CHAPTER 5 - Pag-uwi ni Itay

1020 Words
Pag-uwi ni Itay NAKAALIS na ang tatay nila nang magising siya. Bumalik na raw ito sa trabaho. Naiintindihan naman niya. Araw pa lang ng Miyerkules kaya nga 'di na niya inasahang makakauwi ito lalo pa nga't kailangan ito sa trabaho. Umuwi lang ito para ipagdiwang ang graduation niya. Sa mga ganoong pagkakataon ay masasabi niyang mahalaga pa rin sila sa ama. Ang sama ng loob na nararamdaman niya para dito ay nagmistulang sugat na naghilom. Kahit paano'y nabigyan niya ng katwiran ang pagtitiis ng nanay nila. Kung magagawa lang nitong iwasan ang pagsusugal at pag-inom ng alak, siguro ay mapapayapa na ang loob nila. Magiging masaya na ang buhay nila. Gagaan na ang mabgat na pasanin ng nanay nila. Mahirapan man ang katawan sa pagtitinda ay hindi naman hirap ang kalooban. Manakit man ang mga braso at balakang, mga binti at paa, hindi naman ang damdamin. Naidalangin niyang sana'y magtuloy-tuloy na ang nararamdaman nilang tuwa. Nahihirapan din siyang dalhin sa dibdib ang sama ng loob para sa tatay nila. Masaya siya dahil napagaan nito ang dalahin niya. Masamang magalit sa magulang. Alam naman niya. Kaya lang ay 'di niya maiwasan lalo na kung nakikita niyang nasasaktan ang nanay nila. Bumalik ang respeto niya para sa ama na unti-unti nang nawawala. SABADO. Gaya ng dati ay nakahanda na siyang samahan ang ina sa pagtitinda. Masigla ang kilos ng nanay nila dahil uuwi ang tatay nila. Dalawang linggo itong 'di nakauwi dahil abala sa trabaho. Si Mang Tibo lang ang nagdadala ng sweldo nito. Pinasabi na isinama raw ito ng boss nila sa pag-angkat ng mga supply na gagamitin sa pabrika. At ngayong sabado nga ay inaasahang makauuwi na. Magkaminsan ay ikinatutuwa niya ang bagay na iyon. Hindi nag-aalala ang nanay nila, walang dapat pagsilbihan, at hindi nasasaktan dahil ang isang araw at ilang oras na dapat sana'y sinusulit nito para sa kanila ay inuubos lang nito sa labasan. Kung 'di sa sugalan ay nasa inuman kasama ng mga kabarkada na kadalasan ay nauuwi pa sa away. Nagagamit pa nilang puhunan ang pinadadala nitong sweldo 'di gaya kung umuuwi ito na nauubos lang sa sugal. Ngunit kahit papaano'y nasasabik rin sila. Lalo pa nga't naging masaya ang ilang oras na pagsasama-sama nila nang gumradweyt siya. Inaamin niyang nami-miss din niya ang kulitan nila. Masarap ang hapunang inihanda ng nanay nila nang gabing iyon. Piniritong tilapia at ginisang gulay. Nagluto pa ito ng pansit bihon na may kahalong canton na may maninipis na hiwa ng atay ng baboy at ilang pirasong hipon. Alam niyang paborito iyon ng tatay nila. "Ate Adela, kain na tayo. Gutom na kami ni Kuya Boboy." Bulong ni Neneng habang hawak ang tiyan. Nakatingin din sa kanya si Boboy. Hinihintay ang pagsang-ayon niya. Tinignan nya ang orasan sa dingding, mag aalas otso na ng gabi. Hindi nakapagtatakang mag-aya nang kumain ang mga kapatid niya. Tinignan niya ang nanay nila. Nasa tapat ito ng pintuan at abala sa paglilista at pagkukwenta ng mga paninda nila. Ngunit alam niyang kaya ito naroon ay hinihintay ang pagdating ng tatay nila. "Hintayin na natin ang tatay n'yo para makapaghapunan tayo nang sabay-sabay." Nakangiting sabi ng nanay nila kanina. Mag-aalas sais pa lang no'n. Dalawang oras na ang lumilipas ngunit wala pa rin ang tatay nila. Natapos na ng nanay nila ang ginagawa at naupo na sa harap ng bintana ay wala pa rin ito. Nilapitan na niya ang ina nang muling umungot ang mga kapatid niya. Gusto nang kumain ng mga ito. Nagugutom na. "Nay, 'di pa ba kayo nagugutom?" "Sige na. Mauna na kayo ng mga kapatid mo. Sabay na kami ng tatay n'yo." matamlay nitong tugon. "Iinitin ko lang ang ulam, nay. Tapos ay kumain na tayo. Kaunti lang muna ang kainin mo para pagdating ng itay masasabayan mo pa rin kumain." Nakangiti niyang sabi. Sinisikap itong kumbinsihin. Nang tumango ito ay mabilis niyang isinalang sa kalang de gaas ang kalderong may lamang gulay. Iinitin na rin niya ang pansit. Kapag ganoong madalian at mag-iinit lang ay iyon na ang ginagamit nila para mapadali. Madalas ay kalang de kusot lang ang gamit nila para matipid. Tapos na silang kumain ay wala pa ang tatay nila. Nakararamdam na rin ng inip ang mga kapatid niya. "Siguro ay nag-iinom ang tatay," sabi ni Neneng kay Ana. "Nagbabaraha 'yun," sabat ni Boboy. "Ssh. Huwag kayong maingay. Baka marinig tayo ni Nanay. Malulungkot na naman siya.Gusto n'yo ba 'yun?" saway ni Ana sa mga nakakabatang kapatid. Magkasabay namang umiling ang dalawa. Nangiti siya. Mababait ang mga kapatid niya. Kahit mga bata pa ay ganap na kung mag-isip. Malawak na kumpara sa mga batang kaedad, kumpara sa tatay nilang mas may edad. Inaalala ang mararamdaman ng nanay nila, at 'di gaya ng tatay nila. Naisip niyang mas mature pa yata sila kumpara sa ama. Malungkot niyang tinignan ang ina. Hindi niya napigilang muling magdamdam sa ama. "Nasaan na naman kaya ang itay? Sana umuwi muna siya para 'di magmukhang tanga sa kaaantay ang inay. Hindi naman mahirap makisuyo sa iba para makapagpasabi man lang kung nasaan siya at nang 'di nag-aalala ang nanay." Matagal nang nakahiga ay 'di pa rin siya makatulog. Masama na naman ang loob niya. Ang akala niya'y nagbago na ang tatay nila, na itutuloy na nito ang nasimulan. Kahit napuyat ay maaga pa rin siyang nagising. Sinilip niya ang ina sa tulugan nito. "Namili na ang nanay, nakatulog kaya siya?" Naitanong niya nang 'di na ito nakita sa higaan. Wala rin ang ama kaya nahulaan na niyang 'di pa rin ito umuuwi. Napabuntong-hininga na lang siya. Tapos na siya sa pang- umagang gawain nang dumating ang nanay nila kasama ang tatay nila. Bitbit nito ang bayong ng nakangiti nilang nanay. Nalaman niyang nitong umaga lang pala nakauwi ang tatay nila at sa halip na magpahinga ay sinamahan muna ang nanay nila sa palengke. Pinagalitan niya ang sarili. Agad niyang hinusgahan ang ama. Totoo man, o hindi ang sinabi ng nanay nila ay hindi na mahalaga. Ang importante'y masigla ang nanay nila. Gaya nang parating ginagawa, isinalansan na niya ang mga panindang ilalako habang inaasikaso naman ng nanay nila ang amang bagong dating.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD