos, at headband. Dapat nag-aayos ka kahit na nasa bahay ka lang. Bibili rin tayo ng mga manyika na may bahay para hindi ka palaging nasa arawan.” Inabot nito ang suklay at kinandong siya. “Pagupitan natin itong buhok mo, masyado nang mahaba. Palagyan din natin ng bangs. Gusto mo ba `yon?”
Sunod-sunod ang naging pagtango niya. Matagal na niyang gustong magkaroon ng manyika na may sariling bahay.
Hindi pa nito natatapos ang pagsusuklay sa kanya ay biglang bumukas ang pinto. Pumasok sa loob ng silid niya si Seth. Sigurado siyang ito si Seth. Nagkakamali siya kina Sean at Simon pero hindi kay Seth. Palagi ay kaya niya itong ituro at kilalanin.
“Seth!” bulalas ni Tita Antonina. “You’re dripping wet!”
May nakabalot na tuwalya rito ngunit tumutulo pa ang tubig sa katawan nito. Parang hindi naman ito nagpunas.
“Bihisan mo `ko, Mommy!” sabi nito habang hinihila-hila ang kamay ng ina nito.
“Sandali lang naman, anak. Tatapusin ko lang `to. Huwag ka munang magulo.”
Lumabi ito. “Bilis na!”
“Opo. Wait lang. Kaya mo naman nang magbihis mag-isa kasi big boy ka na, hindi ba? Bakit hindi ka nagbihis?”
Lalong umusli ang mga labi nito. “Gusto ko ikaw! Bakit si Cath, pinaliguan mo at binihisan? Big girl na rin naman siya. Kaya na niyang maligo mag-isa at magbihis.”
Nilagyan ni Tita Antonina ng polbo ang likod niya. “Kasi girl siya.”
Binelatan niya si Seth. Naiinis siya minsan dito dahil parang hindi siya nito gusto. Palagi siya nitong kinokontra at binabara. Palagi silang magkalaban sa mga laro. Kapag natatalo niya ito ay pinipikon siya nito. Minsan nga ay napaiyak siya nito dahil ang sabi nito ay wala siyang mommy at daddy. Natigil lang siya sa pag-iyak nang awayin din ito nina Sean at Simon dahil doon.
“Ah, basta! Mommy! Tara na!”
“Okay! Okay!” Binalingan siya ni Tita Antonina. “`Nood ka munang TV. Mamaya mag-aaral tayo, ha?”
Nakangiting tumango siya. Hindi na niya gaanong pinansin si Seth. Kung ayaw nito sa kanya, ayaw rin niya rito. Tuwing hapon ay tinuturuan siya ni Tita Antonina na magbasa, magsulat, at magbilang. Minsan ay kasama niya ang triplets. Kapag nagkakamali siya ay pinagtatawanan siya nito kaya pinag-iigi niya ang pag-aaral.
“DO YOU like it here?”
Sunod-sunod ang naging pagtango ni Cathellya. Inilibot niya ang paningin sa loob ng magandang silid. Kulay-pink ang halos lahat ng mga gamit doon. May mga poste ang kama at mayroon pang magandang pink na kurtina. Parang sa prinsesa ang silid. Tila hinango iyon mula sa pahina ng isang fairy tale. Marami ring manyika at stuffed toys.
“Dito po talaga ako matutulog habang narito ako?” namimilog ang mga matang tanong niya. Wala talaga siyang masabi sa kabaitan nito.
“Yes. Mula ngayon, ito na ang kuwarto mo. Nagustuhan mo ba talaga? Baka may gusto kang ipabago o idagdag. Sabihin mo lang sa `kin, ha?”
Nagbakasyon siya sa Maynila at iginiit ni Tita Antonina na sa bahay ng mga ito siya tumuloy. Isang taon na siya sa pangangalaga ng mga Castañeda. Masayang-masaya siya sa piling ng mga ito. Hindi siya itinuring na iba ng mga ito.
Masaya siyang makarating sa Maynila. Namangha siya sa mga nagtatayugang gusali na nakita niya habang nasa sasakyan siya. Dati ay sa TV lang niya nakikita ang mga iyon. Masaya rin siyang muling makasama sina Sean at Simon. Hindi siya gaanong pinapansin ni Seth kaya hindi rin niya ito gaanong pinapansin. Tila hindi naman ito masayang makita siya.
“Sobrang okay na po `to sa `kin, Tita. Ang ganda-ganda po! Parang sa prinsesa na nga po, eh. Nilapitan niya ang malaking teddy bear—na mas malaki pa yata kaysa sa kanya—sa sulok ng silid at niyakap. “Akin din po ito?”
Nakangiting tumango ito. “Lahat ng narito ay sa `yo na.”
“Thank you, Tita! Ang dami-dami mo na pong ibinigay sa `kin. `Kakahiya na po.”
Nilapitan siya nito at tumingkayad para magpantay sila. “Cath, may itatanong sa `yo si Tita. Gusto kong maging honest ka, ha?”
“Honest po ako lagi. Sabi ni Lola Asuncion, masamang magsinungaling.”
“Gusto mo bang...” Tumikhim ito at tila biglang kinabahan. “Gusto mo bang maging parte ng pamilya namin?”
Nagsalubong ang munti niyang mga kilay. Hindi pa ba siya parte ng pamilya Castañeda?
“Gusto mo bang maging mommy ako, Cath? Gusto mo ba ng daddy saka mga kapatid?”
“Opo! Opo! Opo!” Niyakap niya ito nang mahigpit. Napatalon pa siya sa sobrang galak. Hindi lang niya gusto—gustong-gusto. Hindi na siya tutuksuhin ni Seth na walang mommy at daddy.