Nang makita ni Yuri si Aliah na nakatayo malapit sa babaeng sinagip nila kanina, pakiramdam niya ay may naalis na malaking tinik sa dibdib niya. Noong una, akala niya ay namamalikmata lang siya at baka epekto lang ng gutom ang nakikita niya.
Pero ngayong yakap-yakap na niya ito, sigurado siyang hindi lang iyon basta isang simpleng guni-guni. It was real. The heat that was emanating from her was surreal.
“I’m so sorry, Yuri. Pati ikaw nadamay dahil sa katigasan ng ulo ko. Sana nakinig—”
Hindi na niya hinayaang ipagpatuloy pa ng dalaga ang paninisi sa sarili. Sinaway niya ito sa pamamagitan ng pagtikhim. “Enough, Aliah. Hindi naman kita sinisisi. Ang totoo’y kasalanan ko rin naman kung bakit tayo umabot sa puntong ito. Kung tutuusin, kaya naman kitang pigilan sa pag-alis kanina, pero hindi ko ginawa…”
Gusto niya sanang idugtong na kaya niya ito hindi magawang salungatin sa kahit na anong gusto nito ay dahil natatakot siyang baka lumayo na naman ang loob nito sa kanya. Ayaw niyang maramdaman at isipin ng dalaga na hindi niya pinapahalagaan ang mga desisyon nito.
“Ang mahalaga ay ligtas ka. At ang kailangan nating gawin sa ngayon ay ang manatiling buhay hanggang sa may dumating na mga rescuers.”
“Exactly,” sabat ng kasamang lalaki ni Aliah na halatang masama ang timplada base na rin sa pagkakakunot ng noo nito.
Tila doon naman naaalala ng dalaga na ipakilala sila sa isa’t-isa. “Yuri, this is MJ. Isa rin siya sa mga pasaherong nakaligtas kanina. MJ, this is Yuri, a friend of mine.”
Tinanggap niya ang pakikipagkamay ng lalaki kahit na nga ba may pakiramdam siyang hindi bukal sa loob nito ang ginawang iyon. Well, wala rin naman itong ibang choice kundi ang pakisamahan silang mabuti dahil mayroon siyang means of survival.
Mabuti na lang ay hindi niya inalis sa katawan niya ang kanyang maliit na belt bag na naglalaman ng kutsilyo, lighter, at ilan pang maliliit na bagay na lagi ay dala-dala niya.
Maya-maya lang ay nagpaalam siyang mangunguha pa ng ilang dahon ng niyog na gagamitin nila para gawin nilang silungan at para na rin panangga kung sakali mang mayroong mga naglipanang mababangis na hayop sa islang iyon.
“Tutulungan na kita,” pagpiprisinta ni MJ na hindi rin naman niya inayawan dahil malaking tulong naman iyon lalo na at malapit nang kumagat ang dilim.
* * * * *
MAHIGIT tatlumpong minuto nang nakakaalis sina Yuri at MJ pero nanatiling tahimik ang dalagitang nasa tabi ni Aliah. Kibuin-dili siya nito at halos nakatanga lang sa kawalan. Kanina pa siya daldal nang daldal pero wala man lang itong reaksyon. Kaya sa halip na magmukha siyang tanga sa kasasalita ay namulot na lang siya ng mga maliliit na sanga na maaari nilang ipangsiga mamaya kapag tuluyan nang lumatag ang dilim.
Maigi rin na mayroon silang apoy dahil pananggalang daw iyon sa mga mababangis na hayop—tulad ng mga lobo—na kadalasang nagkukuta sa masusukal na lugar tulad ng islang pinagkakanlungan nila ngayon.
Mag-aalas-sais na nang makabalik sina Yuri. Bukod sa mga dahon ng niyog ay may bitbit ding iba’t-ibang prutas ang mga ito.
“May nakita kaming mga puno ng saging at mangga. Pwede na rin natin ‘tong pagtiyagaan sa ngayon. Bukas ay aakyat ako sa puno ng niyog para may mainom tayong buko juice,” anunsyo ni Yuri na bakas ang pag-asa sa boses. Maski siya ay nahahawa sa disposisyon ng binata.
Sa mga panahong katulad nito, dapat ay tatagan niya ang loob niya. Pasasaan ba at darating ang mga rescuers at makakabalik sila sa kani-kanilang tahanan.
“Ang mabuti pa ay ayusin na natin ang mga tutulugan natin at malapit nang dumilim nang husto,” saad ni MJ na kahit papaano ay medyo hindi na ilag sa kanila.
Gamit ang mga dahon ng niyog na kinolekta ng mga ito ay gumawa sila ng tila isang tent kung saan magkakasya silang apat. Ang hihigaan naman nila ay pinagpatong-patong na lantang dahon ng saging. Mabuti na rin iyon kaysa sa wala.
Pagkatapos gawin ang sisilungan nila ay nagkanya-kanyang pwesto sila sa palibot ng siga.
Nang iaabot na sana ni Aliah ang dalawang pirasong saging sa dalagitang kapansin-pansin ang pananahimik ay para siyang napaso nang lumapat ang palad niya sa kamay ng babae.
“Inaapoy siya ng lagnat!” natatarantang sabi niya sa mga kasama.
Mabilis na lumapit sa kanya si Yuri at sinalat sa noo ang dalagita. “Sh*t!” mura ng binata. Tumayo ito at nakita niyang tumakbo papunta sa may dagat. Pagbalik ng binata ay may bitbit na itong panyo. “Maigi na rin ito kaysa sa wala. Pahigain muna natin siya.”
Iyon nga ang ginawa nila. Pinahiga nila ang babae at saka ipinatong sa noo nito ang basang panyo.
“Hey, anong nararamdaman mo? May masakit ba sa’yo?” tanong ni Aliah sa dalaga.
Bagaman nahihirapan ay nagmulat pa rin ng mata ang babae at saka sinapo ang tiyan. “Ang baby ko. Baka may masamang mangyari sa baby ko.”
Natutop niya ang kanyang bibig nang mahinuha ang implikasyon ng sinabi nito. This girl is pregnant.
“Here, inumin mo muna ‘to para kahit papaano ay bumaba ang lagnat mo,” sabi ni Yuri na hindi niya alam kung saan kumuha ng gamot. Wala rin silang malinis na tubig kaya malamang ay laway lang ang maaaring ipanulak sa tableta.
Matapos lunukin ng babae ang gamot ay bumalik sila ni Yuri malapit sa siga.
“She’s pregnant. Kailangan natin siyang madala sa ospital, kung hindi ay baka kung anong mangyari sa kanya at sa baby niya,” sabi ni Aliah sa binata.
Naramdaman na lang niya na ginagap ni Yuri ang mga kamay niya. At doon lang niya napansin ang panginginig ng mga iyon.
“I know. But given our situation right now, wala tayong ibang magagawa kundi ang magdasal na sana ay may dumating nang mga rescuers na sasagip sa atin. Tatagan mo lang ang loob mo at makakaalis din tayo sa islang ito.”
Wala siyang ibang nagawa kundi ang tumango at panghawakan ang mga salita ng binata. Tahimik nilang kinain ang saging at mangga na nakuha ng mga ito kanina at siya na nilang hapunan para sa gabing iyon.
Gusto niyang mahabag sa sarili pero pinilit niyang huwag iyong ipakita kay Yuri. Ayaw niyang mag-alalang masyado ang binata sa kanya. Besides, siya rin naman ang may kasalanan kung bakit sila nasadlak sa ganoong sitwasyon.
Magkatabi silang natulog ni Yuri samantalang ang dalagang buntis naman ang katabi ni MJ.
At habang nakahiga sila ay hindi maiwasang mamangha ni Aliah sa kagandahan ng buwan na nakikita niya sa pagitan ng siwang ng mga dahon ng niyog. Payapa ang gabi. Bukod sa paghampas ng alon sa dalampasigan at huni ng mga panggabing insekto ay wala nang ibang maririnig sa islang iyon.
Nang bahagya siyang tumagilid ng puwesto ay nakita niyang titig na titig sa kanya si Yuri. Hindi bumubuka ang bibig ng binata pero para siyang kinakausap ng mga mata nito.
At nang hapitin siya ng binata papalapit sa katawan nito ay hindi na siya tumutol. In fact, mas lalo pa niyang isiniksik ang kanyang katawan papalapit sa katawan ni Yuri at doon ay payapa siyang nakatulog.